Nagtataglay ng Kahinahunan
Inaanyayahan ko tayong lahat na taglayin sa ating puso at isipan ang banal na katangian ni Cristo na kahinahunan.
Noong Mayo 2021, habang bumibisita sa renobasyon ng Salt Lake Temple, namangha si Pangulong Russell M. Nelson sa pagsisikap ng mga pioneer na, nang may limitadong kagamitan at di-natitinag na pananalig, nagtayo ng sagradong gusaling iyon, isang pisikal at espirituwal na obra-maestra na nanatiling matibay sa mahabang panahon. Gayunman, napansin din niya ang mga epekto ng pagguho ng lupa, na sa paglipas ng panahon ay nagdulot ng mga puwang sa mga orihinal na pundasyong bato ng templo at paghina ng gusali, malinaw na mga palatandaan na kailangan nang patibayin ang istruktura.
Pagkatapos ay itinuro sa atin ng ating mahal na propeta na tulad ng kailangang magpatupad ng malaking proyekto para mapatibay ang templo nang sa gayon ay makayanan nito ang mga puwersa ng kalikasan, kailangan din nating gumawa ng mga di-pangkaraniwang hakbang—marahil ay mga hakbang na hindi pa natin nagawa noon—para mapalakas ang sarili nating espirituwal na pundasyon kay Jesucristo. Sa kanyang hindi malilimutang mensahe, nag-iwan siya sa atin ng dalawang mahalagang tanong para sa personal na pagninilay: “Gaano katibay ang inyong pundasyon? At ano ang kailangan ninyong gawin upang tumibay pa ang inyong patotoo at pag-unawa sa ebanghelyo?”
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng inspirado at epektibong paraan upang maiwasan ang espirituwal na pagguho sa ating kaluluwa, malakas na pinatitibay ang ating pundasyon at tinutulungan tayong maiwasan ang mga puwang sa ating pananampalataya at panghihina kapwa sa ating patotoo at sa ating pag-unawa sa mga sagradong katotohanan ng ebanghelyo. Ang isang partikular na kaugnay na alituntunin sa pagkakamit ng layuning ito ay nasa bahagi 12 ng Doktrina at mga Tipan, isang paghahayag na ipinadaan kay Propetang Joseph Smith para kay Joseph Knight, isang matwid na tao na masigasig na naghangad na maunawaan ang kalooban ng Panginoon, hindi para sa panlabas na pagbabago lamang, kundi upang manatiling hindi natitinag sa kanyang pagkadisipulo—“matatag na tulad ng mga haligi ng langit.” Ipinahayag ng Panginoon:
“Masdan, sinasabi ko sa iyo, at gayon din sa mga yaong nagnanais na dalhin at itatag ang gawaing ito;
“At walang sinuman ang makatutulong sa gawaing ito maliban kung siya ay magiging mapagpakumbaba at puno ng pagmamahal, may pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao, na mahinahon sa lahat ng bagay, anuman ang ipinagkatiwala sa kanyang pangangalinga.”
Ang paggabay ng Tagapagligtas, na nakatala sa sagradong paghahayag na ito, ay nagpapaalala sa atin na ang kahinahunan ay kailangan para sa matibay na pundasyon kay Jesucristo. Isa ito sa mahahalagang katangian, hindi lamang para sa mga tinawag na maglingkod, kundi para sa lahat din ng gumagawa ng mga sagradong tipan sa Panginoon at tapat na sumusunod sa Kanya. Pinagtutugma at pinalalakas ng kahinahunan ang iba pang mga katangiang katulad ng kay Cristo na binanggit sa paghahayag na ito: pagpapakumbaba, pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa, at dalisay na pag-ibig na nagmumula sa Kanya. Bukod pa rito, ang pagsisikap na magtaglay ng kahinahunan ay makabuluhang paraan upang maprotektahan ang ating kaluluwa laban sa halos hindi makita subalit patuloy na espirituwal na pagguho na dulot ng mga makamundong impluwensiya na nagpapahina sa ating pundasyon kay Jesucristo.
