2025
Sapat na ba ang Kabutihan Ko?
Marso 2025


“Sapat na ba ang Kabutihan Ko?,” Liahona, Marso 2025.

Mga Larawan ng Pananampalataya

Sapat na ba ang Kabutihan Ko?

Inakala ko na magkakaroon ako ng pananampalataya, pagmamahal, at espirituwal na katotohanan sa isang alternatibong pamumuhay. Hindi pala. Natagpuan ko ang mga iyon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at sa templo.

lalaking nakaupo sa isang home office

Larawang kuha ni Leslie Nilsson

Noong tinedyer ako noong 1960s, kasakuluyang nagaganap noon ang Vietnam War. Pinaslang si John F. Kennedy, gayundin sina Martin Luther King Jr. at Robert Kennedy. Nagrebelde ako sa aking mga magulang at sa lahat ng tradisyon at institusyon noong panahong iyon. Ayaw kong mag-asawa o magkaanak sa isang mundong masyadong marahas, sinungaling, at abnormal.

Nag-drop out ako sa high school noong junior year ko, lumipat ako sa Haight Ashbury District ng San Francisco, California, USA, at namuhay bilang isang hippie mula 1969 hanggang 1972. Nanatili ako sa mga commune, tinanggap ko ang kahit anong trabahong makita ko, at namuhay bilang isang idealista at hedonista, at naging durugista pa ako.

binatilyong mahaba ang buhok at balbas

Noong teenager pa si Randy, inakala niya na hindi magiging maganda ang kinabukasan niya. “Nagrebelde ako sa aking mga magulang at sa lahat ng tradisyon at institusyon noon,” sabi niya.

Kasabay nito, naghahanap ako noon ng pananampalataya, pagmamahal, at espirituwal na katotohanan. Nagmuni-muni ako at nag-aral ng iba’t ibang relihiyon, at kinuha ko mula sa mga iyon ang anumang bagay na totoo o mahalaga para sa akin. Gayunman, lahat ng pagsasaliksik ko ay nauwi sa kabiguan. Ang kapatid kong si John, na nakakaalam tungkol sa paghahanap ko, ay nagpadala sa akin ng Aklat ni Mormon.

“Kailangan mong basahin ito,” pagsulat ni John, na sumapi na sa Simbahan bago iyon.

Nang matanggal ako sa trabaho sa isang gasolinahan dahil sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon, naisip ko, “Hindi ito makakabuti.” Itinapon ko ang aklat.

Hindi nagtagal, sinabi sa akin ni John na pupunta siya sa San Francisco Bay Area kasama ang isang singing group mula sa Brigham Young University.

“Gusto kitang makita,” sabi niya, na nagpapahiwatig na magkita kami sa California Oakland Temple.

Habang nagmamaneho sa paligid ng Bay Area sa gabi, madalas kong makita ang templo. Espirituwal akong naakit noon, kaya nagbasa ako tungkol doon at ginusto kong makapasok. Nagkita kami nang maaga ni John isang umaga sa bakuran ng templo. Pagkatapos naming mag-usap, sinabi niya na oras na para pumasok sa templo ang grupo niya.

“Randy, hindi ka makakapasok sa templo,” sabi ni John sa akin.

“Alam ko, hippie ako,” sagot ko, “pero nag-aral ako ng Eastern religions, vegetarian ako, nakatira ako sa isang commune kung saan hati-hati kami sa lahat, at may $20 ako. Magkano kaya ang admission?”

“Higit pa kaysa riyan,” sagot ni John. “Hindi sapat ang kabutihan mo.”

Sa pagkakataong iyon, itinuring ko ang aking sarili na masyadong intelektuwal, pilosopiko, at espirituwal. Paano naging hindi sapat ang kabutihan ko?

Puno ng Pag-asa

Sa loob ng ilang taon, hindi alam ng mga magulang ko kung nasaan ako. Mabubuting tao sila na nagsikap na ibigay sa akin ang pinakamagandang edukasyon na posibleng matamo ko at talagang nadismaya sila sa mga pinili ko. Nang magkasakit ang tatay ko, hinikayat ako ng nanay ko na umuwi sa Washington, D.C. Pagdating ko, nakahanap ng trabaho si John para sa akin sa isang crew na nagtatayo ng Washington D.C. Temple.

Hindi ko alam iyon, pero siya ang nakipag-ayos para sa akin para makapagtrabaho kasama ang isang crew ng mga returned missionary. Nagulat ako na hihilingin ni John Howell, ang lead foreman, na magdasal ang isang crew member bago magsimula ng trabaho sa bawat araw—isang bagay na hindi ko nakita kailanman sa mga crew na nakatrabaho ko dati.

