“Isara ang Gate,” Liahona, Mar. 2025.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Isara ang Gate
Habang naglilingkod sa isang rantso, natutuhan ko ang mahalagang aral tungkol sa laging pagsunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo.
Larawan ng awtor sa rantso na kuha ni Shaun Sutton
Nang malapit na akong matapos bilang binatang service missionary, sinunod ko ang pahiwatig na maglingkod nang dalawang araw sa isang linggo sa isang bakasyunang rantso sa Utah para sa mga pamilya ng mga militar at nakaligtas sa digmaan. Wala akong anumang karanasan na may kaugnayan sa pagrarantso, pero tuwang-tuwa ako.
Noong bago pa ako roon, pinalinis sa akin ang mga kuwadra ng kabayo. Ang aking butihing kaibigan at kompanyon na kasama kong nagtuturo sa gabi, si Elder Saltern, ay inatasang ituro sa akin ang gagawin.
Pagdating sa huling kuwadrang lilinisin isang araw, sinundan ko si Elder Saltern papasok. Nakatanggap ako ng banayad na impresyon sa aking isipan na magtanong tungkol sa pagsasara ng gate sa likod namin. Binalewala ko ang naisip ko at naglinis na ako.
Ang kabayong nasa kuwadra, si Shrek, ay isa sa pinakamalalaking kabayo sa rantso. Nagsimula siyang magdadamba sa kaba habang naglilinis kami. Biglang tumakbo si Shrek sa bukas na gate palabas ng kuwadra at nilampasan ang iba pang mga kabayo sa labas sa mga kural.
Mabuti na lang, sinunggaban ng isa sa mga bihasang tao sa rantso ang isang baldeng oats at mabilis na inakit ang kabayo pabalik. Nang maibalik niya si Shrek sa kuwadra nito, tumingin siya sa akin at natatawang nagtanong, “Ano ang natutuhan natin?”
Ang malinaw na aral ay ang laging isara ang gate. Naalala ko ang isang talata sa banal na kasulatan na nabasa ko nang umagang iyon mismo na nagturo sa akin na sumunod “sa mga panghihikayat ng Banal na Espiritu” (Mosias 3:19).
Nang pumasok kami ni Elder Saltern sa kuwadra ni Shrek, nabalewala ko ang pahiwatig ng Espiritu Santo na isara ang gate. Nalimitahan ko ang Espiritu na payuhan lamang ako sa mga bagay na inakala kong “espirituwal” na may kaugnayan sa mga banal na kasulatan o mga kautusan. Nakadama ako ng pagpapakumbaba sa karanasang ito. Natanto ko na ang kaalaman ng Espiritu ay higit pa sa nalalaman ko—kahit pagdating sa pagrarantso!
Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018), “Tandaan na ang gawaing ito ay hindi lamang sa inyo at sa akin. … Kapag tayo ay nasa paglilingkod [sa Panginoon], may karapatan tayo sa tulong ng Panginoon.”
Maaaring hindi ako nagtuturo ng ebanghelyo sa rantso, tulad ng gagawin namin ni Elder Saltern noong gabing iyon, pero may karapatan akong tumanggap ng tulong at patnubay mula sa Diyos—kahit habang naglilinis ng mga kuwadra ng kabayo.