Pangkalahatang Kumperensya
Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang Gawain
Pangkalahatang kumperensiya ng Oktubre 2025


14:55

Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang Gawain

Habang pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain, dapat nating mahalin, pangalagaan, at paglingkuran ang mga tumatanggap ng Kanyang ebanghelyo.

Mahusay na sinimulan ni Charles Dickens ang kanyang klasikong nobela na A Tale of Two Cities sa pahayag na “ito ang pinakamasayang panahon; ito rin ang pinakamalungkot na panahon.” Maiaangkop ito sa ating panahon.

Nabubuhay tayo sa isang maligalig na panahon kung saan “ang buong mundo ay [n]agkakagulo.” Ang payo ni Pangulong Russell M. Nelson na maging mga tagapamayapa, bilang mga tagasunod ni Jesucristo, ay binigyang-diin nang maganda ngayong umaga ni Elder Gary E. Stevenson. Mahalagang bahagi ito ng pagtataguyod ng pagkakaisa, kapayapaan, at paggaling para sa “pinakamalungkot na panahon.”

Nabubuhay rin tayo sa “pinakamasayang panahon,” na siyang aking bibigyang-diin. Ang Panginoon, sa paunang salita sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 1, ay nagpahayag na ang kabuuan ng ebanghelyo ay “[ipaha]hayag … sa mga dulo ng daigdig.” Talagang pinabibilis na ng Panginoon ang Kanyang gawain sa ating panahon. Dapat tayong lubos na magpasalamat para sa pagpapabilis na ito, na nangyari at nangyayari na sa kabila ng mahihirap na panahong ito. Nabubuhay tayo sa panahon na ang mga tagasunod ng Panginoon ay may pribilehiyong marinig ang Kanyang tinig at tumugon nang may bukas na puso at isipan. Ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na tapat sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga kautusan, ay nakakahanap ng layunin at malaking kapayapaan sa buhay.

Sa iba’t ibang panahon sa kasaysayan ng Simbahan, nagkaroon ng pagtaas sa bilang ng mga taong pumasok sa landas ng tipan. Ang isa sa mga panahong iyon ay naganap sa pagitan ng 1837 at 1850. Ang ilan sa mga naunang Apostol sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon ay nagmisyon sa United Kingdom. Ang mga misyong ito ay nagbunga ng pagsapi ng libu-libong tao sa Simbahan, at pagsapit ng 1850 mas maraming miyembro na ng Simbahan ang naninirahan sa United Kingdom kaysa sa Estados Unidos. Sa panahong iyon, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na ito na magtipon sa Utah. Marami ang nandayuhan, ang ilan ay sinuportahan ng mga pautang na inilaan sa pamamagitan ng Perpetual Emigrating Fund.

Gustung-gusto ko ang salaysay tungkol sa pagdating sa Salt Lake Valley ng maraming bagong miyembro mula sa England at Wales noong 1852. Ang grupo ay sinalubong ng Unang Panguluhan sa bukana ng Emigration Canyon, kasama ng Banda ni Kapitan Pitt. Inilarawan sila sa Deseret News bilang “isang pangkat ng mga pilgrim [kabilang ang] mga babae at mga bata, naglalakad, sunog sa araw, at lantad sa klima, ngunit hindi malungkot; ang kanilang mga puso ay puno ng pag-asa, na makikita sa kanilang masaya at nagagalak na mga mukha.”

Habang sila ay “dumaraan sa Kinatatayuan ng Templo, … libu-libong kalalakihan, kababaihan, at mga bata, ang nagtipon, mula sa iba’t ibang dako ng lungsod, upang makiisa sa maluwalhati at masayang pagtanggap.” Sinabi sa kanila ni Pangulong Brigham Young: “Nawa’y pagpalain kayo ng Diyos ng Israel. … Patuloy kaming nanalangin para sa inyo; libu-libong panalangin ang inialay para sa inyo, araw-araw, sa Kanya na nag-utos sa amin na tipunin ang Israel, iligtas ang mga anak ng tao sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo, at ihanda sila para sa pagparito ng Mesiyas.”

