Ang Walang Hanggang Kaloob na Patotoo
Bawat anak na lalaki o anak na babae ng Diyos ay maaaring magtamo ng mas malalim, mas matatag, at mas matibay na kaalaman para sa kanilang sarili.
Mahal kong mga kapatid, nitong mga huling araw ay pinagninilayan ko ang tatlong makapangyarihang katotohanan mula sa Pagpapanumbalik. Pinagpala nang lubos ng mga katotohanang ito ang buhay ko. Ngayon, gusto kong ibahagi kung paano ako ginabayan ng tatlong katotohanang ito sa aking paglalakbay tungo sa tiyak na patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo.
1. Ang Diyos ay ang Ating Mapagmahal na Ama sa Langit
Alam Niya ang lahat ng bagay at Siya ay makapangyarihan sa lahat. Sa pamamagitan ng Liwanag ni Cristo at ng paggabay ng Espiritu Santo, ang Kanyang impluwensiya ay nasa lahat ng dako. Likas sa Kanya ang pagpalain tayo.
Nakikita Niya ang ating nakaraan, kasalukuyan, at walang hanggang tadhana. Walang natatago sa Kanya.
Ang paanyaya ni Pangulong Russell M. Nelson na “isipin ang selestiyal” ay naghihikayat sa atin na tularan ang pangitain at likas na katangian ng ating Ama sa Langit.
Dahil sa Kanyang mga banal na katangian, ibinibigay sa atin ng ating Ama sa Langit ang bawat mabuting kaloob, bawat isa ay may walang-hanggang pananaw at pangitain na isinasaisip.
2. Ang Kalayaang Pumili ay Kaloob na Pumili at Kumilos para sa Ating Sarili
Responsibilidad din na pumili nang mabuti.
Binayaran ni Jesucristo ang pinakadakilang halaga para sa pribilehiyong iyon ng Kanyang mahalagang dugo.
Kung minsan maaaring ipagpalagay natin na ang kalayaan ay paggawa ng anumang gusto natin. Ngunit ang katunayan na binayaran na ang halaga ay nangangahulugang sagradong kaloob ang kalayaang pumili.
Tayo ay mga kinatawan, at ang mga kinatawan ay responsable sa isang bagay. Sa sitwasyong ito, responsable tayo sa mga pagpiling ginagawa natin batay sa kaalamang nasa atin at sa mga kaloob na ibinigay sa atin. Hindi tayo makagagawa ng pagpili nang hindi nagiging responsable sa mga ibubunga nito.
Bakit tayo may kalayaan?
Upang pumili ng mabuti.
Upang piliin si Cristo.
3. Ang Patotoo ay Natatanggap sa Pamamagitan ng Kapangyarihan ng Espiritu Santo
Ang patotoo mula sa Espiritu Santo ay higit pa sa nakikita. Siya ang sugo at saksi ng Ama at ng Anak. Itinuro ni Pangulong Nelson, “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag [at patuloy] na impluwensiya ng Espiritu Santo.”
Mga kapatid, ito ang dahilan kung bakit kailangan ng bawat isa sa atin ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ngayon.
Ang patotoo sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay maaaring dumating sa maraming paraan. Tulad ng isang ilaw sa isang madilim na silid, maaari itong dumating nang kapansin-pansin at biglaan. Maaaring dumating ito tulad ng pagsikat ng araw nang paunti-unti at sa paglipas ng panahon. Maaaring dumating ito tulad ng mga sinag ng liwanag, paminsan-minsang pagkalantad sa dalisay na katalinuhan. Anuman ang daan, dumarating ito sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Pagkakaroon ng Patotoo Habang lumalaki sa Jamaica
Lumaki ako sa magandang lugar ng Jamaica; masaya at kasiya-siyang karanasan iyon. Gayunman, noong nasa high school na ako, may mga kaklase at kaibigan ako na hindi maunawaan ang desisyon kong maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo. “Paano mo nagawang sumapi sa simbahang iyon?” tanong nila. “Paano ka napaniwala sa kuwentong iyon?”—tinutukoy ang Unang Pangitain. “Paano mo nagawang basahin ang aklat na iyon?”—tinutukoy ang Aklat ni Mormon. Talaga bang naniniwala ka roon?” At “Bakit mo inaaksaya ang buhay mo?”
Masakit ito, lalo na dahil nagmula ito sa mga taong mahal ko.
