Pangkalahatang Kumperensya
Gawin ang Inyong Bahagi nang Buong Puso
Pangkalahatang kumperensiya ng Oktubre 2025


15:22

Gawin ang Inyong Bahagi nang Buong Puso

Magtiwala sa Tagapagligtas at makibahagi, nang matiyaga at masigasig, sa paggawa ng iyong bahagi nang buong puso.

Noong nakaraang taon sa isang paglalakbay sa Europa, binisita ko ang lugar ng dati kong trabaho, ang Lufthansa German Airlines sa Frankfurt Airport.

Para masanay ang mga piloto nito, nagpapatakbo sila ng ilang sopistikadong full-motion flight simulator na maaaring likhaing muli ang halos anumang normal at emergency flight condition. Sa loob ng maraming taon ko bilang isang airline captain, kinailangan kong makapasa sa isang check flight sa flight simulator kada anim na buwan para mapanatiling may bisa ang lisensiya ko bilang piloto. Lubos kong naaalala ang matitinding sandali ng stress at pagkabalisa ngunit gayundin ang pakiramdam ng tagumpay pagkatapos makapasa sa pagsusulit. Bata pa ako noon at gustong-gusto ng hamon.

Sa aking pagbisita, tinanong ng isa sa mga executive ng Lufthansa kung gusto ko itong subukang muli at minsan pang paliparin ang 747 simulator.

Bago ako nagkaroon ng pagkakataon na lubos na pag-isipan ang tanong, narinig ko ang isang tinig—na ang tunog ay katulad na katulad ng sa akin—na nagsasabing, “Oo, gustung-gusto ko.”

Pagkasabi ko niyon, biglang nag-umapaw ang napakaraming ideya sa isip ko. Napakatagal nang panahon ang lumipas nang huli akong nagpalipad ng 747. Noon ay bata pa ako at isang kapitan na may tiwala sa sarili. Ngayon, mayroon akong reputasyon na dapat patunayan bilang isang dating punong piloto. Ipapahiya ko ba ang sarili ko sa harap ng mga propesyonal na ito?

Ngunit huli na para umatras, kaya naupo ako sa upuan ng kapitan, ipinatong ko ang aking mga kamay sa pamilyar na mga kontrol, at naramdamang muli ang katuwaan ng paglipad habang gumugulong ang malaking jet sa runway at lumipad patungo sa asul na papawirin.

Masaya ako na naging matagumpay ang paglipad, nanatiling buo ang eroplano, at gayundin ang reputasyon ko.

Gayunpaman, nakapagpakumbaba sa akin ang karanasan. Noong malakas pa ako, halos pamilyar na pamilyar na sa akin ang paglipad. Ngayon kinailangan kong tumutok nang husto para magawa ang mga simpleng bagay.

Kailangan ng Disiplina sa Pagkadisipulo

Ang karanasan ko sa flight simulator ay isang mahalagang paalala na ang pagiging mahusay sa anumang bagay—sa paglipad man, pagsagwan, pagtatanim, o pag-alam—ay nangangailangan ng palagiang disiplina sa sarili at pagsasanay.

Maaari kayong gumugol ng mga taon sa pagtatamo ng galing o pagkakaroon ng isang talento. Maaari kayong magsikap nang husto para maging pamilyar na pamilyar kayo rito. Ngunit kung sa tingin ninyo ay nangangahulugan ito na maaari kayong huminto sa pagsasanay at pag-aaral, unti-unting mawawala sa inyo ang dati ninyong kaalaman at kakayahan na dati ninyong tinamo sa malaking halaga.

Angkop ito sa mga galing na tulad ng pag-aaral ng isang wika, pagtugtog ng isang instrumentong musikal, at pagpapalipad ng isang eroplano. Angkop din ito sa pagiging disipulo ni Cristo.

Sa madaling salita, kailangan ng disiplina sa pagkadisipulo.

Hindi ito kaswal na pagsisikap, at hindi ito nangyayari nang hindi sinasadya.