Sa diwa ng masayang okasyong iyon, muli kong tinitiyak sa lahat ng bagong miyembro at nagbabalik sa Simbahan ng Panginoon: Mahal namin kayo; kailangan namin kayo; kailangan kayo ng Panginoon. Maaaring hindi namin kayo nasasalubong ng mga marching band, ngunit dalangin namin na tulungan kayo ng mga pagpapala ng langit sa inyong mga pagsisikap na umunlad sa landas ng tipan patungo sa Diyos Ama at kay Jesucristo sa kahariang selestiyal.

May malinaw na katibayan na nadaragdagan ang pananampalataya kay Jesucristo sa ating panahon. Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, tumaas ang bilang ng mga bagong miyembro at ng partisipasyon ng mga bagong miyembro. Nitong huling 36 na buwan, halos 900,000 ang sumapi sa Simbahan. Ang mga bagong miyembrong ito ay bumubuo ng humigit-kumulang 5 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga miyembro ng Simbahan. Malugod naming tinatanggap ang mga bagong miyembro at lubos kaming nagpapasalamat sa landas na pinili ninyo.

Ang 900,000 bagong miyembrong ito sa nakalipas na 36 na buwan ay higit pa sa kabuuang bilang ng mga miyembro ng Simbahan sa ika-110 anibersaryo nito noong 1940, na mahigit 860,000 miyembro lamang. Ito ang taon na ipinanganak sina Elder Jeffrey R. Holland, Elder Dieter F. Uchtdorf, at ako.

Ang mga kahanga-hangang bagong miyembrong ito ay nagmula sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa unang anim na buwan ng taong ito, mahigit 20 porsiyento ang itinaas ng mga bagong miyembro kaysa sa nakaraang taon sa Europe, Africa, Asia, the Pacific, at Latin America. Sa North America, 17 porsiyento ang nadagdag. Patuloy na sumusulong ang gawain ng Panginoon sa makapangyarihang paraan. Ang pagtaas na ito ng mga bilang ay matibay na patotoo na ang ebanghelyo ay umaantig sa mga puso at nagpapabago ng buhay sa lahat ng dako.

Sa ating panahon, ang mahahalagang bagong miyembrong ito ay hindi na nagtitipon sa isang partikular na lugar. Dahil sa pananampalataya at lubos na paglalaan ng mga miyembro ng Simbahan, may makukuhang mga resource upang suportahan ang mga kongregasyon—sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga chapel at templo—sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa mga kinakailangang susi ng priesthood at mga resource na inilaan, ang nakapagliligtas na mga ordenansa ay matatanggap na ngayon sa halos lahat ng panig ng mundo.

Saanman tayo nakatira, kailangang tanggapin ng mga kasalukuyang miyembro ang daan-daang libong bagong miyembro tulad ng ginawa natin sa mga Banal na taga-England at Wales na ikinuwento ko mula sa ating kasaysayan. Gustung-gusto ko ang mensahe ni Elder Gerrit W. Gong sa sesyong ito kung saan itinuro niya sa atin na hindi dapat mag-isa ang sinuman sa emosyonal man o espirituwal.

Ang ating sagradong tungkulin ay malugod na tanggapin ang mga bago at nagbabalik na miyembro. Habang pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain, dapat nating mahalin, pangalagaan, at paglingkuran ang mga tumatanggap ng Kanyang ebanghelyo. Maaari tayong tumulong na magkaroon ng mga tao na Sion, kung saan tayo ay “may isang puso at isang isipan, at [namumuhay] sa kabutihan.” Upang maging isa sa Panginoon, dapat maging isa tayo sa harapan ng Panginoon. Ang lahat ng miyembro, anuman ang petsa ng kanilang binyag, ay may responsibilidad na tanggapin ang iba.