Ngunit ang hindi nila alam ay ito: naramdaman ko mismo ang Espiritu Santo. Nang puspusin ng patotoong iyon ang puso ko, naging sagot ito sa pasakit, at “langit ay nasilayan ko kahit ilang saglit.”
Marahil ay itinanong sa inyo ang ilan sa mga tanong na ito. Marahil kahit ngayon ay inuulan pa rin kayo ng mga tanong tulad ko dati.
Ang kaloob at patotoo ng Espiritu Santo ay para sa lahat.
Para sa akin ang Jamaica ay tulad ng Palmyra ni Joseph Smith. Ito ang Aking Sagradong Kakahuyan. Hindi ko alam ang eksaktong lugar kung saan lumuhod si Joseph para manalangin sa Sacred Grove, pero alam ko kung nasaan ako noong nagkatotoo ang aking Sagradong Kakahuyan. Nangyari ito sa Four Grove Road, Mandeville, Jamaica, habang nasa banyo ako, nang alas-6 n.u. araw ng Miyerkules tatlong taon mula nang mabinyagan ako. Nangyari ang sagradong karanasang ito dahil dalawang linggo bago iyon inanyayahan ako ng isang nabigyang-inspirasyong sister missionary na basahin ang Aklat ni Mormon. Narito si Sister Audrey Krauss sa kumperensiyang ito ngayon kasama ang kanyang pamilya, at mahal ko siya magpakailanman.
Nabago ako dahil sa karanasang iyon.
Mga kapatid, ang patotoo ay hindi ibinibigay para gamitin nang pansamantala. Ang kaloob na ito mula sa ating mapagmahal na Ama sa Langit ay nilayong maging walang hanggan dahil ang nagbigay ay walang hanggan. Ang patotoo ay hindi dapat isang bagay na inaasahan nating mawala balang araw. Hindi ito dapat manghina o manlamig dahil may nagbago sa buhay ko o may nabago sa mundo. Dapat na mas lumakas ito dahil, tulad ng mga talento ng alipin sa talinghaga ng mga talento, ang aking personal na patotoo ay isang kaloob na dapat paramihin—hindi ibaon.
Ang paggunita sa mahihirap na araw na iyon ng pagsubok at pang-uusig na pinagdaanan ko noong bata pa ako ay nakatulong sa akin na makarating sa lugar na alam ko na ngayon mismo. Hindi lang ako naniniwala, umaasa, o nagtitiwala, kahit mahahalagang bahagi ito ng pananampalataya sa landas tungo sa tiyak na patotoo. Pinupuri ko kayo sa pagsusumigasig ninyo na magkaroon ng sariling patotoo sa pamamagitan ng pagtatanong, pag-aaral, pagdarasal, pag-aayuno, at pagninilay. Pakiusap, ipagpatuloy ang mga ito. Sulit ang bawat pagsisikap na tahakin ang landas tungo sa pagkakaroon ng patotoo. Sino o ano ang pahihintulutan ninyong mag-alis niyan? “Ano pang mas higit na katibayan ang iyong matatamo kundi ang mula sa Diyos?”
Bawat anak na lalaki o anak na babae ng Diyos ay maaaring magtamo ng mas malalim, mas matatag, at mas matibay na kaalaman para sa kanilang sarili. Tulad ni Joseph Smith, na nagpatibay sa kanyang patotoo sa kabila ng oposisyon, buong tapang nating masasabing, “Ito’y nalalaman ko, at nalalaman ko na ito’y alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila, ni tangkain kong gawin ito.”
Mahal kong mga kapatid, hayaang kumilos sa inyo ang munting binhi ng patotoo hanggang sa magbigay ito ng walang hanggang maluwalhating kaalaman.
Para sa atin na nabinyagan at nakumpirmang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ngunit may pakiramdam pa rin na, “Hindi ako sigurado kung alam ko,” mangyaring alalahanin ang pangakong ito: “Nang sa tuwina ay mapasakanila ang kanyang Espiritu upang makasama nila.” Dahil sa pangakong ito, matatahak ng bawat isa sa atin ang landas tungo sa patotoo at tiyak na kaalaman.
Alagaan ang Inyong Patotoo
Ngayon ay narito ang isang malaking katotohanan: Sa anumang paraang ibinibigay ang isang patotoo—ito man ay malinaw tulad ng pagsikat ng araw o dumarating sa isang maluwalhating pangitain—kailangan pa rin ang pagpili para matanggap ang mahalagang kaloob na ito.
