2025
Nais ng Ama sa Langit na Mangusap sa Inyo
Marso 2025


“Nais ng Ama sa Langit na Mangusap sa Inyo,” Liahona, Marso 2025.

Nais ng Ama sa Langit na Mangusap sa Inyo

Hayaang tulungan kayo ng inyong pananampalataya sa Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na mahawi ang tabing at marinig ang tinig ng Ama.

dalagitang nagdarasal

Tayo ay mga anak na lalaki at babae ng Diyos, na sama-samang nakikibahagi sa mundo na malayo sa ating tahanan sa langit. Ito ang ating mortalidad, isang panahon para tanggapin ang ating katawan, piliin ang mabuti kaysa masama, “tikman ang pait, upang [ating] matutuhang pahalagahan ang mabuti” (Moises 6:55), palaguin ang ating pananampalataya sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang sagradong Pagbabayad-sala, at tanggapin ang plano ng kaligayahan ng ating Ama. Narito tayo para maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit.

Dahil walang alaala ng ating premortal na buhay, nangungulila tayo, kung minsan, sa mundong nilisan natin. Binigyan tayo ng ating Ama ng espirituwal na kaloob na manatiling konektado sa Kanya at tumanggap ng patnubay, direksyon, at kapanatagan mula sa Kanya. Alam na alam natin ang kaloob na ito; tinatawag itong panalangin.

Manalangin sa Inyong Ama sa Langit

Kina Adan at Eva at sa lahat ng susunod sa kanila, itinuro ng isang anghel, “Ikaw ay magsisi at manawagan sa Diyos sa pangalan ng Anak magpakailanman” (Moises 5:8).

Itinuro ni Jesus, “Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo’y pagbubuksan” (Mateo 7:7). “Kapag ikaw ay mananalangin, … manalangin ka sa iyong Ama … [nang] lihim” (Mateo 6:6). “Manalangin nga kayo nang ganito: Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo” (Mateo 6:9).

Patuloy na nanalangin si Jesus sa Kanyang Ama. “Siya ay nagtungo sa bundok upang manalangin at ginugol ang buong magdamag sa pananalangin sa Diyos” (Lucas 6:12). “[At] … umakyat siya sa bundok upang manalangin” (Marcos 6:46). “[At] nagpunta sila sa isang dako na tinatawag na Getsemani at sinabi niya sa kanyang mga alagad, Maupo kayo rito habang ako’y nananalangin” (Marcos 14:32). Habang nasa krus, ipinagdasal ni Jesus ang mga kawal na nagpako sa Kanya sa krus: “Ama, patawarin mo sila; sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34).

Pinapayuhan tayo ng mga banal na kasulatan na “manalangin sa tuwina” (Lucas 21:36; 2 Nephi 32:9; 3 Nephi 18:15; Doktrina at mga Tipan 10:5; 19:38; 20:33; 31:12). “Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan” (Alma 37:37). Bukod pa rito, “ibibigay [natin] ang lahat ng pasasalamat at papuri na makakayang taglayin ng [ating] buong kaluluwa” (Mosias 2:20), na kinikilala ang lahat ng ginagawa ng ating Ama para sa atin.

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang espirituwal na pagpapahalaga sa sarili ay nagsisimula sa pagkatanto na bawat bagong umaga ay isang kaloob mula sa Diyos. … Iniingatan Niya tayo sa araw-araw at sinusuportahan tayo sa bawat sandali (tingnan sa Mosias 2:21).”

Sabi ni Nephi, “Kung kayo ay makikinig sa Espiritung nagtuturo sa tao na manalangin, malalaman ninyong kinakailangan kayong manalangin; sapagkat ang masamang espiritu ay hindi nagtuturo sa tao na manalangin, sa halip nagtuturo sa kanya na huwag siyang manalangin” (2 Nephi 32:8).

profile view ng Tagapagligtas

Detalye mula sa Si Cristo na Ibinabangon ang Anak ni Jairo, ni Greg K. Olsen

Sa halimbawa ng ating Tagapagligtas at sa payo ng mga anghel at propeta sa paglipas ng mga siglo, malinaw nating alam na manalangin araw-araw upang magpasalamat para sa ating mga pagpapala, at palaging manalangin sa ating puso. Responsibilidad nating makipag-ugnayan sa ating Ama.

Ngunit ang mas maluwalhati, tumutugon ang ating Ama sa Langit sa ating mga dalangin. Ang isang pinag-iisipang tanong sa mundong ito ay, paano natin higit na matatanggap at mauunawaan ang mga sagot, patnubay, at kapanatagang nagmumula sa ating Ama?

Sa mahigit pitong dekada ng buhay ko, alam ko na nangungusap sa atin ang ating Ama. Hindi tayo nag-iisa. Binabantayan at tinutulungan tayo ng mga makalangit na nilalang habang naghahangad tayong sundin ang Tagapagligtas.

