Pangkalahatang Kumperensya
Si Jesucristo at ang Iyong Bagong Simula
Pangkalahatang kumperensiya ng Oktubre 2025


14:20

Si Jesucristo at ang Iyong Bagong Simula

Lahat tayo ay maaaring magkaroon ng bagong simula sa pamamagitan ni, at dahil kay, Jesucristo. Kahit ikaw.

Hindi Sapat na Pahayag sa Banal na Kasulatan: Si Jesus ay Naglibot na Gumagawa ng Mabuti

Si Jesus ay “naglibot … na gumagawa ng mabuti.” Mababasa natin ang simpleng tala na ito sa aklat ng Mga Gawa. Talaga namang hindi sapat ang pahayag na ito! Tiyak na si Jesus ay naglibot na gumagawa ng mabuti! Siya ang pinakadiwa—at pinagmumulan—ng kabutihan! Inilaan Niya ang Kanyang buong mortal na buhay sa paggawa ng mabuti. Siya ay “puspos ng kahabagan at mapagpala, hindi magagalitin, at sagana,” sa wagas na kabutihan at walang katapusang awa.

Ang anumang pagtatangka na ilarawan o ibuod ang Kanyang kabutihan at awa ay kulang pa rin! Tunay ngang tulad ng sinikap ipahayag ni Apostol Juan, kung susubukan nating itala ang bawat sandali at pagpapakita ng kabutihan ng Tagapagligtas, “kahit sa sanlibutan mismo ay hindi magkakasiya ang mga aklat na isusulat.”

Binibigyan ni Jesucristo ang Bawat Isa sa Atin ng Isang Bagong Simula

Ang partikular na halimbawang nakatala sa banal na kasulatan kung kailan si Jesus ay naglibot na “gumagawa ng mabuti” ay tunay na nakamamangha, lalo na kung talagang iisipin natin kung ano kaya ang mararanasan at madarama natin kung naroon tayo mismo, para masaksihan ang Kanyang mga himala, na matanggap ang Kanyang mga turo, at maranasan ang Kanyang pagpapagaling. Nakipag-usap Siya sa mga itinakwil ng lipunan, hinawakan Niya ang mga maysakit at hindi malinis, pinanatag Niya ang napapagod, nagturo Siya ng nakapagpapalayang katotohanan, at inanyayahan Niya na magsisi ang mga makasalanan. Sa bawat ketongin, sa lalaking bulag, at sa babaeng nangalunya; sa lumpo, bingi, at pipi; sa bawat nagdadalamhating ina, nagmamakaawang ama, at nagluluksang balo; sa hinusgahan, ipinahiya, at nagdurusa; sa patay sa katawan at patay sa espiritu, ang ginawa Niya ay nagbigay ng bagong simula. Oo, talagang hindi sapat ang ginamit na mga salita para ilarawan ang lahat ng ito!

Lahat ng Kanyang sinabi at ginawa ay nagbigay ng bagong simula para sa bawat isa sa Kanyang pinagaling, binasbasan, tinuruan, at pinalaya mula sa kasalanan. Hindi Niya sila iniwan, at tiyak na hindi Niya kayo iiwan. Isipin ninyo na naririnig ninyo ngayon ang alinman sa mga nagbibigay-buhay na mga salitang ito mula mismo sa Kanya:

“Anak, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”

“Munting batang babae, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka.”

“Maging malinis ka.”

“Hindi rin kita hinahatulan. Humayo ka na at mula ngayo’y huwag ka nang magkasala.”

“Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya, humayo kang payapa.”

Ang mga salita ng Tagapagligtas sa mga taong ito ay maikli lamang, ngunit sa mga salitang iyon ay inilarawan Niya ang kapangyarihan Niya na magpatawad, magpagaling, magpanumbalik, magbigay ng kapayapaan, at buhay na walang hanggan. At ang maluwalhating balita ay ibinibigay Niya ang gayunding bagong simula sa inyo at sa akin. Lahat tayo ay maaaring magkaroon ng bagong simula sa pamamagitan ni, at dahil kay, Jesucristo. Kasama rin kayo. Ang mga bagong simula ay nasa sentro ng plano ng Ama para sa Kanyang mga anak. Ito ang simbahan ng mga bagong simula! Ito ang simbahan ng mga bagong buhay!