Ang pananampalataya kay Jesucristo ay isang kaloob, ngunit ang pagtatamo nito ay isang sadyang pagpapasiya na nangangailangan ng paglalaan ng ating buong “kakayahan, pag-iisip at lakas.” Pinagsisikapan ito araw-araw. Oras-oras. Nangangailangan ito ng patuloy na pag-aaral at determinadong paglalaan. Ang ating pananampalataya, na ating katapatan sa Tagapagligtas, ay nagiging mas matibay kapag sinubok ito laban sa oposisyon na kinakaharap natin dito sa mortalidad. Nagtatagal ito dahil patuloy natin itong inaalagaan, aktibo natin itong isinasabuhay, at hindi tayo sumusuko kailanman.

Sa kabilang banda, kung hindi natin gagamitin ang pananampalataya at ang kapangyarihan nitong makapagpaniwala sa pamamagitan ng pagkilos ayon sa mga ito, nababawasan ang ating katiyakan sa mga bagay na dati nating itinuring na sagrado—nababawasan ang tiwala natin sa mga bagay na alam nating totoo.

Ang mga tuksong hindi kailanman naging kaakit-akit sa atin ay nagsisimulang magmukhang di-gaanong nakakatakot at nagiging mas kaakit-akit.

Ang alab ng dating patotoo ay pansamantala lamang na magpapainit sa ating pananampalataya. Kailangan nito ang patuloy na pangangalaga upang patuloy itong mag-alab.

Sa Bagong Tipan, nagturo ang Tagapagligtas ng isang talinghaga tungkol sa isang panginoon na nagbigay sa bawat isa sa kanyang mga alipin ng isang sagradong pagtitiwala—kabuuan ng pera na tinatawag na mga talento. Ang mga alipin na masigasig na ginamit ang kanilang mga talento ay pinarami ang mga ito. Ang alipin na nagbaon ng kanyang talento ay nawalan nito kalaunan.

Ang aral? Binibigyan tayo ng Diyos ng mga kaloob—ng kaalaman, ng kakayahan, ng oportunidad—at nais Niyang gamitin at dagdagan natin ang mga ito upang mapagpala tayo nito at ang iba pa Niyang mga anak. Hindi mangyayari iyon kung ilalagay natin ang mga kaloob na iyon sa isang istante na parang tropeong hinahangaan natin paminsan-minsan. Ang ating mga kaloob ay lumalaki at dumarami lamang kapag ginamit natin ang mga ito.

Ikaw ay Pinagkalooban

“Ngunit Elder Uchtdorf,” maaari ninyong sabihin, “wala akong anumang mga kaloob o talento—walang gayon kahalaga.” Marahil ay tumitingin kayo sa iba na ang mga kaloob ay malinaw at kahanga-hanga at pakiramdam ninyo ay medyo ordinaryo kayo kung ihahambing. Maaari ninyong ipalagay na sa premortal na buhay, sa araw na nagbuhos ng dakilang kaloob at talento, tila kakaunti ang nasalo ninyo—lalo na kung ikukumpara sa mga nasalo ng iba.

Sana’y mayakap ko kayo at maipaunawa ko sa inyo ang dakilang katotohanang ito: Kayo ay pinagpalang nilalang ng liwanag, isang espiritung anak ng Diyos na walang hanggan! At may potensiyal sa inyong kalooban na higit pa sa inyong kakayahan na hindi ninyo kayang wariin.

Tulad ng nabanggit ng mga makata, kayo ay naparito sa lupa na “may dalang kaluwalhatian mula sa langit”!

Banal ang inyong pinagmulan, at gayon din ang inyong kapalaran. Iniwan ninyo ang langit para pumarito, ngunit hindi kayo iniwan ng langit kailanman!

Hindi kayo pangkaraniwan.

Kayo ay may kaloob!

Sa Doktrina at mga Tipan, ipinahayag ng Diyos:

“Maraming kaloob, at sa bawat tao ay ipinagkaloob ang isang kaloob sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos.

“Sa ilan ay ipinagkaloob ang isa, at sa ilan ay ipinagkaloob ang iba, [at] ang lahat ay makinabang sa gayong paraan.”

Ang ilan sa ating mga kaloob ay nakalista sa mga banal na kasulatan. Marami ang hindi.

Tulad ng sinabi ni propetang si Moroni, “Huwag ninyong itatatwa ang mga kaloob ng Diyos, sapagkat ang mga yaon ay marami; at ang mga yaon ay nanggagaling sa yaon ding Diyos.” Maaaring magpakita ang mga ito sa “maraming iba’t ibang paraan … ; ngunit ng yaon ding Diyos na siyang gumagawa ng lahat-lahat.”

