Pangkalahatang Kumperensya
Ang Pagpapahayag Tungkol sa Mag-anak—Mga Salita mula sa Diyos
Pangkalahatang kumperensiya ng Oktubre 2025


13:58

Ang Pagpapahayag Tungkol sa Mag-anak—Mga Salita mula sa Diyos

Ang pagpapahayag ay mula sa langit, kaya kailangan nating tratuhin ito nang may pagpipitagan na marapat sa mga salitang mula sa Diyos.

Minamarkahan ng pangkalahatang kumperensiyang ito ng Oktubre 2025 ang ika-30 anibersaryo ng pag-aanunsiyo tungkol sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Ayon sa plano ng Diyos, ang pagpapahayag na ito, pati na ang mga salitang naghahayag, ay nilikha upang “mapanatili at mapalakas ang mag-anak bilang pangunahing unit ng lipunan.”

Lahat ay kabilang sa isang pamilya, ikaw man ay ina, ama, anak na lalaki o babae, apo, lolo o lola, tita, tito, kapatid, o pinsan. Higit sa lahat, bawat isa sa atin, ayon sa nakasaad sa pagpapahayag, ay “minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit … [na] may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos.”

Nang matawag ako sa banal na pagkaapostol noong 2015, pinayuhan ako na, “Sa iyo na ngayon ang pagpapahayag na ito. Ang pangalan mo [habang nakaturo sa mga salitang ‘Kapulungan ng Labindalawang Apostol’ sa pamagat] ay narito mismo. Damhin mo ito at ituro na parang sa iyo ito.”

Gustung-gusto ko ang pagpapahayag sa mag-anak. Napatotohanan ko na sa buong mundo mula Africa hanggang Australia at sa lahat ng dako ang tungkulin ng pamilya sa walang-hanggang plano ng Diyos. Ang pagpapahayag ay mula sa langit, kaya kailangan nating tratuhin ito nang may pagpipitagan na marapat sa mga salitang mula sa Diyos.

Tandaan, mga kapatid, tulad ng sinabi ko sa isang pangkalahatang kumperensiya mula sa pulpitong ito mismo, “Mahalaga ang mga salita.”

Bibigyan ko kayo ng kaunting background tungkol sa pagpapahayag bilang pangunahing mensahe ng ating pinaniniwalaan.

Noong 1994, isang taon bago inilahad ang pagpapahayag, pinag-usapan ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano lumalayo ang lipunan at mga pamahalaan sa mga batas ng Diyos para sa pamilya, kasal, at kasarian. “Ngunit hindi diyan natatapos ang nakita naming mangyayari,” paliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson. “Nakita namin ang mga pagsisikap ng iba’t ibang komunidad na alisin ang lahat ng pamantayan at limitasyon sa seksuwal na aktibidad. Nakita namin ang kalituhan sa mga kasarian. Nakita namin na mangyayari ang lahat ng ito.”

Ipinasiya ng Labindalawa na maghanda ng dokumento, ng isang opisyal na pagpapahayag, na nagbubuod sa posisyon ng Simbahan tungkol sa pamilya. Sa taon na iyon, ang mga Apostol na ito, mga tagakitang tinawag ng Diyos, ay naghanda ng isang deklarasyon tungkol sa pamilya. Naalala ni Pangulong Dallin H. Oaks na mapanalangin silang humingi ng tulong sa Panginoon “sa dapat [nilang] sabihin at kung paano [nila] ito sasabihin.” Inilahad nila iyon sa Unang Panguluhan—kina Pangulong Howard W. Hunter, Gordon B. Hinckley, at Thomas S. Monson—para pag-isipan nila.

Ilang buwan lamang ang lumipas, noong Marso 1995, pumanaw si Pangulong Hunter at si Pangulong Hinckley ang naging ika-15 Pangulo ng Simbahan. Siya na ang magpapasiya kung ano ang gagawin sa pagpapahayag. Kailan kaya ang tamang panahon para ipahayag ito sa Simbahan? Dumating ang panahong iyon makalipas ang anim na buwan.

Ilang araw bago sumapit ang general Relief Society meeting noong Setyembre 23 bago ang pangkalahatang kumperensiya, nakipag-usap si Pangulong Hinckley at ang kanyang mga tagapayo sa Relief Society General Presidency. Tinitimbang na ng mga sister na ito, tulad ng mga Apostol, ang mga alalahanin sa kababaihan at mga pamilya. Itinuon nila ang paparating na miting sa mga pamilya.

Nakaiskedyul na magsalita si Pangulong Hinckley sa kababaihan na nasa pagtitipon. Pinagnilayan niya ang magiging direksiyon ng kanyang mensahe. Habang lumalaon ang pag-uusap, binanggit niya ang tawag sa kabubuo ngunit hindi pa isinasapublikong “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Ang miting bang ito ng kababaihan ang tamang panahon para gawin ang napagpasiyahang pagpapahayag tungkol sa pamilya?

