2025
Pagiging Kabilang sa Plano ng Diyos at sa Templo
Marso 2025


“Pagiging Kabilang sa Plano ng Diyos at sa Templo,” Liahona, Mar. 2025.

Pagiging Kabilang sa Plano ng Diyos at sa Templo

May tatlong alituntunin na nagpapaalala sa atin na lahat tayo ay maaaring tumanggap ng mga pagpapalang nais ibigay ng Diyos sa Kanyang mga anak.

Barranquilla Colombia Temple

Larawan ng Barranquilla Colombia Temple na kuha ni Leslie Nilsson

Nakaupo ako kasama ang isang grupo ng mga miyembro ng Simbahan. Ngayon lang kami nagkakila-kilala, pero may isang bagay sa aming lahat na magkakapareho: wala kaming asawa.

Ngayon, gusto kong balikan sandali ang una kong sinabi. Sa ebanghelyo ni Jesucristo, hindi tayo tinutukoy ayon sa mga label. Ang tunay nating pagkatao, ayon sa turo ni Pangulong Russell M. Nelson, ay na tayo ay “literal na mga espiritung anak ng Diyos.” Nauunawaan ko na dahil sa pangangailangan ay tinatawag natin ang ilang miyembro ng Simbahan na single. May mga praktikal na dahilan para diyan. Pero kung minsan, tulad ng tila nangyari sa sitwasyong ito, maaari nitong iparamdam sa mga miyembro na parang hindi sila kasali. Baka nga magpahirap ito sa kanila na madama na talagang kabilang sila sa mga pagpapala ng Diyos na kaligtasan at kadakilaan.

Alam ninyo, pinag-uusapan natin ang templo—at ang pakiramdam ng ilang tao sa grupo, dahil wala silang asawa ay hindi na nila matatanggap ang kabuuan ng mga pagpapala sa templo. Nauunawaan ko; kapag hindi kayo kasal sa Simbahang nakasentro sa pamilya, maaaring mahirap makita kung paano kayo mapapabilang. Pero alam ko rin na hindi hinuhusgahan ng Panginoon kung ang isang tao ba ay karapat-dapat na tumanggap ng mga ipinangakong pagpapala batay sa mga panlabas na anyo o label. Siya ay “tumitingin sa puso” (1 Samuel 16:7) at ibinibigay ang Kanyang mga pagpapala sa lahat ng pumipiling sundin Siya. Naniniwala ako rito nang buong puso. Kaya, habang iniisip ito, narito ang tatlong alituntunin na tutulong sa mga Banal sa mga Huling Araw na walang asawa na malaman na kabilang sila sa plano ng Diyos at sa templo.

1. Ginawa ng Diyos ang Kanyang plano para sa bawat isa sa Kanyang mga anak.

Dahil ang bago at walang-hanggang tipan ng kasal ay kailangan para sa kadakilaan, maaaring magmukha na hindi ginawa ang plano ng Diyos para sa mga walang asawa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–3). Pero itinuro ni Elder Patrick Kearon: “Ang magandang plano ng ating Ama, maging ang Kanyang ‘kamangha-manghang’ plano, ay nilayon upang iuwi kayo, hindi upang hindi kayo papasukin. Walang sinumang naglagay ng harang sa daan at nagtalaga ng isang tao roon para pabalikin at paalisin kayo. Sa katunayan, kabaligtaran ito. Ang Diyos ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa inyo. ‘Nais [Niya] na ang lahat ng Kanyang mga anak ay piliing bumalik sa Kanya,’ at ginagawa Niya ang lahat para matulungan tayong makauwi sa Kanya.”

Hindi layon ng Diyos na itaboy ang mga walang asawa mula sa pagtatamasa ng mga pagpapalang ibinibigay Niya. Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023), Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na, “Pinatutunayan ng mga banal na kasulatan at ng mga propeta sa mga huling araw na lahat ng matapat sa pagtupad ng mga tipan ng ebanghelyo ay may oportunidad para sa kadakilaan.” Bawat kaluluwa ay malaki ang kahalagahan sa paningin ng Ama sa Langit—kaya nga Niya isinugo ang Kanyang Bugtong na Anak upang mamatay at matubos tayong lahat mula sa kasalanan upang magkaroon tayo ng kaloob na buhay na walang hanggan (tingnan sa Juan 3:16–17; Doktrina at mga Tipan 18:10–12).

Kung maiiba ang buhay kaysa inaasahan, maaari nating pagdudahan ang ating layunin sa plano ng Diyos. Subalit hindi kailanman ginarantiyahan sa Kanyang plano na magkakapare-pareho ang buhay natin. Hindi natin alam kung anong mga kagalakan, kabiguan, tagumpay, o pighati ang maaaring maranasan natin. Sabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Napakarami nating hindi alam [kaya] ang tanging tunay na maaasahan natin ay ang magtiwala sa Panginoon at sa Kanyang pagmamahal sa Kanyang mga anak.”

