Pangkalahatang Kumperensya
Palakasin ang Loob ng Isa’t Isa
Pangkalahatang kumperensiya ng Oktubre 2025


11:53

Palakasin ang Loob ng Isa’t Isa

Tanging ang Panginoon ang lubos na nakaaalam ng ating indibidwal na limitasyon at kapasidad, at dahil doon, Siya lamang ang nag-iisang may kakayahang husgahan nang buo ang ating pagganap.

Kamakailan lamang ay may nabasa akong karanasan na naantig ako nang husto. Nangyari ito sa USA Masters Track and Field National Championship—isang kumpetisyon ng mga senior (matatanda).

Isa sa mga kalahok sa 1,500-meter event ay ang 100 anyos na si Orville Rogers. Isinulat ng may-akda:

“Nang pumutok ang starter pistol, nagsitakbuhan ang mga kalahok, kabilang si Orville na napuwesto agad sa pinakahuli, kung saan nanatili siyang mag-isa sa kabuuan ng buong karera at umusad nang mabagal. [Noong] nakatapos ang huling kalahok bago si Orville, mayroon pang dalawa’t kalahating lap na nalalabi si Orville. Halos 3,000 manonood ang tahimik na nakaupong pinanonood siya na mabagal na tinatawid ang karerahan—ganap, tahimik, at hirap na nag-iisa.

“[Ngunit] nang magsimula na siya sa kanyang huling lap, nagsitayo ang mga tao na masiglang nagpapalakpakan. Nang marating niya ang homestretch, naghiyawan ang mga tao. Sa nakapanghihikayat na palakpakan ng libu-libong mga manonood, ibinigay lahat ni Orville ang kanyang huling natatagong lakas. Nagsigawan sa tuwa ang mga tao nang marating niya ang finish line at niyakap siya ng kanyang mga katunggali. Mapagpakumbaba at mapagpasalamat na kumaway si Orville sa mga tao at naglakad paalis ng karerahan kasama ang kanyang mga bagong kaibigan.”

Ito ang panlimang pakikipagkarera ni Orville sa kompetisyon, at sa bawat iba pang mga paligsahan ay nakuha rin niya ang huling pwesto. Maaaring natukso ang ilan na husgahan si Orville, iniisip na hindi na siya dapat nakipagkarera sa kanyang edad—na hindi siya nabibilang sa karerahan dahil pinatatagal lang niya nang husto ang kanyang paligsahan para sa lahat.

Ngunit kahit lagi siyang nagtatapos na pinakahuli, nahigitan ni Orville ang limang world record nang araw na iyon. Walang nakasubaybay sa kanyang karera ang makapaniwala na posible iyon, ngunit hindi rin naman ang mga nagmamasid o kanyang mga katunggali ang mga hurado. Walang nilabag na mga patakaran si Orville, at hindi ibinaba ng mga opisyales ang anumang pamantayan. Tinakbo niya ang parehong karera at sinunod ang parehong atas gaya ng lahat ng iba pang mga katunggali. Ngunit ang kanyang antas ng paghihirap, sa kasong ito ay ang kanyang edad at limitadong kakayahan ng katawan, ay isinalang-alang para ilagay siya sa 100-plus age division. At sa dibisyong iyon nahigitan niya ang limang world record.

Kung paanong kinailangan ni Orville ang matinding lakas ng loob sa bawat pagtakbo sa karerahang iyon, kailangan din ng matinding lakas ng loob ng ilan sa ating mga kapatid na humakbang sa arena ng buhay araw-araw, nalalaman na maaari silang husgahan nang hindi patas kahit na ginagawa nila ang buong makakaya nila laban sa nakatatakot na pagsubok na sundin ang Tagapagligtas at igalang ang kanilang mga tipan sa Kanya.

Saan man tayo nakatira sa mundo, anuman ang ating edad, pangunahing pangangailangan nating lahat na madama ang pakiramdam ng pagiging kabilang, na madama na tayo ay gusto at kailangan at ang ating buhay ay may layunin at kahulugan, anuman ang ating mga kalagayan o limitasyon.

