“Mga Paraan ng Pakikipag-ugnayan ng Diyos,” Liahona, Mar. 2025.
Mga Paraan ng Pakikipag-ugnayan ng Diyos
Nangungusap sa atin ang Diyos sa iba’t ibang paraan. At may mga bagay tayong magagawa para matiyak na patuloy ang pakikipag-ugnayang ito.
Mga larawang-guhit ni David Green
Nang magsimula akong maghanda ng una kong mensahe sa pangkalahatang kumperensya, natanto ko na napakabigat na gawain nito! Hindi nagtatalaga ng mga paksa na tatalakayin ng mga tagapagsalita sa pangkalahatang kumperensya, kaya kailangan kong tuklasing mag-isa ang nais ng Panginoon na sabihin ko.
Nagdasal ako at naghintay ng inspirasyon. Makalipas ang ilang oras, nakita ako ng asawa kong si Isabelle, na matalino at kilalang-kilala ako, na nahihirapan akong magsimula.
“Aba, kumilos ka na,” sabi niya. “Magsimula ka nang sumulat ng kahit ano!”
At iyon nga ang ginawa ko. Nakapagsimula ako ng anim o pitong posibleng mensahe. Nang pagnilayan ko ang iba’t ibang posibilidad, naging komportable ako sa isa sa mga iyon at nadama ko na ito ang mensaheng dapat kong ibigay. Pinanatag ng Espiritu ang aking isipan, at nagawa kong maisulat ang iba pang bahagi ng mensahe.
Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2023, ibinahagi ko na lahat tayo ay mga anak ng Diyos. Mahal Niya tayo, lubos Niya tayong kilala, at alam Niya ang mga kaliit-liitang detalye na nangyayari sa ating buhay. Dinirinig Niya tayo kapag nagdarasal tayo at nais Niyang mangusap sa atin.
Ang pag-alam kung paano nangungusap ang Diyos sa bawat isa sa atin ay isang indibiduwal na karanasan. Pero narito ang ilang paraan para mapadali ang pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit para mapagpala ang ating buhay.
Kumilos nang May Pananampalataya at Tiwala
Ang mahiwatigan kapag nangungusap ang Diyos ay nangangailangan ng pananampalataya at tiwala. Ang pananampalataya ay laging nakaangkla kay Jesucristo. Kailangan din nating magtiwala sa Kanya. Sinabi niya:
“Masdan, sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso.
“Ngayon, masdan, ito ang diwa ng paghahayag” (Doktrina at mga Tipan 8:2–3).
Pero ang paghahayag at banal na patnubay ay hindi nagmumula sa paghihintay lamang ng espirituwal na pahiwatig. Kailangan nating kumilos. Tulad ng sinabi ng asawa ko na gawin ko na ang aking mensahe sa kumperensya, kung minsa’y kailangan nating “magsimula.”
Nang maglingkod kami ni Isabelle bilang mga mission leader sa France Lyon Mission, kinailangan kong alamin kung saan dapat papuntahin ang bawat missionary sa loob ng mission at kung kailan ibibigay ang assignment. Nalaman ko na gagabayan ako ng Espiritu kung mananalangin ako at hihingi ng tulong at pagkatapos ay gagawin ang pinakatamang desisyon. Pagkatapos ay darating ang pagpapatibay kapag maayos na ang lahat.
Sa calling ko ngayon, pinapupunta ako sa mga stake sa buong Simbahan para iorganisa muli ang mga stake presidency. Kapag kami ng kompanyon ko ay nag-iinterbyu ng mga tao, dumarating sa amin ang mga ideya, damdamin, at impresyon. Pagkatapos ay nag-uusap kami at magkasamang nagdarasal. Kalaunan, dumarating ang paghahayag, at pinagtitibay sa amin ng Panginoon kung sino ang Kanyang tinawag na maglingkod.
Isang proseso ito ng pag-alam kung kailan nangungusap ang Diyos at pagtuklas sa Kanyang kalooban. Kailangan nating ipakita na handa tayong kumilos nang may pananampalataya at tiwala.
Sundin ang Propeta
Ang isang mahalagang paraan na nangungusap ang Diyos sa Kanyang mga anak ay sa pamamagitan ng mga propeta. Ang pagkakaroon ng propeta sa mundo ngayon ay magandang balita! Tumatanggap siya ng paghahayag mula sa Diyos para pamunuan at gabayan ang Simbahan (tingnan sa Amos 3:7). Maaari din tayong makatanggap ng patnubay at proteksyon sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang mga turo. Hindi ito laging madali, ngunit iniuutos sa atin ng Panginoon na sundin ang propeta “nang buong pagtitiis at pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 21:5).
“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” halimbawa, ay napatunayang nagmula sa propeta simula nang ilabas ito 30 taon na ang nakararaan. Tinatalakay nito ang maraming alalahaning hindi natin alam na magkakaroon tayo at nagbibigay ng payo na hindi natin alam na kakailanganin natin—pero kailangan na natin ngayon. Maaaring ang payo ng propeta ay hindi laging naaayon sa nais nating marinig. Maaaring hindi ito umaayon sa mga pinahahalagahan ngayon ng lipunan. Magkagayunman, pagpapalain at poprotektahan tayo kapag sinunod natin ang propeta.
