Pangkalahatang Kumperensya
Mga Propeta ng Diyos
Pangkalahatang kumperensiya ng Oktubre 2025


11:8

Mga Propeta ng Diyos

Ang pakinggan at sundin ang tinig ng propeta ay napakahalaga upang makakapit nang mabuti sa bawat mabuting bagay hanggang sa sumapit ang Ikalawang Pagparito.

Mga minamahal na kabataan, kayganda ng sesyon ng kumperensiya natin! Napakinggan na natin ang tatlo sa mga buhay na Apostol ni Jesucristo. Kahanga-hangang pagpapala ito! At may isa pa tayong maririnig na magsalita, si Elder Henry B. Eyring. Nagpapatuloy ang espirituwal na pagpapakabusog!

Noong nakaraang taon nang magsalita ako, natutuhan natin kung paano harapin ang mundong ito sa pamamagitan ng naging karanasan ni David kay Goliath. Naaalala ba ninyo ang limang bato? Ngayon, magbabahagi ako sa inyo ng isang kuwento sa Lumang Tipan na nabasa ko noong nasa edad ninyo ako na ginusto kong maging katulad ng bida rito. Hindi binabanggit ang pangalan niya sa Biblia, kaya tatawagin natin siyang babaeng taga-Sunem dahil ito ang pangalan ng kanyang bayan.

Isang babaeng gumagawa ng tinapay para sa propeta

Isang araw, napadaan si propetang Eliseo sa Sunem, at mababasa natin na “roon ay nakatira ang isang mayamang babae; at [hinimok] siya na kumain ng tinapay. Kaya’t tuwing siya’y daraan doon ay pumupunta siya … upang kumain ng tinapay.” Nakikini-kinita ko na napakasaya ni propetang Eliseo na maanyayahang kumain sa bahay niya! Ilang ulit na siyang naparoon, hanggang sa isang araw, sinabi ng babae sa kanyang asawa, “[Narito ngayon], aking nahahalata na ito’y isang banal na tao ng Diyos.”

Ang sabi ng babae, “Ngayon, aking nahahalata.” Tila inanyayahan niya si Eliseo sa kanyang bahay nang hindi niya alam na isa itong propeta; natanggap niya ang kanyang patotoo mula sa Espiritu Santo sa pamamagitan ng pakikinig nang mabuti sa sinabi at itinuro ni Eliseo. (Isipin ninyo, wala pang mga litrato noong panahong iyon! Kaya mahirap makilala ang isang propeta dahil lang sa namukhaan siya.)

Isang babae na naghahanda ng silid para sa propeta

Ngunit hindi roon nagtatapos ang kuwento. Isang araw, sinabi ng babae sa kanyang asawa, “Gumawa tayo ng isang maliit na silid, … at ipaglagay siya roon ng isang higaan, isang hapag, isang upuan, at ng isang ilawan, upang sa tuwing siya’y darating sa atin, siya’y makakatuloy roon.”

Ang matapat na babaeng ito ay handang magpagawa ng isang silid sa loob ng kanyang bahay upang may lugar na matutuluyan ang propeta, na daraan sa lungsod!

Ngayong araw na ito, may matututuhan tayong magandang aral mula sa karanasang ito.

Nagpatotoo ang Panginoon sa babaeng taga-Sunem na isang propeta ng Diyos si Eliseo, at kumilos siya sa pamamagitan ng pagbubukas ng kanyang bahay para tanggapin siya.

Tayo rin ay maaaring makatanggap ng sariling patotoo tungkol sa mga propeta ng Diyos sa panahong ito at buksan ang ating puso’t isipan—ang ating bahay—sa mensahe para sa atin ng ating Ama sa Langit sa mga huling araw na ito.

Minamahal na mga kabataan, inaanyayahan ko kayong itanong ito sa inyong sarili: “May sariling patotoo ba ako sa tungkol sa mga buhay na propeta ng Diyos?”

Umpisahan natin sa simula.

Ano ang isang propeta? Ang propeta ay isang taong tinawag ng Diyos na magsalita para sa Kanya. May mga propeta sa mundo ngayon na tulad din noong mga sinaunang panahon.

