Pangkalahatang Kumperensya
Ang Kapangyarihan ng Paglilingkod sa Isang Tao
Pangkalahatang kumperensiya ng Oktubre 2025


10:28

Ang Kapangyarihan ng Paglilingkod sa Isang Tao

Kapag tayo ay naglilingkod sa isang tao, tayo ay nag-aanyaya sa isang tao na lumapit kay Jesucristo at na sumamba sa bahay ng Panginoon.

Mga kapatid, salamat sa inyo at sa inyong matapat na debosyon sa paglapit kay Jesucristo sa gitna ng mga mapanghamong panahong ito. Kayo ay kahanga-hanga; kayo ay kaaya-aya; ang bawat isa sa inyo ay anak ng Diyos. Dalangin ko na madama natin ang impluwensiya ng Espiritu Santo habang tayo ay nagiging, at tinutulungan ang iba na maging, mga tunay na tapat na disipulo ni Jesucristo at na madama ang Kanyang kagalakan habang tayo ay sumasamba sa bahay ng Panginoon.

Ipinayo ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ngayon ang panahon para sa inyo at sa akin na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Ngayon ang panahon para unahin natin higit sa lahat ang ating pagiging disipulo. Sa mundong puno ng mga bagay na nakagagambala, paano natin ito magagawa?”

Sinabi niya ang sagot: “Ang regular na pagsamba sa templo ay tutulong sa atin. Sa bahay ng Panginoon, nakatuon tayo kay Jesucristo. … Nakikilala natin Siya. … Bawat taos-pusong naghahanap kay Jesucristo ay matatagpuan Siya sa templo.”

Kung ganoon, paano tayo magiging, at matutulungan ang iba na maging, mga tapat na disipulo ni Jesucristo? Tayo ay makapaglilingkod sa isang tao. Ang paglilingkod sa paraan ng Tagapagligtas ay kinabibilangan ng habag, kabutihan, patitiyaga, at pag-ibig na walang panghuhusga. Kapag tayo ay naglilingkod sa isang tao, tayo ay nag-aanyaya sa isang tao na lumapit kay Cristo at na sumamba sa bahay ng Panginoon upang tumanggap ng Kanyang nagtutubos na kapangyarihan. Sa madaling salita, nagtutulungan tayong maging mga tapat na disipulo kapag tayo ay naglilingkod sa isang tao sa mga paraang aakay patungo sa bahay ng Panginoon.

Natutuhan natin mula kay Jesucristo ang kapangyarihan ng paglilingkod sa isang tao nang may pag-ibig at walang panghuhusga. Naaalala ninyo ang babaeng Samaritano sa balon. Maaaring naramdaman ng babaeng ito na hindi siya mahalaga, nag-iisa, napanghihinaan ng loob, at napabayaan. Maaaring nadama niya na hindi siya nabibilang. Sa kahabaan ng buhay niya, nagkaroon siya ng limang asawa, at ang lalaking kasama niya sa buhay ay hindi niya asawa. Ang iba ay maaaring magpataw ng hindi makatwirang panghuhusga nang hindi nalalaman ang kanyang kalagayan sa buhay. Ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit mag-isa siyang nagtungo sa balon sa pinakamainit na oras sa tanghali. Gayunman, siya ang isa sa mga unang sinabihan ni Jesucristo na Siya ang Mesiyas. Sa Kanya, ang babaeng ito ay isang anak ng Diyos.

Itinuro ni Jesucristo sa babae na ito na sa pamamagitan Niya, ang isang tao ay makatatanggap ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagtanggap ng tubig na buhay. Kanyang sinabi, “Subalit ang sinumang umiinom ng tubig na aking ibibigay ay hindi na mauuhaw … ang tubig na aking ibibigay … ay magiging isang bukal ng tubig tungo sa buhay na walang hanggan.

Nadama ng babaeng mula sa Samaria ang pag-ibig ng Tagapagligtas at nakatanggap ng patunay sa pamamagitan ng Espiritu na Siya ang Mesiyas. Matapos ang patunay na ito, bumalik siya sa siyudad, at nag-anyaya ng iba pa na puntahan at tingnan si Jesus, at marami ang naniwala na si Jesus ay “[tunay ngang] ang Tagapagligtas ng sanlibutan.” Naglingkod si Cristo sa isang tao nang may pag-ibig; bilang resulta, ang iba ay naging Kanyang mga tapat na disipulo.

