“Pinagkalooban ng Kapangyarihan mula sa Kaitaasan,” Liahona, Mar. 2025.
Mga Pananaw ng Kasaysayan Tungkol sa Bahay ng Panginoon
Pinagkalooban ng Kapangyarihan mula sa Kaitaasan
Tulad ng mga disipulo sa Bagong Tipan, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay pinangakuang pagkakalooban ng kapangyarihan mula sa Panginoon.
Noong tagsibol ng 1836, si Charles Rich ay isang missionary na ipinangangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa timog Ohio. Malamang na nadismaya siya pagdating niya sa Kirtland, Ohio, noong Abril 12—mga dalawang linggo matapos ang paglalaan ng Kirtland Temple.
Sumakay siya ng bapor at naglakbay sa kahabaan ng Ohio River at pagkatapos ay naglakad ng halos 100 milya (160 km). Nakita niya sa tuktok ng isang burol ang bahay ng Panginoon na may mga asul na pader at pulang bubong. Pero huli na siya. Hindi siya nakaabot sa paglalaan, ang taimtim na pagtitipon, at, naisip niya, ang ipinangakong kaloob na kapangyarihan mula sa kaitaasan.
Noong Setyembre 1830, ilang buwan lamang matapos itatag ang ipinanumbalik na Simbahan, tumanggap si Joseph Smith ng isang paghahayag mula kay Jesucristo na nananawagan sa mga miyembro ng Simbahan na magtipon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:7–8). Makalipas ang ilang buwan inihayag ng Panginoon ang dahilan. Ang mga Banal ay “pupunta sa Ohio,” kung saan, ipinahayag ni Jesus, “ibibigay ko sa [inyo] ang aking batas; at doon [kayo] ay pagkakalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan; at mula roon, sinuman ang naisin ko ay hahayo sa lahat ng bansa” (Doktrina at mga Tipan 38:32–33; idinagdag ang diin). Ang mga miyembro ng Simbahan na nakarinig sa paghahayag na ito ay malamang na napansin na ang pananalitang ito ay nagmumula sa Bagong Tipan.
Mga Disipulo sa Bagong Tipan na Pinagkalooban ng Kapangyarihan
Ang Lucas 24 ay nagsisimula sa isang sandali ng kawalang-pag asa. Naipako na sa krus si Jesus, at bumalik ang isang grupo ng Kanyang mga disipulong babae sa Kanyang libingan. Nalaman nila na may nagpagulong at nagbukas sa pintuang bato, at “hindi nila nakita ang bangkay ng Panginoong Jesus” (talata 3). Hindi nagtagal ay binigyan sila ng pag-asa ng mga sugong anghel: “Wala siya rito, kundi muling nabuhay” (talata 6).
Kalaunan, nagpakita ang nabuhay na mag-uling Panginoon sa Kanyang mga disipulo at nag-minister sa kanila. Ibinigay Niya sa kanila ang kinikilala ng mga Kristiyano sa buong mundo na “Dakilang Atas” na ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ipinaliwanag ni Jesus na “ipangaral ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa kanyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem” (talata 47).
Gayunman, iniutos Niya sa Kanyang mga disipulo na huwag lumisan kaagad: “Manatili kayo sa lunsod [ng Jerusalem], hanggang sa mabihisan kayo ng kapangyarihan galing sa itaas” (talata 49). Endued (o “endowed” sa modernong Ingles) ay isang pagsasalin ng salitang Griyego na nangangahulugang “bihisan.” Ang mga sinaunang disipulo ni Cristo ay maghihintay sa Jerusalem hanggang sa mabihisan sila ng kapangyarihan mula sa kaitaasan. Pagkatapos ay itatayo nila ang kaharian ng Diyos sa buong mundo.
Bago Siya umakyat sa langit, sinabi ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo, “Manatili kayo sa lunsod [ng Jerusalem], hanggang sa mabihisan kayo ng kapangyarihan galing sa itaas” (Lucas 24:49).
Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay Pinagkalooban ng Kapangyarihan
Nagtipon ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Ohio noong 1830s na may gayon ding hangarin. Inasam nilang “[mapag]kalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan” (Doktrina at mga Tipan 38:32) at dalhin ang mensahe ni Jesus sa buong mundo. Kalaunan, ipinahayag ng Panginoon na ang mga Banal ay “[dapat] tumanggap ng kanilang endowment mula sa itaas sa aking bahay” (Doktrina at mga Tipan 105:33, idinagdag ang diin; tingnan din sa mga talata 11–12). Magkagayunman, marami sa naunang mga Banal ang hindi alam kung ano talaga ang aasahan.
