Pangkalahatang Kumperensya
Ang Aklat ni Mormon—Isang Hindi Masusukat na Kayamanan sa Ating Paglalakbay
Pangkalahatang kumperensiya ng Oktubre 2025


9:47

Ang Aklat ni Mormon—Isang Hindi Masusukat na Kayamanan sa Ating Paglalakbay

Habang nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo na matatagpuan sa Aklat ni Mormon, tutulungan tayo ng Espiritu na maunawaan ang mga walang hanggang katotohanan.

Naaalala ba ninyo ang isang sandali na may nagbigay sa inyo ng regalo na nagpabago ng buhay ninyo? Ngayong Oktubre ang ika-40 taon mula nang matanggap ko ang isa sa mga pinakamagandang regalo sa aking buhay. Noong hayskul ako, napansin ko na isa sa mga kaklase namin ay tila mas masaya kaya sa iba pang mga kabataan. Masaya ako kapag kasama siya. Isang araw, sinabi niya sa akin na miyembro siya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pagkatapos, binigyan niya ako ng regalo: isang kopya ng Aklat ni Mormon. Inanyayahan niya akong magbasa ng ilang pahina at makipagkita sa dalawang kaibigan na masasagot ang mga tanong ko. Ang mga kaibigang iyon ay ang mga missionary.

Nang magkita kami ng mga missionary, tinuruan nila ako ng doktrina ni Cristo at inanyayahan akong sundin ang paanyaya ng propetang si Moroni: “Kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Moroni 10:4).

Nagbasa ako ng ilang pahina ng Aklat ni Mormon at nanalangin. Bagama’t wala pa akong malalim na pagkaunawa sa lahat ng bagay na itinuturo sa akin ng mga missionary noon, nadama ko sa aking puso na ang binabasa ko ay mabuti at nagmula sa Diyos. Nakatanggap ako ng patunay tungkol sa pangako ni Moroni: “At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5).

Matapos akong mabinyagan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sinikap ng ilang kaibigan ko na kumbinsihin ako na mali ang naging desisyon ko. Subalit sa tuwing nahaharap ako sa gayong mga pagdududa o oposisyon, nakatatanggap ako ng panibagong patunay sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagdarasal na manatiling tapat sa mga tipang ginawa ko sa Diyos. Mula noon, ang Aklat ni Mormon ang naging kasama ko at naging hindi masusukat na kayamanan sa aking paglalakbay sa buhay na ito.

Ang Aklat ni Mormon ay higit pa sa isang aklat. Ito ay isa pang tipan ni Jesucristo, na isinulat ng maraming sinaunang propeta sa pamamagitan ng diwa ng propesiya at paghahayag.

Ang pinakamahalagang pangyayaring naitala sa Aklat ni Mormon ay ang personal na ministeryo ng Panginoong Jesucristo sa mga Nephita di-kalaunan pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Ang Aklat ni Mormon ay “naghahayag ng mga doktrina ng ebanghelyo, nagbabanghay ng plano ng kaligtasan, at nagsasabi sa mga tao kung ano ang dapat nilang gawin upang matamo ang kapayapaan sa buhay na ito at ang walang hanggang kaligtasan sa buhay na darating” (pambungad sa Aklat ni Mormon).

Ang unang edisyon ng Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo ay inilathala sa isang maliit na bayan sa estado ng New York noong Marso 1830. Si Propetang Joseph Smith ay 23 taong gulang lamang nang matapos niya ang pagsasalin ng aklat noong 1829. Isinalin niya ang halos buong aklat nang wala pang 75 araw, at ang proseso ng pag-imprenta ay inabot nang mga pitong buwan.

Ngayon, humigit-kumulang 80,000 full-time missionary sa mahigit 150 bansa ang naglilingkod bilang mga boluntaryo, inilalaan ang kanilang buhay sa pagpapatotoo na ang Aklat ni Mormon ay totoo at na nagpapatotoo ito tungkol kay Jesucristo.

Sa pinakahuling seminar para sa mga bagong mission leader noong Hunyo ng taong ito, ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson ang kanyang makapangyarihang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon: “Ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos. Itinuturo nito ang doktrina ni Cristo at mas ipinaliliwanag ang tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas kaysa sa anupamang aklat.”

Gusto kong magbigay ng tatlong mungkahi na makatutulong upang mapalalim ang ating pagbabalik-loob kay Jesucristo sa pamamagitan ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon:

1. Maging Masigasig at Palagian sa Inyong Araw-araw na Pag-aaral

Tulad ni Alma at ng mga anak ni Mosias, kailangan nating “masigasig [na saliksikin] ang mga banal na kasulatan upang malaman [natin] ang salita ng Diyos” at mapalakas tayo sa katotohanan (Alma 17:2).

Habang naglilingkod bilang mga mission leader sa Georgia Atlanta Mission, hinikayat namin ng aking asawa ang bawat missionary na pag-aralan ang Aklat ni Mormon nang hindi bababa sa 30 minuto araw-araw. Ang pagsusumikap na iyon ay nagpalaki sa aming pananampalataya at nakatulong sa amin na humanap at umasang magkaroon ng mga himala.