Natutuhan natin ang kapangyarihan ng paglilingkod sa isang tao nang may habag mula sa mga Apostol ni Cristo na sina Pedro at Juan. Naaalala ninyo ang isang lalaking lumpo mula pagkapanganak na namamalilimos palagi sa labas ng pintuan ng templo. Maaaring naramdaman ng lalaking ito na hindi siya mahalaga, nag-iisa, napanghihinaan ng loob, at napabayaan. Maaaring nadama niya na hindi siya nabibilang.

“Ngunit sinabi ni Pedro, ‘Wala akong pilak at ginto, ngunit ang nasa akin ay siya kong ibinibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad.’”

Hinawakan ni Pedro ang lalaki sa kanyang kanang kamay, at itinayo ito, at ang lalaki ay gumaling. Agad matapos ang himala, ang lalaki ay pumasok sa templo kasama sina Pedro at Juan, nang “lumalakad, lumulukso, at nagpupuri sa Diyos.” Sina Pedro at Juan ay naglingkod sa isang tao sa mga paraang nag-akay tungo sa bahay ng Panginoon, at ang lalaki ay naging isang tapat na disipulo ni Cristo.

Aking mga kaibigan, nagkaroon ng mga pagkakataon sa buhay ko na nadama ko rin na ako ay hindi mahalaga, nag-iisa, nanghihina ang loob, at napabayaan. Nadama ko na tila hindi ako nabibilang. Nabinyagan at nakumpirma ako bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong ako ay 19 taong gulang. Makalipas ang isang taon, tinanggap ko ang tawag na maglingkod bilang isang full-time missionary, ngunit napakarami ko pang hindi natututuhan tungkol sa kasaysayan ng Simbahan.

Noong bago pa lamang ako sa misyon, nalaman kong nagkaroon ng panahong ang mga may lahing Black African ay hindi pinayagang matamasa ang lahat ng pagpapala ng pagsamba sa bahay ng Panginoon. Noong unang beses ko itong malaman, nagdulot ito sa akin ng galit, pagkalito, pagdududa, at takot. Ang mga damdaming ito ay masidhi kaya ang aking kakayahang kilalanin ang Espiritu Santo ay nawala ng ilang panahon.

Buti na lamang, nagkaroon ako ng mahusay na missionary companion na si Kevin Vick, na naglingkod sa akin nang may pag-ibig, pagtitiyaga, at kabaitan. Sa bawat gabi na nasasaksihan niya ang aking mga damdamin ng pagdududa at walang-kasiguruhan, sasabihin lamang niya sa mas batang Elder Johnson, “Mahal kita.” Matapos ang mga dalawang linggo, hinayaan ko ang aking sariling madama ang pagmamahal ni Kevin. Nagkaroon ako ng tapang na manalangin sa Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo. Habang ako ay nananalangin, naalala ko ang bahagi 6 ng Doktrina at mga Tipan, mga talata 21–23, na nagsasabing:

“Masdan, ako si Jesucristo, ang Anak ng Diyos. … Ako ang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman. …

“… Ipako mo ang [iyong] isipan sa gabing ikaw ay nagsumamo sa akin sa iyong puso, upang iyong malaman ang hinggil sa katotohanan ng mga bagay na ito.

“Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito? Ano pang mas higit na katibayan ang iyong matatamo kundi ang mula sa Diyos?”

Habang nagbabasa ako, naalala ko. Naalala ko ang araw na ako ay nag-ayuno at nanalangin upang malaman kung ang Aklat ni Mormon ay ang salita ng Diyos at kung si Joseph Smith ay ang Propeta ng Pagpapanumbalik. Naalala ko ang mga tipang ginagawa sa loob ng bahay ng Panginoon na nag-uugnay sa akin kay Jesucristo sa napakapersonal at malalim na paraan. Nadama ko ang pag-ibig ng Tagapagligtas, ang Kanyang awa, at ang Kanyang pagtitiyak na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang Kanyang kaharian sa daigdig at mahalaga para ihanda tayo sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Dahil naalala ko, muli kong nakayanang kilalanin ang Espiritu Santo at unawain nang mas higit na si Jesus ang Cristo at ako ay Kanyang disipulo.