Ang mga propeta ay mga tagakita at tagapaghayag. Ibig sabihin, maaari nilang makita ang mga bagay na hindi nakikita ng iba, at makapagpopropesiya sila ng mga magaganap sa hinaharap. Tayo rin ay maihahanda nila sa mga darating na kalamidad. Ang mga propeta ay nakatatanggap ng mga kautusan at paghahayag mula sa Panginoon. Nasasaad sa ikasiyam na saligan ng pananampalataya ang tungkol sa tuluy-tuloy na paghahayag sa mga huling araw na ito. Sinasabi rito, “Naniniwala kami sa lahat ng ipinahayag ng Diyos, sa lahat ng Kanyang ipinahahayag ngayon, at naniniwala rin kami na maghahayag pa Siya ng maraming dakila at mahahalagang bagay hinggil sa Kaharian ng Diyos.”

Sinabi ni Elder Gary E. Stevenson, “Patuloy na inihahayag ng Panginoon ang Kanyang mga utos at kalooban sa Kanyang mga propeta ngayon dahil nais Niyang akayin tayo sa kaligayahan sa buhay na ito at sa kaluwalhatiang selestiyal sa kabilang-buhay.”

Ipinapahayag din ng mga propeta ang ebanghelyo at sila’y mga inspiradong guro at sugo ng Diyos sa lahat ng tao sa mundo.

Bawat miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ay isang propeta, tagakita, at tagapaghayag. Naglilingkod bilang isang konseho sa ilalim ng pamamahala ng Panginoon, sila ay may awtoridad na magpahayag at magpaliwanag ng doktrina at magtakda ng patakaran para sa Kanyang Simbahan. Taimtim silang nananalangin at nagpapalitan ng mga palagay, dahil kailangang nagkakaisa ang mga korum na ito sa mga desisyon. Sa ganitong paraan, tinitiyak sa atin ng Panginoon na masusunod ang Kanyang kalooban.

Ang mga propeta ay nagpapatotoo tungkol kay Cristo—sa Kanyang buhay, sa Kanyang ministeryo, at sa Kanyang pagka-diyos.

Basahin natin ang ilan sa mga patotoo ng mga propeta sa Aklat ni Mormon.

Ipinahayag ni Abinadi:

“Ang Diyos din ay bababa sa mga anak ng tao, at tutubusin ang kanyang mga tao.

“At dahil sa nagkatawang-tao siya, tatawagin siyang Anak ng Diyos.”

Nagpatotoo rin si Samuel, ang Lamanita, na si Jesucristo ay “[ang] Anak ng Diyos, ang Ama ng langit at ng lupa, ang Lumikha ng lahat ng bagay mula pa sa simula.”

At sinabi ni propetang Moroni, “Nakita ko si Jesus, at … nakipag-usap siya sa akin nang harap-harapan.”

Nang dalawin ng Tagapagligtas ang mga Nephita, isa sa mga unang bagay na ginawa Niya ay tumawag ng labindalawang Apostol. At sinabi Niya sa mga tao, “Pinagpala kayo kung kayo ay makikinig sa mga salita nitong labindalawang aking pinili.”

Ngayon, magbabahagi ako ng ilang salita para sa mga magulang o iba pang miyembro ng pamilya na may mga anak na pinapalaki. Ang Panginoon mismo ang nagturo kina Adan at Eva ng mga katotohanan tungkol sa plano ng kaligtasan. At pagkatapos, sinabi Niya sa kanila, “Ako ay nagbibigay sa iyo ng isang kautusan, na malayang ituro ang mga bagay na ito sa iyong mga anak.”

Ano ang ibig sabihin ng malayang ituro? Ito ay pag-alam sa mga katotohanan ng ebanghelyo, pagkakaroon ng sariling patotoo sa mga ito, at pagbabahagi ng kaalamang iyon sa ating mga anak. Ito ay pormal at impormal na pagtataguyod sa mga sandali ng pagtuturo. Ito ay pamumuhay nang ayon sa kaalaman at patotoong iyon.

Inilarawan ng Aklat ni Mormon ang 2,060 na mga kabataang mandirigma na “mga lalaki ng katotohanan at maunawain, sapagkat sila ay naturuang sumunod sa mga kautusan ng Diyos at lumakad nang matwid sa kanyang harapan.” Matapat na sinunod ng mga binatilyong ito si Helaman na kanilang lider sa militar at kanila ring propeta nang mga panahong iyon, at kinilala nila na pinuspos ng kanilang mga ina ang mga puso nila ng katotohanan at pananampalataya.

Mga magulang, sa mundong ito kung saan maraming tinig at kung minsa’y labis na kasamaan, mismong ang Diyos ay inuutusan tayong palakihin ang ating mga anak sa liwanag at katotohanan. Ipinagkatiwala Niya sa atin ang tungkuling ituro sa ating mga anak ang mga nakapagliligtas na katotohanan ng ebanghelyo. Kung bigo tayong gawin ito, ang mundo ay hindi ito gagawin.