Maaaring totoo na ang ating mga espirituwal na kaloob ay hindi laging kapansin-pansin, ngunit hindi iyan nangangahulugan na hindi mahalaga ang mga ito. Maaari ko bang ibahagi sa inyo ang ilang espirituwal na kaloob na napansin ko sa maraming mga miyembro sa buong mundo? Pag-isipan kung nabiyayaan kayo ng isa o higit pang mga kaloob tulad ng:

  • Pagpapakita ng habag.

  • Pagpansin sa mga taong nakakaligtaan.

  • Paghahanap ng mga dahilan para magalak.

  • Pagiging tagapamayapa.

  • Pagpansin sa maliliit na himala.

  • Pagbibigay ng mga taos na papuri.

  • Pagpapatawad.

  • Pagsisisi.

  • Pagtitiis.

  • Pagpapaliwanag ng mga bagay nang simple.

  • Pakikipag-ugnayan sa mga bata.

  • Pagsang-ayon sa mga pinuno ng Simbahan.

  • Pagtulong sa iba na malaman na sila ay kabilang.

Maaaring hindi ninyo makita ang mga kaloob na ito sa ward talent show. Ngunit sana ay makita ninyo kung gaano sila kahalaga sa gawain ng Panginoon at kung paano ninyo naaantig, napagpapala, o naililigtas pa nga ang isang anak ng Diyos sa pamamagitan ng inyong mga kaloob. Tandaan: “Sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay.”

Kaya gawin natin ang ating maliliit na bahagi.

Gawin ang Inyong Maliit na Bahagi

Mahal kong mga kapatid, mahal na mga kaibigan, dalangin ko na tulungan kayo ng Espiritu na makita ang mga kaloob at talentong ipinagkaloob sa inyo ng Diyos. Tulad ng matatapat na lingkod sa talinghaga ng Panginoon, nawa’y paramihin at gamitin natin ang mga iyon.

Darating ang araw na haharap tayo sa ating mahabaging Ama sa Langit upang magsalaysay tungkol sa ating pangangasiwa. Nanaisin Niyang malaman kung ano ang ginawa natin sa mga kaloob na ibinigay Niya sa atin—lalo na, kung paano natin ginamit ang mga ito para mapagpala ang Kanyang mga anak. Alam ng Diyos kung sino tayo talaga, kung ano ang nakaplanong kahinatnan natin, kaya nga malaki ang Kanyang mga inaasahan para sa atin.

Ngunit hindi Niya tayo inaasahang gumawa ng malaki, magiting, o hindi pangkaraniwang hakbang para makarating doon. Sa mundong Kanyang nilikha, ang paglago ay nangyayari nang paunti-unti at may tiyaga—ngunit tuluy-tuloy rin at walang humpay.

Tandaan, si Jesucristo na ang gumawa ng hindi pangkaraniwang bahagi nang magapi Niya ang kamatayan at kasalanan.

Ang ating gagawin ay sundan si Cristo. Gawain natin ang tumalikod sa kasalanan, bumaling sa Tagapagligtas, at lumakad sa Kanyang daan, sa paisa-isang hakbang. Kapag ginawa natin ito, nang masigasig at tapat, sa huli ay matatanggal natin ang mga tanikala ng mga kamalian at kasalanan at unti-unti tayong magiging dalisay, hanggang sa sumapit ang sakdal na araw na magiging ganap tayo kay Cristo.

Maaaring matamo ang mga pagpapala. Nakalatag na ang mga pangako. Nakabukas nang husto ang pinto. Tayo ang magpapasiyang pumasok at magsimula.

Ang simula ay maaaring maliit. Pero OK lang iyon.

Kapag mahina ang pananampalataya, mag-umpisa nang may pag-asa kay Cristo Jesus at sa Kanyang kapangyarihang maglinis at magpadalisay.

Hinihiling ng ating Ama na harapin natin ang hamon na ito sa pananampalataya at pagkadisipulo hindi bilang mga kaswal na turista kundi bilang matatapat na mananampalataya na nilisan at tumalikod sa Babilonia at nagsisikap na maging mas banal ang kanilang mga puso, isipan, at kilos.

