Ang Nagbabayad-salang Pagmamahal ni Jesucristo
Ang pagpapahilom at kapatawaran ay parehong matatagpuan nang buo sa nagbabayad-salang pagmamahal ni Jesucristo.
Ipinapahayag ko ang aking pagmamahal para kay Pangulong Russell M. Nelson at ang aking pasasalamat para sa kamangha-manghang impluwensiya niya sa bawat isa sa atin. At para sa ating lahat, nagpapasalamat ako sa Diyos sa pag-iingat at pagpapalaki ng marangal na buhay ni Pangulong Dallin H. Oaks.
Sa bawat taon na nagdaan, lalong tumitindi ang pagmamahal ko sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang maawaing Pagbabayad-sala. Ang Kanyang napakatinding sakripisyo, na magtagumpay laban sa kamatayan at kasalanan, ang pinakamahalagang kontribusyon sa buong kasaysayan ng tao. Para sa akin, ang pag-unawa sa Kanyang banal na kaloob ay walang-hanggang proseso ng pagkatuto na magpapatuloy sa kabilang-buhay.
Ang makapangyarihang habag ng Tagapagligtas sa pagpapatawad ng kasalanan at sa pagpapahilom ng mga sugat na sanhi ng mga kasalanan ng iba ay lubos na mahimalang pagpapakita ng pag-ibig ng Diyos.
Nais kong mag-alok ng pag-asa sa mga naghahangad ng kapatawaran para sa napakabibigat na kasalanan at mag-alok ng ginhawa sa mga naghahangad ng paghilom ng masasakit na sugat na sanhi ng mabibigat na kasalanan ng iba.
Ang pagpapahilom at kapatawaran ay parehong matatagpuan nang buo sa nagbabayad-salang pagmamahal ni Jesucristo.
Pananampalataya kay Jesucristo
Kung nakagawa kayo ng mabibigat na kasalanan at nasa proseso ng pagsisisi o may hangarin kayong lubos na magsisi at madama ang di-masambit na kagalakan ng kapatawaran, dapat ninyong malaman na ang himalang ito ay naghihintay sa inyo. Patuloy na nananawagan ang Tagapagligtas ng, “Lumapit kayo sa akin.”
Ang pagpapatibay ng inyong pananampalataya sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay magpapasigla sa pananabik ng inyong kaluluwa na makilala Siya, maniwala sa Kanya, at isuko ang inyong puso sa Kanya. Nagtanong si Enos tungkol sa kanyang sariling kapatawaran: “Panginoon, paano ito nangyari?” Sagot ng Panginoon, “Dahil sa iyong pananampalataya kay Cristo, na hindi mo pa kailanman narinig o nakita.”
At idinagdag ni Moroni, “Kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo.”
Ang pagtalikod sa kasalanan, pagbaling sa Diyos, at pagpapatibay ng inyong pananampalataya kay Jesucristo ay isang magandang simula. Kabilang sa mapagkumbabang pagsuko ng inyong kalooban sa Diyos ang pag-amin sa mabibigat na kasalanan sa inyong bishop o branch president, ngunit ang inyong lubos na kapatawaran ay nagmumula sa Tagapagligtas. Ang kapatawaran ay isang banal na kaloob na inaalok sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo.
Katapatan
Ang pagnanais na tunay na bumalik sa Diyos ay may kasamang determinasyon na lubos na maging tapat sa inyong Ama sa Langit, sa inyong sarili, sa mga nasaktan, at sa inyong priesthood leader. Nagagalak ang inyong Ama sa Langit sa pagtitika ninyong lumapit sa Kanya na may bagbag na puso at nagsisising espiritu. Ang pagkakaroon ng nagsisising espiritu ay mapagpakumbabang pagpapaubaya ng inyong sarili sa mga kamay ng Diyos; ang pagkakaroon ng bagbag na puso ay naghahatid ng inilarawan ni Apostol Pablo na “pinalumbay nang naaayon sa Diyos,” isang malalim na pananabik ng kaluluwa na bumalik sa Kanya anuman ang kapalit.
