Pangkalahatang Kumperensya
“Minamahal Mo Ba Ako?”
Pangkalahatang kumperensiya ng Oktubre 2025


11:42

“Minamahal Mo Ba Ako?”

Kung nais nating ipakita ang ating pagmamahal sa Diyos, dapat nating maunawaan kung paano Niya kinikilala ang ating pagmamahal.

Sa talinghaga ng alibughang anak, nahirapan noong una ang nakatatandang kapatid na lalaki na ipagdiwang ang pag-uwi ng kanyang nakababatang kapatid na lalaki matapos itong makagawa ng mga maling pagpili at “[lustayin] ang kanyang kabuhayan sa maaksayang pamumuhay.” Ang kapalaluan ng nakatatandang kapatid at ang pag-aakala niyang mas mabuti siya sa iba ang pumigil sa kanya na ikagalak ang pagbalik ng kanyang nagsisising kapatid. Maaari din nating mapalampas ang mga pagkakataon nang hindi naipaaalam sa ating mga mahal sa buhay ang ating taos-pusong pagmamahal sa kanila sa pamamagitan ng ating mga salita at kilos.

Maraming makapangyarihang halimbawa sa mga banal na kasulatan ng taos-pusong pagmamahal na ibinahagi at natanggap: sina Noemi at Ruth, sina Ammon at Haring Lamoni, ang alibughang anak at ang kanyang ama, ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga disipulo.

Kapag ang pag-ibig ay malayang ibinigay at taos-pusong tinanggap, napasisimulan nito ang mabuting siklo ng dagdag na pagmamahal kapwa para sa nagbigay at tumanggap.

Ang pag-ibig ng Diyos ay perpekto, walang hanggan, nagtitiis, at “napakatamis.” Pinupuspos nito ang kaluluwa ng “labis na kagalakan.” Gayunpaman, kung minsan, maaaring mahirapan tayong kilalanin ang pagmamahal ng Diyos sa ating buhay. Gayunman, ang ating lubos na mapagmahal na Ama sa Langit ay may masidhing pagnanais na maranasan natin ang Kanyang pagmamahal na “[sinasalita Niya sa atin] alinsunod sa … [ating] ikauunawa.” Ipapahayag Niya ang Kanyang pagmamahal sa atin sa mga paraang makikilala ito ng bawat isa sa atin. Maaari nating maranasan ang pagmamahal ng Diyos para sa atin kapag pinagmamasdan natin ang kagandahan sa kalikasan, o nakatatanggap tayo ng mga sagot sa mga panalangin, o dumarating ang mga ideya sa ating isipan sa mismong sandali ng pangangailangan, o nakararanas tayo ng matatamis na sandali ng kagalakan. Ang pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal ng Ama sa Langit para sa atin na sinasang-ayunan ng ating puso’t isipan ay nang tulutan Niya ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na ialay ang Kanyang sarili bilang tagapagbayad-sala.

Tulad ng nakatatandang kapatid ng alibughang anak, ang ating atensiyon ay kadalasang nakasentro sa ating sarili. Labis tayong natutuon sa paghahangad ng katibayan ng pagmamahal ng Diyos para sa atin at nabibigo tayo kapag hindi natin ito nakikita. Ngunit ang magandang kabalintunaan ay kapag mas nakatuon tayo sa pagpapakita ng ating pagmamahal sa Diyos, mas madali nating nakikilala ang Kanyang pagmamahal sa atin. Marahil ito ang dahilan kaya tumugon ang Tagapagligtas sa tanong na “Alin ba ang dakilang utos?” gamit ang simple at mahalagang paanyayang ito: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.”

Kung minsan, ang paraan ng pagpapakita natin ng ating pagmamahal sa mga taong pinakamamahal natin ay hindi palaging ang paraan na kinikilala nila ang pagmamahal. Maaaring nakadidismaya ito kapwa sa nagbibigay at sa tumatanggap. Maaaring makatulong na itanong sa mga mahal natin sa buhay kung paano nila kinikilala ang pagmamahal na ipinahayag. Gayundin, kung nais nating ipakita ang ating pagmamahal sa Diyos, dapat nating maunawaan kung paano Niya kinikilala ang ating mga indibiduwal na pagpapahayag ng pagmamahal. Sa kabutihang-palad, malinaw Niyang ibinalangkas ang ilang paraan sa mga banal na kasulatan upang maipakita natin ang ating pagmamahal sa Kanya.