Mahal na mga kaibigang kabataan, may paanyaya ako sa inyo: Sa mga darating na araw, inaanyayahan ko kayong lumuhod, buksan ang inyong puso, at manalangin nang may pananampalataya sa Ama sa Langit, hinihiling sa Kanya na kumpirmahin sa inyo na ang propeta at mga apostol na pinili Niya ay mga tinig Niya sa mundo ngayon.

Itinuro sa atin ng babaeng taga-Sunem na maaari tayong magkaroon ng ganoong patotoo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ipinapangako ko sa inyo na sa sandaling alam na natin na sila ay mga itinalaga ng Diyos, magiging mas madali ang takbo ng ating buhay sa kabila ng mga hamong kinakaharap natin, kung susundin natin ang kanilang mga tinig nang may pagtitiwala, pananampalataya, at pag-asa. Ang pakinggan at sundin ang tinig ng propeta ay napakahalaga upang makakapit nang mabuti sa bawat mabuting bagay hanggang sa sumapit ang Ikalawang Pagparito ng ating Tagapagligtas.

Tumitindi ang kasamaan sa mundo, ngunit ang Simbahan ni Jesucristo at ang Kanyang kaharian ay mas malakas pa kaysa dati. Ang Sion ay nagsusuot ng kanyang magagandang damit, at hindi babagsak ang trono ni Cristo. Inaasahan ng Panginoon na magiging matatag tayo sa ating mga patotoo, na mapupuno tayo ng pananampalataya, at magsisisi araw-araw. Umaasa ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo na ipagpapatuloy natin ang Kanyang gawain.

Minsang sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Mga kapatid, hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain?” Gayunman, dahil nakatuon sa inyong mga kabataan ang mensaheng ito, nais kong gamitin ang salitang kabataan sa halip na kapatid. Handa na ba kayo?

“[Mga kabataan], hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain? Sumulong at huwag umurong. Lakasan ang loob, [mga kabataan]; at humayo, humayo sa pananagumpay! Magsaya sa inyong puso, at labis na magalak.

Nagpapasalamat ako sa patnubay at tapat na paglilingkod ng mga buhay na propeta. Taos-puso akong nagpapatotoo na tinawag sila ng Diyos para ipagpatuloy, itatag, at pamunuan ang Kanyang kaharian sa mundo ngayon. At parati nga itong ganito. Laging ang Panginoon ang pipili ng Kanyang mga tagapaglingkod. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Sa salin ng pariralang ito sa Espanyol, ang ibig sabihin ay “mapilit na pag-anyaya.”

  2. 2 Mga Hari 4:8.

  3. 2 Mga Hari 4:9; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  4. 2 Mga Hari 4:10.

  5. Tingnan sa Amos 3:7.

  6. “Sa ilalim ng patnubay ng Panginoon, pinamumunuan [ng Pangulo ng Simbahan ang Simbahan at siya lamang ang tanging tao sa mundo na awtorisadong gamitin ang lahat ng susi ng priesthood. … Siya ay may awtoridad na tumanggap ng paghahayag at ipahayag ang kalooban ng Diyos para sa buong Simbahan” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 5.1.1.1, Gospel Library).

  7. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:38.

  8. Gary E. Stevenson, “Ang Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Masayang Himig,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2025, 5.

  9. Tingnan sa Mateo 28:19–20; Doktrina at mga Tipan 21:1, 4–5; 107:35.

  10. “Taglay ng bawat Apostol ang lahat ng susi ng kaharian at ginagamit nila ang mga susing iyon sa ilalim ng pamamahala ng Pangulo ng Simbahan” (Pangkalahatang Hanbuk, 5.1.1.1).

  11. Tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 5.1.1.1.

  12. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:27–31.

  13. “Ang Labindalawang Apostol ay mga ‘natatanging saksi’ ng pangalan ni Jesucristo. … Pinatototohanan nila sa buong mundo ang Kanyang kabanalan at ang katotohanan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli” (Pangkalahatang Hanbuk, 5.1.1.1).

  14. Mosias 15:1–2.

  15. Helaman 14:12.

  16. Eter 12:39.

  17. Patungkol sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Sinasabi rin sa atin ng aklat na ito na nagpakita ang ating Tagapagligtas sa kontinenteng ito pagkatapos ng kanyang pagkabuhay na muli, na itinatag niya ang kabuuan, at yaman, at kapangyarihan, at pagpapala ng ebanghelyo rito; na sila ay may mga apostol, propeta, pastor, guro, at ebanghelista; may gayunding pagkakaayos, priesthood, mga ordenansa, kaloob, kapangyarihan, at pagpapala, tulad ng tinamasa ng mga nasa Silangang Kontinente” (History, 1838–1856, tomo C-1 [2 Nobyembre 1838–31 Hulyo 1842], 1282, josephsmithpapers.org).

