Digital Lamang
Tandaan: Malaki ang Iyong Kahalagahan
Kilala at mahal ka ng Diyos, saan ka man naroroon, anuman ang iyong kalagayan.
Sa isang mundo na napakaraming tao, talaga bang kilala ng Diyos ang bawat isa sa atin?
Oo!
Sabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Saanman kayo manirahan, gaano man kaaba ang inyong kalagayan, hamak man ang inyong trabaho, limitado man ang inyong mga kakayahan, simple man ang kaanyuan ninyo, o di-mataas ang katungkulan sa Simbahan, hindi kayo nalilimutan ng inyong Ama sa Langit. Mahal Niya kayo.”
Lahat ng mga anak ng Diyos ay mahalaga sa Kanya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:10; Alma 26:37). Sa sumusunod na mga salaysay, ibinahagi ng mga miyembro kung paano nila nalaman at patuloy na naaalala ang Kanyang pagmamahal sa kanila.
Ang Diyos ang Maglalaan
“Pansinin ninyo ang mga liryo sa parang, kung paano silang lumalaki; … kung gayon binibihisan ng Diyos ang damo sa parang …, hindi ba lalo niya kayong bibihisan …?” (Mateo 6:28, 30).
Dahil mapalad kami na malapit ang tirahan namin sa kalikasan, natutuwa ang pamilya ko sa mahahabang paglalakad bago lumubog ang araw sa mga daanan sa tabi ng aming tahanan. Sa mga paglalakad na iyon, madalas naming pag-usapan ang nangyari sa aming maghapon at ang mga pagpapalang napansin namin sa araw na iyon. Kabilang sa mga simpleng bagay na gustung-gusto ng anak kong babae sa dinaraanan namin sa hiking ay ang mga ligaw na bulaklak. Makulay, ligaw, at malaya ang mga iyon. Walang nagdidilig talaga sa mga ligaw na bulaklak na iyon araw-araw, dahil nakakakuha ang mga ito ng tubig at halumigmig mula sa hamog at sa paminsan-minsang ulan.
Ipinapaalala nito sa akin ang turo ng Diyos sa Mateo 6:28. Madalas tayong mag-alala araw-araw kung paano tayo uunlad sa buhay, kung ano ang hitsura natin, o kung ano ang tingin sa atin ng iba. Pero ang kagandahan ng mga ligaw na bulaklak na iyon ay ang simpleng paalala sa akin araw-araw na mahal ako ng Diyos at lagi Siyang maglalaan para sa akin at sa aking pamilya.
Thang Nguyen, Texas, USA
Maaari Nating Mahalin ang Iba na Tulad ng Pagmamahal ng Diyos
“Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).
Nalaman ko na malaki ang kahalagahan ko sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagsasaulo ng Tema ng Young Women, pagbabasa ng aking patriarchal blessing, at paggawa ng mga tipan sa banal na templo. Nalaman ko na malaki ang kahalagahan ko sa Diyos sa pamamagitan ng karanasan ko sa buhay na ito. Nadama ko kung gaano Niya ako kamahal sa pamamagitan ng pagmamahal ko sa aking mga anak. Kapag naglilingkod ako sa iba, natututuhan kong mahalin sila tulad ng pagmamahal Niya. Sakdal ang Kanyang pagmamahal para sa lahat ng Kanyang mga anak, at kabilang ako. Ipinapakita sa akin ng pagmamahal na iyon kung gaano ako kahalaga sa Diyos, at ipinapakita nito sa akin ang aking kahalagahan.
Keturah Gordon, Oregon, USA
Ang Maliliit at mga Karaniwang Bagay ay Nagpapalakas ng Pananampalataya
“Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6).
Naaalala ko na noong bata pa ako, sinasabi sa akin ng nanay ko na malaki ang kahalagahan ko sa Diyos, na kilala Niya ako, at na dapat kong hangaring mahalin at paglingkuran Siya palagi. Maaaring nakakasawa na itong pakinggan, pero alam kong totoo ito, dahil ipinamuhay ko na ito. Dahil sa paggawa ng maliliit at mga karaniwang bagay, ang katotohanang itinanim ng aking ina sa puso ko noong araw ay naging malaking kaalaman at katiyakan na kilala at mahal ako ng Diyos at mahalaga ako sa Kanya. Mas napapalapit ako sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisimba at regular na pagtanggap ng sakramento, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, patuloy na pagdarasal na maunawaan ang Kanyang salita, paghahangad ng paghahayag mula sa Diyos para sa aking sarili at sa aking pamilya, pagsunod sa mga utos ng Diyos, pagtanggap at pagtupad ng mga calling sa Simbahan, pagmamahal sa iba, pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba, pagtuturo sa iba na hanapin ang kanilang mga ninuno at gumawa ng sarili nilang mga personal na kasaysayan, at paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa Diyos.
