Pangkalahatang Kumperensya
Sinubok at Pinalakas kay Cristo
Pangkalahatang kumperensiya ng Oktubre 2025


13:11

Sinubok at Pinalakas kay Cristo

Pinatototohanan ko na ang mga sandali kung kailan sinusubok ka ay hindi katibayan na pinabayaan ka ng Panginoon. Sa halip, ito ay katibayan na mahal ka Niya para dalisayin at palakasin ka.

Mahal kong mga kapatid, nadarama ko ang pagmamahal ng Panginoon sa ating pagkikita. Ikinalulugod ko na magsalita sa inyo. Dalangin ko na dalhin ng Espiritu sa inyong puso ang nais ng Panginoon na marinig ninyo, na higit pa sa mga salitang sasabihin ko.

Noon pa man, hangad ko nang matuto ng pisika at matematika sa kolehiyo. Nahirapan ako. Nagsimula kong madama na sinusubukan kong matutuhan ang isang bagay na higit sa kaya ko. Habang nahihirapan, nababawasan ang lakas ko para magpatuloy. Sa panghihina ng loob ko, nadama ko na ang mga pagsisikap ko ay tila walang saysay. Nagsimula akong mag-isip na huminto na lang, na pumili ng isang bagay na mas madali gawin.

Nanghina ako. Habang nagdarasal ako, nadama ko ang tahimik na pagtiyak ng Panginoon. Nadama kong sinabi Niya sa isipan ko, “Sinusubok kita, pero kasama mo rin Ako.”

Hindi ko alam noon ang lahat ng ibig sabihin ng mga salitang iyon. Pero alam ko kung ano ang gagawin—kumilos ako.

Sa pamamagitan ng pagninilay at pagsusumikap sa sumunod na mga taon, naunawaan ko ang mensaheng ito sa mga banal na kasulatan na nagpapatibay ng loob: “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo na] nagpapalakas sa akin.”

Nalaman ko na ang hirap na naranasan ko sa pisika ay kaloob talaga mula sa Panginoon. Itinuro Niya sa akin na sa Kanyang tulong, magagawa ko ang mga bagay na tila imposible kung mananalig ako na nariyan Siya para tulungan ako. Sa pamamagitan ng kaloob na ito, ang Panginoon ay kumikilos para subukin at palakasin ako.

Ang salitang subukin ay may ilang kahulugan. Ang subukin ang isang bagay ay hindi lamang nangangahulugan na subukan ito. Ito ay upang dagdagan ang lakas nito. Para masubok ang lakas ng kapirasong bakal, ito ay idadaan sa matindi pang pagsubok. Ang init, bigat, at pressure ay idinaragdag hanggang sa mapahusay at maipakita ang tunay na katangian nito. Ang bakal ay hindi humihina sa pagsubok dito. Ang totoo, ito ay nagiging isang bagay na mapagkakatiwalaan, na sapat ang lakas para makayanan ang mas matinding bigat.

Sinusubok tayo ng Panginoon sa gayunding paraan para palakasin tayo. Ang pagsubok na iyon ay hindi dumarating sa oras ng kasiyahan o kaginhawahan. Dumarating ito sa mga sandali na para tayong binabanat nang higit sa inaakala nating kakayanin natin. Itinuro ng Panginoon na dapat tayong patuloy na umunlad at huwag magsawa sa ating mga pagsisikap, na huwag tayong sumuko, na patuloy tayong magsikap.

Kapag patuloy tayong nanampalataya kay Jesucristo—kahit na parang imposible sa atin ang mga bagay sa sandaling ito—lumalakas tayo sa espiritwal. Ang mga sagradong tala sa banal na kasulatan ay nagbibigay-diin sa katotohanang ito.

Ang propetang si Moroni, halimbawa, ay sinubok at pinalakas sa ganoong paraan. Nabuhay siyang mag-isa sa mga huling taon niya. Isinulat niya na wala siyang kaibigan, na ang kanyang ama ay pinatay, na ang kanyang mga tao ay nalipol. Siya ay tinugis ng mga taong naghahangad ng kanyang buhay.

Pero hindi nawalan ng pag-asa si Moroni. Sa halip, iniukit niya sa mga lamina ang kanyang patotoo kay Jesucristo para sa mga taong hindi niya makikita, kabilang ang mga inapo ng mga taong nagnanais na patayin siya. Sumulat siya para sa atin. Alam niya na kukutyain ng ilan ang kanyang mga salita. Alam niya na tatanggihan ito ng ilan. Gayunpaman, patuloy siyang nagsulat.

Sa kanyang pagsubok, ang pananampalataya ni Moroni ay nalinang at napalakas. Ito ay naging mas dalisay. Ang kanyang mga salita ay nagtataglay ng kapangyarihan ng isang taong naging tapat hanggang wakas. Madarama natin ang kapangyarihang iyon habang binabasa natin ang kanyang patotoo:

“Ngayon, ako, si Moroni, ay sumusulat kahit paano nang inaakala kong makabubuti; at ako ay sumusulat sa aking mga kapatid, ang mga Lamanita; at nais kong kanilang malaman na mahigit apat na raan at dalawampung taon na ang lumipas magmula nang ibigay ang palatandaan ng pagparito ni Cristo.

“At aking tatatakan ang talaang ito, matapos na ako ay makapagsalita ng ilang pangungusap sa paraan ng pagpapayo sa inyo.

