2025
Ang Aking Landas Tungo sa Matiyagang Pagtitiis
Marso 2025


“Ang Aking Landas Tungo sa Matiyagang Pagtitiis,” Liahona, Mar. 2025.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Aking Landas Tungo sa Matiyagang Pagtitiis

Inisip ko kung bakit dapat akong maglingkod nang buong puso at kaluluwa kung maghahatid lamang ng mga pagsubok ang paggawa nito.

babaeng nakangiti

Larawan ng awtor na kuha ni Shaun Sutton

Nang umuwi ako sa dakong timog ng Pilipinas noong 2016 matapos magmisyon nang marangal sa hilagang Pilipinas, inasam kong makapag-aral sa Brigham Young University–Hawaii at maranasan ang lahat ng iba pang pakikipagsapalarang naghihintay sa mga young adult.

Gayunman, biglang nagsimulang mabawasan ang aking timbang. Natuklasan ng doktor ko na mayroon akong hyperthyroidism. Tinakot niya ako sa mga implikasyon kung hindi magagamot ang sakit.

Sa kabila ng panggagamot, nagsimulang magbago ang aking katawan. Unti-unting lumuwa ang mga mata ko, at pumayat ako nang husto. Iniwasan kong makuhanan ng retrato at kahit tumingin sa salamin dahil sa hitsura ko.

Unti-unting umepekto ang gamot. Pero makalipas ang tatlong taon, natuklasan na may pangalawa akong karamdaman—isang depressive disorder. Nawalan ako ng tiwala sa sarili dahil sa dalawang sakit na ito. Nahirapan akong bumangon sa higaan para pumasok sa eskuwela, at nadama ko na wala akong kakayahang maglingkod sa Simbahan.

Nagalit ako na hinayaan ng Diyos na mangyari ito. Inisip ko kung bakit dapat akong maglingkod nang buong puso at kaluluwa kung maghahatid lamang ng mga pagsubok ang paggawa nito? Gayunman, napanatag ako sa mga salitang ito ni Pangulong Jeffrey R. Holland, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mga isipang nagkalamat ay mapapagaling na katulad ng mga baling buto at durog na puso.” Napaiyak ako nang marinig ko ang mga salitang iyon. May lamat ang aking isipan na nangangailangan ng lunas.

Lumaki ako sa isang tahanang may pananampalataya, at nanatiling buo ang aking pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa kabila ng sakit at kawalang-katiyakan. Unti unti, tinanggap ko at nakasanayan ang bago kong kalagayan.

Ngayon, walong taon na ang lumipas, hindi na ako naaapektuhan ng aking mga karamdaman. Tinatanggap ko ang mga iyon bilang bahagi ng buhay. Dama ko na magaling na ako. Maaari akong maglingkod at mamuhay nang lubusan, bagama’t maaaring magpatuloy ang mga problema ko sa kalusugan habambuhay. Nalaman ko na ang matiyagang pagtitiis ay bahagi ng mortalidad (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:7–8). Natututuhan kong inumin ang aking mapait na saro at manatiling matatag.

Nagtatrabaho ako ngayon sa personnel department ng isang artificial intelligence company at kumukuha ng mga online class sa gabi mula sa Brigham Young University–Pathway Worldwide. Hindi na ako nagtanong ng “Bakit ako?” at nagsimula akong magtanong ng “Ano ang matututuhan ko? Paano ako makikinabang sa karanasang ito?”

Sa paggunita sa nakaraan, natanto ko na kasama ko ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa buong karanasang ito. Sa hinaharap, alam ko kung kanino ako maaaring magtiwala (tingnan sa Mga Kawikaan 3:5–6; 2 Nephi 4:34).