Minamahal Mo Ba Ako Nang Higit Kaysa Mga Ito?

Sa pagtatagubilinan sa pagitan ni Pedro at ng nabuhay na mag-uling Panginoon sa Dagat ng Tiberias, nalaman natin ang mga paraan na maipapakita natin ang ating pagmamahal sa Panginoon.

“Sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito? Sinabi niya sa kanya, ‘Opo, Panginoon, nalalaman mo na minamahal kita.’”

Ang mahalagang sa tanong na ito ng Panginoon ay “minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito?” Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Panginoon kapag inilalagay natin Siya sa itaas ng “mga ito,” at ang “mga ito” ay maaaring maging sinumang tao, anumang aktibidad, o anumang bagay na ipinapalit sa Kanya bilang pinakamahalagang impluwensiya sa ating buhay.

Hindi kailanman magkakaroon ng sapat na oras sa isang araw, isang linggo, isang buwan, o isang taon upang magawa ang lahat ng nais o kailangan nating maisakatuparan. Bahagi ng pagsubok sa mortalidad ang gamitin ang mahalagang yaman ng oras para sa pinakamahalaga para sa ating walang hanggang kabutihan at pakawalan ang mga bagay na di-gaanong mahalaga.

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang tanong para sa bawat isa sa atin … ay iyon pa rin. … Handa ka bang maging pinakamahalagang impluwensiya sa buhay mo ang Diyos? Hahayaan mo ba ang Kanyang mga salita, Kanyang mga utos, at Kanyang mga tipan na impluwensiyahan ang ginagawa mo sa bawat araw? Mas uunahin mo ba ang Kanyang tinig kaysa sa iba? Handa ka bang unahin ang kailangan Niyang ipagawa sa iyo kaysa sa lahat ng iba pang mga ambisyon mo? Handa ka bang ipasakop ang iyong kalooban sa Kanyang kalooban?” Ipinapakita natin ang ating pagkadisipulo at pagmamahal sa Diyos kapag inuuna natin Siya.

Pakainin Mo Ang Aking Mga Tupa

Sa susunod na talata ng talakayang ito sa pagitan ni Pedro at ng Tagapagligtas, nalaman natin ang isa pang paraan na naipadarama sa Panginoon ang ating pagpapahayag ng pagmamahal: “Sa ikalawang pagkakataon ay sinabi [ng Panginoon] sa kanya, Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako? Sinabi niya sa kanya, Opo, Panginoon; nalalaman mo na minamahal kita. Sinabi niya sa kanya, ‘Alagaan mo ang aking mga tupa.’”

Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Ama sa Langit kapag tayo ay naglilingkod, nakikinig, nagmamahal, nagpapasigla, o nagmiministeryo sa Kanyang mga anak. Ang paglilingkod na iyan ay maaaring kasinsimple ng tunay na pagtingin sa iba nang walang paghatol. Sa ika-76 na bahagi ng Doktrina at mga Tipan, nasusulyapan natin ang pagkatao ng mga magmamana ng selestiyal na kaluwalhatian: “Kanilang nakikita ang gaya ng pagkakakita sa kanila, at nakaaalam gaya ng pagkakaalam sa kanila.” Nakikita nila ang iba tulad ng pagtingin sa kanila ng Diyos, at nakikita Niya sila sa kung ano ang maaari nilang kahinatnan, na may maluwalhating banal na potensiyal.

Nang makauwi na ako mula sa misyon, ako na ang nagpatakbo ng negosyo namin ng mga kapatid kong lalaki na pag-aalaga ng mga bakuran na sinimulan namin noong tinedyer pa kami. Abala rin ako sa pag-aaral ko sa unibersidad. Isang linggo ng tagsibol, ang malakas na ulan at ang paparating na pagsusulit ay labis na naging mabigat sa akin at naging dahilan kaya nahuli sa iskedyul ang trabaho sa bakuran.

Sa kalagitnaan ng linggo, nagliwanag ang kalangitan, at nagplano akong maghabol sa trabaho sa bakuran pagkatapos ng mga klase. Ngunit pag-uwi ko, wala na ang aking trak at mga kagamitan. Nag-uusisa, binisita ko ang mga nakaiskedyul na bakuran; ang bawat isa ay nagapas na nang maganda. Sa huling bakuran na nakaiskedyul, nakita ko ang nakababata kong kapatid na lalaki na naglalakad sa likod ng mower. Nakita niya ako, ngumiti, at kumaway. Napuspos ng pasasalamat, niyakap at pinasalamatan ko siya. Ang kanyang makabuluhang paglilingkod ay labis na nagpalakas sa aking pagmamahal at katapatan sa kanya. Ang paglilingkod sa isa’t isa ay hindi mapag-aalinlanganang paraan na maipapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak.