Posibleng pagkatapos ng misyon, maaaring hindi na tayo magkaroon ng gayong kahabang oras sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw, ngunit ipinapangako ko na kung taos-puso ninyong uunahin ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon nang may panalangin araw-araw, makasusumpong kayo ng higit na espirituwal na lakas at tiwala sa Panginoon at sa Kanyang mga pangako.

2. Gawing Mas Makabuluhan ang Inyong Pag-aaral sa pamamagitan ng Pagpapakabusog sa mga Salita ni Cristo

Itinuro ni Nephi: “Magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3).

Ang kahulugan ng magpakabusog ay higit pa sa pagbabasa—ang ibig sabihin nito ay pagpapahalaga, pagninilay, at pagsasabuhay. Habang pinag-aaralan ninyo ang Aklat ni Mormon, mag-isip ng mga paraan upang maging mas makabuluhan ang inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Halimbawa:

  • Paggamit ng mga study aid na nasa Gospel Library app.

  • Pagtukoy sa mga walang-hanggang katotohanan na tutulong sa atin na maunawaan ang plano ng Diyos at aakay sa ating gumawa at tumupad ng mga tipan sa ating Ama sa Langit.

  • Markahan ang mahahalagang parirala at isulat ang inyong mga impresyon upang maingatan ang natutuhan ninyo sa inyong pag-aaral.

Ang Aklat ni Mormon ay may kapangyarihang sagutin ang mga tanong ng ating kaluluwa. Tulad ng sinabi ni Nephi, dapat nating ihalintulad sa ating sarili “ang lahat ng banal na kasulatan, upang ito ay maging para sa [ating] kapakinabangan at kaalaman” (1 Nephi 19:23).

Kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo, bubuksan ng mga ito ang pintuan sa paghahayag at ipapakita sa atin kung ano ang kailangan nating gawin sa iba’t ibang sitwasyon sa buhay natin upang mas mapalapit sa Kanya.

3. Ibahagi ang Inyong Patotoo sa Katotohanan ng Aklat ni Mormon

Tulad ng pagnanais ni Lehi na ibahagi ang bunga ng punungkahoy ng buhay sa kanyang pamilya (tingnan sa 1 Nephi 8:12), kapag nagkaroon tayo ng patotoo sa Aklat ni Mormon, nagkakaroon tayo ng hangaring ibahagi ang kagalakang nagmumula sa kaalaman sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Si Sister Benson na may Aklat ni Mormon

Ibinahagi sa akin ng isa sa aming mga missionary, na si Sister Benson, na kasama natin sa sesyong ito, ang hangarin niyang tulungan ang kanyang batang kapatid na lalaki. Noong panahong iyon, naghahanda siyang pumasok sa kolehiyo at hindi sigurado sa paglilingkod sa misyon. Nadama kong anyayahan si Sister Benson na basahin ang Aklat ni Mormon sa unang apat na buwan ng kanyang misyon, markahan ang paborito niyang mga talata, at pagkatapos ay ipadala ang kopyang iyon sa kanyang kapatid.

Ipinadala ni Sister Benson ang minarkahang kopya ng Aklat ni Mormon at inanyayahan ang kanyang kapatid na basahin ito gabi-gabi. Kalaunan ay ibinahagi niya sa akin: “Bago ako nagmisyon, hindi sigurado ang kapatid ko kung gusto niyang magmisyon. Unti-unti, sa paglipas ng panahon, habang binabasa niya ang Aklat ni Mormon, siya ay nakadama ng tumitinding kagalakan sa kanyang buhay at nagsimulang mag-isip na magmisyon.”

Elder Benson

Dalawang linggo bago natapos ni Sister Benson ang kanyang misyon, natanggap ng kanyang kapatid ang mission call nito. Siya ngayon ay naglilingkod sa Mexico Tuxtla Gutiérrez Mission. Sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon, nakita ni Elder Benson ang kanyang buhay nang may espirituwal na kalinawan, na umakay sa kanya na maglingkod sa Panginoon at magtiwala na magiging maayos ang lahat. Isang himala ang desisyong iyon—na naimpluwensiyahan ng kapangyarihan ng mga salita ni Cristo.

Mahal kong mga kapatid, hinihikayat ko ang bawat isa sa inyo na palalimin ang inyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon. Alam kong kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo na matatagpuan sa Aklat ni Mormon, tutulungan tayo ng Espiritu na maunawaan ang mga walang-hanggang katotohanan at ibahagi ang ating patotoo nang may pananalig sa mga taong inihanda ng Panginoon na makinig ng Kanyang mensahe. Sinabi ng Panginoon, “Ang aking mga hinirang ay naririnig ang aking tinig at hindi pinatitigas ang kanilang mga puso” (Doktrina at mga Tipan 29:7). Pinatototohanan ko na ang mga humihingi sa Diyos nang may pananampalataya ay magkakaroon ng patotoo sa katotohanan at kabanalan ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Tala

  1. Russell M. Nelson, “Sacrament Meeting” (mensaheng ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission leader, Hunyo 23, 2025).