Pangkalahatang Kumperensya
Nakangiting mga Mukha at Mapagpasalamat na mga Puso
Pangkalahatang kumperensiya ng Oktubre 2025


10:53

Nakangiting mga Mukha at Mapagpasalamat na mga Puso

Lalo pang nakikita ang kadakilaan ng ating mga Banal sa Africa kapag nahaharap sila sa mga hamon ng buhay at sa mga responsibilidad sa lumalagong Simbahan.

Mahigit isang taon na ang nakakaraan, na-release ako sa Panguluhan ng Pitumpu, isang pagbabago na inanunsiyo rito sa pangkalahatang kumperensiya. Dahil ang pangalan ko ay binasa malapit sa pangalan ng mga General Authority na magiging emeritus, inakala ng marami na tapos na rin akong maglingkod. Pagkatapos ng kumperensiya, nakatanggap ako ng maraming mensahe ng pasasalamat at pagbati para sa susunod na yugto ng buhay ko. May ilan pa nga na nag-alok na bilhin ang bahay ko sa North Salt Lake. Masaya sa pakiramdam na maaalala ako at malaman din na hindi ako mahihirapang ibenta ang aming bahay kapag natapos na ako. Pero hindi pa.

Ang bagong tungkulin ko ay nagdala sa amin ni Monica sa magandang Africa, kung saan lumalago ang Simbahan. Isang pagpapala ang maglingkod sa matatapat na Banal sa Africa South Area at masaksihan ang pagmamahal ng Panginoon sa kanila. Nakasisiglang makita ang maraming henerasyon ng mga pamilya na iba’t iba ang pinagmulan, kabilang ang maraming matagumpay at edukadong mga miyembro ng Simbahan, na naglalaan ng kanilang panahon at mga talento para paglingkuran ang iba.

Kasabay nito, dahil sa demograpiko ng rehiyon, maraming maralita ang sumasapi sa Simbahan at binabago ang kanilang buhay sa pamamagitan ng mga pagpapala ng tapat na pagbabayad ng ikapu at ng mga oportunidad sa pag-aaral na alok ng Simbahan. Ang mga programang tulad ng Succeed in School, EnglishConnect, BYU–Pathway Worldwide, at Perpetual Education Fund ay nagpapala sa maraming buhay, lalo na sa bagong henerasyon.

Minsan ay sinabi ni Pangulong James E. Faust, “Sinasabing ang simbahang ito ay hindi gaanong nakahihikayat sa dakilang mga tao kundi mas madalas ay nagagawa nitong dakila ang mga karaniwang tao.”

Lalo pang nakikita ang kadakilaan ng ating mga Banal sa Africa kapag nahaharap sila sa mga hamon ng buhay at sa mga responsibilidad sa lumalagong Simbahan. Tumutugon sila palagi nang may positibong pananaw. Sinusunod nila nang mabuti ang tanyag na turo ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.

“Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan ng Diyos, … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay.”

Nakadarama sila ng kagalakan kahit nahihirapan sila. Natutuhan nila na ang ating kaugnayan sa Tagapagligtas ay nagbibigay ng kakayahan sa atin na harapin ang mga paghihirap nang nakangiti at may mapagpasalamat na puso.

Mga Banal na Taga-Africa

Ibabahagi ko ang ilan sa aking mga karanasan sa matatapat na Banal na ito na naglalarawan sa alituntuning ito, simula sa Mozambique.

Mozambique

Ilang buwan na ang nakararaan, pinamunuan ko ang stake conference para sa stake na nag-isang taon na, na may 10 unit. Mahigit 2,000 katao ang pumuno sa maliit na chapel at sa tatlong tolda na itinayo sa labas. Ang stake president ay 31 taong gulang, ang kanyang asawa ay 26 anyos, at may dalawa silang maliliit na anak. Pinamumunuan niya ang lumalago at mahirap na stake na ito nang walang reklamo—tanging nakangiting mukha at mapagpasalamat na puso lamang.

Sa isang interbyu sa patriarch, nalaman ko na malubha ang sakit ng kanyang asawa, at nahirapan siyang tustusan ang pangangailangan nito. Matapos sabihin ang problema sa stake president, binigyan namin ang kanyang asawa ng priesthood blessing. Itinanong ko sa patriarch kung ilang patriarchal blessing ang karaniwang ibinibigay niya.

“Walo hanggang sampu,” sabi niya.

Tanong ko, “Kada buwan?”

Sagot niya, “Kada linggo po!” Pinayuhan ko siya na ang paggawa ng gayon karami ay hindi katalinuhan.

“Elder Godoy,” sabi niya, “palagi silang dumarating linggu-linggo, pati na ang mga bagong miyembro at maraming kabataan.” Muli, walang reklamo—tanging nakangiting mukha at mapagpasalamat na puso lamang.

Pagkatapos ng sesyon sa Sabado ng gabi ng stake conference, habang papunta sa hotel, napansin ko ang mga tao na bumibili ng pagkain sa daan sa gabi. Tinanong ko ang drayber ko kung bakit nila iyon ginagawa sa gabi sa halip na sa umaga. Sumagot siya na nagtatrabaho sila sa maghapon para magkaroon ng pera para magawa ito sa gabi.

“Ah, nagtatrabaho sila ngayon para may kainin bukas,” sabi ko.

Pero itinama niya ako: “Hindi po, nagtatrabaho sila sa maghapon upang may makain ngayong gabi.” Umasa ako na nasa mas magandang sitwasyon ang ating mga miyembro, pero kinumpirma niya na marami ang nasa gayong sitwasyon sa bahaging iyon ng bansa. Kinaumagahan, sa aming sesyon sa Linggo at dahil may nalaman akong bago sa kanilang sitwasyon, lalo akong naantig ng kanilang nakangiting mga mukha at mapagpasalamat na mga puso.

