2025
Sino ang Nagpuno ng Tubig sa Bautismuhan?
Marso 2025


“Sino ang Nagpuno ng Tubig sa Bautismuhan?” Liahona, Mar. 2025.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Sino ang Nagpuno ng Tubig sa Bautismuhan?

Dahil wala nang tubig sa lungsod, paano namin bibinyagan si Megan?

gripo sa kusina na may nakakabit na hose

Larawang-guhit ni David Miles

Matapos hindi maabutan ang isang bus sa Nairobi, Kenya, nagpasiya kami ng kompanyon ko na ibahagi ang ebanghelyo sa lahat ng nakita namin habang naghihintay ng ibang bus papunta sa area namin. Mahigit 400 katao ang nakausap namin.

Ang isa sa kanila ay si Benard, na nagtatrabaho sa konstruksyon sa malapit. Binigyan namin siya ng Aklat ni Mormon at hinamon siya na basahin iyon at itanong sa Diyos kung totoo iyon.

Pagkaraan ng apat na buwan, nalipat ako sa Nairobi. Sa unang sacrament meeting ko roon, nakita ko si Benard. Nabinyagan na siya at naorden sa Aaronic Priesthood.

Tuwang-tuwang inanyayahan kami ni Benard na bisitahin siya sa bahay niya para turuan ang asawa niyang si Megan. Nang makausap namin si Megan, naantig kami sa matindi nitong pananampalataya. Nang manalangin siya para alamin kung totoo ang aming mensahe, sinagot ng Diyos ang kanyang panalangin.

Inanyayahan namin si Megan na magpabinyag nang sumunod na Linggo. Gayunman, noong linggong iyon, ibinalita ng lungsod ng Nairobi na puputulin ang tubig sa loob ng 10 araw! Matapos ang interbyu ni Megan sa binyag noong Sabado, nagdasal kami ng kompanyon ko na matuloy sana ang binyag niya kinabukasan.

Nag-ayuno kami, sumangguni sa mga lider namin, at sumubok ng iba’t ibang paraan para makakuha ng tubig—na pawang nawalan ng saysay. Nang gabing iyon naghanda pa rin kami para sa binyag. Pagkatapos ay lumuhod kami at muling nagdasal. Nahiwatigan naming ikabit ang isang dulo ng hose sa tuyong gripo sa kusina ng meetinghouse at ilagay ang kabilang dulo sa bautismuhan. Nagdasal kami ulit, nagkandado, at umuwi.

Kinaumagahan nang pumunta kami sa meetinghouse, nagulat kaming makita na puno ng tubig ang bautismuhan! Tiningnan namin ang gripo ng kusina, pero wala pa ring lumalabas na tubig. Walang anumang alam ang sinuman sa branch kung paano napuno ang bautismuhan.

Nabinyagan si Megan sa araw na iyon. Dumating ang buong ward para saksihan ang kanyang binyag at tinanggap siya sa Simbahan. Nanatiling tuyo ang gripo, pero basa sa luha ang mga mata ng lahat sa pasasalamat.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Pagpapalain kayo ng Panginoon ng mga himala kung [mananalig] kayo sa Kanya, ‘nang walang pag-aalinlangan’ [Mormon 9:21]. Gawin ang espirituwal na gawain sa paghahanap ng mga himala.” Alam ko na dahil ginawa namin ng kompanyon ko ang pisikal at espirituwal na gawain—pagdarasal, pagsubok ng iba’t ibang opsiyon, at pagsunod sa mga espirituwal na pahiwatig—nakakita kami ng himala mula sa Panginoon.