Pangkalahatang Kumperensya
Pambungad
Pangkalahatang kumperensiya ng Oktubre 2025


3:34

Pambungad

Nagpapatuloy tayo ngayon sa ikalawang taunang pangkalahatang kumperensiya na ito, gaya ng nakaplano, na may mga tagapagsalita at musika na itinalaga ni Pangulong Nelson pagkatapos ng ilang buwan ng paghahanda.

Mahal kong mga kapatid, nagtitipon tayo habang nagdadalamhati sa pagkamatay ng ating pinakamamahal na si Pangulong Russell M. Nelson. Nagsasalita ako sa inyo bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa, na posisyon kung saan ako sinang-ayunan na sa bawat ward, stake, at pangkalahatang kumperensiya natin—sa nakalipas na pito at kalahating taon.

Nagpapatuloy tayo sa ikalawang taunang pangkalahatang kumperensiya na ito, gaya ng nakaplano, na may mga tagapagsalita at musika na itinalaga ni Pangulong Nelson pagkatapos ng ilang buwan ng paghahanda. Ang tanging mga karagdagan ay ito, ang panimulang paliwanag ko, at ang pagsasalita ko bilang kapalit ni Pangulong Nelson sa pangwakas na sesyon sa Linggo ng hapon.

Ito ang unang pagkakataon sa loob ng 75 taon na namatay ang isang Pangulo ng Simbahan ilang araw bago ang pangkalahatang kumperensiya. Dahil dito, kinailangan naming magplano kung paano idaraos ang mahahalagang miting ng mga lider kaugnay ng pangkalahatang kumperensiya gayundin ang mga pangkalahatang sesyon ng kumperensiya, kasabay ng pag-iiskedyul ng kanyang libing sa lalong madaling panahon. Nauunawaan ni Pangulong Nelson ang kahalagahan ng pangkalahatang kumperensiya sa pagbibigay ng direksiyon sa mga Banal sa darating na mga buwan. Iginagalang namin siya sa pamamagitan ng pagsunod sa naiplanong iskedyul ng kumperensiya na inaprubahan niya.

Sa panahong ito ng pagdadalamhati, nagmiting na kami para bigyang-pugay si Pangulong Russell M. Nelson bago ang ating mga sesyon ng pangkalahatang kumperensiya at iniskedyul ang kanyang libing kaagad pagkatapos ng kumperensiya. Lahat ng ito ay ginawa nang may pahintulot ng pamilya ni Pangulong Nelson at ng Korum ng Labindalawa.

Dahil marami sa amin na naitalagang magsalita sa pangkalahatang kumperensiya ang gustong mag-ukol ng oras para bigyang-pugay si Pangulong Nelson, hiniling namin sa lahat ng magsasalita sa kumperensiya na iklian lamang ang papugay, at ilaan ang mahahabang papugay sa serbisyong panlibing, na sinimulan na naming planuhin.

Ang maikli kong papugay—na akma sa kumperensiyang ito at sa mga papugay na ginawa na namin—ay ito: minahal ko si Russell M. Nelson at mas marami akong natutuhan tungkol sa ebanghelyo at pamumuno ayon sa ebanghelyo dahil sa matagal ko nang kaibigan at kasalamuha siya kaysa sa sinumang lider na kilala ko nang personal. Siya ang ating modelo bilang lingkod at alagad ng Panginoong Jesucristo. Ito ay pinatototohanan ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.