Pangkalahatang Kumperensya
Ang Pangalang Itinatawag sa Inyo
Pangkalahatang kumperensiya ng Oktubre 2025


11:2

Ang Pangalang Itinatawag sa Inyo

Ano ang ibig sabihin ng tawagin sa pangalan ni Cristo?

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na kung direktang nangungusap sa atin ang Panginoon, ang unang bagay na titiyakin Niyang nauunawaan natin ay ang ating tunay na pagkatao: tayo ay mga anak ng Diyos, mga anak ng tipan, at mga disipulo ni Jesucristo. Anumang iba pang titulo ay magdudulot ng kabiguan sa atin sa huli.

Nalaman ko ito mismo nang matanggap ng panganay kong anak ang kanyang unang cell phone. Tuwang-tuwa siya, sinimulan niyang ipasok ang mga pangalan ng kanyang pamilya at mga kaibigan sa kanyang mga kontak. Isang araw napansin kong tumatawag ang kanyang ina. Sa screen ay lumitaw ang pangalang “Ina.” Iyon ay isang sensitibo at makabuluhang pagpili—at, aaminin ko, isang tanda ng paggalang sa mas mabuting magulang sa aming tahanan. Natural, nag-usisa ako. Ano kayang pangalan ang ibinigay niya sa akin?

Nag-scroll ako sa kanyang mga kontak, iniisip na kung si Wendi ay “Ina,” siguradong ako naman ay “Ama.” Wala akong makita. Hinanap ko ang “Tatay.” Wala pa rin. Bahagyang napalitan na ng pag-aalala ang pag-uusisa ko. “Ang tawag ba niya sa akin ay ‘Corey’?” Hindi. Sa huling pagtatangka, naisip ko, “Mga manlalaro kami ng soccer—siguro ang itinawag niya sa akin ay ‘Pelé.’” Sana nga. Sa huli, tinawagan ko mismo ang telepono niya, at tatlong salita ang lumitaw “Hindi si Ina”!

Mga kapatid, sa anong pangalan kayo tinatawag?

Tinawag ni Jesus ang Kanyang mga tagasunod sa maraming pangalan: Mga disipulo. Mga anak na lalaki at babae. Mga anak ng mga propeta. Mga tupa. Mga kaibigan. Ang ilaw ng sanlibutan. Mga banal. Bawat isa ay walang-hanggan ang kahalagahan at binibigyang-diin ang personal na kaugnayan sa Tagapagligtas.

Ngunit sa mga pangalang ito, ang isa ay nakahihigit sa iba—ang pangalan ni Cristo. Sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Haring Benjamin:

“Walang ibang pangalang ibinigay kung saan ang kaligtasan ay darating; kaya nga, nais kong taglayin ninyo ang pangalan ni Cristo. …

“At ito ay mangyayari na sinuman ang gagawa nito ay matatagpuan sa kanang kamay ng Diyos, sapagkat malalaman niya ang pangalang itatawag sa kanya; sapagkat siya ay tatawagin sa pangalan ni Cristo.”

Ang mga nagtataglay sa kanilang sarili ng pangalan ni Cristo ay nagiging Kanyang mga disipulo at saksi. Sa aklat ng Mga Gawa, mababasa natin na matapos ang Pagkabuhay na Muli ni Jesucristo, inutusan ang mga piling saksi na patotohanan na sinuman ang maniniwala kay Jesus, magpapabinyag, at tatanggapin ang Espiritu Santo ay tatanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan. Ang mga nakatanggap ng mga sagradong ordenansang ito ay nagtipong kasama ng Simbahan, naging mga disipulo, at tinawag na mga Kristiyano. Inilalarawan din ng Aklat ni Mormon ang mga naniniwala kay Cristo bilang mga Kristiyano at ang mga tao ng tipan bilang “mga anak ni Cristo, kanyang mga anak na lalaki, at kanyang mga anak na babae.”

