2025 Philippines, Area Priority Focus
Lumalakad Sila sa Landas ng Tipan . . . sa Kabila ng mga Bundok at Batis
Ang pamilya Secuya ay nakatira sa bulubunduking bahagi ng Cebu. Ang mga magulang ay nangangalaga ng bukid para masuportahan ang limang anak. Sa katapusan ng linggo, nagsusuot silang lahat ng mga pormal na damit at sapatos at nagsisimula nang maglakad ... nang hanggang labindalawang kilometro para marating ang Busay 2nd Ward meetinghouse ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
“Mahalagang magsimba tayo tuwing Linggo, dahil marami tayong natututuhan sa pakikinig sa mga salita ni Jesucristo,” pagbabahagi ni Richelle Secuya. Kasama ang kanyang mga kapatid at magulang, naglalakad si Richelle sa paakyat na mga landas at hinuhubad ang kanyang sapatos para 2025 PHILIPPINES AREA PRIORITY FOCUS Lumalakad Sila sa Landas ng Tipan ... sa Kabila ng mga Bundok at Batis tumawid sa mga batis, at pagkatapos niyon ay naghihintay siya at ang kanyang pamilya ng sasakyan na maghahatid sa kanila sa simbahan.
Sa pagdalo nila sa sacrament meeting, kakaibang kasiyahan ang nadarama ng mga Secuya. “Alam namin na masaya ang Ama sa Langit kapag nasa simbahan kami, na Kanyang bahay,” nakangiting sabi ng kapatid ni Richelle na si Ryle.
Gayunpaman, alam ng pamilya ang mga hamon sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon na magpanibago ng kanilang mga tipan sa binyag sa pagpapanatili nilang banal sa araw ng Sabbath. “Naaalala ko ang pinakapangit naming karanasan,” paggunita ni Mitzi Secuya, na kanilang ina, “kinailangan naming maglakad nang tatlo hanggang apat na oras, na isang buwan naming ginawa.”
May punto na ang mahabang paglalakad ay halos hindi na makayanan ng kanyang mga anak. “May mga pagkakataon na sinasabi nilang pagod na sila sa paglalakad,” pag-amin niya, “pero patuloy pa rin kami dahil hindi magiging kumpleto ang aming Linggo kung hindi namin sila kasamang magsimba.”
Ang paikot-ikot na mga daan na nilalakaran ni Sister Secuya at ng kanyang pamilya ay sumasalamin sa kanyang paglalakbay sa pagdadala sa kanyang pamilya para sama-sama nilang tahakin ang landas ng tipan. Noong una, si Sister Secuya lang ang miyembro ng Simbahan sa pamilya, pero hindi siya naging aktibo.
At isang araw ay nakita niya ang mga full-time missionary. “Miyembro ako ng Simbahan, halikayo,” masayang pagtawag ni Mitzi sa kanila. Nagtakda ng appointment sa pamilya ang mga missionary, at inanyayahan silang pakinggan ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Noong una, hindi pa tanggap ni Richard Secuya ang mga missionary, pero kapag naiisip niya ang kanyang asawa at mga anak, mas tumutugon na siya sa mga pahiwatid ng Espiritu. Ang buong pamilya ay naging mga miyembro ng Simbahan, at nabuklod sa panahong ito at sa buong kawalang hanggan sa loob ng templo.
“Alam ko na hindi kami pababayaan ng Panginoon kung lalapit kami sa Kanya,” pagpapatotoo ni Brother Secuya, “at talagang napakaganda na mga miyembro na kami ngayon ng Simbahan. Talagang may malasakit Siya sa amin.”