Ang payo ko sa mga miyembro ng Simbahan ay yakapin ang mga natatangi at hinirang na mga taong ito na tumanggap ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Itinuro sa atin ni Pangulong Gordon B. Hinckley na ang mga bagong miyembro ng Simbahan ay nangangailangan ng “isang kaibigan, isang responsibilidad, at pangangalaga ng ‘mabuting salita ng Diyos’ (Moroni 6:4).” Maaari tayong maging kabilang sa mga kaibigan na nagbibigay-katiyakan sa mga bagong miyembrong ito na sila ay kabilang at hindi lamang mga panauhin. Matutulungan natin sila na maunawaan na sila ay mga disipulo ni Jesucristo na maaaring maglingkod sa iba at tumanggap ng mga tungkuling maglingkod. Dapat isaalang-alang ng mga nakababata pang bagong miyembro ang pagmimisyon. Kailangang maging determinado ang lahat na magsikap na mamuhay ng katulad ng kay Cristo.

Maraming sumapi sa Simbahan ang nagsakripisyo nang malaki at lubos na nangangailangan ng pagmamahal at suporta ng kanilang kapwa mga Banal.

Kayong mga bago o nagbabalik na miyembro, may mga hamon kayong kakaharapin. Maging matiyaga sa inyong sarili. Itinuro sa inyo ng mga missionary ang mahalagang doktrina at ipinaliwanag ang mga tipan at mga ordenansa ng kaharian na nakasaad sa mga banal na kasulatan at sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo.

Mahalagang tanggapin ang mga ordenansa at mga tipan at sumunod sa mga kautusan. Magtuon sa mga tipan na kailangan para sa kadakilaan. Dahil sa ebanghelyo naging posible ang kadakilaan, na nangangailangan ng paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa Diyos. Maliban sa binyag at kumpirmasyon, at paggawad ng Melchizedek Priesthood para sa kalalakihan, ang mga tipang ginagawa natin ay isinasagawa sa templo. Para sa mga yumao, ang bawat isa sa mga nakapagliligtas na ordenansang ito ay isinasagawa lamang sa templo. Kaya, ang paghahanda ng inyong sarili para sa templo ay dapat maging isang mithiin na agarang gagawin.

Paminsan-minsan ay madarama ninyo na hindi sapat ang nalalaman ninyo. Ang kaalaman sa ebanghelyo ay isang malaking pagpapalang natatamo nang paunti-unti, ngunit hindi ito isang nakapagliligtas na ordenansa. Ang ebanghelyo ay hindi isang pagsusulit ng nalalaman. Gayunpaman, tulad ng ipinangako ni Pangulong Nelson, “Sa mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw, makagagawa kayo ng mas maiinam na desisyon—sa araw-araw. … Habang pinagninilayan ninyo ang inyong pinag-aaralan, ang mga durungawan ng langit ay mabubuksan, at makatatanggap kayo ng mga sagot sa inyong sariling mga tanong at patnubay sa inyong buhay.”

Dagdag pa rito, ang kurikulum ng Simbahan sa mga miting sa araw ng Linggo ay umiikot bawat taon sa Lumang Tipan, Bagong Tipan, Aklat ni Mormon, at Doktrina at mga Tipan. Sa paglipas ng panahon, magiging mas kumpiyansa kayo habang lumalago ang kaalaman ninyo sa ebanghelyo. Ang regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay magpapala at magpapatatag sa inyong buhay sa pamamagitan ng pagpapalalim ng inyong pagbabalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang pag-aaral ng dalisay na doktrina ni Jesucristo ay habambuhay na gawain, kapwa sa pag-unawa sa doktrina at pamumuhay na katulad ng kay Cristo. Ang mahahalagang tipan ay naglalaan ng balangkas na inilalarawan natin bilang landas ng tipan. Ang mga alituntuning ito ay mahusay na itinuro ni Pangulong Nelson. Ang lahat ng miyembro, lalo na ang bago at nagbabalik na mga miyembro, ay pagpapalain sa pag-aaral at pagsunod sa kanyang mga mensahe tungkol sa mga tipan at landas ng tipan.

