“Manatiling Konektado sa Tagapagligtas,” Liahona, Mar. 2025.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Manatiling Konektado sa Tagapagligtas
Nang magsimula kaming bumaba mula sa tuktok, biglang nahulog ang tatay ko at kapatid na babae sa kanilang sasakyan!
Larawang-guhit ni David Miles
Isang panahon ng tag-init ay nagbakasyon ang pamilya ko sa katimugang bahagi ng China, kung saan sumakay kami sa mga all-terrain vehicle (ATV) na dadaan sa isang rainforest. Pagdating namin sa ATV camp, nagulat kami nang bigyan kami ng mga guide ng mga full body protective suit na may napakalaking helmet at goggles. Tila medyo sobra ito para sa mga baguhang rider sa gayong mainit at mahalumigmig na panahon, pero isinuot pa rin namin ang gear.
Matapos tumanggap ng mga tagubilin sa pagsakay, umalis na kami at kalauna’y nakarating sa tuktok ng aming paglalakbay. Doon kami tumigil para uminom ng tubig at magpunas ng pawis sa aming mukha.
Pagkatapos ay ipinaliwanag ng aming guide na magiging mas mahirap ang pagbaba. Kakailanganin naming manatiling malapit sa isa’t isa at bumuo ng ATV train, na nakadikit ang bawat ATV sa sasakyan sa harapan at likuran para tumatag ang grupo.
Nang magsimula kaming bumaba, nagtawagan kami sa isa’t isa para i-coordinate ang aming pagbaba. Gayunpaman, unti-unti kaming nagkahiwa-hiwalay at nagkaroon ng agwat sa pagitan ng sasakyan ko at ng ATV na sinakyan ng tatay ko at bunsong kapatid na si Vivi. Biglang tumilapon si Vivi at ang tatay ko mula sa sasakyan nila! Dinaganan ng tatay ko si Vivi sa eksaktong oras para protektahan siya bago pa siya magulungan ng ATV.
Nakahinga kami nang maluwag nang makita naming tumayo ang tatay ko at si Vivi at nagpagpag ng dumi sa pantalon nila. Dahil sa protective gear na suot nila, hindi gaanong nasugatan ang tatay ko. Takot na takot si Vivi pero hindi nasugatan. Nang magsama-sama kaming muli, mariing ipinaalala sa amin ng guide na kailangan naming panatilihing konektado ang aming mga ATV kung ayaw naming tumilapong muli sa burol.
Sa buhay kung minsa’y natutukso tayong isipin na kaya nating gawing mag-isa ang mga bagay-bagay. Iniisip natin na hindi natin kailangang magsuot ng proteksyong baluti ng ebanghelyo, na maaaring hindi komportable sa atin. Gayundin, maaaring mahirapan tayo kung minsan na manatiling konektado sa ating Ama sa Langit. Kapag hindi natin ito nagawa, nanganganib tayong tahaking mag-isa ang nakakatakot at mapanlinlang na mga landasin ng mundo, na madalas na pangyarihan ng malulubhang espirituwal na aksidente at pinsala.
Kung gagamitin natin ang proteksyong ibinibigay ng ebanghelyo at mananatiling konektado sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, makakaya nating harapin ang darating na mga hamon sa ating buhay. Gaano man nakakatakot o kahirap ang landas, magtatagumpay tayo kung kasama Sila.