Ang Resipe ng Mabuting Balita
Ano kaya ang mangyayari kung daragdagan ninyo ng impluwensiya ni Jesucristo ang inyong buhay?
Kung nakapunta na kayo sa aking sinilangang estado ng Louisiana, malamang na pamilyar kayo sa maraming masasarap na pagkain sa amin—gumbo, jambalaya, étouffée, at kung anu-ano pa.
Paminsan-minsan, nagkakaroon ako ng lakas ng loob na lutuin ang isa sa masasarap na resipe na iyon. Ang hindi nakasulat na huling hakbang matapos paghaluin ang lahat ng sangkap at sundin ang detalyadong tagubilin ay gawin ang huling pagtikim at alamin kung may kulang pa. Sa puntong iyon, para bang naririnig ko ang mga Creole cooking legend na bumubulong sa mga tainga ko, “Lagyan mo pa iyan ng Tony’s.” Ang Tony’s ay isang Creole seasoning na gawa sa Opelousas, Louisiana, sa bayan kung saan ako ipinanganak. Kadalasang ginagamit ito bilang “sikretong sangkap” para pagtakpan ang mga maling nagawa sa pagluluto habang sinusundan ang resipe.
Kami ng asawa kong si Michelle ay nagkaroon ng karangalang maglingkod bilang mga mission leader sa Louisiana. Naging tradisyon namin na turuan ang mga missionary kung paano lutuin ang kanyang special na jambalaya recipe sa huling gabi nila sa mission home bago sila bumalik sa kani-kanilang pamilya. Dagdag pa sa kanilang mga patotoo tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, iniiwan ng aming mga missionary ang mission nang may pagpapahalaga sa mga resipe.
Ilang buwan na ang nakalipas, tumitingin-tingin ako noon sa Church Media Library at nakita ko ang isang link sa koleksiyon ng maiikling video na pinamagatang Restoration Conversations with President Russell M. Nelson. Natuon ang pansin ko sa pamagat ng isa sa maiikling video na nakalista at napangiti ako. Ito ay may pamagat na “Scriptures Are God’s Recipes for Happy Living [Ang mga Banal na Kasulatan ay mga Resipe ng Diyos para sa Masayang Pamumuhay].” Kaagad kong pinindot ang dalawang minutong video na iyon at pinanood si Pangulong Nelson na nagtuturo sa grupo ng mga batang Primary ng isang simple at makapangyarihang mensahe tungkol sa kung paano maging masaya. Itinuro niya: “Kung gumagawa kayo ng cake, sinusunod ninyo ang paraan para gawin ito, hindi ba? At maganda ang kinalalabasan nito palagi, tama ba?”
Nagpatuloy siya, tinutukoy ang nalalapit na pagiging 95 anyos niya: “Sinasabi ng mga tao, ‘Ano po ang kinakain ninyo? Ano po ang sikreto ninyo?’” Sumagot siya, “Ang sikreto ay tinatawag na mga banal na kasulatan. Maaari ninyong basahin at subukan ang mga ito.”
At, iyan na nga ang sagot. Ang simpleng sikreto para sa masayang pamumuhay ay sundin lamang ang resipe ng Diyos gaya ng nakadetalye sa mga banal na kasulatan. Ang tawag ko rito ay “Resipe ng Mabuting Balita.”
Ano ang gagawin ninyo kung nagkamali kayo ng pagsunod sa resipe? Nakalagay sa Resipe ng Mabuting Balita ang isang “sikretong sangkap” na siyang titiyak na lagi ninyong magagawa ang tama sa huli. Ang sagot ay laging si Jesucristo.
Sa aking palagay, may mga sandali tayong lahat na dama natin na hindi sapat na mainam ang ating mga sangkap, o nahihirapan tayong sundin ang mga direksiyon, o marahil ay may nagawa tayong hindi ayos, o may nangyaring hindi natin kayang kontrolin, at iba pa.
Ano ang solusyon? Simple lang; idagdag ang mga bagay na mag-aanyaya kay Jesucristo sa inyong buhay.
Pero, paano ninyo mas madaragdagan ang impluwensiya ni Jesucristo sa inyong buhay?
Noong mission president ako, nagkaroon ako ng pagkakataong personal na makasama sa miting ang bawat batang missionary namin kada anim na linggo. Sa mga sarilinang miting, karaniwan sa mga missionary ang humingi ng gabay kung paano nila mas mapapabuti ang pagiging epektibo nilang magkompanyon.
Minsan, isang missionary ang dumating para sa kanyang personal na interbyu at umupo. Masasabi ko sa ikinikilos niya na may bumabagabag sa kanyang isipan. Tinanong ko siya, “Elder, ano ang gusto mong pag-usapan natin ngayon?” At inilarawan niya ang ilan sa mga problema nilang magkompanyon at kung paano nito naaapektuhan ang kakayahan nilang gawin ang gawaing misyonero. Nang may luha sa mga mata, tumingin siya sa akin at nagtanong, “President, ano po ang dapat kong gawin?”
Nang sandaling iyon, totoong hindi ko alam kung paano ko siya sasagutin. Matapos ang ilang saglit, tinanong ko siya kung OK lang ba na lumuhod kami at magdasal para humingi ng gabay sa Espiritu. Sumang-ayon siya, at lumuhod kami at nagdasal para humingi ng inspirasyon.