Kalaunan ay ipinaliwanag ni General Relief Society President Elaine Jack: “Hindi namin alam noon kung ano ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak. … [M]asasabi namin sa titulo pa lang, at nadama namin na anumang tungkol sa pamilya … ay magiging maganda. … Gumanda nang husto ang pakiramdam ko na kasama natin ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawa na tumatanggap ng paghahayag.”

Naging makasaysayan ang Relief Society meeting noong Sabadong iyon. Ipinakilala ni Pangulong Hinckley ang paghahayag tungkol sa mag-anak gamit ang mahahalagang salitang ito: “Sa napakamabulaklak na pananalita na ipinapasa bilang katotohanan, sa napakaraming panlilinlang tungkol sa mga pamantayan at pinahahalagahan, sa matinding pang-aakit at panghihikayat na dahan-dahang mabahiran ng mundo, nadama naming magbabala … tungkol sa mga pamantayan, doktrina, at gawi na nauugnay sa pamilya na paulit-ulit na ipinahayag ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ng simbahang ito sa buong kasaysayan nito.”

Pagkatapos ay binasa niya ang buong pagpapahayag. Tulad ng sabi ng Panginoon, “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.”

Nakasaad sa pagpapahayag, “Ang mag-anak ay inorden ng Diyos.” Gustung-gusto ko ang kalinawan ng pahayag na iyan. Ang pagpapahayag ay isang panawagan sa atin na mabuhay sa mortalidad, na laging isinasaisip ang kabanalan sa ating kalooban, at ang walang-hanggang kinabukasan na nasa ating harapan. Itinuro ni Pangulong Nelson: “Kayo ay literal na mga espiritung anak ng Diyos. … Huwag kayong magkakamali tungkol dito: Banal ang inyong potensyal. Sa inyong masigasig na paghahanap, hahayaan ng Diyos na masulyapan ninyo ang maaari ninyong kahinatnan.”

Nang ilahad ang pagpapahayag, hindi ito nakaayon sa mga pananaw ng marami sa mundo. Hindi noon. Hindi ngayon. May mga taong nasasaktan sa pagpapahayag tungkol sa pamilya, kasal, at kasarian. Iminumungkahi ng ilan na bawiin, baguhin, o isantabi pa nga ang pagpapahayag.

Ang pagpapahayag tungkol sa pamilya, tulad ng sabi ni Pangulong Hinckley, ay doktrina, mahal kong mga kapatid. Ang mga prinsipyo ay hindi nakalihis kundi talagang tugma sa mga paraan ng Panginoon at ng Kanyang landas ng tipan. Ang mga turo ng pagpapahayag ay inihayag ng ating Panginoong Jesucristo sa Kanyang mga Apostol noon at ngayon. Ito ang Kanyang Simbahan; itinatag na Niya ang mga katotohanang ipinamumuhay natin.

Ang ilan sa inyo ay maaaring nag-iisip tungkol sa pagpapahayag at nagsasabing, “Hindi ito angkop sa akin.” “Parang hindi ito sensitibo.” “Hindi ganyan ang pamilya ko.” “Hindi ako akma riyan.”

Para sa mga alalahaning iyan, dapat ninyong malaman na kayo ay anak ng mga magulang sa langit, bahagi kayo ng pamilya ng inyong Ama sa Langit. Walang mas nakakakilala sa inyo o mas nag-aalala tungkol sa inyo kaysa sa Kanya. Bumaling sa Kanya; ibuhos ang damdamin ninyo sa Kanya, magtiwala sa Kanya at sa Kanyang mga pangako. Kapamilya ninyo ang inyong Tagapagligtas na si Jesucristo, na nagmamahal sa inyo. Naparito Siya sa lupa upang tubusin tayo sa ating mga kasalanan at dalhin ang pasanin ng ating mga pagkakamali at ating mga paghihirap. Nauunawaan Niya ang inyong kinakaharap at nadarama. Bumaling sa Kanya; magtiwala na isusugo Niya ang Espiritu Santo upang makasama ninyo, pasiglahin kayo, at gabayan kayo. Damhin ang Kanilang pag-ibig “na laganap sa mga puso ng mga anak ng tao, … ang pinakakanais-nais sa lahat ng bagay … at ang labis na nakalulugod sa kaluluwa.”