Ano ang ibig sabihin ng tawagin sa pangalan ni Cristo? Nangangahulugan ito ng paggawa at pagtupad ng mga tipan na lagi Siyang inaalala, sinusunod ang Kanyang mga kautusan, at “nahahandang … tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay.” Nangangahulugan ito ng paninindigan kasama ang mga propeta at mga apostol habang inihahatid nila ang mensahe ni Cristo sa iba’t ibang panig ng mundo—kasama ang doktrina, mga tipan, at ordenansa nito. Nangangahulugan din ito ng paglilingkod sa iba para maibsan ang pagdurusa, maging liwanag, at maghatid ng pag-asa kay Cristo sa lahat ng tao. Mangyari pa, ito ay habambuhay na proseso. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na “ito ay isang kalagayang hindi nararating ng sinumang tao sa isang iglap.”

Dahil ang paglalakbay sa pagkadisipulo ay nangangailangan ng panahon at pagsisikap na nabubuo nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin,” madali ang matangay sa mga titulo na bigay ng mundo. Ang mga ito ay nagbubunga lamang ng pansamantalang kahalagahan at hindi kailanman magiging sapat sa kanilang sarili lamang. Ang pagtubos at ang mga bagay ng kawalang-hanggan ay “darating sa pamamagitan ng Banal na Mesiyas.” Samakatwid, ang pagsunod sa payo ng propeta na gawing priyoridad ang pagiging disipulo ay kapwa napapanahon at nararapat gawin, lalo na sa napakaraming nagsasalungatang tinig at impluwensiya. Ito ang nasa sentro sa payo ni Haring Benjamin nang sabihin niyang, “Nais kong inyong pakatandaan na panatilihing laging nakasulat ang pangalan [ni Cristo] sa inyong mga puso, nang … inyong marinig at malaman ang tinig ng tatawag sa inyo, at gayundin, ang pangalang kanyang itatawag sa inyo.”

Martin Gasner

Nakita ko ito sa sarili kong pamilya. Ang aking lolo sa tuhod na si Martin Gassner ay nagbago nang lubusan dahil isang mapagkumbabang branch president ang sumagot sa panawagan ng Tagapagligtas. Sa Germany noong 1909, mahirap ang panahon, at kapos sa pera noon. Nagtrabaho si Martin bilang welder sa isang planta na gumagawa ng mga tubo. Inamin niya na lahat ng kinita niya ay halos nauubos lamang sa paglalasing, paninigarilyo, at pagpapainom sa mga kainuman. Sa huli ay binalaan siya ng kanyang asawa na kung hindi siya magbabago, iiwan siya nito.

Isang araw, habang papunta sa inuman si Martin, sinalubong siya ng kanyang kaibigan na may hawak na lukot na papel. Nakita niya ito sa daan at sinabi kay Martin na may kakaiba siyang nadama matapos basahin ang polyeto na pinamagatang Wissen Sie von den Mormonen?, o Ano ang alam mo tungkol sa mga Mormon? Natitiyak ko na nabago na ang pamagat na iyon.

May address na nakatatak sa likod, na sakto lang ang linaw para mabasa kung saan matatagpuan ang simbahan. Medyo malayo ito, pero naantig sila sa nabasa nila at nagpasiyang sumakay ng tren noong Linggong iyon para magsiyasat. Pagdating nila, nalaman nila na ang address ay hindi ang simbahang inaasahan nila kundi isang punerarya. Nag-atubili si Martin—dahil ang pagsisimba sa isang punerarya ay medyo kakaiba.

Pero sa itaas, sa isang inuupahang bulwagan, nakita nila ang isang maliit na grupo ng mga Banal. Inanyayahan sila ng isang lalaki na dumalo sa testimony meeting. Naantig ng Espiritu si Martin at humanga sa simple at taimtim na mga patotoo kaya nagpatotoo siya. At doon, sa mismong lugar na iyon na hindi niya inaasahan, sinabi niyang alam niya na ito ay totoo.

Pagkatapos ay nagpakilala ang lalaki na siya ang branch president at tinanong sila kung babalik sila. Ipinaliwanag ni Martin na napakalayo ng tirahan niya at hindi niya kayang magbiyahe kada Linggo. Simple lamang ang sabi ng branch president, “Sumunod kayo sa akin.”

Naglakad sila nang ilang kanto papunta sa kalapit na pabrika kung saan nagtatrabaho ang kaibigan ng branch president. Matapos ang maikling pag-uusap, kapwa inalok sina Martin at ang kaibigan niya ng trabaho. At isinama sila ng branch president sa mga paupahang apartment at inasikaso nito ang matitirahan ng kanilang mga pamilya.

