Walang Uupo Nang Mag-isa
Kabilang sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo ang pagbibigay ng puwang para sa lahat sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.
I.
Sa loob ng 50 taon, nag-aral ako ng kultura, kabilang na ang kultura ng ebanghelyo. Nagsimula ako sa fortune cookies.
Sa Chinatown sa San Francisco, nagtatapos ang mga hapunan ng pamilya Gong sa isang fortune cookie at matalinong payo tulad ng “Ang isang libong milyang paglalakbay ay nagsisimula sa iisang hakbang.”
Bilang young adult, gumawa ako ng fortune cookies. Suot ang puting guwantes na cotton, itinupi at hinugisan ko ang bilog na cookies na mainit pa galing sa oven.
Laking gulat ko nang malaman ko na hindi pala orihinal na bahagi ng kulturang Chinese ang fortune cookies. Para matukoy ang kultura ng Chinese, American, at European fortune cookie, naghanap ako ng fortune cookies sa maraming kontinente—tulad ng paggamit ng isang tao ng maraming lokasyon para matukoy ang lugar ng isang forest fire. Ang mga Chinese restaurant sa San Francisco, Los Angeles, at New York ay nagbibigay ng fortune cookies, ngunit hindi ang mga nasa Beijing, London, o Sydney. Mga Amerikano lamang ang nagdiriwang ng National Fortune Cookie Day. Mga Chinese advertisement lamang ang nag-aalok ng “Authentic American Fortune Cookies.”
Ang fortune cookies ay isang masaya at simpleng halimbawa. Ngunit ang alituntunin ding ito ng pagkukumpara ng mga gawi sa iba’t ibang lugar ay makakatulong sa atin na matukoy ang kultura ng ebanghelyo. At ngayon ang Panginoon ay nagbubukas ng mga bagong oportunidad na matutuhan ang kultura ng ebanghelyo habang natutupad ang alegorya sa Aklat ni Mormon at ang mga propesiya sa talinghaga sa Lumang Tipan.
II.
Naglilipatan ang mga tao sa iba’t ibang panig ng daigdig. Nag-ulat ang United Nations ng 281 milyon na nandarayuhan sa buong mundo. Ito ay higit sa 128 milyon pang indibidwal kaysa noong 1990 at mahigit tatlong beses kaysa sa mga pagtantiya noong 1970. Kahit saan, napakaraming convert ang nakakatagpo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Tuwing Sabbath, nagtitipon ang mga miyembro at kaibigan mula sa 195 bansang sinilangan at teritoryo sa 31,916 kongregasyon ng Simbahan. Nagsasalita tayo ng 125 wika.
Kamakailan lamang, sa Albania, North Macedonia, Kosovo, Switzerland, at Germany, nasaksihan ko ang mga bagong miyembro na tinutupad ang alegorya ng punong olibo sa Aklat ni Mormon. Sa Jacob 5, pinatibay ng Panginoon ng olibohan at ng Kanyang mga alipin kapwa ang mga ugat at sanga ng punong olibo sa pamamagitan ng pagtitipon at pagdurugtong ng mga nagmula sa iba’t ibang lokasyon. Ngayon ay nagtitipon ang mga anak ng Diyos bilang isa kay Jesucristo; nag-aalok ang Panginoon ng kamangha-manghang likas na paraan para palawakin ang ipinamumuhay nating kabuuan ng Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.
Sa paghahanda sa atin para sa kaharian ng langit, ikinuwento ni Jesus ang mga talinghaga ng dakilang hapunan at piging sa kasal. Sa mga talinghagang ito, gumawa ng mga dahilan ang mga panauhing inanyayahan para hindi dumalo. Inutusan ng panginoon ang kanyang mga alipin na “pumunta kaagad sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng bayan” at “sa mga daan at sa mga bakuran” upang “[papasukin]” ang mga dukha, pilay, lumpo, at bulag. Sa espirituwal na pananalita, iyon ay ang bawat isa sa atin.
Ipinahayag sa banal na kasulatan:
“Lahat ng bansa ay aanyayahan” sa “isang hapunan sa bahay ng Panginoon.”
“Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, … upang ang kanyang kaharian ay lumaganap sa mundo, upang ang mga naninirahan dito ay matanggap ito, at maging handa para sa mga araw na darating.”
Ang mga inanyayahan ngayon sa hapunan ng Panginoon ay nagmumula sa bawat lugar at kultura. Matanda at bata, mayaman at mahirap, lokal at mula sa buong daigdig, pinagmumukha nating ating komunidad ang mga kongregasyon ng Simbahan.
Bilang pinunong Apostol, nakita ni Pedro na binuksan ng langit ang pangitain ng “isang malapad na kumot na ibinababa sa lupa na nakabitin sa apat na sulok, … [kung saan naroon] ang lahat ng uri ng … hayop.” Itinuro ni Pedro: “Tunay ngang nauunawaan ko na walang kinikilingan ang Diyos. … Sa bawat bansa ang sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kanya.”
