“Paano Tayo Tinutulungan ng Ating mga Tipan na Humugot ng Kapangyarihan mula sa Diyos?,” Liahona, Mar. 2025.
Mga Babaeng Nakipagtipan
Paano Tayo Tinutulungan ng Ating mga Tipan na Humugot ng Kapangyarihan mula sa Diyos?
Bilang mga babaeng nakipagtipan, tayo ay binabago, pinatitibay, at binibigyan ng tiwala ng kapangyarihan ng Diyos.
Larawang-kuha ni Connor Johnson
Bawat isa sa atin ay may oportunidad na gumawa ng mga sagradong tipan sa mismong Diyos ng langit. Ginagawa natin ang mga tipang ito kapag lumalahok tayo sa mga ordenansa ng priesthood. Kapag tinutupad natin ang ating mga tipan, binibiyayaan Niya tayo ng lakas.
Alalahanin ang tagubilin ni Pangulong Russell M. Nelson bilang propeta kung paano magtatamo ng lakas mula sa Diyos: “Bawat lalaki at babae na nakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood at gumagawa at tumutupad ng mga tipan sa Diyos ay maaaring tuwirang makatanggap ng kapangyarihan ng Diyos.” Ang tuwirang access na ito sa kapangyarihan ng Diyos ay isang kaloob na bukas-palad Niyang ibinabahagi sa Kanyang mga anak.
Ano ang ipinapakita ng kapangyarihang ito, na nagmumula sa pagtupad ng mga tipang ginagawa natin sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood, sa araw-araw ninyong buhay? Paano humuhugot sa kapangyarihang ito ng langit ang isang babaeng nakipagtipan?
Umaasa ako na makakatulong sa inyo ang isang personal na halimbawa habang ginagawa ninyo ang nagpapasiglang espirituwal na gawain para malaman sa inyong sarili kung ano ang kahulugan ng mapagkalooban ng kapangyarihan ng Diyos.
Isang araw, nakatanggap ako ng text message mula sa manugang kong si Amy: “Ipagdasal po ninyo si Dottie.”
Hindi nakatulog ang apo kong si Dottie noong nakaraang gabi. Buong gabing gising si Amy na kasama si Dottie at nilalagnat daw ito. Pinainom siya ni Amy ng gamot, pero mainit pa rin si Dottie at hindi mapakali. At nasa biyahe ang anak kong si Connor dahil sa trabaho at dalawang araw pa bago umuwi.
Kinaumagahan, nakita ni Amy na nangangasul ang mga labi ni Dottie. Nangangasul din ang mga kamay nito at malamig kapag hinawakan. Agad nagkaroon ng impresyon si Amy, “Dalhin mo si Dottie sa pediatrician.” Sinunod niya ang pahiwatig, tinawagan ang opisina ng pediatrician, at tiniyak sa kanya na papapasukin nila kaagad si Dottie.
Mabuti na lang, nasa tapat ng bahay ng nanay ko ang opisina ng pediatrician. Naisip ni Amy na dumaan sa bahay ng nanay ko. May ginagawa ang aking ina sa kanyang bakuran at masaya siyang alagaan ang apat-na-taong-gulang na kapatid ni Dottie na si Goldie kapag dinala ni Amy si Dottie sa pediatrician. Ito ang naging sagot sa problema ni Amy tungkol sa pangangalaga kay Goldie at sa pag-aasikaso din kay Dottie.
Natuklasan ng pediatrician na may pulmonya si Dottie, at malamang ay dahil sa nakalunok ito ng kaunting tubig sa bathtub ilang araw na ang nakararaan. Pinainom ng antibiotics si Dottie at ginugol nito ang natitirang oras ng maghapon sa mga bisig ng kanyang ina, na nakaangat para bumukas ang daluyan ng hangin niya at gumaan ang paghinga niya.
Nag-alok akong bumili ng pagkain papunta sa kanila. At nagpapasalamat ako na pumayag si Amy. Inisip ko kung paano nakayanan iyon ni Amy pagkaraan ng magdamag na hindi pagtulog, pag-aalaga sa toddler na may sakit, at pag-aasikaso kay Goldie.
Pumasok ako sa bahay nila dala ang binili kong pagkain at naabutan kong panatag si Amy at ang mga bata. Masigla na ang kilos ni Amy at maaliwalas ang mukha. Kalmado siya, kahit isang gabi pa niyang aasikasuhin nang mag-isa ang maysakit na si Dottie. Hindi siya takot. Nagtitiwala siya. Isang kapayapaan iyon na mahirap unawain. Gusto ko lang pagtuunan ng pansin ang sandaling iyon at pasalamatan iyon.
Sinisikap ni Amy na tuparin ang kanyang mga tipan sa Diyos at pinagpala siya ng Kanyang kapangyarihang magpalakas. Hinikayat siya ng Espiritu na kumilos na katulad ng ginawa niya para alagaan si Dottie. At ang kapangyarihan ng Panginoon ay nagpalakas sa kakayahan niyang tugunan ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya nang may tiyaga at pagmamahal at may mahinahong katiyakan na magiging maayos ang lahat.
Ito ang pagpapala ng kapangyarihan ng Diyos, na makukuha natin sa pamamagitan ng mga sagradong tipan at dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Ang kapangyarihang ito ay binabago tayo, pinalalakas, kinakalma, binibigyan ng tiwala, binibigyan ng kapayapaan, at dinaragdagan ang kakayahan nating gampanan ang ating mga responsibilidad na itinalaga ng Diyos bilang mga kababaihan.