Lahat ng ito ay nangyari sa loob ng dalawang oras. Lumipat ang pamilya ni Martin nang sumunod na linggo. Makalipas ang anim na buwan nabinyagan sila. Ang lalaki na lasenggo na walang pag-asa noon ay naging masigasig sa kanyang bagong relihiyon kaya sinimulan siyang bansagan ng taumbayan, marahil nang hindi gaanong kagiliw, na “pari.”

Para sa branch president, hindi ko masasabi sa inyo ang kanyang pangalan—nakalimutan ko na ang kanyang identidad dahil sa tagal ng panahon. Pero ang tawag ko sa kanya ay disipulo, sugo, Kristiyano, isang mabuting Samaritano, at kaibigan. Nadarama pa rin ang kanyang impluwensiya pagkaraan ng 116 na taon, at patuloy pa rin akong natutulungan ng kanyang pagkadisipulo.

ang mga Gassner sa templo

“May kasabihan na maaari mong bilangin ang mga buto sa isang mansanas, pero hindi mo mabibilang ang mga mansanas na nagmumula sa isang buto.” Ang binhing itinanim ng branch president ay nagkaroon ng napakaraming bunga. Hindi niya marahil inakala na makalipas ang 48 taon, ang ilang henerasyon ng pamilya ni Martin sa magkabilang panig ng tabing ay mabubuklod sa Bern Switzerland Temple.

Marahil ang pinakadakilang mga mensahe ay ang mga bagay na hindi natin naririnig kundi ang mga nakikita natin sa tahimik at di-kapansin-pansing mga kilos at gawa sa buhay ng mga karaniwang tao na, sa pagsisikap na maging katulad ni Jesus, ay naglilibot na gumagawa ng mabuti. Ang ginawa ng mapagmahal na branch president na ito ay hindi bahagi ng listahan ng mga gagawin. Ipinamumuhay lamang niya ang ebanghelyo ayon sa inilarawan sa aklat ni Alma: “Hindi nila itinaboy ang sinumang … gutom, o mga uhaw, o mga may karamdaman, … sila ay naging mapagbigay sa lahat, sa kapwa matanda at bata, … kapwa lalaki at babae.” At, isang punto na dapat nating pansinin, hindi nila itinaboy ang sino man “maging sa labas ng simbahan o sa loob ng simbahan.”

Ang mga taong tinataglay sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo, ay natatanto, tulad ng sinabi ni Joseph Smith na: “Ang isang taong puspos ng pag-ibig ng Diyos, ay hindi kuntentong pamilya lamang niya ang mapagpala, kundi ang buong mundo, sabik na mapagpala ang buong sangkatauhan.”

Ganito namuhay si Jesus. Sa katunayan, napakarami Niyang ginawa kaya hindi ito maisulat lahat ng Kanyang mga disipulo. Itinala ni Apostol Juan: “Marami pa ring ibang mga bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, sa palagay ko, kahit sa sanlibutan mismo ay hindi magkakasiya ang mga aklat na isusulat.”

Sikapin nating sundin ang halimbawa ni Cristo, na gumagawa ng mabuti at may priyoridad sa pagiging habambuhay na disipulo upang sa tuwing nakikipag-ugnayan tayo sa iba, madarama nila ang pagmamahal ng Diyos at ang nagpapatibay na kapangyarihan ng Espiritu Santo. Pagkatapos ay maaari tayong makiisa sa aking lolo sa tuhod at sa milyun-milyong kalalakihan at kababaihan na nagsabi, tulad ng disipulo na si Andres, “Natagpuan na namin ang Mesiyas.”

Sa huli, ang ating identidad ay hindi batay sa pananaw ng mundo. Ngunit ang ating pagkadisipulo ay inilalarawan sa pamamagitan ng mga ordenansang natatanggap natin, ng mga tipang tinutupad natin, at ng pagmamahal na ipinapakita natin sa Diyos at sa ating kapwa sa pamamagitan lamang ng paggawa ng mabuti. Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, tayo ay tunay na mga anak ng Diyos, mga anak ng tipan, mga disipulo ni Jesucristo.

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay buhay at tinubos tayo. Siya ang nagsabing, “Tinawag kita sa … Pangalan; ikaw ay akin.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.