Taglayin ang Pangalan ni Jesucristo
Habang mas nakikilala at naaalala natin si Jesucristo, mas hinahangad natin na maging katulad Niya.
Noong 2018, sa University of Utah, isang espesyal na professorship ang binuo na tinawag na “Dr. Russell M. Nelson and Dantzel W. Nelson Presidential Chair in Cardiothoracic Surgery”—cardio, ibig sabihin ay “puso,” at thoracic, ibig sabihin ay “dibdib.” Parangal ito sa mahalagang trabaho ni Pangulong Nelson bilang isang heart surgeon at sa suportang natanggap niya mula sa kanyang yumaong asawang si Dantzel. Bayad ang professorship na ito mula sa pondo na pinlanong magtatagal sa hinaharap. Ang taong napili para sa ganitong uri ng prestihiyosong professorship ay tumatanggap ng pagkilala, sahod, at mga pondo para sa pagsasaliksik.
Ang unang surgeon na piniling bigyan ng professorship ay si Dr. Craig H. Selzman, isang dalubhasang heart surgeon na hindi miyembro ng ating simbahan. Sa ginanap na seremonya sa paggawad ng professorship na ito kay Dr. Selzman, maraming importanteng bisita ang dumalo, kabilang na rito si Pangulong Nelson at ang kanyang asawa na si Sister Wendy W. Nelson. Sa miting na ito, simpleng nagsalita si Pangulong Nelson tungkol sa mga unang araw ng kanyang pagiging surgeon.
Pagkatapos ay ibinahagi ni Dr. Selzman ang kahulugan para sa kanya na maitalaga sa professorship na ito. Ikinuwento niya na apat na araw pa lamang ang nakalipas, matapos gumugol ng maraming oras sa loob ng operating room, nalaman niya na kailangang ibalik para maoperahang muli ang isa sa kanyang mga pasyente. Pagod at nadismaya siya, dahil alam niya na sa ospital na naman siya magpapalipas ng gabi.
Sa gabing ito, kinausap ni Dr. Selzman ang sarili niya na bumago sa kanyang buhay. Naisip niya nang sandaling iyon: “Sa Biyernes, itatalaga ako sa professorship na ipinangalan kay Dr. Nelson. Noon pa ma’y kilala na siya na isang taong nakokontrol ang kanyang emosyon, magalang sa pakikitungo sa lahat, at hindi kailanman nawalan ng pasensiya. Ngayong mauugnay ang pangalan ko sa kanya, kailangan kong subukang maging higit na katulad niya.” Si Dr. Selzman ay isang napakabuting surgeon. Ngunit gusto niyang maging mas mabuti pa.
Noon, ramdam marahil ng kanyang surgical team ang kanyang pagod at pagkadismaya dahil naipapahiwatig niya ito sa kanyang asal at tono ng boses. Ngunit sa loob ng operating room nang gabing iyon, mapagbantay na sinikap ni Dr. Selzman na talagang suportahan at unawain ang grupo niya. Naramdaman niya na nakagawa ito ng kaibahan at nagpasiya siya na patuloy na subukang maging higit na katulad ni Dr. Nelson.
Makalipas ang limang taon, ibinigay ni Pangulong Nelson ang kanyang mga papeles sa propesyon sa University of Utah. Dumating ang mga dignitaryo mula sa unibersidad upang pormal na pasalamatan si Pangulong Nelson. Sa kaganapang ito, muling nagsalita si Dr. Selzman. Tungkol sa inisyal ng pangalan ni Pangulong Nelson na RMN, sinabi niya, “May lumalaganap na ngayon na diwa ng ‘RMN’ sa Division of Cardiothoracic Surgery sa University of Utah.”
Sa mga sitwasyong nakadidismaya, ipinaliwanag ni Dr. Selzman: “Ginagawa ko ang itinuturo namin ngayon sa aming mga trainee na gawin nila—magpokus, gawin ang kailangang gawin, at ibigay ang lahat ng inyong makakaya. Ang diwang ito ay isinasabuhay namin sa araw-araw. Nagbibigay kami ng mga lapel pin sa lahat ng miyembro ng dibisyon at sa bawat bagong trainee. Makikita sa ibaba ng pin ang mga letrang ‘RMN.’ Ang diwa ng RMN ay pundasyon sa aming mga training; itinuturo namin ito sa lahat.” Binago ni Dr. Selzman ang dati niyang pag-uugali at mga mithiin dahil nakaugnay na ngayon ang kanyang pangalan kay Pangulong Nelson.