Isang araw sa trabaho, inilalagay ng ilan sa amin ang isa sa mabibigat na pinto sa harapan nang bumagsak iyon at dinurog ang daliri ko nang kasingnipis ng barya. Nagmadaling sumaklolo si John, tiningnan niya ang daliri ko, humingi ng kaunting inilaang langis, at binasbasan ako. Napakabilis na gumaling ang daliri ko kaya hindi ko na kinailangang magpatingin sa doktor.

Sa isa pang pagkakataon, binigyan ako ng razor blade (labaha) at sinabihan na kayurin ang mga labi sa mga kongkretong sahig.

“Bakit?” tanong ko sa isa sa mga crew member namin. “Hindi ba sila maglalagay ng carpet?”

“Randy, hindi mo ba alam kung kaninong bahay ito?” sagot nito. “Kinikinis namin ito para sa isang Perpektong Nilalang.”

Nalulunod ang mundo sa pagdududa, kapaitan, pagkamuhi, at pangamba, pero napuspos ako ng pag-asa sa halimbawa at mga turo ng mga bata pang kalalakihang ito na katrabaho ko. Nang ibahagi sa akin ng mga crew member ang kanilang paniniwala, nalaman ko na sila ay matapat at tunay. Inukol nila ang dalawang taon ng kanilang buhay para maglingkod sa iba, at matalino sila at may positibong pananaw. Gusto kong sundin ang itinuturo nila. Nadama ko na natatamo ko ang kaliwanagang matagal ko nang hinahanap at na espirituwal akong inihahanda ng Panginoon.

Iminungkahi ni John Howell na makipagkita ako sa mga full-time missionary. Sa halip, pinili kong magpaturo sa aking kapatid at sa isa pa niyang kaibigan, na isa ring returned missionary. Nang turuan nila ako, ginusto kong makakita ng panlabas at di-maikakailang katibayan na ang natututuhan ko ay totoo. Kung wala ang patunay na iyon, ayaw ko nang magpaturo pa.

Nang tanungin ko kung paano nila nalaman ang katotohanan, ang sagot nila, “Nagbasa kami at nagdasal at nadama namin ang patotoo mula sa Espiritu Santo.” Sinabi nila sa akin na kailangan ko rin ang patotoong iyon.

Nang gabing iyon pumasok ako sa isang kakahuyan malapit sa aming lugar. Hindi ko alam kung gaano katagal ako nagdasal, pero ginawa ko iyon nang may tunay na layunin. Paulit-ulit kong itinanong sa Diyos ang apat na tanong ding iyon: “Salita po ba ng Diyos ang Aklat ni Mormon? Nagpakita po ba Kayo at ang Inyong Anak kay Joseph Smith? Ito ba ang totoong Simbahan ni Jesucristo? Sapat ba ang kabutihan ko para maging miyembro?”

Ang sagot sa bawat tanong ay dumating sa isang bulong sa aking kaluluwa—“Oo”—nang apat na beses. Ang mga bulong na iyon ay sinamahan ng payapa at dakilang damdamin.

Habang ako ay nakayuko, na nakaluhod sa panalangin at basang-basa ng luha, bumulalas ako: “Kung ito po ang sagot na ibibigay Ninyo sa akin, tinatanggap ko ito at lubos kong iuukol ang aking buhay sa Inyo at sa ebanghelyong ito kapag inihayag Ninyo ito sa akin.” Hindi maipahayag sa mga salita ang mga ideya, damdamin, at katotohanang bumalot sa akin.

Ang patotoong natanggap ko nang gabing iyon ay hindi maikakaila, at malakas ito ngayon tulad noon. Mula nang magdasal ako, napatunayan ng Diyos ang mga sagot na iyon sa akin sa libu-libong mahimala at praktikal na paraan.

ang awtor noong binatilyo siya

“Ang Simbahan ay isang himala,” sabi ni Randy, na nakalarawan dito isang buwan matapos siyang binyagan. “At ang buhay ko sa Simbahan ay naging mahimala.”

Isang Apoy ang Nag-aalab sa Aking Kalooban

Hindi nagtagal matapos akong mabinyagan noong 1974, dumalo ako sa aking unang pangkalahatang kumperensya sa Salt Lake City kasama ang kapatid kong si John. Nagulat ako nang kami ni John ay banggitin ni Elder Boyd K. Packer (1924–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, na nakilala ang tita ko sa New York City tatlong linggo bago ang kumperensyang iyon, sa kanyang mensahe sa Linggo ng umaga.

Sinabi ni Elder Packer na sinabi raw ng tiya ko: “Dalawa sa mga pamangkin ko ang sumapi sa inyong Simbahan. Halos hindi ako makapaniwala sa pagbabagong nagawa nito sa buhay nila.”