Alam namin na hindi tayo magagawang selestiyal ng mga pagsisikap lamang natin. Ngunit magagawa tayo ng mga ito na tapat at nakatuon kay Jesus ang Cristo, at maaari Niya tayong gawing selestiyal.

Dahil sa ating minamahal na Tagapagligtas, lagi tayong mananalo. Kung tayo ay aasa at mananampalataya sa Kanya, tiyak ang ating tagumpay. Nangako Siya na matatanggap natin ang Kanyang lakas, Kanyang kapangyarihan, Kanyang saganang biyaya. Sa paisa-isang hakbang, paunti-unti, mas mapapalapit tayo sa dakila at sakdal na araw na iyon kung kailan makakapiling natin Siya at ang ating mga mahal sa buhay sa walang-hanggang kaluwalhatian.

Upang makarating doon, kailangan nating gawin ang ating bahagi ngayon at araw-araw. Nagpapasalamat tayo sa mga hakbang na ginawa natin kahapon, ngunit hindi tayo titigil doon. Alam natin na malayo pa ang ating lalakbayin, ngunit hindi natin hahayaang pahinain niyan ang ating loob.

Iyan ang diwa ng ating tunay na pagkatao—bilang mga disipulo ni Cristo.

Hinihimok at binabasbasan ko ang bawat miyembro ng Simbahan, at ang lahat ng nagnanais na maging bahagi nito, na magtiwala sa Tagapagligtas at makibahagi, nang matiyaga at masigasig, sa paggawa ng inyong bahagi nang buong puso—upang ang inyong kagalakan ay maging lubos at na, balang araw, matanggap ninyo ang lahat ng mayroon ang Ama. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Ang mga kapitan ng eroplano ay kinakailangang sumailalim sa isang simulator check flight kada anim na buwan upang mapanatili ang kanilang galing at ma-renew ang kanilang lisensya. Ang mahigpit na training na ito ay isang regulasyong kinakailangan na itinakda ng mga awtoridad sa aviation tulad ng FAA.

  2. Tingnan sa 1 Corinto 12:9.

  3. Moroni 10:32.

  4. “Kung paanong ang ating pisikal na kalamnan ay hindi maaaring lumaki o mapanatili nang hindi lumalaban sa batas ng gravity, gayundin sa mortal na pag-unlad ay kailangang paglabanan natin ang mga tukso ni Satanas at iba pang pagsalungat” (Dallin H. Oaks, “Mga Banal na Tulong para sa Mortalidad,” Liahona, Mayo 2025, 104).

  5. Tingnan sa Alma 32:37–43.

  6. Tingnan sa Mateo 25:14–30. Noong mga unang araw ng Pagpapanumbalik, tinukoy ng Panginoon ang talinghagang ito nang pagsabihan Niya ang mga nagtago ng mga talentong ibinigay Niya sa kanila. Binalaan pa Niya sila na kung patuloy nilang ibabaon ang kanilang talento “ito ay kukunin, maging ang mga nasa kanila na” (Doktrina at mga Tipan 60:2–3).

  7. Kung minsan ay labis nating binibigyang-diin ang kahalagahan ng mga kaloob at talento sa kabila ng patuloy na pagsisikap. Isinulat ng isa sa pinakamatatagumpay na awtor ng ating panahon: “Siyempre may kasamang kaunting talento, ngunit ang talento ay napakadaling matamo, mas mura pa kaysa sa asin. Ang naghihiwalay sa taong may talento mula sa isang taong matagumpay ay ang malaking pagsisikap at pag-aaral; isang patuloy na proseso ng paghahasa” (Stephen King, Danse Macabre [2011], 88).

  8. “Ode: Intimations of Immortality from Recollections of Early Childhood,” The Complete Poetical Works of William Wordsworth (1835), 249.

  9. Doktrina at mga Tipan 46:11–12.

  10. Moroni 10:8.

  11. Ilang taon na ang nakalilipas, nagbigay ng mahalagang mensahe si Elder Marvin J. Ashton ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa ilan sa mga kaloob na di-gaanong pansinin; (tingnan sa “There Are Many Gifts,” Ensign, Nob. 1987, 20–23.

  12. Alma 37:6.

  13. Tingnan sa Colosas 3:23;; Doktrina at mga Tipan 64:34.

  14. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 50:24.

  15. Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Kalayaang Pumili.”

  16. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:38.