Kung nagtakda kayo ng mithiin na maging karapat-dapat sa pagtanggap ng bawat tipan na kailangan para sa kadakilaan, mapupunta kayo sa landas na patungo sa kahariang selestiyal. Ang templo at ang mga ordenansa sa templo ang kinakailangan nating pagtuunan. Matatanggap ng bawat indibiduwal ang karamihan sa mga tipan. Ang isang tipan, ang walang hanggang kasal, ay kinabibilangan ng pagkakaisa ng pagsisikap ng mag-asawa. Dapat mithiin natin na mahanap ang makakasamang taong iyon sa kawalang-hanggan.

Gayunman, huwag panghinaan ng loob kung hindi posible ang walang hanggang kasal sa panahong ito. Itinuro ng mga propeta na walang pagpapala ang ipagkakait sa matatapat na miyembro na sumusunod sa mga kautusan. Isang propeta sa Aklat ni Mormon, si Haring Benjamin, ang magiliw na nagsabing: “Yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos … ay pinagpala sa lahat ng bagay, … at kung sila … [ay] matapat hanggang wakas … sila ay ma[na]nahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.”

Malalaman ninyo, kung hindi pa ninyo alam, na hindi perpekto ang mga miyembro. Nilinaw sa inihayag na doktrina na sa buhay natin sa mundo, makagagawa tayo ng mga pagkakamali. Nabubuhay tayo sa hindi perpekto at makasalanang mundo, hindi sa selestiyal na mundo. Ang buhay na ito ay panahon ng pagsubok, na laging may mga pagkakataon na magsisi at patunayan ang ating sarili.

Nadarama nating lahat ang kakulangan natin habang nagsisikap tayo na maging katulad ni Jesucristo. Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay nagtutulot sa atin na magsisi araw-araw kapag nagkakamali tayo. Tulad ng sinabi ni Nephi, isa pang propeta sa Aklat ni Mormon: “Kinakailangan [nating] magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Anupa’t kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magiging tapat hanggang wakas, dinggin, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”

Habang pinagninilayan natin ang mga hamon sa ating panahon, dapat nating tandaan na ang Tagapagligtas, noong Kanyang ministeryo sa lupa, ay nabuhay rin sa magulo at malupit na panahon. Ang pinagtuunan Niya ay hindi ang mga problema sa pulitika noong panahong iyon; kundi ang kasakdalan ng mga Banal.

Hindi madali kailanman na sundin ang Tagapagligtas at ang Kanyang doktrina at mga turo sa mundong patuloy na nagkakagulo. Hindi madali para sa Tagapagligtas noong narito Siya sa magulong mundong ito, at hindi madali para sa naunang mga lider at mga miyembro natin, at hindi madali para sa atin. Mapalad tayo na nagbibigay ang mga buhay na propeta ng payo at patnubay na kailangan natin lalo na sa ating panahon. Ipagpapatuloy ni Pangulong Dallin H. Oaks ang espirituwal na makapangyarihang pamanang iyan.

Pinatototohanan ko na ang doktrina ng Simbahan ni Jesucristo ay walang hanggan at totoo. Ipinahahayag ko ang aking matibay at tapat na patotoo na si Jesucristo ay buhay at dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, maaari tayong maging isa sa Kanya. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Charles Dickens, A Tale of Two Cities (1859), 1.

  2. Ang isa sa mga tema ni Dickens ay tungkol sa pagbabago ng indibiduwal sa panahon ng kaguluhan sa lipunan.

  3. Doktrina at mga Tipan 45:26.

  4. Tingnan sa Gary E. Stevenson, “Mapapalad ang mga Mapagpayapa,” Liahona, Nob. 2025, 6–9.

  5. Doktrina at mga Tipan 1:23.

  6. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:73.