Sa huling lap ng karera, patuloy ang labis na hiyawan ng mga tao kay Orville, ibinibigay ang lakas na kakailanganin niya para magpatuloy. Hindi mahalaga kung panghuli siyang nagtapos. Para sa mga kalahok at sa mga taong naroon, ito ay labis na higit pa sa kumpetisyon. Sa maraming paraan, ito ay magandang halimbawa ng pagmamahal ng Tagapagligtas na ipinapakita sa gawa. Nang magtapos si Orville, nagdiwang silang lahat nang magkakasama.

Gaya ng Masters Championship, ang ating mga ward, branch, at pamilya ay maaaring maging lugar ng pagtitipon kung saan patuloy nating pinalalakas ang loob ng isa’t isa—mga komunidad ng tipan na pinalalakas ng pag-ibig ni Cristo sa isa’t isa—tinutulungan ang isa’t isa na mapagtagumpayan ang anumang kinakaharap na hamon, binibigyan ang isa’t isa ng lakas at pampatibay-loob nang hindi naghuhusga sa bawat isa. Kailangan natin ang isa’t isa. Ang banal na lakas ay nanggagaling sa pagkakaisa, at iyan ang dahilan kung bakit masigasig si Satanas na paghati-hatiin tayo.

Sa kasamaang palad, para sa ilan sa atin, ang pagdalo sa simbahan ay maaaring mahirap paminsan-minsan para sa maraming iba’t ibang dahilan. Maaaring isang tao ito na naguguluhan, na may mga tanong tungkol sa pananampalataya o isang taong may social anxiety o depresyon. Maaaring isang tao ito na mula sa ibang bansa o lahi o isang taong may ibang karanasan sa buhay o pananaw na maaaring nakakaramdam na hindi sila nababagay sa mga nakapaligid sa kanila. Maaaring sila ay mga kulang sa tulog at emosyonal na pagod na pagod na mga magulang ng mga sanggol at maliliit na bata o isang tao na walang asawa sa isang kongregasyon na puno ng mag-asawa at mag-anak. Maaaring isang tao ito na nag-iipon ng lakas ng loob na bumalik pagkatapos ng ilang taong paglayo o isang tao na may hindi maalis-alis na pakiramdam na hindi sapat ang kanilang kakayahan at hindi kailanman mapapabilang.

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kung nagdiborsyo ang isang mag-asawa sa inyong ward, o umuwi nang maaga ang isang batang missionary, o nag-aalinlangan ang isang tinedyer sa kanyang patotoo, hindi nila kailangan ang inyong panghuhusga. Kailangan nilang maranasan ang dalisay na pagmamahal ni Jesucristo na maipapakita sa [ating] mga salita at kilos.”

Ang ating karanasan sa simbahan ay naglalayong ibigay ang mahahalagang koneksiyon sa Panginoon at sa isa’t isa na lubhang kinakailangan para sa ating espirituwal at emosyonal na kagalingan. Likas sa mga tipan na ginawa natin sa Diyos, simula sa binyag, ay ang responsibilidad nating mahalin at pangalagaan ang isa’t isa bilang bahagi ng pamilya ng Diyos, bahagi ng katawan ni Cristo, hindi lamang magtsek ng kahon na nasa listahan ng mga bagay na gagawin.

Ang pag-ibig at pag-aaruga na tulad ng kay Cristo ay mas mataas at mas banal. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. Itinuro ni Pangulong Nelson, “Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay naghihikayat sa atin na ‘magpasan ng pasanin ng isa’t isa [Mosias 18:8] sa halip na pahirapan ang isa’t isa.”

Sinabi ng Tagapagligtas, “Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” At dagdag pa ni Pangulong Nelson: “Ang pag-ibig sa kapwa-tao ang nangungunang katangian ng isang tunay na tagasunod ni Jesucristo.” “Malinaw ang mensahe ng Tagapagligtas: Ang Kanyang tunay na mga disipulo ay nagpapatatag, nagpapasigla, naghihikayat, at nagbibigay-inspirasyon. … Napakahalaga kung paano natin kinakausap at pinag-uusapan ang ibang tao.”

Ang turo ng Tagapagligtas tungkol dito ay napakasimple. Ito ay nakabuod sa Gintong Aral: Gawin mo sa ibang tao ang ibig mong gawin ng iba sa iyo. Ilagay mo ang iyong sarili sa lugar ng taong iyon at pakitunguhan sila sa paraan na gusto mong pakitunguhan ka kung ikaw ay nasa kanilang kalagayan.