Ito ang Simbahan ng mga Bagong Simula

Sa binyag sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, tayo ay “[ipinanganak] na muli” at “makakalakad sa panibagong buhay.” Gaano kalaking pag-asa ang dala ng bagong simulaing iyon sa isang taong nahahadlangan ang pag-unlad dahil sa bigat ng kasalanan o pagdurusa sa mga epekto ng magulong buhay at problemadong mga relasyon? Hindi kinailangan ni Jesus ng kapatawaran ng kasalanan o ng isang bagong simula sa buhay, ngunit Siya mismo ay nagpabinyag, para malinaw na maipakita sa atin ang daan tungo sa bagong simula na inihanda Niya para sa bawat isa sa atin.

At ang inyong bagong simula ay hindi nangyayari nang minsan lang. Madalas nating naiisip na ang ating binyag ang nag-iisang pagkakataon natin para sa isang bagong simula. Hindi ito ganoon. Hindi lamang iisa ang pagkakataong ibinigay sa atin. Ang mga bagong simulang ito ay maaaring mangyari sa bawat araw! At tiyak na nangyayari ito linggu-linggo habang kumakain tayo ng maliit na piraso ng tinapay at umiinom ng tubig sa maliit na baso bilang pag-alaala sa kaloob ng ating perpektong Tagapagligtas, na namatay para lamang maibigay sa atin ang maraming bagong simula na kailangan natin! Ibinibigay sa atin ni Jesus ang maraming bagong simula na kailangan natin.

Sa pamamagitan ng katapatan at pagtitiyagang magkaroon ng bagong buhay kay Cristo, tayo ay maaaring maging mga “bagong nilalang,” kung saan iiwan natin ang dati nating buhay at gagawing bago ang lahat. Anong kaginhawahan ang hatid ng bagong umagang iyon sa isang kaluluwang patuloy na nagsisikap, sa pamamagitan ng patuloy na pagpiling manampalataya sa kapangyarihan ng ating Manunubos na magpagaling at magpanumbalik, sa kabila ng mahihirap na balakid na bunga ng paninirahan sa isang mundong puno ng kasalanan? Hindi tumalikod ang Tagapagligtas sa Kanyang pangakong tutuparin ang kaloob ng Ama at kukumpletuhin ang Kanyang banal na misyong magbayad-sala, sa kabila ng matinding sakit na naging dahilan para Siya ay manginig, labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, magdusa sa katawan at espiritu, at manalangin na alisin ang mapait na saro. Muli, ipinakita Niya sa atin kung ano ang kahulugan ng pagiging matapat sa Diyos.

Sa bawat tipan na ginagawa natin at sa bawat pagsisikap natin para tuparin ito, makatatanggap tayo ng “bagong puso” at ganap na “bagong espiritu.” Habang higit nating inaanyayahan ang Kanyang kabutihan sa ating puso at iwinawaksi ang mapanirang mga tinig sa ating isipan, unti-unti tayong nagiging Kanyang mga tao dahil pinipili natin na Siya ang maging Diyos natin. Lubos na nais ni Jesus na maging ating Hari at Pastol at Prinsipe ng Kapayapaan, at kaya nating piliin na maging gayon Siya sa ating puso at isipan.

Isang Bagong Simula sa Kung Paano Natin Tinitingnan ang Pagsisisi

Ang pagsisisi ang nagbubukas ng pinto ng ating mga bagong simula, bagong buhay, at mga pangalawang pagkakataon. Binigyang-linaw ng mga turo ng ating pinakamamahal na Pangulong Russell M. Nelson ang maling pagkaunawa tungkol sa banal na kaloob na pagpapatawad, at sa palagay ko ay unti-unti na natin itong nauunawaan.