May mga panahong magkakaroon tayo ng mga tanong na hindi masagot at damdaming tayo ay hindi mahalaga, napanghihinaan ng loob, nag-iisa, at napabayaan. Gayunman, mga kaibigan, dapat tayong magpatuloy pasulong nang may pananampalataya kay Jesucristo at dapat nating alalahanin ang Kanyang mga salita:

“Huwag mabagabag ang inyong puso.”

“Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa pag-uusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan.”

Ako ay isang saksi sa katotohanan nito at sa ipinangakong pagpapala ng Tagapagligtas.

Kaya, ano ang magagawa natin upang masigurong ang ating paglilingkod sa isang tao sa paraan ng Tagapagligtas ay pinakaepektibo? Ang pagsasabuhay ng doktrina ni Cristo ay tutulong sa atin. Ang “pagsasabuhay ng doktrina ni Cristo” tulad ng paglalarawan ni Pangulong Nelson na “maaaring magdulot ng pinakamakapangyarihan at magandang resulta, na lumilikha ng espirituwal na momentum sa ating buhay.

“Habang nagsisikap tayong isabuhay ang mga nakatataas na batas ni Jesucristo … tutulungan tayo ng Tagapagligtas na madaig ang impluwensiya ng masamang mundong ito sa pamamagitan ng pagkakaloob sa atin ng higit na pag-ibig sa kapwa, pagpapakumbaba, pagiging bukas-palad, kabaitan, disiplina sa sarili, kapayapaan, at kapahingahan.”

“[Itong espirituwal na] momentum na nalikha sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng doktrina ni Cristo,” na ipinaliwanag ni Elder Dale G. Renlund, ay “hindi lamang nagbibigay ng kapangyarihang baguhin ang ating likas na pagkatao tungo sa ating walang-hanggang tadhana kundi hinihikayat din nito tayong tulungan ang iba [na maglingkod] sa angkop na mga paraan.” Ipinaalala sa atin ni Elder Renlund na “ang gawain ng Tagapagligtas ay magpagaling [upang tayo ay gumaling]. Ang gawain natin ay magmahal—magmahal at maglingkod sa paraang maglalapit sa iba kay Jesucristo.”

Ang kakayahan natin ng pagsasabuhay ng doktrina ni Cristo ay mapahuhusay sa pamamagitan ng araw-araw na pag-aaral ng Aklat ni Mormon at lingguhang pagtanggap ng sakramento. Ipinahayag ni Pangulong Nelson na ang Aklat ni Mormon ay “itinuturo … ang doktrina ni Cristo … [at] nagbibigay ng ganap at lubos na [malinaw na] kaalaman tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo na matatagpuan sa buong aklat.” Mahal ko ang aklat na ito. At ang mapanalanging pagtanggap ng sakramento kada linggo ay nakapagdaragdag ng ating pang-unawa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at nakapaglalaan ng espirituwal na paninibago, kapanatagan, at kapangyarihan ng kabanalan sa ating mga buhay. Tandaan, “sa mga ordenansa [ng priesthood], ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita,” at ang kapangyarihang ito na nagmumula kay Jesucristo ay magpapalakas ng ating pagnanais at ng ating kakayahang maglingkod sa isang tao.

Pinahihina ng pag-aaral ko ng Aklat ni Mormon at pagtanggap ng sakramento ang pakiramdam ng panghihina, napalalakas ang aking determinasyong maglingkod sa isang tao sa paraan ng Tagapagligtas, at tinutulungan akong gawing pinakamataas na priyoridad ang pagkadisipulo.

Mga kaibigan, ipinapangako kong habang ginagawa natin ang pagsasabuhay ng doktrina ni Cristo at naglilingkod sa isang tao sa paraang nakapag-aakay sa bahay ng Panginoon, tayo ay uusad pasulong nang may pananampalataya kay Jesucristo kahit may mga tanong tayo na hindi masagot at may pakiramdam na hindi tayo mahalaga, nag-iiisa, nanghihina, at napabayaan. Aanyayahan natin ang isang tao na lumapit kay Jesucristo at sumamba sa bahay ng Panginoon upang tanggapin ang Kanyang nagtutubos na kapangyarihan at pag-ibig. Sa bahay ng Panginoon, ating “madarama … ang … awa [ng Tagapagligtas]. Makikita [natin] ang mga sagot sa mga tanong [natin] na lubos na bumabalisa sa [atin]. [At] mas mauunawaan [natin] ang kagalakan ng Kanyang ebanghelyo.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Ang Panginoong Jesucristo ay Paparitong Muli,” Liahona, Nob. 2024, 121–22.