Sa talinghaga ng mabuting Samaritano, inaanyayahan tayo ni Jesus na lumapit sa isa’t isa at sa Kanya sa Kanyang bahay-panuluyan—sa Kanyang Simbahan. Nais Niya tayong maging mabubuting kapwa-tao. Nangako ang mabuting Samaritano na babalik at babayaran ang gastos sa pangangalaga ng mga nasa Kanyang bahay-panuluyan. Kabilang sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo ang pagbibigay ng puwang para sa lahat sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan.
Kabilang sa diwa ng mga katagang “lugar sa bahay-panuluyan” ang “walang uupo nang mag-isa.” Kapag nagsimba kayo, kung makakita kayo ng isang taong nag-iisa, maaari bang batiin at tabihan ninyo siya sa upuan? Maaaring hindi ninyo ugali ito. Maaaring iba ang hitsura o pananalita ng taong iyon kaysa sa inyo. At siyempre pa, tulad ng maaaring sabihin sa isang fortune cookie, “Ang paglalakbay ng pagkakaibigan at pagmamahal sa ebanghelyo ay nagsisimula sa unang pagbati at sa hindi pag-iwan sa isang nakaupo nang mag-isa.”
Ang “walang uupo nang mag-isa” ay nangangahulugan din na walang emosyonal o espirituwal na uupo nang mag-isa. Sinamahan ko ang isang nagdadalamhating ama sa pagbisita sa kanyang anak na lalaki. Ilang taon bago iyon, sabik na sabik ang bata na maging isang bagong deacon. Kasama sa okasyon ang pagbili ng kanyang pamilya ng kanyang unang pares ng bagong sapatos.
Ngunit sa simbahan, pinagtawanan siya ng mga deacon. Bago ang sapatos niya, ngunit wala sa uso. Napahiya at nasaktan, sinabi ng batang deacon na hinding-hindi na siya magsisimbang muli. Nalulungkot pa rin ako para sa kanya at sa kanyang pamilya.
Sa maalikabok na mga daan patungong Jerico, bawat isa sa atin ay napagtawanan, napahiya at nasaktan, at marahil ay nakutya o naabuso. At, sa iba’t ibang antas ng layon, binalewala, hindi pinansin o pinakinggan, at marahil ay sadyang sinaktan din ng bawat isa sa atin ang iba. Tiyak na dahil nasaktan tayo at nasaktan natin ang iba kaya lahat tayo ay pinapapasok ni Jesucristo sa Kanyang bahay-panuluyan. Sa Kanyang Simbahan at sa pamamagitan ng Kanyang mga ordenansa at tipan, lumalapit tayo sa isa’t isa at kay Jesucristo. Tayo ay nagmamahal at minamahal, naglilingkod at pinaglilingkuran, nagpapatawad at pinatatawad. Tandaan sana, “langit ay lunas sa bawat lumbay”; ang mga pasanin sa mundo ay gumagaan—ang kagalakan ng ating Tagapagligtas ay tunay.
Sa 1 Nephi 19, mababasa natin: “Maging ang yaon ding Diyos ng Israel ay niyuyurakan [nila] sa ilalim ng kanilang mga paa; … siya ay kanilang winalang-saysay. … Anupa’t kanilang hahagupitin siya, at titiisin niya ito, at kanilang sasampalin siya, at titiisin niya ito. Oo, kanilang luluraan siya, at titiisin niya ito.”
Sabi ng kaibigan kong si Professor Terry Warner, ang paghusga, pagpalo, paghampas, at pagdura ay hindi mga paminsan-minsang kaganapan na sa mortal na buhay lamang ni Cristo nangyari. Kung paano natin tinatrato ang isa’t isa—lalo na ang mga nagugutom, nauuhaw, nag-iisa—ay gayon natin Siya tinatrato.
Sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan, mas makakabuti sa ating lahat kapag walang nakaupong mag-isa. Huwag tayong basta magpaunlak o magparaya. Tunay tayong tumanggap, kumilala, maglingkod, magmahal. Bawat kaibigan at kapatid nawa ay hindi maging dayuhan o banyaga kundi isang anak ninyo.
Maraming nakararamdam ngayon ng lumbay at pagkahiwalay. Maaari tayong gawing sabik ng social media at artificial intelligence na mapalapit sa tao at mahawakan ng tao. Nais nating marinig ang tinig ng isa’t isa. Nais natin ng tunay na pagiging bahagi at kabaitan.
Maraming dahilan para madama natin na hindi tayo nababagay sa simbahan—na, ika nga, nakaupo tayong mag-isa. Maaari tayong mag-alala tungkol sa ating punto sa pananalita, pananamit, sitwasyon ng pamilya. Pakiramdam natin marahil ay hindi tayo sapat, amoy-sigarilyo, nananabik sa kalinisang moral, nakipag-break sa isang tao at nasasaktan at nahihiya, nag-aalala tungkol sa ganito o ganoong patakaran ng Simbahan. Maaaring tayo ay walang asawa, diborsiyado, balo. Maingay ang mga anak natin; wala tayong mga anak. Hindi tayo nagmisyon o umuwi tayo nang maaga. Patuloy ang listahan.