Nakatutuwang marinig ang ating mga kabataan na inilalarawan ang ibig sabihin sa kanila ng pagsisisi. Kamakailan ay narinig kong sinabi ng isang kabataang babae, nang may ngiti sa kanyang mukha, “Kapag naiisip ko ang pagsisisi, nakadarama ako ng lubos na kagalakan at pag-asa. Nadarama ko ang pagmamahal at kaligayahan ng aking Ama sa Langit at ng aking Tagapagligtas. Hindi ako natatakot na lumapit sa Ama sa Langit sa panalangin at humingi ng tulong sa Kanya para sa anumang bagay na kinakaharap ko. Alam ko na hindi Sila nakabantay para mahuli akong gumagawa ng mali. Palaging nakabukas ang kanilang mga bisig. Ito ang pagsisisi para sa akin,” sabi niya. Nauunawaan ng kabataang babae na ito na dahil kay Jesucristo, siya ay maaaring magkaroon ng bagong simula!

Palaging May Bagong Simula para sa Lahat

Kailangan ba ninyo ng isang bagong simula? Kaya ba ninyong magsimulang muli? Isipin ang mga taong pinaglingkuran ng Tagapagligtas—ang mga taong Kanyang tinuruan, pinagaling, binuhay, pinatawad, at ipinanumbalik. Pinili ba Niya sila batay sa kanilang kayamanan o pinagmulan? Pinipili ba Niya kung ang mga taong paglilingkuran Niya ay mabuti o masama? Nagtatangi ba Siya ng mga tao dahil sila ay mas karapat-dapat o mas kaibig-ibig? Hindi.

Ang ilan ay lumapit sa Kanya nang may malaking pananampalataya, naniniwala sa Kanyang kapangyarihan na magpagaling—tulad ng babae na inaagasan ng dugo, ang Romanong senturion na ang tagasilbi ay malapit nang mamatay, ang ketongin, si Jairo, o ang bulag na si Bartimeo. Ginamit nila ang kanilang pananampalataya, umaasa na kayang baguhin ng kabutihan at kapangyarihan ng rabbi mula sa Nazaret ang kanilang buhay at hinaharap. At ginawa nga Niya iyon. Ginamit Niya nang lubos ang Kanyang kapangyarihang magpagaling.

Ngunit binasbasan din ni Jesus ang mga taong nanghihina ang pananampalataya, tulad ng ama ng batang may sakit na tumangis, na marahil ay tulad ninyo, “[Panginoon,] nananampalataya ako; tulungan mo ang kawalan ko ng pananampalataya!” At ibinuhos pa Niya ang Kanyang habag sa mga taong hindi naghanap sa Kanya, tulad ng babaeng nahuli sa pangangalunya, ang balo ng Nain, ang lalaking may kapansanan sa tabi ng tipunan ng tubig sa Bet-zatha, at ang lalaking ipinanganak na bulag. Nadama na ba ninyo na Siya ay naglibot na gumagawa ng mabuti sa inyong buhay noong hindi ninyo Siya hinahanap o hindi ninyo Siya sinusunod?

Sa bawat isa sa mga taong ito sa banal na kasulatan, at sa lahat ng makikinig at tutugon, Siya ay nagbigay ng bagong simula, ito man ay bagong buhay na napatawad sa kasalanan, o bagong buhay na napagaling mula sa karamdaman, o bagong buhay na ibinangon mula sa kamatayan.

Ano ang ibig sabihin nito para sa inyo at para sa akin? Ang Kanyang kabutihan at awa at mapagmahal na kabaitan ay walang hangganan. Ang mga bagong simula ay nasa sentro ng plano ng Ama! Ang mga bagong simula ang misyon ng Anak! Ang mga bagong umaga, bagong kabanata, at bagong pagkakataon ang pinakasentro ng magandang balita ng ebanghelyo!

Napakalayo ba ninyo mula sa inyong mga tipan para makatanggap ng bagong simula? Hindi. Napakaraming beses na ba ninyong nagawa ang isang bagay para mabigyan pa kayo ng isa pang pagkakataon? Hindi. Napakalayo na ba ninyo kay Cristo para matulungan Niya kayong sumulat ng bagong kuwento ng buhay ninyo simula ngayon? Hindi. Ang kaaway lamang ang nakikinabang mula sa ideya na wala na kayong pag-asa. Maaari kayong matubos.

