Digital Lamang
Maaari ba Akong Tumanggap ng Paghahayag para sa Iba?
Itinuro ng Panginoon na makatatanggap lamang tayo ng paghahayag sa sakop ng ating mga responsibilidad at sa ilalim ng wastong awtoridad.
Maaaring mahirap kilalanin ang tinig ng Panginoon sa gitna ng mga panlilinlang ng mundo, pero binigyan tayo ng mga propeta at apostol sa mga huling araw ng patnubay para makatulong.
Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kailangan nating maunawaan ang framework kung saan kumikilos ang Espiritu Santo para makapaglaan ng personal na paghahayag. Kapag kumilos tayo sa loob ng framework, maaaring makapagbigay ang Espiritu Santo ng nakamamanghang mga kabatiran, direksyon, at kapanatagan. Sa labas ng framework na iyan, gaano man tayo kagaling o katalino, maaari tayong malinlang.”
Ilang buwan lamang matapos maitatag ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo, nalaman ng mga Banal ang tungkol sa mahalagang alituntuning ito.
Noong Agosto 1830, sinabi ng isang miyembro ng Simbahan na nagngangalang Hiram Page na nakatanggap siya ng mga paghahayag mula sa Diyos tungkol sa “pagtatatag ng Sion” at “kaayusan ng Simbahan.” Naniwala sa kanya ang ilang miyembro ng Simbahan, pati na si Oliver Cowdery.
Nabagabag si Propetang Joseph Smith dahil ang mga sinasabi ni Hiram ay salungat sa “kaayusan ng bahay ng Diyos.” Nagtanong si Joseph sa Panginoon at tumanggap ng paghahayag para kay Oliver na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 28.
Sinabi ng Panginoon na si Oliver Cowdery ay maaaring “magsalita o magturo” kung siya ay “papatnubayan sa anumang oras ng Mang-aaliw” para gawin ito (Doktrina at mga Tipan 28:4). Ngunit sinabi rin ng Panginoon, “Walang sinuman ang itatalagang [tumanggap] ng mga kautusan at paghahayag sa simbahang ito maliban sa aking tagapaglingkod na si Joseph Smith” hanggang sa maitalaga ng Panginoon “ang hahalili sa kanya” (mga talata 2, 7).
Sa madaling salita, lahat ng karapat-dapat na naghahanap ay maaaring gabayan ng Espiritu Santo para sa kanilang mga personal na responsibilidad, mga calling sa Simbahan, at mga pamilya. Ngunit tanging ang kasalukuyang propeta lamang ang may awtoridad na tumanggap ng mga kautusan o paghahayag para sa buong Simbahan. “Sapagkat lahat ng bagay ay kailangang maisagawa nang may kaayusan,” sabi ng Panginoon (talata 13).
Ipinaliwanag ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Maliban kung kayo ay tinawag ng wastong awtoridad, hindi ibinibigay sa inyo ang mga impresyon mula sa Espiritu upang payuhan o iwasto ang iba.”
Sa pagsunod sa mga salita ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang awtorisadong mga lingkod at sa paghahangad ng personal na paghahayag sa sakop ng ating mga responsibilidad, maiiwasan natin ang panlilinlang at makakaranas tayo ng kapayapaan, kagalakan, at kaligtasan.