Pangkalahatang Kumperensya
Sila ang Kanilang Sariling mga Hukom
Pangkalahatang kumperensiya ng Oktubre 2025


14:26

Sila ang Kanilang Sariling mga Hukom

(Alma 41:7)

Kung nanampalataya tayo kay Jesucristo, gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos, at nagsisi sa ating mga kasalanan, ang hukumang-luklukan ay magiging kasiya-siya.

Ang Aklat ni Mormon ay nagtatapos sa nakahihikayat na mga paanyaya ni Moroni na “lumapit kay Cristo,” “maging ganap sa Kanya,” “pagkaitan ang [ating] sarili ng lahat ng kasamaan,” at “[ibigin] ang Diyos nang buo [nating] kakayahan, pag-iisip at lakas.” Mahalagang pansinin na ang huling pangungusap ng kanyang tagubilin ay inaasam kapwa ang Pagkabuhay na Mag-uli at Huling Paghuhukom.

Sabi niya, “Ako ay malapit nang magtungo sa kapahingahan sa paraiso ng Diyos, hanggang sa ang aking espiritu at katawan ay muling magsama, at ako ay matagumpay na madadala ng hangin, upang kayo ay tagpuin sa harapan ng nakalulugod na hukuman ng dakilang Jehova, ang Walang Hanggang Hukom ng kapwa buhay at patay.”

Napaisip ako sa paggamit ni Moroni ng salitang “nakalulugod” para ilarawan ang Huling Paghuhukom. Inilalarawan din ng iba pang mga propeta sa Aklat ni Mormon ang Paghuhukom bilang “maluwalhating araw” at isang pangyayari na dapat nating “[asamin] nang may mata ng pananampalataya.” Ngunit kadalasan kapag inaasam natin ang Araw ng Paghuhukom, naiisip natin ang iba pang mga paglalarawan ng propeta, tulad ng “may kahihiyan at kakila-kilabot na pag-uusig ng budhi,” “sindak at takot,” at “walang katapusang kalungkutan.”

Naniniwala ako na ang matinding kaibhang ito sa pananalita ay nagpapahiwatig na ang doktrina ni Cristo ay binigyang-kakayahan si Moroni at ang iba pang mga propeta na asamin ang dakilang araw na iyon nang may sabik at umaasang pag-asam sa halip na ang takot na ibinabala para sa mga di-espirituwal na handa. Ano ang naunawaan ni Moroni na kailangan nating matutuhan?

Nawa’y tulungan tayo ng Espiritu Santo habang iniisip natin ang plano ng kaligayahan at awa ng Ama sa Langit, ang nagbabayad-salang tungkulin ng Tagapagligtas sa plano ng Ama, at kung paano tayo “ma[na]nagot sa [ating] sariling mga kasalanan sa araw ng paghuhukom.”

Ang Plano ng Kaligayahan ng Ama

Ang pangkalahatang mga layunin ng plano ng Ama ay ang mabigyan ang Kanyang mga espiritung anak ng mga oportunidad na tumanggap ng pisikal na katawan, malaman ang “mabuti sa masama” sa pamamagitan ng mortal na karanasan, espiritwal na lumago, at umunlad nang walang hanggan.

Ang tinutukoy ng Doktrina at mga Tipan bilang “moral na kalayaan sa pagpili” ay mahalaga sa plano ng Diyos na isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng Kanyang mga anak. Ang mahalagang alituntuning ito ay inilarawan din sa mga banal na kasulatan bilang kalayaan at kalayaang pumili at kumilos.

May itinuturo ang katagang “moral na kalayaan.” Kabilang sa mga kasingkahulugan ng salitang “moral” ang “mabuti,” “tapat,” at “marangal.” Ang kasingkahulugan ng salitang kalayaan ay maaaring kabilangan ng “pagkilos,” “pagiging aktibo,” at “paggawa.” Samakatuwid, ang “moral na kalayaan” ay maaaring unawain bilang kakayahan at pribilehiyong pumili at kumilos para sa ating sarili sa mga paraang mabuti, tapat, malinis, at marangal.