At ang mga bagong simula ay hindi lamang para sa ating mga kasalanan at pagkakamali. Sa pamamagitan ng kabutihan at tulong ng Tagapagligtas, maaari tayong magkaroon ng panibagong simula na magpapabago sa mga lumang mentalidad, masasamang gawi, pagkamainitin ng ulo, negatibong saloobin, pakiramdam na walang kakayahan, at tendensiya na sisihin ang iba at pag-iwas sa personal na responsibilidad. Talagang kaya ninyong baguhin ang mga bagay sa inyong sarili na nagiging pabigat sa inyo sa loob ng maraming taon. Maaari kayong magsimulang muli sa pamamagitan ng lakas ng Panginoon ng mga bagong simulain. Hindi Siya napapagod na bigyan tayo ng bagong simula.

Sa mga paulit-ulit na nahihirapan sa parehong kasalanan o problema, magpatuloy lang kayo. Hindi Niya kayo hinahadlangan. Hindi Niya nililimitahan ang pagbibigay sa inyo ng pangalawang pagkakataon. Magpatuloy lang kayo. Patuloy na magsikap. Humingi ng tulong sa mga nakapalibot sa inyo. At magtiwala sa bagong simula na nariyan para sa inyo tuwing babaling kayo sa inyong Ama nang taos-puso! Talikuran na ang sadyang paggawa ng kasalanan, kaswal na pag-uulit nito, at mapagmataas na pagsuway. Hindi ninyo kailangang mamuhay sa inyong nakaraan. Yakapin ang inyong panibagong simula, ang inyong pangalawa o pangatlo o pang-apat—o pang-ilang daang—pagkakataon, na ibinigay sa inyo sa pamamagitan ng nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo.

Hindi mailarawan ang pasasalamat ko para sa mga bagong simula na ibinigay sa akin at para sa mga iaalok pa sa akin.

Katapusan

Binigkas ng ating Tagapagligtas ang isang huling simpleng pahayag na kung wala ito ay wala tayong dahilan para umasa o magalak ngayon. Pagkatapos ng pagdurusa sa Getsemani at sa pagtatapos ng paghihirap sa krus, sinabi lamang Niya, “Natupad na.” Ang propesiya tungkol sa Mesiyas ay natupad na, at ang buong kabayaran sa utang ng kasalanan at pagdurusa ng sangkatauhan ay nabayaran na. Ipinahayag Niya na “natupad na” ang Kanyang walang katapusan at walang hanggang sakripisyo. Gayunman, hindi makukumpleto ang Kanyang Pagbabayad-sala hanggang sa maranasan Niya mismo ang bagong buhay sa ikatlong araw, ang bagong simula bilang niluwalhati at nabuhay na muling nilalang dahil sa kapangyarihan ng Ama.

Dahil palagi Niyang ginagawa ang mga bagay na nakalulugod sa Kanyang Ama, at dahil “binata [Niya] ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay,” kayo at ako ay maaaring magkaroon ng mga bagong simula. Mangyaring tanggapin ninyo ang inyong bagong simula ngayon, sa oras na ito mismo. Si Jesucristo ang Nagtatag at Nagpasakdal ng ating pananampalataya, na nagbibigay sa atin ng hindi mabilang na bagong simula. Siya ang Simula at ang Wakas—ang katapusan ng ating kahihiyan at pagdurusa, at ang simula ng bagong buhay sa Kanya, tinutulungan tayong tanggapin ang Kanyang biyaya, iwanan ang nakaraan at muling magsimula sa isang bagong umaga ilang beses man natin kailanganin ito. Tunay ngang ang Kanyang “kabutihan at kaawaan ay susunod sa [atin] sa lahat ng mga araw ng [ating] buhay.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Mga Gawa 10:38; tingnan din sa “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Gospel Library.

  2. Tingnan sa Moroni 7:12–13.

  3. Tingnan sa Exodo 34:5–7.

  4. Juan 21:25.

  5. Marcos 2:5.

  6. Marcos 5:41.

  7. Mateo 8:3.

  8. Juan 8:11.

  9. Lucas 8:48.

  10. Tingnan sa Shayne M. Bowen, “Sapagkat Ako’y Nabubuhay, ay Mangabubuhay Rin Naman Kayo,” Liahona, Nob. 2012, 15–17.

  11. Juan 3:3; Mosias 27:25.

  12. Roma 6:4.

  13. Moroni 6:8.

  14. 2 Corinto 5:17.

  15. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:16–19.