  7. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:23; tingnan din sa Juan 14:27.

  8. Tingnan sa Mga Gawa 2:41.

  9. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 112. Ang paghahayag na ito ay natanggap noong Hulyo 23, 1837, ang araw na unang ipinangaral ang ebanghelyo sa England sa dispensasyong ito. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga misyon na ito, tingnan sa James B. Allen, Ronald K. Esplin, and David J. Whittaker, Men with a Mission: The Quorum of the Twelve Apostles in the British Isles, 1837–1841 (1992).

  10. Ang karamihan sa mga bagong miyembrong ito ay nagmula sa mga grupo ng mga manggagawa. Inobserbahan ni Charles Dickens ang ilan sa kanila habang naghahanda sila para sa kanilang paglalakbay patungo sa Estados Unidos, sakay ng barkong Amazon. Kasiya-siya ang kanyang naobserbahan. Inilarawan niya sila na, “sa kanilang kalagayan sa buhay, sila ang natatangi at pinakamahusay ng Inglatera” (“The Uncommercial Traveller,” All the Year Round, Hulyo 4, 1863, 446). Tingnan din sa 1 Corinto 1:26–28.

  11. Tingnan sa “Arrival from England, by the ‘Perpetual Emigrating Fund,’” Deseret News, Set. 18, 1852, 90.

  12. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:62, 70; tingnan din sa 1 Corinto 15:40–42.

  13. Ang impormasyon ay inilaan ng Member and Statistical Records at ng Missionary Department.

  14. Ang impormasyon ay inilaan ng Member and Statistical Records at ng Missionary Department.

  15. Ang impormasyon ay inilaan ng Member and Statistical Records.

  16. Ang impormasyon ay inilaan ng Member and Statistical Records at ng Missionary Department.

  17. Pagsapit ng 1890s, sinimulang hikayatin ng mga lider ang mga miyembro na manatili sa kanilang lupang tinubuan sa halip na magtipon sa Utah. Ang unang mga stake sa labas ng Intermountain West ay nilikha noong 1920s, at ang unang stake sa labas ng United States at Canada ay nilikha sa New Zealand (tingnan sa Brandon S. Plewe, pat., Mapping Mormonism: An Atlas of Latter-day Saint History [2014], 184–85).

  18. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:11–16.

  19. Tingnan sa Gerrit W. Gong, “Walang Uupo Nang Mag-isa,” Liahona, Nob. 2025, 40–43.

  20. Moises 7:18.

  21. Tingnan sa Juan 17:20–21; 1 Corinto 12:11–31.

  22. Gordon B. Hinckley, “Converts and Young Men,” Ensign, Mayo 1997, 47.

  23. Tingnan sa Santiago 2:5; tingnan din sa Mateo 19:29; Roma 2:11; Efeso 2:19; Mosias 18:8–9.

  24. Tingnan sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo (2023), 19.

  25. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 14:7.

  26. Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?,” Liahona, Nob. 2017, 62–63; tingnan din sa Spencer W. Kimball: “Kapag tila walang banal na taingang nakikinig at walang banal na tinig na nagsasalita, … kapag ibinubuhos [natin ang ating sarili] sa mga banal na kasulatan, kumikitid ang agwat at nagbabalik muli ang espirituwalidad” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 83).

  27. Tingnan sa Juan 5:39.

  28. Tingnan, halimbawa, sa Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 92–95; “Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum,” Liahona, Mayo 2022, 97–100; “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 95–98.

  29. Mosias 2:41.

  30. Tingnan sa Alma 34:32.

  31. 2 Nephi 31:20.

  32. Tingnan sa Efeso 4:11–15.

  33. Tingnan sa Juan 17:20–22.