Ang pakikitungo sa kapwa na gaya kay Cristo ay hindi lamang nauukol para sa ating pamilya at kongregasyon. Kabilang dito ang ating mga kapatid na iba ang paniniwala o kahit ang walang pinaniniwalaan. Kabilang din dito ang ating mga kapatid na mula sa ibang bansa at kultura, gayon din sa mga may ibang politikal na paniniwala. Tayong lahat ay bahagi ng pamilya ng Diyos, at mahal Niya ang lahat ng Kanyang mga anak. Nais Niya sa mga anak Niya na mahalin Siya at gayon din ang bawat isa.

Ang buhay ng Tagapagligtas ay halimbawa ng pagmamahal, pagtitipon, at pag-aangat maging sa mga itinuring ng lipunan na mga itinakwil at marurumi. Sa Kanya’y isang halimbawa na ipinag-uutos na sundan natin. Narito tayo para mapaunlad ang mga katangiang tulad ng kay Cristo at kalaunan ay maging kagaya ng ating Tagapagligtas. Ang Kanyang ebanghelyo ay hindi parang listahan ng mga kailangang gawin; ito ay ebanghelyo kung paano tutulad sa Kanya—maging katulad Niya at nagmamahal gaya ng Kanyang pagmamahal. Nais Niya na tayo ay maging mga tao ng Sion.

Noong nasa huling bahagi ng 20s ang edad ko, may panahon na dumaan ako sa isang malalim na depresyon, at sa panahong iyon, parang biglang nawala ang realidad na buhay ang Diyos. Hindi ko lubusang maipaliwanag ang damdamin ko at ang masasabi ko lang ay litung-lito talaga ako. Mula sa pagkabata ko, alam ko nang nariyan lagi ang Ama sa Langit at na makakausap ko Siya. Ngunit noong panahong iyon, hindi ko na alam kung may Diyos nga ba. Hindi ko kailanman naranasan sa buong buhay ko ang anumang tulad niyon, at pakiramdam ko ay parang gumuguho ang buong pundasyon ko.

Sa simula, naging mahirap para sa akin ang magsimba. Dumadalo ako, pero medyo dahil ito sa takot kong mabansagan na “inactive” o “hindi gaanong tapat,” at natatakot akong maging assigned project ng sinuman. Ang talagang kailangan ko noong mga panahong iyon ay makaramdam ng dalisay na pagmamahal, pang-unawa, at suporta mula sa mga nakapaligid sa akin, hindi panghuhusga.

Ilan sa mga kinatakutan kong ipagpalagay ng mga tao tungkol sa akin, ako mismo ang nakagawa sa iba noong hindi sila nakakapagsimba nang madalas. Ang masakit na personal na karanasan na iyon ang nagturo sa akin ng napakahalagang aral sa kung bakit inutusan tayo na huwag hahatol nang di makatarungan sa isa’t isa.

Mayroon ba sa atin na tahimik na nagdurusa, takot na malaman ng iba ang nakatago nilang pinaglalabanan dahil hindi nila alam ang magiging reaksiyon ng iba?

Tanging ang Panginoon lamang ang lubusang nakaaalam ng aktwal na antas ng paghihirap kung saan ang bawat isa sa atin ay tumatakbo sa ating karera ng buhay—ang mga pasanin, hamon, at hadlang na kinakaharap natin na madalas ay hindi nakikita ng iba. Tanging Siya ang nakauunawa ng mga nakapagpapabagong buhay na mga sugat at trauma na maaaring naranasan ng ilan sa atin noon at naaapektuhan pa rin tayo sa ngayon.

Madalas, hinuhusgahan natin ang sarili nang malupit, iniisip na dapat ay nasa unahan tayo ng karera. Tanging ang Panginoon ang lubos na nakaaalam ng ating indibidwal na limitasyon at kapasidad, at dahil doon, Siya lamang ang nag-iisang may kakayahang husgahan nang buo ang ating pagganap.

Mga kapatid, tayo’y maging katulad ng mga manonood sa kuwento at palakasin ang loob ng isa’t isa sa ating paglalakbay sa pagkadisipulo anuman ang ating kalagayan! Hindi iyon nangangailangan ng paglabag natin sa mga panuntunan o pagbababa ng mga pamantayan. Sa katunayan iyon ang ikalawang dakilang utos—ang ibigin ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili. At tulad ng sinabi ng ating Tagapagligtas, “Yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit sa mga … ito, ay sa akin ninyo ginawa,” para sa mabuti o para sa masama. Sinabi rin Niya sa atin, “Kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin.”

