2025
Mapagkakatiwalaan Ko ba Talaga ang Payo ng Propeta?
Marso 2025


“Mapagkakatiwalaan Ko ba Talaga ang Payo ng Propeta?,” Liahona, Mar. 2025.

Mga Young Adult

Mapagkakatiwalaan Ko ba Talaga ang Payo ng Propeta?

Noon pa man ay pinili ko nang sundin ang propeta, pero mapagkakatiwalaan ko ba siya sa pagkakataong ito?

sister missionary sa isang airport

Larawang-guhit ni Kylee Bodily

Nang matanggap ko ang tawag na iaalis ako sa aking mission, nainis ako at nalito.

Ilang buwan bago ako dapat i-release, nagpasiya ang Unang Panguluhan na pauwiin ako at ang ilan pang missionary batay sa inakala kong mga bali-balita lamang ng posibleng alitan sa bansa. Wala namang anumang katibayan na may mangyayari.

Hindi ko inisip na may dapat ikabahala.

Pagdududa sa Inspirasyon

Noon pa man ay gusto ko nang magmisyon at pinagsikapan kong maisakatuparan ang mithiing iyon. Wala akong sapat na pera, pero nakahanap ako ng trabaho na nakatulong sa akin na kumita ng sapat para sa aking misyon. Nang buksan ko ang aking mission call, nadama ko na tama ito, at alam ko na nagmula iyon sa Diyos.

Pagkatapos, dahil sa pandemyang COVID-19, nalipat ako sa isang mission sa Utah nang siyam na buwan bago ako nakarating sa ibang bansa sa orihinal kong assignment. Nakahinga ako nang maluwag at labis na natuwa na naparoon ako sa wakas sa lugar kung saan ako orihinal na tinawag ng Diyos.

Pagkatapos, pagkaraan ng ilang buwan lamang na naroon ako, bigla akong inialis mula sa mga tao at bayan na napamahal sa akin. Parang lahat ng bagay ay inaalis sa akin.

Pakiramdam ko ay dinaya ako. Talagang pinagdudahan ko kung inspiradong pasiya nga ba ito.

Masama ang loob na lumipad ako pauwi sa Texas. Hindi talaga inaasahan ang paglilikas sa akin kaya hindi ako nasalubong ng tatay ko at mga kapatid ko.

Isang Pagpapala ng Kaligtasan

Ilang araw lang pagkaalis ko sa misyon, nagulat ako nang biglang magkaroon ng mapanganib na labanan na malapit sa lugar na pinaglingkuran ko. Sa sandaling iyon, natanto ko na talagang pinapanatili akong ligtas ng pagsunod sa propeta ay. Napuspos ako ng pasasalamat sa propeta at sa kanyang inspirasyon.

Nangako ako sa sarili ko na lagi kong susundin ang sinasabi ng propeta, kahit hindi ko maintindihan iyon sa sandaling iyon.

Sabi ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol kamakailan: “Ang pagkakaroon ng mga propeta ay pagpapamalas ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak. Ipinapakita nila ang mga pangako at tunay na katangian ng Diyos at ni Jesucristo sa Kanilang mga tao.”

Talagang naniniwala ako na si Pangulong Russell M. Nelson ang tagapagsalita ng Panginoon. Tuwiran Siyang nakikipagtulungan sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas upang akayin tayo tungo sa kaligtasan at bigyan tayo ng pag-asa at patnubay sa mahihirap na panahon.

Ang mga Pagpapala ng Pagsunod sa Propeta

Kung nag-iisip pa rin kayo kung tinawag nga ba ng Diyos ang propeta, ang payo ko ay kumilos ayon sa kanyang mga paanyaya. Subukang basahing muli ang mga mensahe ni Pangulong Nelson sa kumperensya kamakailan at pag-aralan ang mga banal na kasulatan na iminumungkahi niya. Kumilos ayon sa kanyang mga paanyaya at pag-aralan ang mga pagpapalang ipinapangako niya kasabay ng mga paanyayang iyon.

Itinuro din ni Elder Soares, “Sa pagsunod sa [mga propeta], ang ating buhay ay mas masaya at hindi masyadong kumplikado, ang ating mga paghihirap at problema ay mas gagaan, at makakagawa tayo ng espirituwal na baluti sa paligid natin.”

Nakita ko na ang mga pagpapalang ito sa buhay ko nang sundin ko ang payo ng propeta. Alam ko na ang mga pagpapalang ito ay para sa lahat ng nagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang propeta.