Isinugo Niya ang Kanyang Anak upang magdusa at mamatay para sa akin dahil mahal na mahal Niya ako at nais Niyang makabalik ako upang makapiling Siya balang-araw. Wala akong alinlangan na alam ito ng nanay ko, at inaasam at ipinagdarasal ko na lagi kong maalala at patuloy na magawa ang lahat ng makakaya ko.
Moana Piena, Hawaii, USA
Isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak
“Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16).
Nadama ko ang pagmamahal ng Diyos sa sarili kong buhay sa pamamagitan ng nasagot na mga dalangin at ng kapayapaang nadarama ko kapag pinag-aaralan namin ng pamilya ko ang mga banal na kasulatan. Ang mga personal na karanasang ito ay nagpapaalala sa akin na alam ng Diyos ang nangyayari sa akin at nagmamalasakit Siya sa aking kapakanan. Ang plano ng kaligtasan mismo ay isang katibayan ng ating kahalagahan sa paningin ng Diyos. Naghanda Siya ng paraan para makabalik tayo sa Kanya at maging katulad Niya. Ipinapakita ng banal na planong ito na pinahahalagahan Niya ang ating walang-hanggang pag-unlad at kaligayahan.
Marahil ang pinakamalaking katibayan ng pagmamahal ng Diyos ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Nagdusa ang ating Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin, na nagpapakita na sulit ang ginawa Niyang malaking sakripisyo para sa atin. Pinatototohanan ko na mahal ng Diyos ang bawat isa sa atin nang lubos at personal. Walang hanggan ang kahalagahan natin sa Kanya. Kapag ginugunita natin ang katotohanang ito, maaari nating harapin ang mga hamon ng buhay nang may pananampalataya at makasusumpong tayo ng kagalakan sa ating paglalakbay pabalik sa Kanya.
Alex Lobanov, Tbilisi, Georgia
Laging Nariyan ang Diyos para sa Atin
“Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 18:10).
Para sa akin, tuwing nadarama ko na walang nagmamahal sa akin o nalulungkot ako sa sarili ko, naaalala ko ang talata sa Doktrina at mga Tipan na nagsasabing, “Ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 18:10). Ang pahayag na ito mula sa ating Ama sa Langit ay nagbigay sa akin ng malaking kapanatagan. Lagi Siyang nariyan para sa akin, anuman ang mangyari. Ang Kanyang pagmamahal ay walang hanggan, at mahirap isipin na isasakripisyo Niya ang Kanyang Anak para iligtas tayong lahat. Ang kahanga-hangang pagpapakitang ito ng pagmamahal ay nagbigay sa akin ng lakas na magtagumpay sa kabila ng mga hamon at makaugnay sa Kanya.
Janette Tam, California, USA
May Plano ang Diyos para sa Ating Buhay
“Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).
Ang pag-aaral ng iba pa tungkol sa dakilang plano ng kaligtasan at kadakilaan ay nakatulong sa akin na malaman na ako ay anak ng Diyos. Nang pag-aralan ko ang Moises 1:39, naunawaan ko na malaki ang tungkuling ginagampanan ng Ama sa Langit sa buhay ko. Nagbibigay ito sa akin ng pag-asa at katiyakan.
Sa pamamagitan ng aking calling at mga responsibilidad bilang asawa at ama, nalaman ko na ang Diyos ay aking Ama at mahal Niya ang lahat ng Kanyang mga anak. Ang paggawa ng mga tipan at pagtupad sa mga iyon sa pamamagitan ng araw-araw na pagsisisi at pagtanggap ng sakramento linggu-linggo ay nakatulong sa akin na madama ang Kanyang pagmamahal sa akin at sa aking pamilya.
Francis Kikambi Sseremba, Wakiso, Uganda
May kilala ka bang sinuman na kinakailangang paalalahanan na malaki ang kanyang kahalagahan? Maghanap ng paraan para maibahagi ang pagmamahal ng Diyos sa iba ngayon!