“Masdan, nais kong ipayo sa inyo na kung inyong mababasa ang mga bagay na ito, kung karunungan sa Diyos na mabasa ninyo ang mga yaon, na inyong maalala kung paano naging maawain ang Panginoon sa mga anak ng tao, mula sa paglikha kay Adan, maging hanggang sa panahong inyong matanggap ang mga bagay na ito, at pagbulay-bulayin ang mga yaon sa inyong mga puso.

“At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

“At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay.”

Ang patotoo ni Moroni ay dinalisay sa kalungkutan, ngunit nagniningning ang liwanag nito upang gabayan ang lahat ng henerasyon na hanapin ang ating Ama sa Langit at ang Tagapagligtas na si Jesucristo.

Ang isa pang propeta sa Aklat ni Mormon, si Jacob, ay sinubok at napalakas bilang isang bata na nakaranas ng mga paghihirap at labis na kalungkutan. Ngunit itinuro sa kanya ng kanyang ama na si Lehi na pagpapalain siya ng Diyos sa kanyang mga pagsubok.

“At masdan, sa iyong kamusmusan ikaw ay nagdanas ng mga kahirapan at maraming kalungkutan, dahil sa kalupitan ng iyong mga kapatid.

“Gayunman, Jacob, aking panganay sa ilang, nalalaman mo ang kadakilaan ng Diyos; at kanyang ilalaan ang iyong mga paghihirap para sa iyong kapakinabangan.

“Anupa’t ang iyong kaluluwa ay pagpapalain, at ikaw ay maninirahang ligtas kasama ng iyong kapatid na si Nephi; at ang iyong mga araw ay iuukol sa paglilingkod sa iyong Diyos. Kaya nga, alam ko na ikaw ay tinubos, dahil sa kabutihan ng iyong Manunubos; sapagkat namamasdan mo na sa kaganapan ng panahon siya ay paparito upang magdala ng kaligtasan sa tao.”

Naranasan ni Propetang Joseph Smith ang gayong pagsubok at pagpapalakas noong siya ay nasa Liberty Jail. Sa kaibuturan ng kanyang dalamhati, bumulalas si Propetang Joseph:

“O Diyos, nasaan kayo? …

“Hanggang kailan pipigilan ang inyong kamay?”

Nakita ng Panginoon sa pagdurusa ni Joseph ang nagpapabanal na epekto ng kanyang pagtitiis nang mabuti nang sumagot Siya:

“Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang;

“At muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas; ikaw ay magtatagumpay sa lahat ng iyong mga kaaway.”

Ang pinakadakilang halimbawa ng pagsubok at pagpapalakas ay nangyari sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Pinasan Niya ang kasalanan ng mundo. Dinala Niya ang ating mga pasakit at kalungkutan. Ininom Niya ang mapait na saro. Siya ay napatunayang tapat sa bawat sandali.

Dahil sa Kanyang maluwalhating Pagbabayad-sala, mapalalakas tayo ni Jesucristo sa panahon ng pagsubok. Alam Niya kung paano tayo tutulungan dahil naramdaman Niya ang lahat ng hamon na mararamdaman natin sa mortalidad. “Dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at mga karamdaman ng kanyang mga tao … upang malaman niya ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao ayon sa kanilang mga kahinaan.”

Ang Tagapagligtas sa Getsemani

Nalaman natin na habang nasa Halamanan ng Getsemani, tinanong ng Tagapagligtas ang Ama kung maaaring ang pagsubok ay makalampas sa Kanya—ngunit sinabi rin Niya na kung kalooban ito ng Ama, gagawin ito ng Tagapagligtas. Sa madaling salita, maging ang Tagapagligtas ay nagkaroon ng pagdududa at kawalan ng katiyakan, ngunit nanampalataya Siya sa Kanyang Ama sa Langit.

Mga kapatid, ang pagsubok at pagpapalakas sa inyo ay maaaring hindi katulad ng kay Moroni o kay Jacob o kay Propetang Joseph. Ngunit mangyayari ito. Maaari itong dumating nang tahimik, sa pamamagitan ng mga pagsubok sa buhay ng pamilya. Maaaring dumating ito sa pamamagitan ng sakit o pagkabigo o dalamhati o kalungkutan.

Pinatototohanan ko na ang mga sandaling ito ay hindi katibayan na pinabayaan kayo ng Panginoon. Sa halip, ito ay katibayan na mahal Niya kayo para dalisayin at palakasin. Pinapalakas Niya kayo para pasanin ang bigat ng buhay na walang hanggan.

Kung mananatili tayong tapat sa ating paglilingkod, dadalisayin tayo ng Panginoon. Palalakasin Niya tayo. At balang-araw, magbabalik-tanaw tayo at makikita na ang mismong mga pagsubok na iyon ay katibayan ng Kanyang pagmamahal. Makikita natin na hinuhubog Niya tayo upang makasama Niya sa kaluwalhatian. Tulad ng sinabi ng Apostol ng Panginoon na si Pablo sa pagtatapos ng kanyang sariling buhay, “Nakipaglaban ako ng mabuting pakikipaglaban, natapos ko na ang aking takbuhin, iningatan ko ang pananampalataya.”

Pinatototohanan ko na kilala kayo ng Diyos. Alam Niya ang mga pagsubok na kinakaharap ninyo. Siya ay kasama ninyo. Hindi Niya kayo pababayaan. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang Anak ng Diyos. Siya ang ating lakas, ating Manunubos, ating pag-asa. Kung tayo ay magtitiwala sa Kanya, gagawin Niya ang ating espirituwal na kapangyarihan na katumbas ng bawat pagsubok na kailangan nating tiisin. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.