May mga pagkakataon sa bawat buhay natin na tayo naman ang mangangailangan ng tulong at panghihikayat. Mangako tayo ngayon na laging gagawin iyon para sa isa’t isa. Sa paggawa natin nito, magkakaroon tayo ng higit na pagkakaisa at magbibigay-daan para sa Tagapagligtas na gawin ang Kanyang sagradong gawain ng pagpapagaling at pagbabago sa bawat isa sa atin.

Sa inyo na nakararamdam na napag-iiwanan na kayo sa karera ng buhay, itong lakbayin ng mortalidad, magpatuloy lamang kayo. Tanging ang Panginoon lamang ang lubos na makapagsasabi kung saan na kayo dapat sa puntong ito, at Siya ay puno ng awa at makatarungan. Siya ang Dakilang Hukom sa karera ng buhay, at tanging Siya lamang ang lubos na nakauunawa sa antas ng paghihirap na kasalukuyan ninyong tinatakbo o tinatahak o inuusad nang mabagal. Isasaalang-alang Niya ang inyong mga limitasyon, ang inyong kakayahan, ang inyong mga karanasan sa buhay, at ang mga nakatagong pasanin na inyong dinadala, gayundin ang mga pagnanais ng inyong puso. Ikaw rin ay maaaring nakakakuha na ng simbolikong world record. Mangyaring huwag mawalan ng pag-asa. Magpatuloy! Manatili! Kayo ay tunay na kabilang! Kailangan kayo ng Panginoon, at kailangan namin kayo!

Saan man kayo nakatira sa mundo, gaano man ito kalayo, mangyaring laging tandaan na ang inyong Ama sa Langit at ang inyong Tagapagligtas ay kilala kayo nang lubos at mahal kayo nang ganap. Kayo ay hindi kailanman Nila nakalimutan. Nais Nila kayong iuwi.

Panatilihing nakatuon ang inyong mga mata sa Tagapagligtas. Siya ang inyong gabay na bakal. Huwag ninyo Siyang pakawalan. Pinatototohanan ko na buhay Siya at mapagkakatiwalaan ninyo Siya. Pinatototohanan ko rin na pinalalakas Niya ang inyong loob.

Nawa’y masunod nating lahat ang halimbawa ng Tagapagligtas at palakasin ang loob ng isa’t isa ang aking panalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Jeffrey C. Strong, personal na pakikipag-ugnayan; ginamit nang may pahintulot.

  2. Isa sa mga priyoridad naming presidency ay ang madama ng ating mga kapatid na babae ang pakiramdam ng pagiging kabilang sa simbahan, at lalo na sa Relief Society. Nagkaroon ako ng mga pagkakataon na magbasa ng mga sulat at makarinig ng mga karanasan na nakapagpalungkot sa akin.

  3. Tingnan sa 1 Corinto 12:26.

  4. Tingnan sa Henry B. Eyring, “Nagkakaisa ang Ating mga Puso,” Liahona, Nob. 2008, 68–71; tingnan rin sa Ulisses Soares, “Iisa kay Cristo,” Liahona, Nob. 2018, 37–39; “Iisa kay Cristo” (video), Gospel Library.

  5. Tingnan sa 3 Nephi 11:29.

  6. Russell M. Nelson, “Kailangan ng mga Tagapamayapa,” Liahona, Mayo 2023, 100. Sa parehong mensahe, sinabi niya na “ang pagtatalo ay nagtataboy sa Espiritu—sa tuwina” (pahina 100). Idinaragdag ko na ang mga mapanghusgang kaisipan tungkol sa iba ay nakapagtataboy rin ng Espiritu. Kapag minamaliit natin ang iba na may mapanuring kaisipan, patunay iyon ng kahambugan, at sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring na “kahambugan ang matinding kaaway ng pagkakaisa” (“Nagkakaisa ang Ating mga Puso,” 70).

  7. Tingnan sa J. Anette Dennis, sa “Come and Take Your Place as Covenant Women” (mensahe na ibinigay ng Relief Society General Presidency sa Brigham Young University Women’s Conference, Mayo 1, 2024), Gospel Library; tingnan rin sa Mosias 18:8–10.