Mahal na mahal kayo ng lahat ng Apostol ng Panginoon. Ipinagdarasal namin kayo at hinihiling na patnubayan kayo ng Panginoon. Manatiling kasama namin. Nabubuhay kayo sa mahihirap na panahon kung kailan hinahangad ng kaaway na kumbinsihin kayong sundin ang nais niyang gawin ninyo. Huwag kayong padala. At kung nadala kayo, bumalik. Tutulungan namin kayo, gayon din ng iba pang mga tao na nagmamahal sa inyo.

Nakasaad sa pagpapahayag, “Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan.” Ang Aklat ni Mormon ay pangalawang saksi sa katotohanang ito. Sa unang talata ng unang kabanata, mababasa natin, “Ako, si Nephi, na isinilang sa butihing mga magulang.” Ilan ba sa atin ang nagsimula na sa Aklat ni Mormon—at paulit-ulit na nagsimula—at sa paggawa nito ay naisaulo na ang mga salitang iyon? Isapuso ang mga iyon.

Isa sa mga paborito kong pahayag mula sa pagpapahayag na ito ay: “Ang kaligayahan sa buhay ng mag-anak ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo [ni] … Jesucristo.”

Sino ba ang ayaw lumigaya?

At ano ang mga turo ni Jesucristo? Muli, sa pagpapahayag: “Pananampalataya, panalangin, pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahal, awa, gawa, at kapaki-pakinabang na mga gawaing panlibangan.”

Kaninong buhay ang hindi mapapabuti sa pagsunod sa mahahalagang alituntuning ito? Walang isa man sa atin ang laging kikilos sa perpektong paraan; pero maaari nating sundin ang matatalinong salita ni Pangulong Hinckley: “Gawin ninyo ang pinakamainam na magagawa ninyo.”

Mababasa natin sa pagpapahayag, “Ang mga ama ang mangungulo … sa pagmamahal at kabutihan,” at “ang mga ina ang may pangunahing tungkulin na mag-aruga sa kanilang mga anak.” Ang mangulo ay hindi nangangahulugan na mangibabaw at ang mag-aruga ay hindi nangangahulugan na mas mababa itong tungkulin. Binigyan ng Diyos ang mga lalaki at babae ng magkaiba ngunit magkapantay at mahalagang mga tungkulin na pumupuno sa bawat isa.

Magbabahagi ako ng isang personal na kuwento.

Natuto kaming mag-asawa na higit na sikaping maging magka-partner na may pantay na pananagutan pagkaraan ng isang araw na nagpasiya akong gumawa ng mahalagang desisyon nang hindi siya kinokonsulta. Nagulat siya sa ginawa ko, hindi siya napanatag, at nahirapan siya nang husto. Pagkatapos, ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa mga balikat ko at mariing sinabi, “Ron, sana, huwag mo nang gawin ulit sa akin iyan.” Naging magkasundo na kami magmula noon.

Makikita natin sa pagpapahayag tungkol sa Mag-anak: “Ang mga ama at ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan.”

Ang pantay ay isang mahalagang salita. Sa paglipas ng mga taon, nagtulungan kami ni Sister Rasband sa inilalarawan sa pagpapahayag bilang “mga banal na tungkulin” namin, hinubog namin ang aming pagsasama nang may pantay na pananagutan. Dahil may-asawa na ngayon ang lahat ng anak namin, patuloy kami ni Sister Rasband na nagpapayo sa kanila at sa kanilang mga asawa kung paano maging magka-partner na may pantay na pananagutan.

Kapag namuhay tayo na nakatuon ang mga mata sa kaluwalhatian ng Diyos, iginagalang at sinusuportahan natin ang isa’t isa. Ang mga banal na huwarang iyon ng kabutihan ay humahantong sa katatagan sa ating indibidwal na buhay, ating pamilya, at lipunan.

Inilaan ng ating Ama sa Langit ang pagpapahayag tungkol sa pamilya para gabayan tayo pauwi sa Kanya, para tulungan tayong matuto at mapuspos ng pagmamahal, layunin, at walang-hanggang pang-unawa. Buong kaluluwa akong nagsusumamo sa inyo na mamuhay nang malapit sa Kanya at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak. Nangangako ako na kapag ginagawa ninyo ito, bibigyan kayo ng inspirasyon ng Espiritu at gagabayan kayo at ipadarama sa inyo ang ipinangakong kapayapaan na “hindi maabot ng pag-iisip.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library.

  2. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library.

  3. Tingnan sa Ronald A. Rasband, “Mahalaga ang mga Salita,” Liahona, Mayo 2024, 70, 75–76.

  4. Tingnan sa Sheri Dew, Insights from a Prophet’s Life: Russell M. Nelson (2019), 208.

  5. Hindi ito ang unang opisyal na pagpapahayag ng Simbahan. Bago ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” noong 1995, may mga pagpapahayag sa kasaysayan ng Simbahan noong 1841, 1845, 1865, at 1980. Ang pinakahuling pagpapahayag ay ibinigay noong 2020: “Ang Pagpapanumbalik ng Kabuuan ng Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Proklamasyon sa Mundo para sa Ika-200 Taong Anibersaryo.” (Tingnan sa Emma Benson, “What We Learn from the Proclamations of the Restoration” [digital lamang na artikulo], Liahona, Dis. 2021, Gospel Library.)

