Pag-alaala sa mga Tupa
Ang alituntunin ng pag-monitor at pagsubaybay ay epektibo. Ito ang paraan ng Panginoon.
Si Cristo ang Mabuting Pastol. Ang bawat isa sa kawan ay mahalaga sa Kanya. Nagpakita Siya ng huwaran sa pagpapastol at tinuruan Niya tayo ng mga katangian ng isang mabuting pastol sa salita at gawa, kabilang na ang pagkilala sa inyong mga tupa sa pangalan, pagmamahal sa kanila, paghahanap sa mga nawawala, pagpapakain, at, sa huli, pag-akay sa kanila na makauwi. Inaasahan Niya na gagawin din natin ito bilang Kanyang mga pinamumunuang pastol.
Marami tayong matututuhan tungkol sa ministering sa paraan ng Panginoon mula sa sinaunang propeta—at pambihirang pastol—na si Moroni. Nabuhay siya sa napakahirap na panahon, na walang mga benepisyo ng mga cell phone, computer, at internet. Ngunit nagawa niyang masubaybayan ang mga tupa. Paano ito nagawa? Masusulyapan natin ang kanyang pamamaraan sa Moroni 6. Doon ay mababasa natin na ang mga miyembro ay “napabilang sa mga tao ng simbahan ni Cristo; at ang kanilang mga pangalan ay kinuha, upang sila ay maalaala at mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, upang mapanatili sila sa tamang daan. … Ang mga kasapi sa simbahan ay madalas na nagtitipun-tipon upang mag-ayuno at manalangin, at makipag-usap sa bawat isa hinggil sa kapakanan ng kanilang mga kaluluwa” (Moroni 6:4–5; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Para kay Moroni, ito ay tungkol sa mga tao—mga pangalan! Isinabuhay niya ang alituntunin ng pag-monitor at pagsubaybay upang maalala ang lahat. Ang sinumang nahirapan o naligaw ay napansin, na nagtutulot sa mga Banal na talakayin ang kanilang kapakanan sa mga council. Tulad ng pastol na iniwan ang siyamnapu’t siyam (na ligtas at protektado, natitiyak ko) at hinanap ang isang nawawala (tingnan sa Lucas 15:4–7), hiniling sa atin na magbantay nang tulad nito sa ating mga kawan—na pumansin at umalala at humayo at gumawa nang tulad nito.
Bilang isang mission leader sa India, naaalala ko na tinanong ko ang isang bata pang branch president tungkol sa ilan sa kanyang mga mithiin para sa darating na taon: “Ilang kalalakihan ang ihahanda ninyong tumanggap ng Melchizedek Priesthood?” Ang sagot niya kaagad ay “Pito!”
Inisip ko kung saan niya nakuha ang partikular na bilang na iyon! Bago ako makasagot, naglabas siya ng isang papel na may mga numero mula isa hanggang pito na nakasulat sa tabi. Ang unang limang linya ay may mga pangalan—tunay na mga tao na aanyayahan at hihikayatin nila ng kanyang elders quorum na magkaroon ng basbas ng priesthood sa kanilang buhay. Siyempre, kinailangan kong magtanong tungkol sa mga linyang anim at pito na walang laman. “Ah, President,” sabi niya, habang tumatango, “tiyak na magbibinyag tayo ng hindi bababa sa dalawang lalaki sa simula ng taon na maaaring magkaroon ng priesthood sa katapusan ng taon.” Naunawaan ng magaling na lider na ito ang alituntunin ng pag-monitor at pagsubaybay.
Inorganisa ni Cristo ang Kanyang Simbahan sa paraan na dapat ay mahirap makalimutan ang isang kaluluwa, sapagkat ang bawat isa ay mahal Niya. Ang bawat indibidwal sa isang ward, anuman ang edad o kasarian, ay mayroong maraming katiwala—mga pastol—na inatasang alagaan sila, nang may pag-alaala. Halimbawa, nakatalaga para sa kapakanan ng isang kabataang lalaki ang bishopric, mga ministering brother, mga adult youth adviser, seminary teacher, quorum presidency, at pagkatapos ay ang iba pa—lahat ay naglilingkod bilang mga pansalong lambat, na nakatali nang mahigpit sa ilalim ng kabataang iyon upang masalo siya kung bumagsak man siya. Kahit isang lambat lang ang nakapuwesto nang wasto, ang kabataang lalaki na iyon ay maililigtas, mapapansin, at maaalala. Gayunman, madalas tayong makakita ng lambat na wala sa ayos. Ang mga tao ay paminsan-minsang napupunta sa kadilimang abu-abo—at walang nakapapansin. Paano tayo magiging mas mabubuting pastol? Maaari nating pag-aralang gawin ang pag-monitor at pagsubaybay.