Matapos magdasal, sandali kaming nanatiling nakaluhod at pagkatapos ay umupo kami sa aming mga silya nang magkaharap. Tinanong ko siya kung pwede ba kaming magbasa ng banal na kasulatan. Nang buksan namin ang mga banal na kasulatan, huminto ako at sinabi sa kanya, “Elder, habang binabasa natin ang scripture na ito, ang pakiusap ko ay itanong mo ito sa iyong sarili: Kung ipamumuhay ko ba ang mga katangiang ito, bubuti ba ang sitwasyon naming magkompanyon at ang aming gawaing misyonero?”
Pagkatapos, binuksan namin ang Moroni 7:45 at binasa ito nang malakas: “At ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nagtitiis nang matagal, at mabait, at hindi naiinggit, at hindi palalo, hindi naghahangad para sa kanyang sarili, hindi kaagad nagagalit, hindi nag-iisip ng masama, at hindi nagagalak sa kasamaan kundi nagagalak sa katotohanan, binabata ang lahat ng bagay, naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagtitiis sa lahat ng bagay.”
Tumingin sa akin ang elder na may luha sa mga mata at sinabing, “Opo, President, pero mahirap pong gawin iyan.” Sumang-ayon ako at ipinaalala ko sa kanya na anak siya ng Diyos na may banal na potensiyal na gawin ito na kasama ang Panginoon.
Pagkatapos, sandali naming pinag-usapan ang talinghaga ng slope na itinuro ni Elder Clark G. Gilbert ng Pitumpu, na nagpaalala sa atin na kailangan nating magsimula kung saan tayo naroon at, kasama ang Panginoon, sumulong paitaas sa isang positibong direksiyon. Masasabi ko na nararamdaman pa rin niya na napakaraming gagawin sa mga susunod na hakbang, kaya sinabi ko sa kanya na ilarawan ang pagkaunawa niya sa talatang ito ng banal na kasulatan na “sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay.” At ipinaliwanag niya ang konsepto na sa paggawa ng maliliit at mga karaniwang bagay, maaaring mangyari ang mga dakilang bagay. Sinabi ko sa kanya na mag-isip nang ilang minuto at tumukoy ng dalawang maliliit at simpleng bagay na magagawa niya para maging mabait sa kompanyon niya.
Ilang sandali lang at ibinahagi niya ang naiisip niya. Pagkatapos, sinabi ko sa kanya na mag-isip nang ilang minuto at tumukoy ng dalawang maliliit at simpleng bagay na magagawa niya para mapagpasensiyahan niya ang kanyang kompanyon. Halos kaagad na ibinahagi niya ang dalawang naiisip niya. Malinaw na pinagnilayan na niya ito bago pa man kami nagkausap. Inanyayahan ko siya na ilahad sa Diyos ang ilang bagay na ito sa panalangin at humingi ng kumpirmasyon, direksiyon, at inspirasyon kung paano gagawin ang kanyang plano nang may tunay na layunin. Sumang-ayon siya. Nang matapos kami, sinabi ko sa kanya na bigyan ako ng maikling update sa kanyang lingguhang sulat.
Sa paglipas ng ilang linggo, nakita ko sa kanyang mga sulat na bumubuti na ang sitwasyon. Hindi lamang magandang pagbabago sa kanyang mga sulat linggu-linggo ang nakita ko, kundi nakita ko rin ito sa mga sulat ng kanyang kompanyon. Nang sumunod na in-person interview namin, nakita ko ang napakalaking kaibhan sa kanyang hitsura at sigla. Tinanong ko siya, “Ano, Elder, totoo ba na ang ‘pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang?’” Todo-ngiti na sumagot siya, “Opo, at sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay.”
Sa pagsunod ninyo sa Resipe ng Mabuting Balita para sa masayang pamumuhay, alalahanin ang turo ni Pangulong Nelson: “Anuman ang mga tanong o problema ninyo, ang sagot ay laging matatagpuan sa buhay at mga turo ni Jesucristo. Pag-aralan pa ang tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala, Kanyang pagmamahal, Kanyang awa, Kanyang doktrina, at Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ng pagpapagaling at pag-unlad. Bumaling sa Kanya! Sumunod sa Kanya!”
Kapag kailangan ninyong “pakinggan Siya” at malaman kung paano aanyayahan si Jesucristo sa inyong buhay, maaari ninyong gawin ang mga hakbang na itinuro ni Pangulong Nelson sa atin tungkol sa personal na paghahayag:
“Humanap ng tahimik na lugar na palagi ninyong mapupuntahan. Magpakumbaba sa harapan ng Diyos. Ibuhos ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit. Humiling sa Kanya ng kasagutan at kapanatagan.
“Ipanalangin sa pangalan ni Jesucristo ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga takot, mga kahinaan—oo, ang pinakainaasam ng inyong puso. At pagkatapos ay makinig! Isulat ang mga naiisip ninyo. Itala ang inyong nadarama at isagawa ang mga bagay na ipinahihiwatig sa inyong gawin. Habang inuulit ninyo ang prosesong ito araw-araw, buwan-buwan, taun-taon, kayo ay ‘uunlad sa alituntunin ng paghahayag.’”
Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating Tagapaglitas at Manunubos. Kanyang “naisagawa ang lahat ng kailangan natin upang makabalik sa [ating] Ama sa Langit.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.