  6. Dallin H. Oaks, “Ang Plano at ang Pagpapahayag,” Liahona, Nob. 2017, 30.

  7. Tingnan sa Dew, Insights from a Prophet’s Life, 209–10.

  8. Tingnan sa Barbara Morgan Gardner at Olivia Osguthorpe, “Delivering the Family Proclamation: Insights from Former Relief Society President Elaine L. Jack,” Religious Educator, tomo 24, blg. 2 (2023), 164.

  9. Tingnan sa Gardner at Osguthorpe, “Delivering the Family Proclamation,” 162–65; tingnan din sa Elaine L. Jack, “Relief Society: A Balm in Gilead,” Ensign, Nob. 1995, 92. Sa kanyang mensahe, itinuro ni President Jack: “Ang mga pamilya ay naghahatid sa atin ng pinakamalalaking kagalakan at kung minsan ay ating pinakamatitinding pighati. Ang mga pamilya ay nagbibigay ng kapaligiran ng pagkatuto, isang silid-aralan kung saan hindi tayo nagtatapos kahit kailan kundi lagi tayong natututo. Sa ating pamilya, natututo tayong pahalagahan ang espirituwal na kapayapaang nagmumula sa pagsunod sa mga alituntunin ng pag-ibig sa kapwa, pagpapasensiya, integridad, kabaitan, pagiging bukas-palad, pagpipigil sa sarili, at paglilingkod. Higit pa ang mga ito sa mga pinahahalagahan ng pamilya, mga sister; ito ang paraan ng pamumuhay ng Panginoon.”

    Dumalo rin sa miting si Elder Dallin H. Oaks, chair ng Priesthood Executive Council noon (tingnan din sa Gardner at Osguthorpe, “Delivering the Family Proclamation,” 167).

  10. Tingnan sa Gardner at Osguthorpe, “Delivering the Family Proclamation,” 165.

  11. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ang magiging unang opisyal na pagpapahayag ng Simbahan mula noong Abril 6, 1980. Sa puntong iyon, ang Simbahan ay naglabas ng apat na opisyal na pagpapahayag lamang, na tumutugon sa mga usapin ng doktrina, pananampalataya, kasaysayan, mga babala, mga paanyaya, at mga pahayag tungkol sa paglago at pag-unlad ng Simbahan (tingnan sa Encyclopedia of Mormonism [1992], “Proclamations of the First Presidency and the Quorum of the Twelve Apostles,” 3:1151–57).

  12. Elaine L. Jack, sa Gardner at Osguthorpe, “Delivering the Family Proclamation,” 166.

  13. Gordon B. Hinckley, “Stand Strong Against the Wiles of the World,” Ensign, Nob. 1995, 100. Sa pangkalahatang kumperensiya ng Oktubre 1976, binanggit ni Pangulong Spencer W. Kimball ang isang Amerikanong awtor na napuna na, “Sa buong kasaysayan, nalagpasan ng mga bansa ang napakaraming sakit, pagsalakay, taggutom, lindol, epidemya, depresyon, pero hindi nila kailanman nalagpasan ang pagkakawatak-watak ng pamilya” (sa “A Report and a Challenge,” Ensign, Nob. 1976, 7–8).

  14. Doktrina at mga Tipan 1:38.

  15. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library.

  16. Russell M. Nelson, “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022), Gospel Library.

  17. Tingnan sa Gordon B. Hinckley, “Stand Strong Against the Wiles of the World,” 100.

  18. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library.

  19. 1 Nephi 11:22–23.

  20. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library.

  21. 1 Nephi 1:1.

  22. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library.

  23. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library.

  24. Gordon B. Hinckley, “Women of the Church,” Ensign, Nob. 1996, 69.

  25. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library. “Kung walang asawang lalaki o ama sa tahanan, ang ina ang mamumuno sa pamilya” (Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 2.1.3).

  26. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library.

  27. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library.

  28. Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Gospel Library.

  29. Sa pangkalahatang kumperensiya ng Oktubre 1991, itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley na sina Eva at Adan ay “nakatayong magkatabi sa halamanan. Magkasama silang pinalayas mula sa halamanan, at magkasamang nagsikap na magkaroon ng makakain sa pamamagitan ng pawis ng kanilang noo” (“Our Solemn Responsibilities,” Ensign, Nob. 1991, 51).

  30. Filipos 4:7.