Zambia

Habang papunta sa isang pulong sa araw ng Linggo, nakita namin ng stake president ang isang mag-asawa na naglalakad sa daan na may kasamang sanggol at dalawang maliit na bata. Tumigil kami para alukin sila na sumakay. Nagulat sila at natuwa. Nang tanungin ko kung gaano kalayo ang kailangan nilang lakarin papunta sa chapel, sinabi ng ama na mga 45 minuto ito hanggang isang oras, depende sa bilis ng paglalakad ng mga bata. Ginagawa nila ang paglalakad na ito papunta at pabalik, tuwing Linggo, nang walang reklamo—tanging nakangiting mga mukha at mapagpasalamat na mga puso lamang.

Malawi

Isang araw ng Linggo bago ang stake conference, binisita ko ang dalawang branch na gumagamit ng mga pampublikong paaralan bilang mga meetinghouse. Nagulat ako sa aba at simpleng kalagayan ng mga gusali, na kulang sa ilang pangunahing pasilidad. Nang makausap ko ang ilang miyembro roon, handa na akong humingi ng paumanhin para sa mga kakulangan sa kanilang meetinghouse, pero masaya sila na malapit ang lugar na pinagtitipunan nila, na naiiwasan ang karaniwang mahabang paglalakad. Muli, walang reklamo—tanging nakangiting mga mukha at mapagpasalamat na mga puso lamang.

Zimbabwe

Kasunod ng leadership training sa araw ng Sabado, dinala ako ng stake president sa mga serbisyo sa araw ng Linggo na idinaos sa isang inuupahang bahay. May 240 katao ang dumalo roon. Pagkatapos ay ipinakilala ng bishop ang 10 bagong miyembro na nabinyagan sa linggong iyon. Ang kongregasyon ay nahati sa dalawang maliit na silid, na may ilang miyembro din na nakaupo sa labas ng gusali, pinanonood ang pulong sa mga bintana at pintuan. Muli, walang reklamo—tanging nakangiting mga mukha at mapagpasalamat na mga puso lamang.

Lesotho

Binisita ko ang magandang maliit na bansang ito, na kilala rin bilang “ang kaharian sa bundok,” para makita ang district ng Simbahan na naghahandang maging stake. Kasunod ng mga pulong sa araw ng Sabado, dumalo ako sa serbisyo sa araw ng Linggo sa isa sa kanilang mga branch sa isang inuupahang bahay. Hindi nagkasya ang napakaraming tao sa sacramental room, may mga taong nakatayo sa labas ng pintuan para makibahagi. Sinabi ko sa branch president na kailangan niya ng mas malaking bahay. Nagulat ako nang sabihin niya sa akin na kalahati lang ito ng mga miyembro niya. Ang isa pang kalahati ay dadalo sa pangalawang sacrament meeting pagkatapos ng ikalawang oras. Muli, walang reklamo—tanging nakangiting mga mukha at mapagpasalamat na mga puso lamang.

Bumalik ako sa Lesotho kalaunan dahil sa isang kalunus-lunos na aksidente na kinasangkutan ng ilan sa ating mga kabataan, na binanggit na kanina ni Elder D. Todd Christofferson. Nang bumisita ako sa mga pamilya at lider, inasahan ko na madaratnan ko ang isang malungkot na kapaligiran. Sa halip, nakakita ako ng malakas at matatag na mga Banal na kinakaya ang sitwasyon sa nakasisigla at nakahihikayat na paraan.

Mpho Aniciah Nku

Si Mpho Aniciah Nku, 14, na biktimang nakaligtas sa aksidente sa retratong ito, ay malinaw na inilarawan ito sa kanyang mga salita: “Magtiwala kay Jesus at laging umasa sa Kanya, dahil sa pamamagitan Niya ay makahahanap kayo ng kapayapaan, at tutulungan Niya kayo na gumaling.”

Ito ay ilang halimbawa lamang kung saan nakikita natin ang kanilang positibong pananaw dahil nakasentro ang kanilang buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo. Alam nila kung saan makahahanap ng tulong at pag-asa.

Ang Nagpapagaling na Kapangyarihan ng Tagapagligtas

Bakit tayo matutulungan ng Tagapagligtas sa anumang kalagayan sa ating buhay? Ang sagot ay makikita sa mga banal na kasulatan:

“At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso. …

“… At dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, … upang malaman niya … kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.”

Tulad ng itinuro ni Elder David A. Bednar, walang pisikal na sakit, dalamhati, o kahinaan na nararanasan natin na hindi naranasan ng Tagapagligtas. “Kayo at ako sa sandali ng kahinaan ay maaaring magsabing, ‘Walang nakauunawa [sa pinagdaraanan ko]. …’ Walang tao, marahil, ang nakaaalam. Ngunit ang Anak ng Diyos ay lubos na nakaaalam at nakauunawa.” At bakit? Dahil “Kanyang dinanas at pinasan ang ating mga pasanin bago pa natin naranasan ang mga ito.”

Magtatapos ako sa aking patotoo sa mga salita ni Cristo na nasa Mateo 11:

“Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo‘y bibigyan ko ng kapahingahan.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagkat ako’y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa.

“Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”

Tulad ng mga Banal na iyon sa Africa, alam ko na totoo ang pangakong ito. Totoo ito roon, at totoo ito sa lahat ng dako. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.