Pangkalahatang Kumperensya
At Ngayo’y Nakakakita na Ako
Pangkalahatang kumperensiya ng Oktubre 2025


17:23

At Ngayo’y Nakakakita na Ako

Ang epekto ng Aklat ni Mormon sa buhay ko ay mahimalang tulad ng paglalagay ng dura at lupa sa mga mata ng lalaking bulag.

Nang may walang-maliw na pagmamahal, sinasamahan nating lahat si Pangulong Oaks sa pagbibigay-pugay sa pagpanaw ni Pangulong Russell M. Nelson. At nang may gayunding pagmamahal at dalamhati, nakikiramay tayo sa mga dumanas ng trahedya sa Michigan kamakailan lamang at sa mga nakararanas nito halos araw-araw sa iba’t ibang panig ng daigdig. Kinikilala natin ang mga bagay na ito nang may pagmamahal at tiwala sa Panginoong Jesucristo.

Nakatala sa ikasiyam na kabanata ng Juan ang karanasan ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo noong may nadaanan silang pulubi na ipinanganak na bulag. Dahil dito, ang mga disipulo ay nagtanong kay Jesus ng maraming masalimuot na mga tanong tungkol sa relihiyon hinggil sa kung bakit nagkaroon ng ganitong limitasyon ang lalaki at kung paano siya naging ganito. Tumugon ang Panginoon sa paggawa ng napakasimpleng bagay at lubos na nakagugulat. Dumura siya sa lupa at hinalo iyon hanggang sa makabuo ng luad. Pagkatapos, ipinahid Niya iyon sa mga mata ng lalaki, at sinabihan ito na maghilamos sa imbakan ng tubig ng Siloam. Lahat ng iyon ay masunuring ginawa ng lalaking walang paningin at “bumalik [siya] na nakakakita,” ang sabi ng banal na kasulatan. Napakahalaga ng ebidensiya, sa halip na mga kahilingan o argumento o masamang hangarin na sumasalungat sa katotohanan.

Dahil sa takot na baka makadagdag pa ang himalang ito sa bantang dala ni Jesus sa ipinapalagay nila na awtoridad nila, hinarap ng mga kaaway ng Tagapagligtas ang taong ngayon lang nagkaroon ng paningin at pagalit na sinabing, “Nalalaman naming makasalanan [si Jesus].” Nakinig saglit ang lalaki, pagkatapos ay sinabi niya, “Kung siya’y makasalanan … hindi ko alam. [Ngunit] Isang bagay ang nalalaman ko, …bagaman ako’y dating bulag, ngayo’y nakakakita na ako.”

Si Jesus ang nagbigay-kahulugan sa usapang ito, sinasabi sa Kanyang mga disipulo na nangyari ang lahat ng ito “upang mahayag sa kanya ang mga gawa ng Diyos.” Tandaan na dalawang beses sinabi sa kuwentong ito na ang ginawa ng Tagapagligtas ay “pinahiran” ang mga mata ng lalaking bulag, isang gawaing makukumpleto ng paghihilamos. Ang pagsasabi ng “mahayag sa kanya ang mga gawa ng Diyos” ay maaaring pahiwatig na may ordenansang nagaganap.

Isa pang katotohanang kapansin-pansin dito ay ang mga bagay na ginamit ng Manlilikha ng langit at lupa at ng lahat ng nasa mga ito para magawa ang himalang iyon: laway at kaunting lupa! Ang mga hindi inaasahang sangkap na ito ay nagpapahayag na mapagpapala tayo ng Diyos sa anumang paraan na piliin Niya. Tulad ni Naaman na ayaw maligo sa Ilog Jordan o ng mga anak ni Israel na ayaw tumingin sa ahas na nasa tikin, napakadali para sa atin na balewalain ang pinagmumulan ng ating pagtubos dahil tila sobrang karaniwan ang mga sangkap at pamamaraan.

Pero natatandaan natin sa Aklat ni Mormon na ang ilang bagay ay kapwa malinaw at mahalaga at bago ang pagsilang ni Jesus, ipinropesiya na “siya’y walang [magiging] anyo o kagandahan man na [kapag ating pinagmasdan] siya, at walang kagandahan na maiibigan natin sa kanya.” Ilang beses ipinadala ng Diyos ang Kanyang marilag na mensahe sa pamamagitan ng isang bagong tawag at labis na nababalisang Relief Society president o sa isang mababang pinag-aralan na binata sa bukid o isang bagong missionary o sanggol sa sabsaban.

Ano naman kung ang mga sagot sa ating mga dasal ay dumarating sa pamamagitan ng karaniwan o masalimuot na mga paraan? Handa ba tayong magtiyaga, na magpatuloy sa pagsubok na ipamuhay ang ebanghelyo ni Cristo gaano man karaming laway at luad ang kailangan? Maaaring hindi palaging malinaw sa atin kung ano ang nangyayari o bakit, at, paminsan-minsan, nadarama nating lahat ang nadama ng isang senior sister noong sinabi niyang, “Panginoon, puwede po bang direktang mga pagpapala naman ang ibigay Ninyo?”