Ang pagsasabing “Pinipili kong maniwala” ay nagpapadali sa pagtanggap ng patotoo mula sa Diyos. Kung nadarama nating humihina ang ating patotoo, tandaan na ang mga pagpiling ginagawa natin ang nakababawas sa kapangyarihan ng patotoo. Ngunit hindi pa nawala ang patotoo saanman. Kailangan lang nating piliing muling makipag-ugnayan dito.
Ang pagpiling maniwala ay isang matalino at makapangyarihang paraan para magamit ang ating kalayaang pumili.
Wala akong makitang mas mainam na paraan para magamit ang aking kalayaang pumili kaysa sa pagtatanggol sa aking patotoo.
Itinuro ni Pangulong Nelson: “Nakikiusap ako na alagaan ninyo ang inyong patotoo. Pagsikapan ito. Angkinin ito. Pangalagaan ito. Pagyamanin ito para lumago ito. Busugin ito ng katotohanan.”
Para sa akin, ang mga salitang mangangasiwa, magtrabaho, magmalasakit, magmay-ari, mag-aruga, at magpakain ay katulad ng isang kinatawan na pinagkatiwalan ng isang bagay na mahalaga.
Sa simbahan noong unang panahon, nagalit si Parley P. Pratt kay Propetang Joseph Smith at piniling pulaan ito at ang Simbahan. Noong nasa bayan si John Taylor, na tinuruan ni Parley ng ebanghelyo, binalaan siya ni Parley na huwag sumunod kay Joseph. Sinabi ni John Taylor kay Parley:
“Bago ka umalis sa Canada, nagbigay ka ng malakas na patotoo na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos, … at sinabi mo na nalaman mo ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng paghahayag at kaloob na Espiritu Santo.
“… Ngayon ay mayroon na ako ng parehong patotoo na ipinagbubunyi mo. Kung ang gawain ay totoo anim na buwan na ang nakararaan, ito ay totoo ngayon. Kung si Joseph Smith ay isang propeta noon, siya ay isang propeta ngayon.”
Personal kong pinatototohanan na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos at ang balabal ng propeta na natanggap niya ay patuloy hanggang ngayon. Pinamamahalaan ni Jesucristo ang gawaing ito.
Inaanyayahan ko kayong pag-isipan ang inyong landas tungo sa tiyak na patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Palakasin ang inyong patotoo; gamitin nang matalino ang inyong kalayaang pumili at kilalanin ang nagbigay at lahat ng Kanyang maluwalhating katangian. Saksi ako na ang kapangyarihan ay nasa inyo. Walang makapipili para sa inyo. Walang sinumang makapag-aalis ng kaloob na ito. Maaari ninyong piliing maniwala.
Ipinapangako ko na kapag ginawa ninyo ito, ang inyong patotoo ay magiging “balon ng tubig na buhay, na sumisibol tungo sa buhay na walang hanggan.” Ito ay magiging angkla at isang tagapaghikayat, at susuportahan kayo nito sa mahihirap na panahon. Bibigyan kayo nito ng kakayahang magkaroon ng mga espirituwal na kaloob. Tutulungan kayo nito sa inyong personal na ministeryo at paglilingkod. Ito ay magiging sandata laban kay Satanas at sa inyong mga kaaway. Ang inyong patotoo ay magiging kagalakan kapag nakita ninyong ikinagagalak din ito ng inyong mga anak, apo, at apo sa tuhod at ng inyong mga minamahal at pinaglilingkuran. Magiging makapangyarihan ito kapag ibinahagi ninyo at ginamit para magpatotoo.
Kung alam ninyo, alam ninyo. Alam kong alam ko. Kailangan natin ng mas tiyak na mga saksi ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo. Magtungo roon! Hangarin ito! Kailangang-kailangan ito! Ito ang huling dispensasyon—ito ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon.
Ipinahayag ni Jesucristo ang katotohanang ito: “Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.”
Mga kapatid, ang patotoo kay Jesucristo ay hindi nilayong maging pansamantalang kaloob. Walang anuman dito na pansamantala—hindi ang nagbigay, hindi ang kaloob mismo, hindi ang naghahatid ng kaloob, hindi sa kung kanino ang kaloob. Nawa’y mailarawan ang inyong patotoo sa ganito ring paraan. Bagama’t ang “langit at lupa ay lilipas,” ang inyong patotoo at saksi sa ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi lilipas. Panahon na para manangan sa mahalagang kaloob na ito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.