Sa mga katangiang taglay ng mga tunay na disipulo ni Cristo, ang kahinahunan ay kapansin-pansin sa Tagapagligtas mismo, isang mahalagang bunga ng Espiritu, na makakamtan ng lahat ng handang magabayan ng Diyos. Ito ang katangiang nagdudulot ng kapayapaan sa puso, na humuhubog sa mga hangarin at damdamin nang may karunungan at kapanatagan. Sa mga banal na kasulatan, ang kahinahunan ay ipinapakita bilang isang mahalagang bahagi ng pag-unlad sa ating espirituwal na paglalakbay, na umaakay sa atin tungo sa pagtitiyaga, kabanalan, at pagkahabag, habang dinadalisay ang ating damdamin, mga salita, at kilos.
Ang mga disipulo ni Cristo na nagsisikap na magkaroon ng katangiang ito na katulad ng kay Cristo ay lalong nagiging mapagpakumbaba at mapagmahal. Isang mapayapang lakas ang sumisibol sa kanila, at nagkakaroon sila ng higit na kakayahang magpigil ng galit, lalong magtiyaga, at tratuhin ang iba nang may awa, respeto, at dignidad, kahit humagupit ang napakalakas na hangin ng paghihirap. Sinisikap nilang huwag magpadalus-dalos kundi pinipili nilang kumilos nang may espirituwal na karunungan, na ginagabayan ng kaamuan at banayad na impluwensiya ng Banal na Espiritu. Sa ganitong paraan, hindi sila gaanong madaling manghina sa espirituwal dahil, tulad ng itinuro ni Apostol Pablo, alam nila na magagawa nila ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Cristo, na nagpapalakas sa kanila maging sa harap ng mga pagsubok na maaaring magpatinag sa kanilang patotoo tungkol sa Kanya.
Sa kanyang Sulat kay Tito, nagbigay si Pablo ng sagradong payo hinggil sa mga kwalipikasyon ng mga taong nagnanais na kumatawan sa Tagapagligtas at gawin ang Kanyang kalooban nang may pananampalataya at katapatan. Sinabi niya na dapat silang maging magiliw sa mga panauhin, matino sa pag-iisip, matwid, at banal—mga katangiang malinaw na kakikitaan ng impluwensiya ng kahinahunan.
Gayunman, nagbabala si Pablo na sila dapat ay “hindi mayabang, hindi magagalitin, … [at] hindi marahas.” Ang mga katangiang iyon ay hindi ayon sa mga turo ng Tagapagligtas at hadlang sa tunay na espirituwal na pag-unlad. Sa konteksto ng banal na kasulatan, ang taong “hindi mayabang” ay hindi mapagmataas at palalo; ang taong “hindi magagalitin” ay umiiwas sa udyok na mawalan ng pasensiya at mainis; at ang taong “hindi marahas” ay nagwawaksi ng pag-uugaling palaaway, agresibo, at mapanakit sa salita, sa pisikal, at damdamin. Habang sinisikap nating baguhin ang ating pag-uugali nang may pananampalataya at pagpapakumbaba, maaari tayong maging matatag na nakasalig sa bato ng Kanyang biyaya at maging dalisay at mabuting kasangkapan sa Kanyang mga banal na kamay.