Pagpapanumbalik ng Nasira
Ang inyong pananabik ay inaakay kayong magsisi at naising ayusin ang mali ninyong nagawa. Subalit, natatanto na may ilang bagay na hindi ninyo kayang ayusin, taimtim ninyong ipinagdarasal na tulungan kayo ng Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang biyaya, na paghilumin ang mga nasaktan dahil sa inyong mga ginawa.
Ang mga epekto ng mabigat na kasalanang nagawa sa iba ay kadalasang masakit at mahirap madaig. Sinusundan ba ninyo ang halimbawa ng mga anak ni Mosias, na “buong sigasig na nagsisikap na maisaayos ang lahat ng kapinsalaang kanilang nagawa”? Kausapin ang mga iginagalang ninyo tungkol sa maaaring hindi ninyo nakikita.
Habang inihahanda ko ang mensaheng ito, nakatanggap ako ng isang di-inaasahang email mula sa isang taong nasa proseso ng pagsisisi at nagnanais na bumalik sa Simbahan. Ang dati niyang asawa ay nagdurusa pa sa pagkawala “ng [kanilang] walang-hanggang pagsasama, [mga paghihirap sa mga anak], pagkawala ng seguridad sa pananalapi, … medyo hindi [magawang] makaraos sa mga gastusin, [at] lubhang nakakasakal na damdamin na siya ay pinagtaksilan.”
Ibinahagi niya sa akin kung paanong ang kanyang priesthood leader “ay nadamang [utusan siya] na mapanalanging isipin kung ano [pa ang magagawa niya para sa kanyang dating asawa at mga anak].” Pinayagan akong ikuwento ang isang bahagi ng email niya:
“Akala ko [noong una], ang [perang] ibinigay ko sa diborsiyo ay masyadong malaki, pero hinikayat ako ng aking branch president na mag-ayuno at ipagdasal iyon. …
“Sa simula, nahirapan ako sa ideya ng mas malaking bayad-pinsala. Yamang hindi tungkol sa pera ang mga kasalanan ko, inisip ko kung ano talaga ang ibig sabihin ng ‘bukas-palad na bayad-pinsala’ … [ngunit] hindi naglaon ay natanto ko na hindi iyon tungkol sa pera.
“Kinausap ng mga priesthood leader ko ang [dati kong asawa] at mga anak at natanto na nahihirapan pa rin sila at hindi pa naghihilom ang sugat. …
“Ang bago kong mithiin ay sumulong nang may pananampalataya. … Ipinahayag ko lamang na nais kong tumulong nang walang inaasahang kapalit. … Nagpasiya akong [padalhan ng partikular na halaga ang dati kong asawa] kada suweldo, na isang malaking bahagi ng natatanggap kong sahod. Bago ko ipinadala ang unang bayad, [ipinaisip sa akin ng Panginoon na kailangan kong] magpadala ng [doble ng halagang iyon].
“Nalaman ko na ang pagbabayad-pinsala ay hindi lamang tungkol sa pera. Tungkol ito sa mapagpakumbabang paglalaan ng buhay ko sa Panginoon. … Ang pera ay para tumulong na palitan ang kinuha ko mula sa aking pamilya dahil sa mga mali kong pagpapasiya. Tungkol iyon sa paggawa at pagtupad ng mga pangako nang hindi umaasa ng anumang kapalit at pagtulong sa kanya na huwag mag-alala tungkol sa mga bayarin upang madama niya ang Espiritu.”
Ang inyong mga pagsisikap na ibalik ang inyong nasira ay maaaring walang kinalaman sa pera, ngunit kapag mapagpakumbaba kayong sumangguni sa Panginoon, malalaman ninyo na mas marami pa kayong magagawa.