  8. Tingnan sa 1 Corinto 12:14–26.

  9. Tingnan sa Moroni 7:47.

  10. Russell M. Nelson, “Kailangan ng mga Tagapamayapa,” 101; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  11. Juan 13:35; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  12. Russell M. Nelson, “Kailangan ng mga Tagapamayapa,” 100, 99.

  13. Tingnan sa Mateo 7:12.

  14. Sa pagsunod natin sa Tagapagligtas at kagustuhan na maging katulad Niya, sisikapin nating tingnan ang lahat sa kung paano Niya tinitingnan sila, at habang patuloy natin ipinagdarasal ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao, maaaring umusbong sa ating puso ang dalisay na damdamin ng pagmamahal at pagkalinga. Magkakaroon tayo ng pagnanais na “[magpa]tatag, [magpa]sigla, [mag]hikayat, at [mag]bigay-inspirasyon” sa iba, hindi dahil sa tungkulin natin kundi dahil unti-unti tayong nagiging katulad ng ating Tagapagligtas (Russell M. Nelson, “Kailangan ng mga Tagapamayapa,” 100). Ang paggawa ng ministering sa iba na tulad ng kay Cristo ay magiging kung sino tayo, hindi lamang kung ano ang ating ginagawa.

  15. Tingnan sa Mosias 23:15.

  16. Tingnan, bilang halimbawa, sa Mateo 9:10–13; Marcos 1:40–42; Lucas 8:43–48; 14:13–14; Juan 4:7–26; 5:2–9; 8:3–11.

  17. Tingnan sa 3 Nephi 27:27; tingnan rin sa Robert C. Gay, “Taglayin sa Ating Sarili ang Pangalan ni Jesucristo,” Liahona, Nob. 2018, 97–100.

  18. “Ang tanging permanenteng solusyon sa mga pagkakaibang naghahati sa atin ay ang sundin nating lahat ang mga turo ng ating Tagapagligtas at unti-unting maging katulad Niya” (Dallin H. Oaks, sa Joel Randall, “Following Christ Is ‘a Continuous Commitment and Way of Life,’ President Oaks Teaches European Saints from Belgium,” Church News, Hulyo 14, 2025, thechurchnews.com).

  19. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Ang Hamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,” Liahona, Ene. 2001, 40–43.

  20. Tingnan sa Juan 13:34.

  21. “Ang malinaw na mensahe sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang magsikap na maging mga tao ng Sion na may isang puso at isang isipan at namumuhay sa kabutihan.” (Quentin L. Cook, “Mga Pusong Magkakasama sa Kabutihan at Pagkakaisa,” Liahona, Nob. 2020, 21).

  22. Tingnan sa J. Anette Dennis, “Why I Choose to Stay” (mensaheng ibinigay sa Brigham Young University Women’s Conference, Mayo 2, 2024), Gospel Library.

  23. Tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 7:1–2 (sa Matthew 7:1, footnote a); Alma 41:14.

  24. Tingnan sa J. Anette Dennis, “Madaling Dalhin ang Kanyang Pamatok at Magaan ang Kanyang Pasan,” Liahona, Nob. 2022, 80–81.

  25. Tingnan sa Alma 7:11–12.

  26. Tingnan sa Mateo 22:36–40.

  27. Mateo 25:40.

  28. Doktrina at mga Tipan 38:27.

  29. Tingnan sa Mga Awit 145:8–9; Efeso 2:4–5.

  30. Tingnan sa Tamara W. Runia, “Ang Inyong Pagsisisi ay Hindi Nagpapabigat kay Jesucristo; Lalo Siyang Nagagalak Dito,” Liahona, Mayo 2025, 91.

  31. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 137:9.

  32. Tingnan sa Roma 8:38–39.

  33. Tingnan sa Patrick Kearon, “Layunin ng Diyos na Iuwi Kayo,” Liahona,” Liahona, Mayo 2024, 87–89.

  34. Tingnan sa John 1, panimula ng kabanata at talata 1; 1 Nephi 11:24–25.

  35. Tingnan sa Jeffrey R. Holland, “Bukas ay Gagawa ng mga Kababalaghan ang Panginoon sa Inyo,” Liahona, Mayo 2016, 127.