Sa pagninilay tungkol sa pangangailangang magtaglay ng kahinahunan, naaalala ko ang mga salita ni Ana, ang ina ng propetang si Samuel—isang babae na may pambihirang pananampalataya na, kahit matapos ang malalaking pagsubok, umawit ng pasasalamat sa Panginoon. Sabi niya, “Huwag na kayong magsalita nang may kapalaluan; huwag lumabas sa inyong bibig ang kahambugan; sapagkat ang Panginoon ay Diyos ng kaalaman, at ang mga kilos ay kanyang tinitimbang.” Ang kanyang awitin ay higit pa sa panalangin—ito ay isang paanyaya sa sarili na kumilos nang may pagpapakumbaba, pagpipigil sa sarili, at paghihinay-hinay. Ipinaalala sa atin ni Ana na ang tunay na espirituwal na lakas ay hindi naipapahayag sa mga padalus-dalos na reaksiyon o mapagmataas na salita, kundi sa mahinahon at maalalahaning mga pag-uugali na nakaayon sa karunungan ng Panginoon.
Kadalasan, pinupuri ng mundo ang mga asal na resulta ng pagiging agresibo, kayabangan, kawalan ng pasensiya, at kalabisan, madalas na binibigyang-katwiran ang gayong mga pag-uugali dahil sa mga hirap ng araw-araw na buhay at pagnanais na matanggap at maging popular. Kapag pinipili nating hindi kumilos nang may kahinahunan at binabalewala natin ang banayad at namamagitang impluwensiya ng Banal na Espiritu sa ating pagkilos at pagsasalita, madali tayong mahuhulog sa patibong ng kaaway, na tiyak na hahantong sa pagsasabi ng mga salita at pagkakaroon ng mga pag-uugali na lubos nating pagsisisihan, sa ating pakikisalamuha, pamilya, o maging sa mga pakikipag-ugnayan sa mga miyembro ng Simbahan. Inaanyayahan tayo ng ebanghelyo ni Jesucristo na gamitin ang katangiang ito lalo na sa mahihirap na panahon, sapagkat sa mga pagkakataong ito mismo lumalabas ang tunay na pagkatao ng isang indibiduwal. Tulad ng sinabi minsan ni Martin Luther King Jr., “Nakikita ang tunay na pagkatao hindi sa sandali ng kapanatagan at kaginhawaan, kundi sa panahon ng paghihirap at pagtatalo.”
Bilang mga pinagtipanang tao, hinihiling sa atin na mamuhay nang tapat ang puso sa mga sagradong pangakong ginawa natin sa Panginoon, maingat na sinusunod ang huwarang itinatag Niya sa pamamagitan ng Kanyang perpektong halimbawa. Bilang kapalit, ipinangako naman Niya, “Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, na ito ang aking doktrina, at sinuman ang magtatayo sa ibabaw nito ay nagtatayo sa ibabaw ng aking bato, at ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa kanila.”
Let Not Your Hearts Be Troubled [Huwag Hayaang Mabagabag ang Inyong Puso], ni Howard Lyon, sa kagandahang-loob ng Havenlight
Ang ministeryo ng Tagapagligtas sa lupa ay kinakitaan ng kahinahunan sa lahat ng aspekto ng Kanyang pagkatao. Sa pamamagitan ng Kanyang perpektong halimbawa, itinuro Niya sa atin na “maging mapagtiis sa mga pagdurusa, huwag manlait sa mga yaong nanlalait.” Tulad ng itinuro Niya na hindi tayo dapat magpatangay sa galit dahil sa mga sigalutan at pagtatalo, ipinahayag Niya, “Kailangan na kayo ay magsisi, at maging katulad ng isang maliit na bata.” Itinuro din Niya na ang lahat ng nagnanais na lumapit sa Kanya nang may buong layunin ng puso ay dapat makipagkasundo sa mga taong kinapopootan nila o sa mga taong may hinanakit sa kanila. Taglay ang pag-uugaling mahinahon at mahabaging puso, tiniyak Niya sa atin na kapag pinakitunguhan tayo nang may kalupitan, karahasan, kawalang-galang, o kawalang-pagpapahalaga, ang Kanyang kabaitan ay hindi maglalaho sa atin, at ang tipan ng Kanyang kapayapaan ay hindi maaalis sa ating buhay.