Ang mga nilikha ng Diyos ay kinabibilangan kapwa ng “mga bagay na kumikilos at mga bagay na pinakikilos.” At ang kalayaang moral ay itinakda ng Diyos bilang “kakayahang makakilos nang malaya” na nagbibigay sa atin ng kakayahan bilang mga anak ng Diyos na maging mga taong kumikilos at hindi lamang mga bagay na pinakikilos.

Ang daigdig ay nilikha bilang isang lugar kung saan ang mga anak ng Ama sa Langit ay maaaring subukin upang makita kung “gagawin nila ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.” Ang mismong layunin ng Paglikha at ng ating mortal na kalagayan ay upang mabigyan tayo ng oportunidad na kumilos at maging tulad ng hinihikayat sa atin ng Panginoon na kahinatnan natin.

Inutusan ng Panginoon si Enoc:

“Masdan ang iyong mga kapatid; sila ay gawa ng sarili kong mga kamay, at ibinigay ko sa kanila ang kanilang kaalaman, sa araw na aking nilalang sila; at sa Halamanan ng Eden, ibinigay ko sa tao ang kanyang kalayaang mamili;

“At sa iyong mga kapatid aking sinabi, at [binigyan din] ng kautusan, na kanilang nararapat mahalin ang isa’t isa, at na [dapat nilang] piliin ako, na kanilang Ama.”

Ang mga pangunahing layunin sa paggamit ng kalayaan ay upang mahalin ang isa’t isa at piliin ang Diyos. At ang dalawang layuning ito ay nakaayon mismo sa una at pangalawang dakilang utos na ibigin ang Diyos nang buong puso, kaluluwa, at pag-iisip natin, at ibigin ang ating kapwa na gaya ng ating sarili.

Isipin na inuutusan tayo—hindi lamang hinihikayat o pinapayuhan kundi inuutusan—na gamitin ang ating kalayaan na mahalin ang isa’t isa at piliin ang Diyos. Iminumungkahi ko na sa mga banal na kasulatan, ang naglalarawang salitang “moral” ay hindi lamang isang pang-uri kundi marahil ay isa ring banal na tagubilin kung paano dapat gamitin ang ating kalayaan.

Isang pamilyar na himno ay pinamagatang “Piliin ang Tama” nang may dahilan. Hindi tayo pinagkalooban ng kalayaang moral upang gawin ang anumang nais natin kailanman natin gustuhin. Bagkus, ayon sa plano ng Ama, nakatanggap tayo ng moral na kalayaan na hanapin ang at kumilos ayon sa walang-hanggang katotohanan. Bilang “kinatawan ng [ating] sarili,” dapat tayong maging sabik sa paggawa ng mabubuting bagay, “gumawa ng maraming bagay sa [ating] sariling kalooban, at [magsakatuparan ng] maraming kabutihan.”

Ang walang-hanggang kahalagahan ng kalayaang moral ay binigyang-diin sa salaysay sa banal na kasulatan tungkol sa kapulungan bago tayo isilang. Naghimagsik si Lucifer laban sa plano ng Ama para sa Kanyang mga anak at hinangad na wasakin ang kakayahan na malayang kumilos. Malinaw na ang pagsuway ng diyablo ay tuwirang nakatuon sa alituntunin ng kalayaang moral.

Ipinaliwanag ng Diyos, “Dahil dito, sapagkat … si Satanas ay naghimagsik laban sa akin, at naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao, … aking pinapangyaring siya ay mapalayas.”

Ang makasariling balak ng kaaway ay alisan ang mga anak ng Diyos ng kakayahang maging “kinatawan … ng kanilang sarili” na kayang kumilos nang matwid. Layunin niya na italaga ang mga anak ng Ama sa Langit na maging mga bagay na maaari lamang pakilusin.