Hindi nagtagal matapos tawagin at iorden ang Korum ng Labindalawang Apostol noong 1835, kinausap sila ni Joseph Smith tungkol sa bahay ng Panginoon. Napansin ni Joseph na ang Labindalawa ay “nababalisa” at hindi maunawaan ang mangyayari. Ipinaliwanag niya na kailangan nila ang endowment upang “maging handa at makayang malagpasan ang lahat ng bagay” at maituro ang ebanghelyo nang may kapangyarihan. “Kapag kayo ay pinagkalooban,” paliwanag niya, ang mga Apostol ay “ipangangaral ang ebanghelyo sa lahat ng bansa, lahi, at wika.”
Hindi nagtagal, inihayag ni Joseph Smith ang mga seremonyang itinulad sa paglalaan ng mga sinaunang saserdote sa templo ng Israel. Bilang paghahanda sa endowment, bawat opisyal ng priesthood ay hinugasan at pinahiran ng langis “ng parehong uri ng langis at sa paraang katulad nina Moises at Aaron, at ng mga nakatayo sa harapan ng Panginoon noong unang panahon.”
Sa panahong ito, ang pagkakaloob ng kapangyarihan ay bumubuo sa isang malaking pagbubuhos ng espirituwal na kapangyarihan sa isang espesyal na taimtim na pagtitipon. Tulad ni Elijah Able—ang unang Black Seventy sa Simbahan—ang mga opisyal ng priesthood ay nag-ayuno, nanalangin, at kumain ng sakramento ng Hapunan ng Panginoon bilang pinagsaluhang pagkain. Sila ay nagpatotoo at nagpropesiya, at pinagkalooban sila ng Diyos ng kapangyarihan. Ang mga pinagkalooban noon ay nagsimulang itayo ang kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pangangaral ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Sa kabila ng oposisyon, pinrotektahan sila sa kanilang mga paglalakbay, tinulungan sa kanilang pangangaral, at pinagpala ang kanilang pamilya.
Sa Kirtland, mga lalaki lamang ang lumahok sa taimtim na pagtitipon kung saan pinagkalooban sila ng kapangyarihan mula sa kaitaasan. Gayunman, makalipas ang ilang taon, itinayo ng mga Banal ang Nauvoo Temple. Doon inihayag ni Joseph Smith ang mga seremonya sa templo na siyang pundasyon ng ating karanasan sa templo ngayon. Sa Nauvoo, ang kababaihan pati na rin ang kalalakihan ay pinagkalooban ng kapangyarihan.
Sa pagsasalita sa mga Relief Society sister, ipinangako ni Joseph Smith na sa temple endowment “ang mga susi ng kaharian” ay “ibibigay sa kanila,” katulad ng “sa mga Elder.” Bagama’t ilang dekada pa ang lumipas bago tinawag ang kababaihan bilang mga proselyting missionary, ang kababaihan at ang kanilang pagsisikap ay naging bahagi ng pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa.
Bagama’t hindi nakaabot si Charles Rich sa paglalaan ng Kirtland Temple, nalaman niya na mararanasan niya at ng ilang iba pang mga missionary na nahuling dumating sa Kirtland ang endowment. Ayon sa huwaran ng mga sinaunang saserdoteng Israelita (tingnan sa Exodo 29; 40), siya ay hinugasan at pinahiran ng langis. Nakitipon siya sa iba, na nag-aayuno, nagdarasal, at nagpapakabusog sa Hapunan ng Panginoon.
“Nagpropesiya kami buong gabi,” pagsulat ni Charles. “Ipinropesiya na ang kaligtasan ay nakasulat sa bawat biyas at kasukasuan” ng kanyang katawan. “Napuspos ako ng diwa ng propesiya, at pinagkalooban ako ng kapangyarihan mula sa kaitaasan.”
Ginugol niya ang nalalabing panahon ng kanyangbuhay—47 taon—sa pagsisikap bilang disipulo ni Jesucristo, sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Mula noon, ang mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo ay nagpupunta sa bahay ng Panginoon para mapagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan. At tulad ng mga naunang Banal na ito, inihahanda tayo ng endowment para itayo ang kaharian ng Diyos bilang mga disipulo ni Jesucristo at balang-araw ay tatanggap tayo ng kadakilaan sa pamamagitan ng Kanyang awa at biyaya.