Dahil sa sunud-sunod na pangyayaring ito na may kinalaman kay Dr. Selzman ay naitanong ko sa aking sarili: “Ano na ba ang ipinagbago ko simula nang maugnay ang aking pangalan sa pangalan ni Jesucristo? Humantong ba ito sa pagtataglay ko ng mga katangiang katulad ng kay Cristo? Tunay nga bang sinubukan ko na maging mabuti at higit na katulad Niya?”
Sa naging karanasan ni Dr. Selzman, maaari tayong makakita nang hindi bababa sa limang pagkakahalintulad sa proseso ng pagtaglay sa ating sarili ng pangalan ni Jesucristo. Bagama’t nagsisimula ang prosesong iyon sa pagbibinyag, hindi ito makukumpleto hangga’t higit tayong maging dalisay at banal at katulad Niya.
Ang unang pagkakahalintulad ay pagkilala. Ang pagkakatalaga kay Dr. Selzman sa Nelson professorship ang nag-ugnay sa kanyang pangalan kay Pangulong Nelson, at nagsimulang maugnay si Dr. Selzman kay Pangulong Nelson. Kapag tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo, iniuugnay natin ang ating pangalan sa Kanya. Kinikilala natin Siya. Nalulugod tayong makilala na mga Kristiyano. Tinatanggap natin ang Tagapagligtas at walang pagsisising naninindigan na tayo ay Kanya.
Ang isa pang pagkakahalintulad na malapit na nauugnay sa pagkilala—ang pag-alala. Kapag pumapasok si Dr. Selzman sa kanyang opisina, ang kanyang mga mata ay napapatingin sa medalyong natanggap niya noong italaga siya sa Nelson professorship. Araw-araw na ipinapaalala sa kanya ng medalyong iyon ang diwa ng RMN. Para sa atin, ang pakikibahagi sa sakramento kada linggo ay tumutulong sa atin na maalaala si Jesucristo sa buong linggo. Kapag nakikibahagi tayo sa sakramento, ginagawa natin ito bilang pag-alala sa kabayarang ibinayad Niya upang matubos tayo. Pinapanibago natin ang ating tipan na lagi Siyang aalalahanin, kikilalanin ang Kanyang kadakilaan, at pasasalamatan ang Kanyang kabutihan. Paulit-ulit nating kinikilala na maliligtas tayo mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan tangi at sa pamamagitan lamang ng Kanyang biyaya.
Ang ibig sabihin ng pag-alala ay sundin natin ang payong ibinigay ng propetang si Alma ng Aklat ni Mormon. “Hayaang ang lahat ng [ating] gawain ay para sa Panginoon, at saan man [tayo] magtungo ay hayaang sa Panginoon; … lahat ng [ating] nasasaisip ay ituon sa Panginoon; … [at] ang pagmamahal sa ating puso ay mapasa-Panginoon magpakailanman.” Kahit pa abala tayo sa ibang bagay, nananatili Siya sa ating isipan, tulad ng ating sariling pangalan na naaalala natin anupaman ang ating pinagtutuunan ng pansin.
Ang pangatlong pagkakahalintulad ay resulta ng mga ginawa ng Tagapagligtas para sa atin—ang pagtulad. Nagsimulang tularan ni Dr. Selzman si Pangulong Nelson at isabuhay ang diwa ng RMN. Naniniwala ako na ang diwang ito ni Pangulong Nelson ay simpleng larawan ng kanyang buong buhay na pagiging disipulo ni Jesucristo. Para sa atin, habang mas nakikilala at naaalala natin si Jesucristo, mas hinahangad natin na maging katulad Niya. Bilang Kanyang mga disipulo, higit na bumubuti tayo kapag mas nakatuon tayo sa Kanya kaysa sa ating sarili. Nagsisikap tayong maging katulad Niya at matanggap ang Kanyang mga katangian. Taimtim tayong nagdarasal na mapuspos ng pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pagmamahal ni Cristo.
Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson noong Abril: “Kapag naging bahagi ng ating pagkatao ang pag-ibig sa kapwa, mawawala ang tendensiya [natin] na maliitin ang iba. Titigilan natin ang panghuhusga sa iba. Magkakaroon tayo ng pag-ibig sa lahat ng tao. Ang pag-ibig sa lahat … ay mahalaga sa ating progreso. Pag-ibig sa kapwa ang pundasyon ng makadiyos na pag-uugali.” Bukod pa sa pag-ibig sa kapwa, hangad nating, “linangin, … at palawakin” ang iba pang mga espirituwal na kaloob na mula sa Tagapagligtas, kabilang dito ang integridad, pagtitiyaga, at kasipagan.