Magtanong at Maghanap ng mga Sagot
Sa mga unang araw ng Pagpapanumbalik, madalas mangusap ang Diyos bilang sagot sa taos-pusong mga tanong ni Propetang Joseph Smith at ng iba pa. Habang isinasalin nina Joseph at Oliver Cowdery ang Aklat ni Mormon, nakarating sila sa mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa doktrina ng binyag (tingnan sa 3 Nephi 11:23–33). Ninais nilang malaman ang iba pa at nagpunta sila sa kakahuyan para manalangin. Hindi nagtagal, nagpakita si Juan Bautista at ipinanumbalik ang awtoridad na magbinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan.
Sa isa pang pagkakataon, nagpahayag ang asawa ni Joseph na si Emma ng mga alalahanin tungkol sa kalat at duming iniiwan ng mga lalaking nagtatabako at nagnganganga habang nagpupulong. Ipinaabot ni Joseph ang bagay na ito sa Panginoon at tumanggap siya ng paghahayag—“isang Salita ng Karunungan [Word of Wisdom]” (Doktrina at mga Tipan 89:1)—tungkol sa mga gawi sa kalusugan para sa pisikal at espirituwal na kapakinabangan ng mga anak ng Diyos.
Ang mga pagkakataong ito—at marami pang iba—ay nagpapaalala sa atin na OK lang na magkaroon ng mga tanong basta’t naghahanap tayo ng mga sagot sa tamang direksyon. Kung idudulog natin ang ating mga tanong sa Panginoon, makakakita tayo ng mga sagot. Kung minsa’y darating kaagad ang mga sagot. Gayunman, kadalasa’y dumarating ang mga sagot nang “taludtod sa taludtod, [na]ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon” (2 Nephi 28:30). Maaari nating kailanganing hintayin ang mga sagot para matulungan tayong matuto at lumago, pero sasagutin tayo ng Diyos ayon sa sarili Niyang kalooban, paraan, at takdang panahon.
Alalahanin ang mga Nakaraang Karanasan
Kapag kailangan nating hintayin ang Diyos na mangusap sa atin, mahalagang maalala natin ang alam natin at mga karanasan natin. Kung hindi ay maaaring mawala ang mga iyon sa atin. Ayaw nating pagdudahan ang mga nakaraang karanasan sa Espiritu dahil lamang sa nahihirapan tayo ngayon. Sa mga sandaling iyon, dapat nating gunitain sa ating isipan at alalahanin kung ano ang nadama natin nang malapit tayo sa Diyos.
Minsan ay masusing itinanong ni Alma sa mga tao sa Zarahemla ang ganito:
“Kayo ba ay espirituwal na isinilang sa Diyos? Inyo bang tinanggap ang kanyang larawan sa inyong mga mukha? Inyo bang naranasan ang malaking pagbabagong ito sa inyong mga puso? …
“At ngayon masdan, sinasabi ko sa inyo, … kung inyo nang naranasan ang pagbabago ng puso, at kung inyo nang nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig, itinatanong ko, nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?” (Alma 5:14, 26).
Dapat nating tiyakin na naaalala natin ang mga espirituwal na karanasan at huwag balewalain ang mga iyon. Dapat nating regular na itanong sa ating sarili, “Nadarama ko ba ang gayon ngayon?” Pinatitibay tayo nito sa mga panahong tila tahimik ang Diyos. Mas napapansin din natin ang mga pagkakataon na nangungusap Siya sa atin.
Manatiling Konektado
Ang pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit ay isang buhay na bagay. Ginagawa natin ang ating bahagi para mapanatili itong buhay sa pamamagitan ng aktibong paghahanap at paglikha ng mga oportunidad para makipag-ugnayan sa Diyos. Maaari tayong regular at taimtim na manalangin sa Diyos para sa kapayapaan, kapanatagan, at patnubay. Maaari nating pag-aralan ang Kanyang salita sa mga banal na kasulatan at madama ang impluwensya ng Espiritu. Maaari din nating sundin ang payo ng propeta.
Kapag nanatili tayong konektado sa ating mapagmahal na Ama sa Langit, maaari tayong maging mga kasangkapan sa Kanyang mga kamay para tulungan Siya sa Kanyang kagila-gilalas na gawain. Sa pagsunod sa mga kabatiran at pahiwatig na natatanggap natin, maipadarama natin sa iba na kilala at mahal sila ng Diyos at nais Niyang mangusap sa kanila.
Ang katiyakan na nakikinig at nangungusap ang Diyos sa Kanyang mga anak ay isang napakalaking pagpapala. Ang regular na pakikipag-ugnayan sa Diyos ay nagbibigay ng patnubay na kailangan natin sa paglalakbay natin sa buhay na ito.