  16. Tingnan sa Ezekiel 36:26–28.

  17. “Ang ating pananampalataya kay Cristo at ang ating pagmamahal sa Kanya ang umaakay sa atin na magsisi, o baguhin ang ating mga kaisipan, paniniwala, at pag-uugali na hindi tugma sa Kanyang kalooban. Kasama sa pagsisisi ang pagkakaroon ng bagong pagkaunawa tungkol sa Diyos, sa ating sarili, at sa daigdig” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero [2004], 69).

    “Ang doktrina ng pagsisisi ay mas malawak kaysa sa kahulugan nito sa diksyunaryo. Nang sabihin ni Jesus na ‘magsisi,’ itinala ng Kanyang mga disipulo ang utos na iyon sa wikang Griyego gamit ang pandiwang metanoeo. Malalim ang kahulugan ng makapangyarihang salitang ito. Sa salitang ito, ang ibig sabihin ng unlaping meta ay ‘magbago.’ Ang unlapi ay nauugnay sa apat na mahahalagang salitang Griyego: nous, na ibig sabihin ‘ang isipan’; gnosis, na ibig sabihin ay ‘kaalaman’; pneuma, na ibig sabihin ay ‘espiritu’; at pnoe, na ibig sabihin ay ‘hininga’” (Russell M. Nelson, “Pagsisisi at Pagbabalik-loob,” Liahona, Mayo 2007, 103).

    “Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan. Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

    “… Danasin ang nagpapalakas na kapangyarihan ng araw-araw na pagsisisi—ng paggawa at pagiging mas mabuti sa bawat araw.

    “Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating magbago! Tinutulutan natin ang Tagapagligtas na baguhin tayo at gawin tayong pinakamabuting bersyon ng ating sarili. Pinipili nating umunlad sa espirituwal at magkaroon ng kagalakan—ang kagalakan na matubos Niya. Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating maging higit na katulad ni Jesucristo!” (Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67).

    “Tuklasin ang galak na dulot ng araw-araw na pagsisisi.

    “Gaano kahalaga ang pagsisisi? Itinuro ni Alma na ‘wala [tayong] dapat ipangaral maliban sa pagsisisi at pananampalataya sa Panginoon’ [Mosias 18:20]. Ang pagsisisi ay kailangan ng bawat taong may pananagutan na naghahangad ng walang-hanggang kaluwalhatian. Walang mga eksepsiyon. …

    “Ang paglakad sa landas ng tipan, na sinasamahan ng araw-araw na pagsisisi, ang nagpapaningas sa positibong espirituwal na momentum” (Russell M. Nelson, “Ang Kapangyarihan ng Espirituwal na Momentum,” Liahona, Mayo 2022, 98–99).

  18. Tingnan sa Marcos 5:25–34.

  19. Tingnan sa Mateo 8:5–13.

  20. Tingnan sa Mateo 8:1–4.

  21. Tingnan sa Marcos 5:22–43.

  22. Tingnan sa Marcos 10:46–52.

  23. Tingnan sa Marcos 9:17–27.

  24. Tingnan sa Juan 8:3–11.

  25. Tingnan sa Lucas 7:12–15.

  26. Tingnan sa Juan 5:1–9.

  27. Tingnan sa Juan 9:1–7.

  28. Juan 19:30.

  29. Tingnan sa Alma 34:14–16.

    “Noong sinabi ng Tagapagligtas, ‘Natupad na,’ tinukoy niya ang kanyang mortal na karanasan, sapagkat ang pagkapako sa kanya krus ay tanda lamang ng isang mahalagang yugto sa kanyang napakalawak na kapangyarihan” (Spencer W. Kimball, sa Conference Report, Abr. 1946, 49).

    “Hindi tinapos ng Tagapagligtas ang kanyang gawain nang mamatay siya sa krus, nang isigaw niyang, ‘Natupad na.’ Siya, sa paggamit ng mga salitang iyon, ay hindi tinukoy ang kanyang dakilang misyon sa lupa, kundi tanging ang mga tiniis niyang pagdurusa” (Joseph F. Smith, Gospel Doctrine, 5th ed. [1939], 449–50).

  30. Tingnan sa Juan 8:29.

  31. 3 Nephi 11:11.

  32. Mga Awit 23:6.