Pagsang-ayon ng Langit nang Paunti-unti
Kapag humingi kayo ng tawad sa Panginoon, magtiyaga habang hinihintay ninyo ang Kanyang buong pagsang-ayon. Isipin ang talatang ito sa banal na kasulatan:
“Nagpakumbaba sila ng kanilang sarili maging sa kailaliman ng pagpapakumbaba; at … nagsumamo sa Diyos; oo, maging sa buong maghapon. … [Ngunit] ang Panginoon ay mabagal sa pakikinig sa kanilang pagsusumamo dahil sa kanilang mga kasamaan.”
“Gayunpaman, dininig ng Panginoon ang kanilang pagsusumamo, at sinimulang … pagaanin ang kanilang mga pasanin; … at … nagsimula silang unti-unting umunlad.”
Magtiyaga dahil ibinibigay sa inyo ng Panginoon ang Kanyang pagpapala at pagsang-ayon nang paunti-unti.
Sa panahon ng Panginoon, madarama ninyo na sinasabi ng Kanyang tinig sa inyo, “Ang mga bagay na ito ay huwag nang gumulo pa sa iyo.” Balang-araw, habang patuloy kayong bumabalik sa Tagapagligtas, ang inyong Ama sa Langit ay “[aalisin] ang pagkakasala sa [inyong puso], sa pamamagitan ng kabutihan ng kanyang Anak.”
Nasaktan at Nagdurusa
Para sa inyo na walang-katarungang nasaktan sa mabibigat na kasalanan ng iba, gusto kong ibahagi ang pagmamahal at habag ng Tagapagligtas, ang Kanyang ginhawa at kapayapaan.
Ang lungkot na nadama ninyo, ang kasawian, ang kawalan, ang nakakasakal na damdamin ng pinagtaksilan, ang biglang pagbabago ng inyong pamumuhay—lubos kong tinitiyak sa inyo, kilala at mahal kayo ng Tagapagligtas. Humingi ng tulong sa Kanya. Siya ang inyong ginhawa at lakas; isusugo Niya ang Kanyang mga anghel para aliwin kayo. Kailan mawawala ang nadarama ninyong sakit, mababawasan ang inyong dalamhati, malilimutan ang masasaklap ninyong alaala? Hindi ko alam. Pero ito ang alam ko: May kapangyarihan Siyang patamisin ang mapapait na karanasan.
Ang ating minamahal na mga kapatid sa Grand Blanc, Michigan, sa kanilang walang takot na pananampalataya kay Jesucristo, sa kanilang katapangan at hindi pagkamakasarili, ay natanggap at saganang tatanggap, sa darating na mga linggo at buwan, ng walang-katulad na pagmamahal at biyaya ng Tagapagligtas.
Habang patuloy kayong nagtitiwala sa Kanya, maghihilom ang inyong mga sugat at magiging malaking kagalakan at kapayapaan ang matinding kalungkutan at pagdurusa ng damdamin. “Ang inyong kalungkutan ay magiging kagalakan. … At walang [sinumang] makapag-aalis ng inyong kagalakan.” Darating ang sandaling iyon. Pinatototohanan ko na darating iyon.
Ang nagbabayad-salang pagmamahal ni Jesucristo ay matatagpuan sa pinakamahihirap na sitwasyon, ngunit lahat tayo ay palaging nangangailangan ng nagbabayad-salang biyaya ng ating Tagapagligtas. Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks: “Dahil sa Kanyang nagbabayad-salang karanasan sa mortalidad, napanatag, napagaling, at napalakas ng ating Tagapagligtas ang lahat ng kalalakihan at kababaihan sa lahat ng dako, ngunit naniniwala ako na gagawin lang Niya ito sa mga taong naghahanap sa Kanya at humihingi ng Kanyang tulong. Itinuro ni Apostol Santiago, ‘Mangagpakababa kayo sa paningin ng Panginoon, at kaniyang itataas kayo’ (Santiago 4:10). Karapat-dapat tayo sa pagpapalang iyon kapag naniniwala tayo sa Kanya at nagdarasal na tulungan Niya tayo.”