Kilalanin Ang Kanyang Ginagawa Sa Lahat Ng Bagay

Ipinapakita rin natin ang ating pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mapagpasalamat na puso. Sinabi ng Panginoon, “At walang bagay na magagawa ang tao na makasasakit sa Diyos … maliban sa yaong mga hindi kumikilala sa kanyang ginawa sa lahat ng bagay.” Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng pagkilala sa Kanya bilang pinagmumulan ng bawat mabuting bagay sa ating buhay.

Sa mga unang araw ng paglulunsad ng isang kumpanya, taimtim kaming nanalangin ng kasosyo ko sa negosyo bago ang mahahalagang miting upang humingi ng tulong sa Ama sa Langit. Sa bawat pagkakataon, sinagot ng Diyos ang aming mga dalangin, at naging maayos ang aming mga miting. Pagkatapos ng isang miting, binigyang-diin ng kasosyo ko na mabilis kaming humingi ng tulong ngunit mabagal kaming magpasalamat. Mula noon, ginawa naming regular ang pag-aalay ng mga taimtim na panalangin ng pasasalamat, kinikilala ang kamay ng Panginoon sa aming mga tagumpay. Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos nang may “kaugalian ng pagpapasalamat.”

Kung Ako’y Inyong Minamahal Ay Tutuparin Ninyo Ang Aking Mga Utos

Ang isa pang paraan na maipapakita natin ang ating pagmamahal sa Ama sa Langit at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak ay ang piliing sundin Sila. Sinabi ng Tagapagligtas, “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.” Ang ganitong uri ng pagsunod ay hindi bulag o obligado kundi taos-puso at handang magpakita ng pagmamahal. Nais ng Ama sa Langit na naisin nating maging masunurin. Tinawag ito ni Sister Tamara W. Runia na “pagsunod nang may pagmamahal.” Sabi niya, “Kahit hindi perpekto ang pagsunod natin sa ngayon, gayunman, sinusubukan natin ang pagsunod nang may pagmamahal ngayon, pinipiling manatili, nang paulit-ulit, dahil mahal natin Siya.”

Binigyan tayo ng Ama sa Langit ng kalayaang pumili upang bigyan tayo ng inspirasyon na naising piliin Siya. Ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay hindi lamang ang isakatuparan ang ating buhay na walang hanggan kundi kinabibilangan din ng pag-asa na ang pinakadakilang hangarin natin ay ang makabalik sa Kanya. Gayunman, hindi Niya tayo kailanman pupuwersahing sumunod. Sa himnong “Know This, That Every Soul Is Free [Alamin Ninyo, Na Ang Bawat Kaluluwa ay Malaya],” inaawit natin:

Tatawag siya, maghihikayat, gagabay nang tama,

At magpapala nang may karunungan, pagmamahal, at liwanag,

Maging mabuti at mabait sa mga paraang hindi pinangangalanan ng iba,

Ngunit huwag pilitin ang isipan ng tao.

Bilang mga mission leader, kami ng asawa kong si Christina ay nabigyang-inspirasyon ng napakaraming missionary na piniling maging masunurin, hindi lamang dahil ito ay isang pamantayan ng missionary kundi dahil gusto nilang maipakita ang kanilang pagmamahal sa Panginoon sa pamamagitan ng mapagpakumbabang pagpiling kumatawan sa Kanya.

Sinabi ni Elder Dale G. Renlund: “Ang mithiin ng ating Ama sa Langit bilang magulang ay hindi ang iutos sa Kanyang mga anak na gawin kung ano ang tama; kundi ang piliin na gawin kung ano ang tama at sa huli ay maging katulad Niya. Kung ang nais lang Niya ay maging masunurin tayo, bibigyan Niya kaagad tayo ng mga gantimpala o kaparusahan para maimpluwensyahan ang ating pag-uugali.” Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos kapag pinipili nating sundin at sundan Siya.

Kinikilala ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas ang ating pagmamahal sa Kanila kapag inuuna natin Sila sa ating buhay, pinaglilingkuran natin ang isa’t isa, buong pasasalamat na kinikilala ang bawat pagpapala mula sa Kanila, at pinipiling sundin at sundan Sila.