Ang Mosias 18:21 ay inaanyayahan tayo na sama-samang bigkisin ang ating mga puso sa pagmamahal. Inaanyayahan ko tayo na huwag gaanong mag-alala, manghusga, maging mapaghanap sa iba—at, kapag kailangan, huwag gaanong higpitan ang ating sarili. Hindi tayo lumilikha ng Sion sa loob ng isang araw. Ngunit bawat “hello,” bawat masayang kaway, ay naglalapit sa atin sa Sion. Lalo pa tayong magtiwala sa Panginoon at masaya nating piliing sundin ang lahat ng utos Niya.
III.
Ayon sa doktrina, sa sambahayan ng pananampalataya at pakikisama ng mga Banal, walang uupo nang mag-isa dahil nakipagtipan tayo kay Jesucristo.
Itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Narito ito upang ating makita ito, maging bahagi nito, at tulungang maisulong ang kaluwalhatian sa mga Huling Araw, ‘ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon … ,’ kung kailan ang mga Banal ng Diyos ay sama-samang titipunin mula sa bawat bansa, at lahi, at wika.”
Ang Diyos ay “hindi gumagawa ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan; … upang mapalapit ang lahat ng [lalaki at babae] sa kanya. …
“… Inaanyayahan niya silang lahat na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; … at pantay-pantay ang lahat sa Diyos.”
Sa pagbabalik-loob kay Jesucristo, kailangan nating hubarin ang likas na tao at makamundong kultura. Tulad ng itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, kailangan nating talikuran ang anumang tradisyon at kultural na gawi na salungat sa mga utos ng Diyos at maging mga Banal sa mga Huling Araw. Ipinaliwanag niya, “May natatanging kultura ng ebanghelyo, isang grupo ng mga pinahahalagahan at inaasahan at kaugalian na karaniwan sa lahat ng miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.” Kabilang sa kultura ng ebanghelyo ang kalinisang-puri, pagsisimba linggu-linggo, pag-iwas sa alak, sigarilyo, tsaa, at kape. Kabilang dito ang katapatan at integridad; pag-unawang tayo ay umuusad nang pasulong, hindi nang pataas o pababa sa mga katungkulan sa Simbahan.
Natututo ako mula sa matatapat na miyembro at kaibigan sa bawat lupain at kultura. Ang mga banal na kasulatang pinag-aralan sa maraming wika at kultural na pananaw ay nagpapalalim ng pag-unawa sa ebanghelyo. Ang iba’t ibang pagpapahayag ng mga katangiang tulad ni Cristo ay nagpapalalim sa aking pagmamahal at pag-unawa sa aking Tagapagligtas. Lahat ay pinagpapala kapag kinikilala natin ang ating kultural na pagkatao, tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, bilang isang anak ng Diyos, isang anak ng tipan, isang disipulo ni Cristo.
Ang kapayapaan ni Jesucristo ay nilayon para sa atin. Kamakailan ay taimtim na nagtanong ang isang binatilyo, “Elder Gong, maaari pa rin po ba akong makapunta sa langit?” Nag-isip siya kung mapapatawad pa siya. Itinanong ko ang kanyang pangalan, nakinig akong mabuti, inanyayahan ko siyang kausapin ang kanyang bishop, niyakap ko siya nang mahigpit. Umalis siya na may pag-asa kay Jesucristo.
Binanggit ko ang binatilyo sa isa pang tagpo. Kalaunan, nakatanggap ako ng isang liham na walang lagda na nagsimula sa, “Elder Gong, nagpalaki kaming mag-asawa ng siyam na anak … at naglingkod sa dalawang misyon.” Ngunit “nadama ko palagi na hindi ako makakapasok sa kahariang selestiyal … dahil napakasama ng mga kasalanan ko noong kabataan ko!”
Sabi pa niya sa liham, “Elder Gong, nang magkuwento kayo tungkol sa binatilyong nagkaroon ng pag-asang mapatawad, napuspos ako ng kagalakan, at unti-unti kong natanto na ako siguro ay [maaaring mapatawad].” Nagtapos ang liham, “Gusto ko pa nga ang sarili ko ngayon!”
Ang pagiging kabilang sa tipan ay lumalalim kapag lumapit tayo sa isa’t isa at sa Panginoon sa Kanyang bahay-panuluyan. Pinagpapala tayong lahat ng Panginoon kapag walang nakaupo nang mag-isa. At malay natin? Siguro ang taong katabi natin ay maaaring maging pinakamainam nating kaibigang fortune cookie. Nawa’y matagpuan at mabigyan natin Siya at ang bawat isa ng puwang sa hapunan ng Kordero, ang mapagpakumbaba kong dalangin sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.