Paggawa at Pagkakaroon ng Kahihinatnan

Binigyang-diin na ni Pangulong Dallin H. Oaks na inaanyayahan tayo ng ebanghelyo ni Jesucristo na kapwa magkaroon ng kaalaman at kahihinatnan sa pamamagitan ng matwid na paggamit ng kalayaang moral. Sabi niya:

“Maraming Biblia at mga makabagong banal na kasulatan ang nagpapahayag ng isang huling paghuhukom na kung kailan ang lahat ng tao ay gagantimpalaan ayon sa kanilang ginawa o mga gawain o mga hangarin ng kanilang mga puso. Ngunit nagdagdag dito ang ibang banal na kasulatan sa pamamagitan ng pagtukoy sa paraan ng paghuhusga sa atin ayon sa kalagayang natamo natin.

“Isinalarawan ni propetang Nephi ang huling paghuhukom batay sa kung ano ang ating kahihinatnan: ‘At kung ang kanilang mga gawa ay karumihan sila ay tiyak na marurumi; at kung sila ay marurumi, tiyak na sila ay hindi makapananahanan sa kaharian ng Diyos’ [1 Nephi 15:33; idinagdag ang pagbibigay-diin]. Ipinahayag ni Moroni, ‘Siya na marumi ay magiging marumi pa rin, at siya na mabuti ay magiging mabuti pa rin’ [Mormon 9:14; idinagdag ang pagbibigay-diin].”

Patuloy pa ni Pangulong Oaks: “Mula sa mga turong iyan masasabi natin na ang huling paghuhukom ay hindi lamang pagsusuri ng lahat-lahat ng mabubuti at masasamang gawa—na ating [nagawa]. Isang pagkilala ito sa huling epekto ng mga [kilos at iniisip] natin—kung ano ang ating [kinahinatnan].”

Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas

Hindi tayo inililigtas at hindi tayo maililigtas ng ating mga gawa at hangarin lamang. “Sa kabila ng lahat ng ating magagawa,” nakikipagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan lamang ng awa at biyayang matatamo sa pamamagitan ng walang-katapusan at walang-hanggang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas.

Sabi ni Alma, “[Magsimulang] maniwala sa Anak ng Diyos, na siya ay paparito upang tubusin ang kanyang mga tao, at na siya ay magpapakasakit at mamamatay upang magbayad-sala para sa kanilang mga kasalanan; at na siya ay mabubuhay na mag-uli mula sa patay, na papapangyarihin ang pagkabuhay na mag-uli, upang ang lahat ng tao ay tumindig sa kanyang harapan, upang hatulan sa huli at araw ng paghuhukom, alinsunod sa kanilang mga gawa.”

“Naniniwala [tayo] na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo.” Dapat tayong magpasalamat nang husto na ang ating mga kasalanan at masasamang gawa ay hindi magiging patotoo laban sa atin kung tayo ay tunay na “[isinilang] na muli,” mananampalataya sa Manunubos, magsisisi nang “taos sa puso” at may “tunay na hangarin,” at “magiging tapat hanggang wakas.”

Takot sa Diyos

Maaaring asahan ng marami sa atin na ang pagharap natin sa hukuman ng Walang-Hanggang Hukom ay magiging katulad ng paglilitis sa isang hukuman sa mundo. Mamumuno ang isang hukom. Maglalatag ng ebidensiya. Magpapataw ng hatol. At malamang na mag-aalinlangan at matatakot tayo hanggang sa malaman natin ang huling kinalabasan. Ngunit naniniwala ako na hindi tama ang paglalarawang iyan.

Naiiba ngunit nauugnay sa mga takot na madalas nating madama ang inilalarawan sa mga banal na kasulatan na “takot sa Diyos” o “takot sa Panginoon.” Hindi tulad ng makamundong takot na nagsasanhi ng pangamba at pagkabalisa, ang takot sa Diyos ay naghihikayat ng kapayapaan, katiyakan, at tiwala sa ating buhay.

