2025
Tunay na Diwa ng Ministering
Marso 2025


Mensahe Ng Area

Tunay na Diwa ng Ministering

Nagpapasalamat ako sa Mga Priyoridad ng Area sa 2025 na ipinakilala ng Philippines Area Presidency. Ang pagbibigay-diin sa ministering sa ilalim ng unang priyoridad na “Lumapit kay Cristo” ay nagpaalala sa akin tungkol sa isang liham na natanggap ko noon mula sa isang bishop.

“Isang araw ng Linggo, isang ina na may walong anak ang nagpunta sa aking opisina. Siyam na buwan siyang buntis noon sa kanyang pansiyam na anak. Nag-alala siya na walang pera ang asawa niya na pambayad sa kanyang panganganak. Nagtatrabaho ito bilang guwardiya na may maliit na sahod. Kaya lumapit siya sa akin na kanyang bishop, para humingi ng tulong.

“Idinulog ko ito sa aking stake president para hingin ang kanyang payo. Nagulat ako na sinabi sa akin ng stake president na huwag siyang tulungan dahil sa siyam na buwan ng pagbubuntis, dapat ay napaghandaan ito ng mag-asawa. Siguro naaalala ninyo kung paanong epektibo noon ang polisiyang ito. Pero halatang hindi ganoon ang kaisipan at nakagawian ng babaing buntis tungkol sa paghahanda kaya’t lumapit siya sa akin para humingi ng tulong.

“Muli, tinanong ko ang stake president kung maaari kaming magbigay ng tulong sa pagkain. Sinabi niyang hindi dahil “ilang beses nang nagbigay ang simbahan ng pagkain sa pamilyang iyon pero hindi pa rin aktibo ang ama dahil sa isang pagkakasalang nagawa sa kanya na hindi niya mapatawad.” Sumagot ako na, “paano naman ang asawang buntis at mga anak na aktibong nakikilahok sa simbahan? Hindi natin sila dapat hayaang magdusa, ‘di ba?” Ang sagot niya ay, “Hayaang maging sumpa sa hindi tapat na ama ang mga pagdurusa ng pamilya.” Nabahala ako nang husto sa payo na ito. Hindi ko maunawaan noon kung bakit nasaktan ako nang husto at nabahala sa pag-uusap na iyon.

“Nanganak ang kaawa-awang ina, pero wala akong magawa. Hindi ako makatulong sa bayarin sa ospital. Wala akong karapatan, at sinabi sa akin ng stake president na hindi niya susuportahan ang anumang kahilingan para sa tulong pinansiyal. Bumale ang ama ng dalawang buwan na sahod sa kanyang kumpanya para mabayaran ang gastos sa hospital. Dahil dito ay wala nang natira sa pagkain ng pamilya.

“Nagpasiya akong magdaos ng ward council para pag-usapan ang bagay na ito. Nagpasiya akong bigyan ng pagkain ang pamilya. Gamit ang halagang maaari kong ibigay sa kapasidad ko bilang bishop, hiniling ko sa Elders Quorum President na bumili ng 50 kilong bigas at hiniling sa Relief Society President na bumili ng mga groseri pati na ng mga kailangan ng sanggol at ng ina. At tinanong ko ang council kung anong oras karaniwang nakakauwi ang lalaki mula sa trabaho. Sinabi nila na, 8:30 ng gabi. Kaya’t nagpunta ako nang alas-9:00 ng gabi para bisitahin ang pamilya.

“Ang bahay ay maliit, madilim, at nasa gitna ng bukid. Walang kuryente. Pero, nagulat ako na ang mga president ng Elders Quorum at Relief Society, kasama ang kanilang mga counselor, ay nauna pa sa akin. Ipinakilala nila ako sa ama. Hindi siya makapaniwala na isang bata pang bishop na katulad ko ang matatawag at na nagpunta ako sa bahay niya noong gabing iyon.

“Sumilip ako sa bintana at nakita kong tabi-tabi at magkakadikit na natutulog ang mga bata sa sahig. Sa isang sulok naman nakahiga ang ina kasama ang bagong silang na sanggol.