Binibigyan tayo ng Simbahan ng mga ulat at kasangkapan upang magawa mismo iyan—ang pag-alaala. Ang Quarterly Report ay isang napakagandang halimbawa. Tinutulutan tayo nitong gawin ang pag-monitor at pagsubaybay nang maraming beses sa bawat miyembro at mapansin ang mga nawawala o nangangailangan ng ating tulong at pagmamahal. Ang Action and Interview List ay tumutukoy sa mga nangangailangan ng ating pansin ngayon, tulad ng Temple Recommend Status report at iba pa. Ang mga kasangkapang ito sa pag-monitor at pagsubaybay ay nagtutuon sa atin sa mga tao. Sino ang nangangailangan ng tungkulin, priesthood advancement, o tulong sa pagdadala ng pangalan ng pamilya sa templo? Sino ang matutulungan natin na maghanda para sa full-time mission? Sino ang nawawala sa buwang ito? Ang mga kasangkapang ito ay tumutulong sa atin na maalala ang mga tao.
May kilala akong pamilya mula sa Estados Unidos na nagkaroon ng assignment sa Africa. Sa kanilang pinakaunang araw ng Linggo, nagpunta sila sa nag-iisang unit ng Simbahan sa bansa, kung saan ay masigla silang sinalubong. Sa pagtatapos ng umaga, ang asawang babae ay tinawag bilang Relief Society president at ang asawang lalaki naman bilang lider ng Young Men! Tinanong niya ang isang mukhang pagod na branch president kung ilang kabataang lalaki ang naroon. Itinuro ng tapat at unang henerasyong lider na ito ang likod ng bulwagan ng sakramento at sinabing, “Ang dalawang nandoon.” Marapat na nag-alinlangan ang lalaki, kaya nag-uwi siya ng listahan ng branch, at agad na napansin na may 20 kabataang lalaki sa listahan. Bumalik siya sa branch president at humingi ng dalawang masisigla at bilingual na young adult na maglilingkod bilang kanyang mga counselor at pagkatapos ay umupong kasama nila at ng dalawang batang lalaki upang rebyuhin ang mga pangalan.
Pagkatapos ay nagsimula nang magtrabaho ang masisigasig na mga kalalakihang ito. Sa susunod na ilang buwan, nahanap nila ang bawat batang lalaki na nakalista. Sa paisa-isang pangalan, ang mga nawawalang tupa ay malugod na tinanggap ng kanilang mga kaibigan at pinakain sa espirituwal at pisikal! Sa loob ng isang taon, sa alinmang araw ng Linggo, tinatayang 21 kabataang lalaki ang karaniwang dumadalo. Salamat sa mga kalalakihang nag-monitor at sumubaybay.
Isang matalik kong kaibigan, noong bata pa akong graduate student, ang lumipat kasama ang kanyang pamilya sa isang malaking lungsod ng Amerika upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Agad siyang tinawag na mamuno sa elders quorum. Medyo kinakabahan sa kanyang unang interbyu sa stake president, determinado siyang pumunta nang handa. Sinabi niya sa stake president na may tatlong mithiin siya para sa darating na taon: (1) 90 porsiyentong ministering, (2) isang makabuluhang lesson ng ebanghelyo bawat linggo, at (3) isang aktibidad ng korum na nakaplano nang maayos bawat buwan.
Nakangiti sa aking kaibigan, nagtanong ang matalinong stake president ng ganito, “Puwede ka bang magbigay ng pangalan ng di-gaanong aktibong miyembro ng korum na matutulungan ninyong makapunta sa templo kasama ang kanyang pamilya ngayong taon?” Iyon ay ikinagulat ng aking kaibigan. Nag-isip siyang mabuti at nagbigay ng isang pangalan. “Isulat mo iyan,” sabi ng stake president. Pagkatapos ay tinanong ng bihasang lider na ito ang parehong tanong nang tatlo pang beses—at natapos na ang interbyu. Lumabas ang lalaki na ito mula sa interbyung iyon na natutuhan ang isa sa kanyang pinakamagagandang aral tungkol sa pamumuno at ministering. Nagpunta siya sa interbyu na may mga programa, lesson, at aktibidad. Lumabas siya na may mga pangalan! Ang apat na pangalang iyon kalaunan ay naging malaking pokus ng kanyang ministeryo at ng kanyang korum.