Ang pagtanggap ng mga sagot sa ating mga dalangin ay nagsisimula sa pananampalataya natin sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Sabi ni Jesus, “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang” (Marcos 5:36). Nagtitiwala tayo sa Kanya, ginagawa natin ang lahat para sundin ang mga kautusan, at hinahangad natin ang Kanyang impluwensya sa lahat ng bagay. “Walang bagay na magagawa ang tao na makasasakit sa Diyos … maliban sa yaong mga hindi kumikilala sa kanyang ginawa sa lahat ng bagay, at hindi sumusunod sa kanyang mga kautusan” (Doktrina at mga Tipan 59:21).

Ang impluwensya ng Diyos sa ating buhay ay hindi nangangahulugan na Siya ang nagdudulot ng kasamaan o kakila-kilabot na mga trahedya sa ating mundo. Gayunman, nangangahulugan ito na sa panahon ng inyong paghihirap at kawalang-katarungan, susuportahan Niya kayo, palalakasin ang inyong mga kakayahan, aaliwin kayo, at “ilalaan ang inyong mga paghihirap para sa inyong kapakinabangan” (2 Nephi 2:2).

Dinggin ang Kanyang Tinig

Kapag nanampalataya tayo sa Kanya at sumunod sa Kanyang mga utos, likas tayong natututong mas marinig ang Kanyang tinig.

Noong Setyembre 1993, unang taon ko bilang General Authority, inanyayahan ako at ang asawa kong si Kathy ni Pangulong James E. Faust (1920–2007), na noo’y miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, na samahan siyang dumalo sa isang debosyonal sa Brigham Young University. Tandaan, ang 1993 ay bago lumawak ang pagkakaroon ng mga smartphone, social media, at internet.

Sa kanyang mensaheng pinamagatang “The Voice of the Spirit [Ang Tinig ng Espiritu],” nagbabala si Pangulong Faust: “Sa inyong henerasyon, paliligiran kayo ng napakaraming tinig na nagsasabi sa inyo kung paano mamuhay, paano bigyang-kasiyahan ang inyong mga pagnanasa, paano makakamtan ang lahat. Magkakaroon kayo ng hanggang limandaang channel sa telebisyon na nariyan kaagad. Lilitaw ang lahat ng uri ng software, interactive computer modem, database, at bulletin board; magkakaroon ng desktop publishing, mga satellite receiver, at communication network na tatambakan kayo ng impormasyon. … Ang tinig na kailangan ninyong matutuhang pakinggan ay ang tinig ng Espiritu.”

Nagturo si Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, tungkol sa marahan at banayad na tinig ng Espiritu sa pagsasalaysay ng karanasan ni John Burroughs, isang naturalista, habang naglalakad siya kasama ang mga kaibigan sa isang mataong parke. Narito ang sabi ni Pangulong Packer:

“Sa kabila ng ingay ng buhay sa lungsod narinig [ni Mr. Burroughs] ang huni ng isang ibon.

“Tumigil siya at nakinig! Hindi iyon narinig ng mga kasama niya. Tumingin siya sa paligid. Walang ibang nakapansin nito.

“Naligalig siya na nakalagpas sa lahat ang isang bagay na gayon kaganda.

“Kumuha siya ng isang barya mula sa kanyang bulsa at pinitik iyon sa ere. Bumagsak iyon sa semento at kumalansing, nang kasinghina ng huni ng ibon. Napalingon ang lahat; narinig nila iyon!

“Mahirap ihiwalay sa lahat ng ingay ng trapiko sa lungsod ang huni ng ibon. Ngunit maririnig mo iyon. Malinaw mong maririnig iyon kung sasanayin mo ang sarili mo na pakinggan iyon.”

Ang mga turo ni Pangulong Packer tungkol sa Espiritu Santo ay naganap noong 1979, isang panahon na mas tahimik ang buhay at mas mahina ang ingay ng mundo kaysa ngayon.

Itinuro ni Pangulong Nelson, “Kung mas binibigyan ninyo ng atensyon ang mga feed ninyo sa social media kaysa sa mga bulong ng Espiritu, inilalagay ninyo ang sarili ninyo sa espirituwal na kapahamakan.”

Sabi ni Pangulong Faust, “Kung nais nating makinig sa tinig ng Espiritu, kailangan din nating buksan ang ating mga tainga, ibaling ang mata ng pananampalataya sa pinagmumulan ng tinig, at tumingin nang matatag sa langit.”

Ang tinig na ito ng Espiritu ay dumarating kapwa sa ating isipan at damdamin. “Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso” (Doktrina at mga Tipan 8:2). Makinig sa inyong budhi—kadalasa’y doon nagsisimula ang paghahayag.

Si Elder Andersen na nagsasalita sa isang grupo

Sa isang pagbisita sa Girls’ Home Boys’ Town Complex sa Mar[i]kina City, Philippines, noong Pebrero 2024, itinuro ni Elder Andersen sa mga kabataan na sila ay mga anak ng Diyos: “Mahal Niya kayo. At maaari kayong magsumamo sa Kanya. Diringgin Niya ang inyong mga dalangin.”