“Sinabi sa akin ng ama na hiyang-hiya siya na tumanggap ng pagkain mula sa Simbahan dahil matagal na siyang hindi gaanong aktibo. Pero kailangan ito ng kanyang pamilya, at nagpapasalamat siya. Sinabi ko sa kanya na hindi kami nagpunta para bilhin ang kanyang pagiging aktibo sa simbahan. Hindi ko siya kilala kaya bakit iisipin ko naman iyon. Pero sinabi ko sa kanya, “may nakakakilala sa iyo. Alam Niya ang mga pangangailangan mo. Siya ang iyong Ama sa Langit. Ipinadala Niya kami rito para ipaalam sa iyo na may malasakit Siya at mahal Niya kayo.

“Umiyak ang ama. Para siyang musmos na umiyak sa harap namin. Naantig kaming lahat sa kanyang emosyon.

“Sinabi ko sa kanya na sa Linggo, hindi siya dapat magsimba. Ni hindi rin sa susunod na linggo o sa susunod na mga buwan. Binalaan ko siya na hindi ko kayang kontrolin ang sinasabi o mga palagay ng mga tao. Maaaring marinig niya na may magsabi na lumitaw lang siya dahil nakatanggap siya ng tulong mula sa Simbahan, at maaaring masaktan ang kanyang damdamin. Pero kung interesado siyang magpunta kahit ano pa ang maaaring sabihin ng mga tao, lalo na kung dama niyang inaanyayahan siya ng Espiritu, malugod siyang tatanggapin sa simbahan anumang oras.

“Hinanap ko siya pagsapit ng Linggo, pero hindi siya dumating. Ni hindi siya nagpunta nang sumunod na ilang linggo. Makalipas ang dalawang buwan, habang nangangasiwa ako sa sacrament meeting, nakita ko ang isang tao na naglalakad papunta sa sacrament hall. Ang ama iyon, na nahihiyang pumasok at naupo sa likuran. Pero nagulat siya at kalaunan ay naiyak nang marinig na ibinalita ng stake president na nire-release na ako bilang bishop. Sinabi niya na ilang beses niyang pinangarap na maglingkod na kasama ko sa anumang kapasidad sa ward. Pero pumayag siyang gawin ito kasama ang kanyang bagong bishop.

“Makalipas ang anim na buwan sinabi sa akin ng dating counselor ko na ang brother na iyon ang pinaka-masigasig na home teacher sa ward.

“Maraming itinuro sa akin ang karanasang ito tungkol sa ministering. Naisip ko na dapat ko itong ibahagi sa inyo. Pero gaano kaya karaming mga bishop ngayon ang nakatanggap ng ganito ring payo mula sa kanilang mga lider, sinunod ito, at sa prosesong iyon ay nawala sa kanilang puso ang pag-ibig ni Cristo. Sana naman wala. Kung mayroon man, sana ay magsisi sila at manumbalik sa dati.”

Nang mabasa ko ang liham na ito mula sa butihing dating bishop na ito, naiyak ako. Nadama ko ang pagbuhos ng Espiritu na nagpapatunay sa akin na ang bata pa, pinagbawalan, at gayunman ay matapat na bishop ay Kanyang disipulo. Ipinagdasal ko ang stake president na iyon para makita niya ang liwanag na hatid ng kapangyarihan ng pagmamahal, habag, at pagkakawang- gawa na ipinakita, hindi lamang ng butihing bishop na ito, kundi maging ng Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.

Upang makapagbigay ng patnubay at direksiyon, ibinalangkas ng Area Presidency ang Vision at mga Priyoridad sa 2025. Itinuturo ng mga inspiradong alituntuning ito ang tunay na doktrina na tutulong sa pagtatag ng mga indibiduwal, pamilya, ward, at stake sa paghahanda natin para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Sa kanyang pangwakas na mensahe sa Pangkalahatang Kumperensya noong Oktubre 2024, sinabi ni Pangulong Nelson, “Hindi napakaaga ni huli na para ikaw ay maging debotong disipulo ni Jesucristo. At mararanasan mo nang lubusan ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala. Magiging mas epektibo ka rin sa pagtulong na tipunin ang Israel. Kaya ngayon, nananawagan ako sa inyo na muling ilaan ang inyong buhay kay Jesucristo. Lumapit sa Kanya at ialay ang inyong buong kaluluwa sa Kanya. Ito ang lihim tungo sa buhay ng kagalakan.”