Bilang mission leader, binisita ko ang isa sa aking mga branch isang Linggo ng umaga. Napansin ko na patuloy na inilalabas ng branch president ang isang kard mula sa kanyang bulsa at nagsusulat dito. Nagpasiya akong tanungin siya tungkol doon pagkatapos ng pangwakas na panalangin. Nang matapos na ang pulong at bago ako makapagtanong tungkol sa kard, ang branch mission leader ay nagmadaling pumunta sa pulpito, at doon ay iniabot ng branch president sa kanya ang papel. Agad kong sinundan ang masigasig na lider na ito sa kanyang lingguhang branch missionary coordination meeting. Bago sila nagsimula, kinuha niya ang papel mula sa kanyang bulsa. Puno ito ng mga pangalan ng mga miyembrong wala sa sacrament meeting. Sa loob ng ilang minuto, ang bawat miyembro ng council ay pumili ng isa o dalawang pangalan, nangangakong bibisitahin sila sa araw na iyon mismo upang matiyak na ayos sila at ipaalam sa kanila na sila ay na-miss nila. Ngayon, iyan ang pag-monitor at pagsubaybay.
Naaalala ko ang isang district, ilang oras ang layo mula sa pinakamalapit na templo kung sakay ng eroplano, kung saan ang pagpapanatili ng current temple recommend ay isang mataas na priyoridad, sa kabila ng katotohanan na malamang na hindi ito magagamit kailanman. Sa unang Linggo ng bawat buwan, ginamit ng mga lider ang kanilang mga kasangkapan sa pag-monitor upang masubaybayan ang kanilang mga miyembrong endowed na. Kung nalaman nila na malapit nang mag-expire ang isang recommend, nag-iiskedyul ang executive secretary ng interbyu para sa pagre-renew. Nagsasanggunian sila para sa mga taong may mga expired na recommend, pagkatapos ay hinahanap ang mga ito upang matulungan silang bumalik sa landas ng tipan. Tinanong ko kung ilan sa kanilang mga miyembrong endowed ang may current recommend. Ang sagot ay nakamamanghang 98.6 na porsiyento. Nang tanungin ang tungkol sa anim na nag-expire na ang mga recommend, natukoy ng mga lider ang mga ito sa pangalan at inilarawan sa akin ang mga pagsisikap na ginagawa upang maibalik sila!
Ilang taon na ang nakararaan, bumalik ang aking pamilya sa Estados Unidos. Sabik kaming makadalo sa simbahan dito pagkaraan ng 26 na kamangha-manghang taon sa mas maliliit at mas malalayong yunit. Tinawag ako bilang isang ward missionary. Nagkaroon kami ng isang mahusay na ward mission leader at gumawa kami ng mga kapanapanabik na bagay at nagturo ng mga kahanga-hangang tao. Hiniling kong dumalo sa isang ward council meeting upang magmasid at humingi ng tulong para sa mga kaibigang tinutulungan namin. Nagulat ako nang ang lahat ng tinalakay ay isang darating na aktibidad ng ward. Nilapitan ko ang ward mission leader pagkatapos at sinabi kong sa palagay ko ay hindi niya nakuha ang pagkakataong bumalik at mag-ulat tungkol sa aming mga tao. Ang sagot niya? “Ah, hindi ako kailanman nakakapag-ulat.”
Inihambing ko iyon sa isang branch council meeting sa Lahore, Pakistan, na dinaluhan ko ilang linggo pa lang ang nakalilipas. Ang maliit na grupong ito ay sama-samang nakaupo sa paligid ng isang maliit na mesa, at ang lahat ng pinag-usapan nila ay mga tao. Mga pangalan. Iniulat ng bawat lider ang tungkol sa ipinagkatiwala sa kanila at sa mga indibidwal at pamilya na inaalala nila. Ang lahat ay nagkaroon ng pagkakataong idagdag ang kanilang mga ideya sa pinakamaiinam na paraan upang mapagpala nila ang mga tinatalakay. May mga planong ginawa at may mga assignment na ibinigay. Napakagandang aral niyan sa pag-monitor at pagsubaybay na gamit ang mga pangalan mula sa ating mga unang henerasyong kapatid.
Sa Simbahan ni Jesucristo, tinuruan tayo ng mga propeta noon at ngayon—at ng huwarang ipinakita ng ating Tagapagligtas—kung paano mag-minister. Tayo ay kumukuha ng mga pangalan, tayo ay umaalala, at tayo ay nagsasanggunian tungkol sa kapakanan ng mga kaluluwa. Ang mga lider na gumagawa nito ay hindi kailanman mauubusan ng mga bagay na pag-uusapan sa kanilang mga council meeting! Ang alituntunin ng pag-monitor at pagsubaybay ay epektibo. Ito ang paraan ng Panginoon. Kaya nating maging mas mahusay. Sa Diyos, na lumikha ng sansinukob at mga patakaran sa lahat, ang gawaing ito —ang Kanyang gawain at kaluwalhatian—ay napakapersonal. At gayon din dapat ito para sa bawat isa sa atin, bilang mga kasangkapan sa Kanyang mga kamay sa Kanyang kamangha-manghang gawain ng kaligtasan at kadakilaan. Magbubunga ito ng mga himala sa buhay ng mga tunay na tao. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.