Ang matwid na takot ay sumasakop sa matinding damdamin ng pagpipitagan at pagkamangha sa Panginoong Jesucristo, pagsunod sa Kanyang mga utos, at pag-asam sa Huling Paghuhukom at katarungan sa Kanyang kamay. Ang takot sa Diyos ay nagmumula sa tamang pag-unawa sa likas na kabanalan at misyon ng Manunubos, isang kahandaang isuko ang ating kalooban sa Kanyang kalooban, at sa isang kaalaman na bawat lalaki at babae ay mananagot para sa kanyang sariling mga hinahangad, iniisip, sinasabi, at ginagawa sa Araw ng Paghuhukom.

Ang takot sa Panginoon ay hindi isang nag-aatubiling pangamba tungkol sa pagpasok sa Kanyang presensiya upang mahatulan. Sa halip, ito ay ang posibilidad na tanggapin natin sa huli ang mga bagay tungkol sa ating sarili “kung ano talaga ang mga ito” at “ang kahihinatnan ng mga ito.”

Bawat taong nabuhay, nabubuhay, at mabubuhay pa sa ibabaw ng lupa ay “dadalhin upang tumayo sa harapan ng hukuman ng Diyos, upang hatulan niya alinsunod sa [kanyang] mga gawa maging mabuti man yaon o maging yaon man ay masama.”

Kung para sa kabutihan ang ating mga hangarin at mabuti ang ating mga gawa—ibig sabihin ay nanampalataya tayo kay Jesucristo, gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos, at nagsisi sa ating mga kasalanan—ang hukumang-luklukan ay magiging kasiya-siya. Tulad ng ipinahayag ni Enos, tayo ay “tatayo sa [harapan ng Manunubos]; sa gayon makikita [natin] ang kanyang mukha nang may katuwaan.” At sa huling araw tayo ay “gagantimpalaan sa kabutihan”

Sa kabilang dako, kung ang ating mga hinahangad ay para sa kasamaan at ang ating mga ginagawa ay masama, matatakot tayong humarap sa hukuman. Magkakaroon tayo ng “ganap na kaalaman,” isang “malinaw na alaala,” at “isang buhay na damdamin ng [ating] sariling kasalanan.” “Tayo ay hindi mangangahas na tumingin sa ating Diyos; at tayo ay magagalak kung ating mauutusan ang mga bato at ang mga bundok na bumagsak sa atin upang itago tayo mula sa kanyang harapan.” At sa huling araw tayo ay “magtatamo ng gantimpala na masama.”

Kung gayon, sa huli, tayo ang huhusga sa ating sarili. Walang sinumang kailangang magsabi sa atin kung saan tayo pupunta. Sa presensiya ng Panginoon, kikilalanin natin ang pinili nating kahinatnan sa mortalidad at malalaman natin mismo kung saan tayo dapat mapunta sa kawalang-hanggan.

Pangako at Patotoo

Ang pag-unawa na ang Huling Paghuhukom ay maaaring maging kasiya-siya ay hindi isang pagpapalang para lamang kay Moroni.

Inilarawan ni Alma ang mga ipinangakong pagpapalang makakamtan ng bawat tapat na disipulo ng Tagapagligtas. Sabi niya:

“Ang kahulugan ng salitang panunumbalik ay ibalik muli ang masama sa masama, o ang makamundo sa makamundo, o ang mala-diyablo sa mala-diyablo—mabait doon sa mabait; mabuti doon sa mabuti; makatarungan doon sa makatarungan; maawain doon sa maawain.

“… Makitungo nang makatarungan, humatol nang makatwiran, at patuloy na gumawa ng mabuti; at kung gagawin mo ang lahat ng bagay na ito, sa gayon ikaw ay tatanggap ng iyong gantimpala; oo, ang awa ay manunumbalik sa iyong muli; ang katarungan ay manunumbalik sa iyong muli; ang paghatol nang makatwiran ay manunumbalik sa iyong muli; at ang kabutihan ay igagantimpala sa iyong muli.”

Masaya kong pinatototohanan na si Jesucristo ang ating buhay na Tagapagligtas. Ang pangako ni Alma ay totoo at angkop sa inyo at sa akin—ngayon, bukas, at sa buong kawalang-hanggan. Pinatototohanan ko ito sa banal na pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.