Dahil sa malaking pagbabagong iyon (tingnan sa Alma 5:14), nag-alab ang aking kalooban at nais ko itong ibahagi. Hindi nagtagal, natagpuan ko ang sarili ko sa Idaho bilang isang full-time missionary. Sa kalagitnaan ng aking misyon, pumanaw ang aking ama, na siyang pinakadakila kong idolo at matalik na kaibigan. Tinawagan ng nanay ko ang mission president ko at hiniling na pauwiin ako para magbigay ng eulogy. Nang ipaubaya sa akin ng mission president ko ang desisyon kung aalis ako, sinabi ko sa kanya na gusto kong magdasal at mag-ayuno sa loob ng 24 na oras bago ako magpasiya.

Nang gabing iyon nanaginip ako. Nagpakita sa akin ang tatay ko. Sa gitna ng dakila at makabuluhang mga pakikipag-usap sa kanya, sinabi niya sa akin, “Anak, manatili ka sa misyon mo.”

Sinunod ko ang payo ni Itay at nanatili ako.

binatang missionary

Dahil sa malaking pagbabagong sumunod matapos siyang magbalik-loob, “nag-alab ang kalooban” ni Randy kaya ginusto niyang ibahagi iyon bilang isang full-time missionary.

Anim na buwan pagkatapos ng misyon ko, hawak ko ang kamay ng nanay ko sa kanyang huling paghinga. Makalipas ang ilang dekada, nakakita ng isang liham ang asawa kong si Lisa mula sa aking mga magulang sa isang lumang kahon. Isinulat iyon ni Itay sa akin noong nasa misyon ako pero namatay siya bago niya iyon naipadala.

“Ang aming mga puso noon at ngayon at sa tuwina ay magiging puspos ng pagmamahal sa iyo. Napagtanto ko na ang mga bagay-bagay ay hindi palaging perpekto, pero ganyan talaga ang buhay. … Hindi sinabi ni Cristo na, ‘Sundan mo ako at hindi ka mahihirapan.’ Sabi Niya, ‘Pasanin ang [iyong] krus, at sumunod sa akin’ [Mateo 16:24]. Pinasan Niya ang krus, pero lahat tayo ay may mga salubsob. Marahil ay nakasalalay ang lugar natin sa langit sa kung paano natin titiisin ang sa atin. Anak, mahal na mahal ka namin.”

Ang Hinahanap Ko

Habang lumalaki, hindi maganda ang pakikitungo ko sa aking mga magulang, pero hindi ko pinagdudahan kailanman ang kanilang pagmamahal. Mula nang matagpuan ko ang Simbahan, nagsikap na akong pasalamatan at igalang sila.

Noong Pebrero 17, 2018, dalawang linggo bago nagsara ang Washington D.C. Temple para sa renobasyon, nabuklod ako sa kawalang-hanggan sa aking ama’t ina, 42 taon matapos silang sumakabilang-buhay. Ang panganay kong anak na si William ang nagsilbing proxy para sa aking ama, at si Lisa ang nagsilbing proxy para sa aking ina. Nadama ko na ang aking mga magulang, na nabuklod sa isa’t isa bago iyon, ay kapwa naroon sa espiritu.

Nasa templo ang mga ordenansa na nagbibigkis sa atin magpakailanman sa ating mga mahal sa buhay. Natitiyak ko iyan.

Noong bata pa ako, ayaw kong mag-asawa o magkaanak. Pero ngayon ang aking asawa, mga anak, at mga apo ang pinakamahalaga kong yaman. Ang Simbahan ay isang himala, at ang buhay ko sa Simbahan ay naging mahimala. Katulad ni Joseph Smith, sinasabi ko, “Kung hindi ko ito naranasan, ako mismo ay hindi maniniwala rito.”

Limampung taon na ang nakararaan, naging isa akong construction worker sa Washington D.C. Temple. Kumbinsido ako na walang masayang kinabukasan ang buhay ko. Ngayon ako ay isang ordinance worker sa templo ring iyon, nang tanggapin ko ang paanyaya ng Panginoon na sundan Siya, tanggapin ang Kanyang pagpapagaling, tanggapin ang Kanyang mga ordenansa, at sikaping maging katulad Niya.

mag-asawang magkasamang nakatayo at nakangiti

Si Randy at ang kanyang asawang si Lisa ay naglilingkod sa Washington D.C. Temple, at tumulong siya sa pagtatayo nito 50 taon na ang nakararaan.

Larawang kuha ni Leslie Nilsson

Ang ipinanumbalik na Simbahan ay hindi isang teorya, pilosopiya, o isang komunidad o kultura lamang. Ito ang tunay na Simbahan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.

Akala ko matatagpuan ko ang hinahanap ko sa San Francisco. Hindi pala. Natagpuan ko ito sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at sa bahay ng Panginoon, “ang pinakakatangi-tanging bahagi ng Panunumbalik.”