Ilang taon na ang nakakaraan, kaming mag-asawa ay nagkaroon ng sagradong pribilehiyo na makilala ang ilang matatapat na miyembro ng Simbahan sa Mexico City. Marami sa kanila, personal man o sa pamamagitan ng kanilang mga mahal sa buhay, ang dumanas ng mga di-mailarawang pagsubok, kabilang na ang mga kidnapping, homicide, at iba pang mga kalunus-lunos na trahedya.
Habang minamasdan namin ang mga mukha ng mga Banal na iyon, hindi namin nakita ang poot, hinanakit, o hangaring maghiganti. Sa halip, nakita namin ang tahimik na pagpapakumbaba. Ang kanilang mga mukha, bagama’t malungkot, ay kinakitaan ng taos na hangarin na mapagaling at mapanatag. Bagama’t namighati ang kanilang puso dahil sa pagdurusa, ang mga Banal na ito ay nagpatuloy sa paglakad nang may pananampalataya kay Jesucristo, na hindi hinahayaan na ang kanilang mga paghihirap ay maging mga puwang sa kanilang pananampalataya o magpahina sa kanilang patotoo sa ebanghelyo.
Sa pagtatapos ng sagradong pulong na iyon, binati namin ang bawat isa sa kanila. Ang bawat pagkamay at yakap ay naging tahimik na patotoo na sa tulong ng Panginoon, mapipili nating tumugon nang may kahinahunan sa mga kabiguan at hamon ng buhay. Ang kanilang tahimik at mapagpakumbabang halimbawa ay nagsilbing magiliw na paanyaya na tahakin ang landas ng Tagapagligtas nang may kahinahunan sa lahat ng bagay. Nadama namin na parang nasa presensiya kami ng mga anghel.
Si Jesucristo, ang pinakadakila sa lahat, ay nagdusa para sa atin hanggang sa lumabas ang dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng Kanyang balat, subalit hindi Niya kailanman tinulutan ang pagkapoot na pumasok sa Kanyang puso, ni ang malulupit, nakasmapapaasakit, o masasamang salita na mamutawi sa Kanyang mga labi, maging sa gitna ng gayong paghihirap. Sa ganap na kahinahunan at hindi matutumbasang kababaang-loob, hindi Niya inisip ang Kanyang sarili kundi ang bawat anak ng Diyos—noon, ngayon, at sa hinaharap. Pinatotohanan ni Apostol Pedro ang kahanga-hangang pag-uugali ni Cristo nang sabihin niya, “Nang siya’y alipustain, hindi siya gumanti; nang siya’y magdusa, hindi siya nagbanta, kundi ipinagkatiwala ang kanyang sarili doon sa humahatol na may katarungan.” Maging sa gitna ng Kanyang pinakamatinding pagdurusa, nagpakita ang Tagapagligtas ng ganap at banal na kahinahunan. Ipinahayag Niya, “Gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao.”
Mahal kong mga kapatid, ipinaaabot ko ang taos-pusong paanyaya sa ating lahat na taglayin sa ating puso’t isipan ang kahinahunan na katulad ng kay Cristo, bilang sagradong tugon sa pakiusap ng ating mahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson. Kapag nagsisikap tayo nang may pananampalataya at sigasig na lakipan ng kahinahunan ang ating mga kilos at salita, pinatototohanan ko na mapalbalakas at maisasalig natin ang ating buhay sa tunay na saligan na siyang ating Manunubos.
Taimtim akong nagpapatotoo na ang patuloy na pagsisikap na magtaglay ng kahinahunan ay nagpapadalisay sa ating kaluluwa at nagpapabanal sa ating puso sa harapan ng Tagapagligtas, dahan-dahan tayong inilalapit sa Kanya at inihahanda tayo, nang may pag-asa at kapayapaan, para sa maluwalhating araw na iyon kapag haharap tayo sa Kanya sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Ibinabahagi ko ang mga sagradong salitang ito sa pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.