2025
7 Paraan para Masiyahan sa Nagbibigay-Inspirasyong Musika
Marso 2025


“7 Paraan para Masiyahan sa Nagbibigay-Inspirasyong Musika,” Liahona, Mar. 2025.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Doktrina at mga Tipan 25

7 paraan para Masiyahan sa Nagbibigay-Inspirasyong Musika

“Gumawa ng isang pagtitipon ng mga banal na himno … “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagagalak sa awitin ng puso” (Doktrina at mga Tipan 25:11–12).

babaeng nakatingin sa cell phone na may himno sa screen

Larawang kuha ni David Green

Sa buong panahon, naging mahalagang bahagi na ng pagsamba ang musika para sa mga disipulo ni Jesucristo.

Marami sa mga awit sa Lumang Tipan ay mga awit ng papuri sa Panginoon. Nakatala sa Bagong Tipan na si Jesus at ang Kanyang mga Apostol, bago tumuloy sa Getsemani, ay sama-samang umawit ng isang himno (tingnan sa Mateo 26:30). At ang mga himno ay nagpapataimtim ng ating pagsamba sa mga sacrament meeting ngayon.

Kapana-panabik ang patuloy na pagbuo ng bagong hymnbook, at maaari nating asamin ang mas maraming bagong himno habang sumusulong ang proseso. Pero hindi lamang mga himno ang uri ng musika na maaaring magbigay sa atin ng inspirasyon. Maraming iba’t ibang uri ng musika sa Gospel Library at Sacred Music apps ng Simbahan na mapakikinggan, mula sa tradisyonal na musikang pangkoro hanggang sa mabibilis at kontemporaryong musika (hindi kailangang maging tinedyer kayo para masiyahan sa mga album na Strive to Be!). Sa loob ng mga app na ito makakakita kayo ng positibo at nagbibigay-inspirasyong mga recording, at marami sa mga ito ang may kasamang sheet music na maaari ninyong tugtugin o kantahin mismo.

Narito ang ilang ideya na tutulong sa inyo na magsama ng nagbibigay-inspirasyong musika sa inyong pagsamba sa tahanan—kahit wala kayong training sa musika:

  • Makinig sa mga recording ng mga himno at iba pang nagbibigay-inspirasyong awitin sa buong linggo. Matatagpuan ang mga ito sa Gospel Library o Sacred Music apps o sa Music Library sa website ng Simbahan.

  • Saliksikin ang mga kuwento ng mga himno at alamin kung ano ang nagbigay ng inspirasyon sa mga ito.

  • Awitin ang mga himno at pag-aralan ang iba’t ibang bahagi gamit ang opsiyon na Interactive Sheet Music sa Sacred Music app o sa website ng Simbahan.

  • Makinig sa Tabernacle Choir o Strive to Be sa inyong paboritong platform sa pakikinig (tulad ng YouTube, Spotify, Apple Music, Pandora).

  • Matutong tumugtog ng mga himno at iba pang nakapagpapasiglang awitin sa piano o gitara gamit ang sheet music o chords na kasama sa Gospel Library app o sa website ng Simbahan.

  • Pag-aralan at pagnilayan ang mga titik ng nagpapasiglang mga awitin at himno.

  • Sumabay sa pagkanta ng mga titik habang nakikinig sa mga pagtatanghal ng Tabernacle Choir on Temple Square. Ang mga pagtatanghal ay matatagpuan sa YouTube channel ng choir.