  2. Tingnan sa Juan 4:5–42.

  3. Batay sa kasaysayan, ang karamihan ng nagtutungo sa balon ni Jacob ay nagpupunta nang maaga. Isa itong lugar kung saan nagtitipun-tipon at nakikipagkaibigan ang isa’t isa. Ang babaeng Samaritana ay mag-isang nagtungo sa balon ni Jacob sa kalagitnaaan at sa kainitan ng araw sa ika-anim na oras. Ito ay tanghaling-tapat. Ang pagtungo sa ganitong oras ay makapagpapakita na nadarama niya ang anumang nararamdaman ng iba tungkol sa kanya at kung ano ang kanyang nadarama tungkol sa kanyang sarili.

  4. Juan 4:13–14.

  5. Juan 4:42.

  6. Tingnan sa Mga Gawa 3:1–11.

  7. Mga Gawa 3:6.

  8. Tingnan sa Mga Gawa 3:7.

  9. Mga Gawa 3:8.

  10. Ako ay nabinyagan at nakumpirma bilang isang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong Agosto 1986. Mula Agosto 1987 hanggang Agosto 1989, naglingkod ako bilang isang missionary sa Alabama Birmingham Mission.

  11. Tingnan sa Church and Gospel Questions, “Race and The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” Gospel Library.

  12. Ang karanasang ito ay mas naipaliwanag ng detalyado sa mensaheng “Applying the Doctrine of Jesus Christ into Our Lives” ni Peter M. Johnson, (Debosyonal sa Brigham Young University–Idaho, Mar. 14, 2023), byui.edu.

  13. Doktrina at mga Tipan 6:21–23.

  14. Juan 14:27.

  15. Juan 16:33.

  16. Ang doktrina ni Cristo ay binubuo ng limang magkakaugnay na elemento: pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala; pagsisisi; pagtanggap sa mga ordenansa at paggalang sa mga tipan; pagiging banal sa pamamagitan ng Espiritu Santo; at pagiging tapat hanggang sa wakas. Ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ay isang alituntunin ng pagkilos at banal na kapangyarihan. Ang pagsisisi ay ang paggamit ng pananampalataya ng isang tao kay Cristo sa pamamagitan ng pagbaling ng ating puso at kaluluwa patungo sa Kanya. Ang pagsisisi ay hindi kaparusahan. Ito ay ang proseso na maging espirituwal na ipinanganak kay Jesus at pagtanggap ng kanyang imahe sa ating mga mukha. Ang pagtanggap ng mga ordenansa at paggalang sa mga tipang ginawa sa Diyos at kay Cristo ay nagbibigay sa atin ng higit na pagkakataong makamtan ang Kanilang kapangyarihan at Kanilang pag-ibig at pinahihintulutan tayong mapabanal ng Espiritu Santo. Ang huling elemento ng doktrina ni Cristo ay ang pagiging tapat hanggang sa wakas, na pagsasabuhay ng bawal elemento ng doktrina ni Cristo nang “paulit-ulit at may sinusunod na hakbang” upang tayo ay maging, at tulungan ang isa’t isang maging mga tapat na disipulo ni Jesucristo at madama ang Kanyang kagalakan habang sumasamba tayo sa bahay ng Panginoon (Dale G. Renlund, “Ang Mabisang Banal na Siklo ng Doktrina ni Cristo,” Liahona, Mayo 2024, 81; tingnan din sa Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 97).

  17. Russell M. Nelson, “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” 97.

  18. Dale G. Renlund, “Ang Mabisang Banal na Siklo ng Doktrina ni Cristo,” 82, 83; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  19. Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?,” Liahona, Nob. 2017, 62.

  20. Doktrina at mga Tipan 84:20.

  21. Russell M. Nelson, “Ang Panginoong Jesucristo ay Paparitong Muli,” Liahona, Nob. 2024, 122.