Pinatototohanan ko na ang bawat isa sa atin ay tunay na anak ng Diyos at minamahal Niya tayo sa perpektong paraan. Pinatototohanan ko na inaasam Niyang maranasan natin ang Kanyang pagmamahal sa mga paraang nakikilala at nauunawaan natin. At ang magandang kabalintunaan ay mararanasan natin ang Kanyang pagmamahal sa atin nang mas malalim kapag ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Kanya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Lucas 15:13.

  2. Tingnan sa Roma 8:35–39; Dale G. Renlund, “Experience God’s Love” (debosyonal sa Brigham Young University, Dis. 3, 2019), speeches.byu.edu; Russell M. Nelson, “Divine Love,” Liahona, Peb. 2003, 12–17.

  3. 1 Nephi 8:11.

  4. 1 Nephi 8:12.

  5. 2 Nephi 31:3.

  6. Tingnan sa Juan 3:16.

  7. Tignan sa 1 Juan 4:19.

  8. Mateo 22:36–37.

  9. Bagama’t hindi natin natatamo ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng ating mga kilos, sabik Siyang kilalanin ang ating pagpapahayag ng pagmamahal sa Kanya sa pamamagitan ng pagdinig sa ating mga panalangin, pagpapala sa atin, at pagtulong sa atin na maranasan ang Kanyang pagmamahal sa atin.

  10. Juan 21:15.

  11. “Kailangan nating unahin ang Diyos nang higit sa lahat sa ating buhay. Siya dapat ang unahin. …

    “Kapag inuna natin ang Diyos, lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay. Ang pagmamahal natin sa Panginoon ang magiging batayan ng mga bagay na ating kinagigiliwan, ng ating panahon, ng mga hangaring ating inaasam, at ng pagkakasunud-sunod ng ating mga priyoridad” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 47). Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Liahona, Nob. 2007, 104–8.

  12. Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Liahona, Nob. 2020, 94.

  13. Juan 21:16.

  14. Tingnan sa Mosias 2:17.

  15. Doktrina at mga Tipan 76:94.

  16. Doktrina at mga Tipan 59:21.

  17. Tingnan sa Filemon 1:4–7.

  18. Thomas B. Monson, “An Attitude of Gratitude,” Ensign, Mayo 1992, 54.

  19. Juan 14:15.

  20. Tamara W. Runia, “Ang Inyong Pagsisisi ay Hindi Nagpapabigat kay Jesucristo; Lalo Siyang Nagagalak Dito,” Liahona, Mayo 2025, 92.

  21. Tingnan sa 2 Nephi 10:23–24; Helaman 14:30–31.

  22. Tingnan sa Moises 1:39.

  23. “Know This, That Every Soul Is Free,” Hymns, blg. 240.

  24. Tingnan sa Mosias 5:2–5.

  25. Dale G. Renlund, “Piliin Ninyo sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2018, 104.

  26. Patrick Kearon, “Tanggapin ang Kanyang Kaloob,” Liahona, Mayo 2025, 121–24.

  27. “Ang una at dakilang utos sa kawalang-hanggan ay ang mahalin ang Diyos nang buo nating puso, kakayahan, pag-iisip at lakas—iyan ang una at dakilang utos. Subalit ang una at dakilang katotohanan sa kawalang-hanggan ay [na] mahal tayo ng Diyos nang buo Niyang puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas” (Jeffrey R. Holland, “Bukas ay Gagawa ng mga Kababalaghan ang Panginoon sa Inyo,” Liahona, Mayo 2016, 127).

  28. “Ang hesed ay isang espesyal na uri ng pagmamahal at awa na nadarama at ipinagkakaloob ng Diyos sa mga nakipagtipan sa Kanya. At sinusuklian natin ito ng hesed para sa Kanya.

    “Dahil ang Diyos ay may hesed para sa mga nakipagtipan sa Kanya, mamahalin Niya sila. Siya ay patuloy na makikipagtulungan sa kanila at magbibigay sa kanila ng mga pagkakataong magbago. Patatawarin Niya sila kapag nagsisisi sila. At kung maligaw sila, tutulungan Niya silang mahanap ang daan pabalik sa Kanya.

    “Kapag kayo at ako ay nakipagtipan sa Diyos, nagiging mas malapit ang ating ugnayan sa Kanya kaysa noong bago tayo makipagtipan” (Russell M. Nelson, “Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 6).