Isipin ang katibayan ng isa pang katotohanan, hinggil naman sa banal na priesthood. Sa pagtatala tungkol sa organisasyon ng Simbahan noong kalagitnaan ng panahon, mababasa sa unang linya ni Lucas, “Pagkatapos ay tinipon [Niya] ang labindalawa, at binigyan sila ng kapangyarihan at awtoridad,” mga kaloob na hindi ibinigay ayon sa batayan na kahanga-hangang kredensiyal ni pinagpasiyahan ayon sa nakaugalian o bilang pamana. Ang mga ito ay hindi ipinagkakaloob ng isang paaralan ng relihiyon o sa seminaryo na nagtuturo ng teolohiya. Iginagawad lamang ang mga ito sa pagpapatong ng kamay ng isang taong may awtoridad sa walang patid na pagkakasunud-sunod pabalik sa pinagmulan ng awtoridad na mula sa langit, ang Panginoong Jesucristo.

At sa isang simbahang nauunawaan ang kaloob na awa, hindi ba magiging isa pang kahanga-hangang katibayan ng katotohanan ng simbahan ang makita na matatanggap ang mga pagpapala at tipang ito ng ating mga yumaong kamag-anak, ang ating mga kapamilyang nauna na sa atin? Dapat ba silang parusahan dahil hindi nila narinig noon ang ebanghelyo o dahil ipinanganak sila sa panahon o lugar kung saan hindi nila natanggap ang mga ordenansa at tipan ng langit? Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may sagrado at nakalaang mga bahay ng Panginoon kung saan may mga maawaing gawain ng pagliligtas na ginagawa araw-araw at gabi-gabi alang-alang sa mga patay, at nag-aalok din ng mga pagkakataong sumamba at mga ordenansa para sa mga buhay. Sa aking kaalaman, ang partikular na ebidensiya na ito ng katotohanan ng Diyos, ng Kanyang pagmamahal para sa mga buhay at patay ay hindi nakikita saanman sa mundo—maliban sa isang simbahan na nagpapakita ng katotohanan sa partikular na bagay na ito: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ang unang karanasan ko sa tunay na katibayan ng katotohanan na nagbigay sa akin ng paningin at buhay ay hindi sumapit dahil sa pagpapahid ng luad o sa imbakan ng tubig ng Siloam. Hindi, ang instrumento ng katotohanan na nagdulot ng aking paggaling mula sa Panginoon ay dumating bilang mga pahina sa isang aklat, oo, ang Aklat ni Mormon: Isa pang Tipan ni Jesucristo! Ang mga sinasabi tungkol sa aklat na ito ay inatake at binalewala ng ilan na hindi naniniwala, ang galit ay madalas na tumutugma sa poot ng mga nagsabi sa pinagaling na lalaki na hindi niya maaaring maranasan ang alam niyang naranasan niya.

Ibinato sa akin na ang pamamaraan kung paano nabuo ang aklat na ito ay hindi praktikal, hindi kapani-paniwala, nakakahiya, hindi banal. Ngayon, iyon ay malupit na pananalita mula sa kahit sinong taong nag-aakalang alam niya ang paraan kung paano nabuo ang aklat, dahil ang tanging paglalarawan na ibinigay tungkol sa mga paraan na iyon ay isinalin ito “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.” Iyon na. Iyon lang. Gayunman, ang epekto sa buhay ko ng Aklat ni Mormon ay mahimalang tulad ng paglalagay ng dura at lupa sa mga mata ng lalaking bulag. Para sa akin, ito ay gabay para sa kaligtasan ng aking kaluluwa, isang bukod-tangi at makapangyarihang liwanag ng paghahayag, isang liwanag sa landas na dapat kong tahakin kapag dumating ang mga abu-abo ng kadiliman. At tiyak na dumating na ang mga iyon, at tiyak na darating ang mga iyon.

At dahil sa pananaw na ipinagkaloob nito sa akin tungkol sa pagmamahal at nakatutubos na biyaya ng aking Tagapagligtas para sa lahat, ibinabahagi ko sa inyo ang aking patotoo, na nabigyang-katwiran noong sinabi ng mga magulang ng bagong basbas na lalaki na dapat pakinggan ang kanilang anak dahil siya ay “may sapat na gulang na.” Gayundin naman ako. Dapat na siyang seryosohin dahil sa edad niya, ipinahihiwatig nila. Gayundin naman ako. Dalawang buwan na lang ay ika-85 kaarawan ko na. Naranasan ko na ang malagay sa bingit ng kamatayan pero nakabalik ako. Nakasama ko na ang mga hari at propeta, mga presidente at apostol. Higit sa lahat, may mga pagkakataong napuspos ako ng Banal na Espiritu ng Diyos. Nagtitiwala ako na ang aking pagsaksi ay dapat bigyan ng kahit kaunting konsiderasyon.

Ngayon, mga kapatid, natanggap ko ang buong kaluluwang pananalig ko na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay tunay na pagpapanumbalik ng Simbahan ng Bagong Tipan—at higit pa—dahil hindi ko kayang ikaila ang ebidensiya ng pagpapanumbalik na iyon. Simula noong mga unang karanasang iyon, masasabi ko na nagkaroon ako ng libu-libo—sampu-sampung libo?—na iba pang mga ebidensiya na totoo ang sinabi ko ngayon. Kaya nalulugod akong samahan ngayon ang kaibigan kong nakaupo sa mga lansangan ng Jerusalem sa pag-awit ko sa mahina kong tinig:

O, kaydakilang biyaya

Sa aki’y nagligtas!

Noo’y ligaw; nahanap na,

Namulat sa wakas.

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.