Manalangin nang May Pusong Naniniwala

Hindi mapipilit ang mga sagot at impresyon. Nagdarasal tayo at naghihintay nang may pusong naniniwala. Ang ilang sagot ay hindi darating sa buhay na ito, ngunit sa mga matwid, laging ipadadala ng Panginoon ang Kanyang kapayapaan (tingnan sa Juan 14:27). Ang mga sagot ay kadalasang dumarating kapag nagdarasal tayo na tulungan ang mga tao sa paligid natin. Kung minsan, dumarating ang mga iyon nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin” (Doktrina at mga Tipan 98:12).

Ang tinig ng langit ay maaaring dumating sa atin sa di-inaasahang mga oras at sa di-inaasahang mga lugar, ngunit natatagpuan natin ang ating pinakamahahalagang oportunidad sa tahimik at sagradong mga lugar. Sa katahimikan ng aking mga panalangin at pagninilay tuwing madaling-araw, nakakakita ako ng mga di-pangkaraniwang pagpapala. Ang araw-araw, personal, at walang-tigil na pagbabasa ng mga banal na kasulatan, bagama’t kung minsa’y paulit-ulit, ay inihahatid ang tinig ng Espiritu sa ating puso na parang apoy sa ibang mga pagkakataon.

Kung minsan, ang mga impresyon ay partikular na nagmumula sa binabasa natin, at sa ibang mga pagkakataon, ang pinagninilayan natin ay naghahatid ng sagot sa isang napakahirap na alalahanin. Tandaan ang mga salita ni Elder Robert D. Hales: “Kapag nais nating kausapin ang Diyos, nagdarasal tayo. At kapag gusto nating kausapin Niya tayo, sinasaliksik natin ang mga banal na kasulatan.”

Habang umiikot sa atin ang ingay at mga gambala sa mundo sa ating paligid, inutusan ng Panginoon ang Kanyang propeta na magtayo ng mas marami pang templo. Sa mga sagradong bahay na ito ng Panginoon, kapag iniiwan natin ang ating mga hamon sa labas pero pumapasok tayo na dala ang ating mga panalangin at alalahanin, tinuturuan tayo ng mga katotohanan ng kawalang-hanggan.

Isang taon na ang nakararaan, ibinigay sa atin ni Pangulong Nelson ang napakagandang pangakong ito: “Mahal kong mga kapatid, ito ang aking pangako. Wala nang higit na tutulong sa inyo na kumapit nang mahigpit sa gabay na bakal kaysa sa pagsamba ninyo nang regular sa templo sa abot ng inyong makakaya. Wala nang higit na poprotekta sa inyo habang nilalabanan ninyo ang abu-abo ng kadiliman ng mundo. Wala nang higit na magpapalakas sa inyong patotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala o tutulong sa inyo na mas maunawaan ang dakilang plano ng Diyos. Wala nang higit na magbibigay sa inyo ng espirituwal na kapanatagan sa mga panahon ng pasakit. Wala nang higit na magbubukas ng kalangitan. Wala!”

Bawat pangkalahatang kumperensya ay naghahatid ng karagdagang saganang pagpapala. Sa darating na buwan ng Abril, muli, magkikita-kita tayo sa pangkalahatang kumperensya para marinig ang tinig ng Panginoon. Dumadalo tayo sa pangkalahatang kumperensya matapos manalangin at maghanda. Para sa bawat isa sa atin, may matitinding alalahanin at seryosong mga tanong. Dumadalo tayo para mapanibago ang ating pananampalataya sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo at palakasin ang kakayahan nating labanan ang tukso. Dumadalo tayo para maturuan mula sa kaitaasan. Ipinapangako ko sa inyo na kapag naghanda kayo at mapanalanging dumalo sa mga sesyon ng pangkalahatang kumperensya, madarama ninyo ang mga sagot sa inyong mga alalahanin, at malalaman ninyo na “ang patnubay ng langit” ay sumasainyo.

Manalig na ang inyong Ama sa Langit ay nangungusap sa inyo. Nangungusap Siya sa inyo! Hayaang tulungan kayo ng inyong pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak na mahawi ang tabing at marinig ang tinig ng Ama. Pinatototohanan ko na nariyan Siya at mahal Niya kayo nang higit pa sa salita.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Joy Cometh in the Morning,” Ensign, Nob. 1986, 68.

  2. James E. Faust, “The Voice of the Spirit” (debosyonal sa Brigham Young University, Set. 5, 1993), 2, 3, speeches.byu.edu.

  3. Boyd K. Packer, “Prayers and Answers,” Ensign, Nob. 1979, 19.

  4. Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), Gospel Library.

  5. James E. Faust, “The Voice of the Spirit,” 4.

  6. Robert D. Hales, “Mga Banal na Kasulatan: Ang Kapangyarihan ng Diyos sa Ating Ikaliligtas,” Liahona, Nob. 2006, 26–27.

  7. Russell M. Nelson, “Magalak sa Kaloob na mga Susi ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2024, 122.

  8. Tingnan sa Neil L. Andersen, “Ang Tinig ng Panginoon,” Liahona, Nob. 2017, 126.