Ang pagtulad kay Jesucristo ay naghahatid sa atin sa pang-apat na pagkakahalintulad—ang pag-ayon sa Kanyang mga layunin. Nakikiisa tayo sa Kanyang gawain. Bilang surgeon, si Dr. Nelson ay nakilala na isang guro, manggagamot, at mananaliksik. Ang ginamit na lapel pin sa dibisyon nina Dr. Selzman ay nagbibigay-diin sa mga pagsisikap na ito, na nagtatampok sa mga salitang pagtuturo, pagpapagaling, at pagtuklas. Para sa atin, bahagi ng pagtataglay natin sa ating sarili ng pangalan ni Jesucristo ang pagiging handa, sadya, at masigasig na pag-aayon ng ating mga mithiin sa Kanya. Nakikiisa tayo sa Kanyang gawain kapag tayo ay “nagmamahal, nagbabahagi, at nag-aanyaya.” Nakikiisa tayo sa Kanyang gawain kapag tayo ay naglilingkod sa iba, lalo na sa mahihina at sa mga taong nasugatan, labis na nasaktan, o nagdusa dahil sa kanilang mga naging karanasan sa mundong ito.
Kaya mas ganap nating tinataglay sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagkilala, pag-alala, pagtulad, at pag-ayon. Ang paggawa sa naunang apat na bagay na ito ang naghahatid sa atin sa panlimang pagkakahalintulad—ang pagkakaroon ng kapangyarihan. Natatamo natin ang kapangyarihan at mga pagpapala ng Diyos sa ating buhay. Ang Nelson professorship ay nagbigay kay Dr. Selzman ng pagkilala at mga pondong pansuporta na ginagamit niya sa pagbabago ng kultura sa kanyang dibisyon. Ginagamit niya ang “kaloob na kapangyarihan” na ito para tulungan ang iba. Sa parehong paraan, kapag tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ng Tagapagligtas, binibigyan tayo ng ating Ama sa Langit ng Kanyang kapangyarihan upang tulungan tayong maisakatuparan ang ating misyon sa buhay na ito.
Kapag gumagawa tayo ng mga karagdagang tipan sa Diyos, mas ganap nating tinataglay sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo. Dahil dito, higit pa tayong pinagpapala ng Diyos ng Kanyang kapangyarihan. Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson: “Ang bawat taong nakikipagtipan sa mga bautismuhan at sa mga templo—at tinutupad ang mga iyon—ay mas higit na nakatatamo ng kapangyarihan ni Jesucristo. … Ang gantimpala sa pagtupad ng mga tipan sa Diyos ay kapangyarihang nagmumula sa langit … [na] nagpapalakas sa atin upang mas makayanan ang ating mga pagsubok, tukso, at dalamhati.”
Tayo ay nagiging mas handang tumanggap ng mga espirituwal na bagay. Tayo ay mas may tapang na humarap sa tila imposibleng mga sitwasyon. Tayo ay mas lumalakas sa ating determinasyong tularan si Jesucristo. Tayo ay mas agad na nagsisisi at bumabalik sa Kanya kapag lumalabag tayo. Tayo ay nagiging mas mahusay sa pagbabahagi ng Kanyang ebanghelyo gamit ang Kanyang kapangyarihan at awtoridad. Tayo ay tumutulong sa mga nangangailangan nang walang halong panghuhusga. Tayo ay nagpapanatili ng kapatawaran ng ating mga kasalanan. Tayo ay higit na mapayapa at mas masayahin dahil maaari tayong laging magalak. Mababalot tayo ng Kanyang kaluwalhatian, at pangangalagaan tayo ng Kanyang mga anghel.
Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas, “[Lumapit] sa Ama sa aking pangalan, [at] sa takdang panahon ay tumanggap ng kanyang kaganapan.” Hinihikayat ko kayong gawin ito. Lumapit sa ating Ama sa Langit. Taglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Jesucristo. Kilalanin Siya. Lagi Siyang alalahanin. Sikapin na maging katulad Niya. Makiisa sa Kanyang gawain. Tanggapin sa inyong buhay ang Kanyang kapangyarihan at mga pagpapala. Iukit ang Kanyang pangalan sa inyong puso, nang handa at kusang-loob. Ito ay magbibigay sa inyo ng “marangal na katayuan” sa harap ng Diyos at gagawin kayong karapat-dapat na ipagtanggol ng Tagapagligtas. Kayo ay magiging mga sakdal na tagapagmana sa kaharian ng ating Ama sa Langit, mga kasamang tagapagmana ng Kanyang Bugtong na Anak, na mahal nating Tagapagligtas at Manunubos.
Siya ay buhay. Alam na alam ko ito. Mahal Niya kayo. Ibinigay Niya ang Kanyang buhay para sa inyo. Nagsusumamo Siya sa inyo na lumapit sa Ama sa pamamagitan Niya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.