Maaaring hindi natin alam kung bakit ganito ang ating buhay ngayon. Pero ang pagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang pagmamahal ay maaaring maghatid ng kalinawan kung paano Niya nilayon ang Kanyang plano para sa lahat ng Kanyang mga anak—pati na sa iyo.

babaeng nakatayo sa harap ng estatwa ng Christus

Larawan ng loob ng Rome Italy Temple Visitors’ Center na kuha ni Massimo Criscione

2. May personal na mga pagpapala ang templo para sa lahat.

Maaari nating isipin na ang pagbubuklod ay para lamang sa mag-asawa. Pero bukod pa sa pagbubuklod ng mga mag-asawa sa Panginoon, ang mga pagbubuklod ay pinagsasama-sama ang mga pamilya magpakailanman. Sa pamamagitan ng mga pagbubuklod, matatamasa ng lahat ng mga anak ng Diyos ang mga walang-hanggang pagpapala kung tutuparin nila ang kanilang mga tipan.

Pinagtitibay ng kapangyarihang magbuklod ang lahat ng ordenansa ng priesthood sa langit at sa lupa. Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “[Ang kapangyarihang magbuklod] ay nagbibigay sa lahat ng mga anak ng Diyos ng pagkakataong matanggap ang indibiduwal na kaligtasan at kadakilaan ng pamilya saanman at kailanman sila nabuhay sa mundo. Walang iba pang teolohiya o pilosopiya o awtoridad ang makapapantay sa gayong oportunidad na laan sa lahat. Ang kapangyarihang magbuklod ay perpektong pagpapakita ng katarungan, awa, at pagmamahal ng Diyos.” Ang mga pagpapalang ibinibigay ng Panginoon ay para sa lahat kaya matatamo ito ng lahat ng gagawa at tutupad ng mga tipan sa Kanya.

Mas mauunawaan natin kung paanong kasama ang lahat sa plano ng Diyos kapag sumasamba tayo sa bahay ng Panginoon. Ang paggugol ng oras sa templo, pagtuturo ni Pangulong Nelson, “ay tutulong sa inyo na mag-isip nang selestiyal at maunawaan kung sino talaga kayo, ano ang maaari ninyong kahinatnan, at ano ang uri ng magiging buhay ninyo magpakailanman.” Ipinaliwanag din niya na ang pagsamba sa templo ay magbibigay sa atin ng proteksyon, mas malakas na patotoo, kapanatagan, personal na paghahayag, higit na kaalaman at kapangyarihan, at higit na pag-unawa sa plano ng Diyos.

May asawa man tayo o wala, may personal na espirituwal na pribilehiyo sa templo para sa ating lahat—ito ay isang lugar na nagpapalakas at nagbibigay ng kapangyarihan sa lahat ng nagnanais na maging malapit sa Diyos. Para sa iba pa, tingnan sa sidebar na “Pinalakas ng Pagsamba sa Templo.”

3. Sa templo, mapapalalim natin ang ating kaugnayan kay Jesucristo.

Sa templo, ang pangunahing tuon ay si Jesucristo. Siya ang sentro ng plano ng Diyos at ang dahilan kaya lahat tayo ay maaaring tumanggap ng kaligtasan at kadakilaan. Itinuro ni Pangulong Nelson: “Ang bahay ng Panginoon ay isang bahay ng pagkatuto. Doon, nagtuturo ang Panginoon sa Kanyang sariling paraan. Doon, bawat ordenansa ay nagtuturo tungkol sa Tagapagligtas. Doon, natututuhan natin kung paano hawiin ang tabing at makipag-ugnayan nang mas malinaw sa langit. Doon, natututuhan natin kung paano sawayin ang kaaway at gamitin ang kapangyarihan ng priesthood para palakasin tayo at ang ating mga minamahal. Dapat [ay] nasasabik tayo na maparoon upang humanap ng kanlungan.”

Makasusumpong tayo ng kanlungan at pagiging kabilang sa templo sa pamamagitan ng paghahanap sa Tagapagligtas sa mga ordenansa at tipan. Sa paggawa nito, makikita natin ang katibayan na mahal Niya tayo at na “lahat ay magkakatulad sa Diyos” (tingnan sa 2 Nephi 26:33). Dahil sa Kanyang pagmamahal sa atin, nais Niyang magkaroon tayo ng “walang hanggang ugnayan” sa Kanya at makatanggap ng “espesyal na uri ng pagmamahal at awa” sa pamamagitan ng ating mga tipan. Kung gagawa at tutupad tayo ng mga tipan sa templo, mapapatibay natin ang ating kaugnayan sa Kanya, na maghahatid sa atin ng “pag-asa, kagalakan, at pagiging positibo sa buong buhay natin”—anuman ang ating sitwasyon.