  18. 3 Nephi 12:1; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  19. Moises 6:58; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  20. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 68:25–28.

  21. “Kailangan nating samantalahin ang bawat pagkakataon na maibahagi ang mga turo ni Jesucristo sa mga bata. Ang mga sandaling ito ng pagtuturo ay napakahalaga at mas kakaunti kumpara sa walang-humpay na mga pagsisikap ng mga puwersa ng kaaway. Para sa bawat oras na ginugol sa pagkikintal ng doktrina sa buhay ng isang bata, napakaraming oras ng oposisyon na puno ng mga mensahe at larawan na humahamon o nagbabalewala sa nakapagliligtas na mga katotohanang iyan.

    “Maaaring iniisip ng ilan sa inyo kung mas mabuti bang palalimin pa ang relasyon ninyo sa inyong mga anak sa pamamagitan ng masasayang aktibidad, o maaaring itinatanong ninyo kung maaari bang unti-unting mahirapan ang bata sa inyong mga itinuturo. Sa halip, dapat nating isipin, ‘Sa kakaunting panahon at iilang oportunidad, anong mga salita ng doktrina ang maaari kong ibahagi na magpapalakas sa kanila laban sa di-maiiwasang mga hamon sa kanilang pananampalataya?’ Maaaring ang mga salitang ibinabahagi ninyo ngayon ang maaalala nila sa kanilang paglaki, at limitado ang oras nating magturo” (Henry B. Eyring, “Simple Lamang ang Doktrina ni Jesucristo,” Liahona, Nob. 2024, 97).

  22. Bawat kabataan ay mahalaga! (tingnan sa Alma 57:6, 20).

  23. Alma 53:21; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  24. Tingnan sa Alma 56:44–48; 57:21.

  25. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:40.

  26. Nagbigay rin sa atin ng halimbawa ang mga magulang ni Enos na nagpalaki sa kanya “sa pag-aalaga at pagpapayo ng Panginoon” (Enos 1:1) at itinuro sa kanya ang tungkol sa “buhay na walang hanggan, at ang kagalakan ng mga banal” (Enos 1:3). Alam ni Enos ang katangian ng Diyos (tingnan sa Enos 1:6, 15, 17).

  27. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 21:1–2, 4–6. “Narito ang dakilang katotohanan: habang iginigiit ng mundo na ang kapangyarihan, kayamanan, katanyagan, at mga kasiyahan ng laman ay naghahatid ng kaligayahan, hindi tama iyon! Hindi nila kaya iyon! Ang talagang idinudulot nila ay walang iba kundi isang hungkag na pamalit sa ‘pinagpala at maligayang kalagayan ng mga [taong] sumusunod sa mga kautusan ng Diyos’ [Mosias 2:41].

    “Ang katotohanan ay mas nakapapagod maghanap ng kaligayahan kung saan hindi ninyo ito matatagpuan kailanman! Gayunpaman, kapag inilalapit ninyo ang sarili kay Jesucristo at ginagawa ninyo ang espirituwal na gawaing kailangan upang madaig ang mundo, Siya, at Siya lamang, ang may kapangyarihang hilahin kayo palayo sa impluwensya ng mundong ito.

    “Ngayon, paano pinagpapala ng pagdaig sa mundo ang ating buhay? Malinaw ang sagot: ang pakikipagtipan sa Diyos ay nagbibigkis sa atin sa Kanya sa isang paraan na mas pinadadali ang lahat sa buhay. Huwag sana kayong magkamali ng pag-unawa sa akin: Hindi ko sinabi na pinadadali ng pakikipagtipan ang buhay. Sa katunayan, asahan ang kabaligtaran nito, dahil ayaw ng kaaway na matuklasan ninyo ang kapangyarihan ni Jesucristo. Ngunit ang paglapit ninyo sa Tagapagligtas ay nangangahulugan na nagagamit ninyo ang Kanyang lakas at nakatutubos na kapangyarihan” (Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 97).

  28. Tingnan sa Eter 8:26; Moroni 7:19–25.

  29. Tingnan sa Isaias 52:1.

  30. Tingnan sa Mga Awit 125:1; Isaias 28:16.

  31. Doktrina at mga Tipan 128:22; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  32. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:30.

  33. Tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:5.