Elder Robert E. Wells
Pinahintulutan ako ng aking mahal na kaibigan at emeritus General Authority Seventy na si Elder Robert E. Wells, na ngayo’y 97 taong gulang na, na ibahagi ang kanyang karanasan mahigit 60 taon na ang nakalipas:
Habang naninirahan sa Paraguay noong 1960 at nagtatrabaho bilang isang international banker, si Robert Wells, na noon ay 32 taong gulang, at ang kanyang asawang si Meryl ay parehong piloto sa dalawang magkaibang eroplano, at pauwi mula Uruguay patungong Paraguay. Nang madaan sa makakapal na ulap, nawalan ng visual at radio contact sina Robert at Meryl sa isa’t isa. Agad na lumapag si Robert, kung saan niya nalaman na bumagsak ang eroplano ng kanyang asawa. Namatay ang kanyang asawa at dalawang kaibigan na kasama nito. Ang kanyang mga anak, na nasa bahay sa Asunción, ay edad pito, lima, at dalawa.
Ikinuwento ni Elder Wells ang kanyang kapighatian:
“Hindi sasapat ang mga salita kailanman sa pagpapahayag ng sakit na nag-umapaw sa aking kalooban, na pumuspos sa aking damdamin at nagpamanhid sa aking pakiramdam. Hindi talaga mapigil ang pagtulo ng mga luha ng kalungkutan. Ang malala pa, habang pinipilit ng aking isipan na harapin ang napakalungkot na pagkaalam na namatay ang aking asawa, labis akong nakonsiyensya na ako ang dahilan ng pagbagsak ng eroplano nila.”
Sinisi ni Robert ang sarili niya na hindi niya nasiyasat ang eroplano nang mas masusi at hindi niya nabigyan ang kanyang asawa ng sapat na tagubilin sa pagpapalipad nito. Pakiramdam niya ay naging pabaya siya.
Sabi ni Robert:
“Nagdilim ang isipan ko at natulala ako. … Nabuhay lang ako—[alang-alang sa mga bata,] wala nang iba.”
“Nawalan ako … ng pagnanais na patuloy na mabuhay.”
Dumating ang panahon, napagpala si Robert ng isang matinding espirituwal na karanasan. Isinalaysay niya:
“Isang gabi, makalipas ang isang taon, habang nakaluhod ako sa panalangin, isang himala ang nangyari. Habang nagdarasal at sumasamo sa aking Ama sa Langit, parang nasa tabi ko ang Tagapagligtas at narinig ko ang isang malinaw na tinig na sinasabi ito sa aking kaluluwa at mga tainga: ‘Robert, binayaran ng aking nagbabayad-salang sakripisyo ang iyong mga kasalanan at pagkakamali. Pinatatawad ka ng iyong asawa. Pinatatawad ka ng iyong mga kaibigan. Pagagaanin ko ang iyong pasan. …’
“Mula noon, kamangha-manghang nawala ang bigat ng kasalanan [at kawalang-pag-asa] sa aking konsiyensya. Nasagip na ako! Agad kong naunawaan ang sumasaklaw na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at … na angkop iyon sa akin mismo. … Naranasan … ko ang liwanag at kagalakan na noon ko lamang nadama. … Nabigyan ako ng kaloob na hindi pinaghirapan—ang kaloob na biyaya ng Panginoon. … Hindi ako karapat-dapat doon—wala akong nagawa para matanggap iyon, ngunit ipinagkaloob pa rin Niya iyon sa akin.”
Mga kapatid, bawat isa nawa sa atin ay maging “banal kay Cristo sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, sa pamamagitan ng pagbubuhos ng dugo ni Cristo, … upang [maging] banal, na walang bahid-dungis.”
Pinatototohanan ko ang pagmamahal, awa at biyaya ng ating Tagapagligtas at Manunubos. Siya ay buhay. Tayo ay Kanya; tayo ay mga anak ng tipan. Kapag nanalig tayo sa Kanya, sumunod sa Kanya, at nagtiwala sa Kanya, pasisiglahin Niya tayo mula sa ating mga kalungkutan at kasalanan. Pagkatapos, sa kabilang buhay, sa bahay ng ating Ama, makakapiling natin Siya magpakailanman. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.