Kayo’y Makipagkasundo sa Diyos
Ang pakikipagkasundo sa Diyos, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ay humahantong sa hindi natitinag na pananampalataya.
Habang pinag-aaralan ko ang mga banal na kasulatan, nabasa ko ang mga salitang talagang nakatawag ng aking pansin, lalo na dahil may espesyal na kahulugan ang mga ito na resulta ng aking mga karanasan sa buhay. Ginugol ko ang aking propesyon sa pagtatrabaho bilang forensic accountant. Sa background na iyon, natawag ang aking pansin ng salitang makipagkasundo habang binabasa ko ang mga banal na kasulatan. Ang trabaho ko ay pagtugmain ang mga iniulat na halaga sa mga pinansiyal na rekord sa pamamagitan ng paggamit ng mga skill sa accounting, auditing, at pag-iimbestiga. Sa madaling salita, ang aking mithiin ay iayon ang mga pinansiyal na rekord sa mga batayang pinansiyal na dokumento upang matiyak na tumpak at balido ang mga ito. Masigasig akong nagsikap na lutasin ang mga pagkakaiba, at karaniwan na maraming oras ang inilaan sa paglutas maging ng maliliit na pagkakaiba.
Sumamo si Apostol Pablo sa mga taga-Corinto na sila ay “makipagkasundo sa Diyos.” Ang ibig sabihin ng makipagkasundo sa Diyos ay muling maging kaisa ng Diyos, o ibalik ang ugnayan sa Diyos na nalamatan o nasira dahil sa ating mga kasalanan o kilos. Sa madaling salita, ang pakikipagkasundo sa Diyos ay pag-ayon ng ating kalooban at mga kilos sa kalooban ng Diyos o, tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, hayaang manaig ang Diyos sa ating buhay.
Tulad ng itinuro sa mga banal na kasulatan, tayo ay malayang makakikilos para sa ating sarili, “ang piliin ang daan ng walang hanggang kamatayan o ang daan ng buhay na walang hanggan.” Pero kung hindi tayo masigasig, ang kalayaang ito na kumilos para sa ating sarili ay maaaring humantong sa hindi natin pag-ayon sa kalooban ng Diyos.
Itinuro ni propetang Jacob na kapag nakikita natin na tayo ay hindi kaisa ng o hindi nakaayon sa Diyos, ang tanging paraan para makamit natin ang pagkakasundo ay “makipagkasundo sa [Diyos] sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo.” Dapat nating maunawaan na ang pakikipagkasundo ay nakasalalay sa awa, ipinapahiwatig na ginagawa itong posible ng maawaing pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Habang pinagninilayan ang inyong sariling buhay, mag-isip ng pagkakataon na nadama ninyong malayo kayo sa Ama sa Langit dahil lumayo kayo sa Kanya. Halimbawa, marahil ay hindi kayo gaanong naging masigasig sa inyong mga panalangin sa Kanya o sa pagsunod sa Kanyang mga kautusan. Tulad ng pagpili nating ilayo ang ating sarili sa Diyos, kailangan nating piliing simulan ang pagsisikap na makipagkasundo. Binigyang-diin ng Panginoon ang ating responsibilidad nang sabihin Niyang, “Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan; humingi, at kayo ay makatatanggap; magsituktok kayo, at kayo ay pagbubuksan.”
Paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na maipanumbalik sa mahalagang ugnayang ito at maging nakaayon dito? Para sa akin, umuunlad ako nang husto sa pagsisikap ko na makipagkasundo sa Diyos kapag sinusunod ko ang payo ni Pangulong Nelson at nagsisisi araw-araw. Iyan ay dahil ang pakikipagkasundo ay nagpapahiwatig ng panunumbalik ng isang nasirang ugnayan, lalo na sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan, sa pamamagitan ng pag-aalis sa harang ng kasalanan.
Ang isa sa mga dakilang pakikipagkasundo na mababasa natin sa mga banal na kasulatan ay ang kay Enos. May isang bagay sa kanyang buhay na hindi nakaayon sa Diyos. Ipinakita niya ang pag-asa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo upang makipagkasundo sa Diyos. Ipinaliwanag niya ang kanyang hangaring magsisi, kanyang pagpapakumbaba, kanyang pokus, at kanyang determinasyon. Pinagtibay ang kanyang pakikipagkasundo sa Diyos nang marinig niya ang isang tinig, na nagsasabing, “Enos, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, at ikaw ay pagpapalain.” Natanto ni Enos ang epekto sa kanya ng pagsisisi at pakikipagkasundo nang sabihin niyang, “At ako, si Enos, nalalaman na ang Diyos ay hindi makapagsisinungaling, kaya nga, ang aking pagkakasala ay napalis.”
Ang pakikipagkasundo ay hindi lamang nagdudulot ng kapanatagan mula sa pagkabagabag ng konsiyensya kundi ng kapayapaan din sa ating sarili at sa iba. Pinaghihilom nito ang mga ugnayan, pinalalambot ang mga puso, at pinalalakas ang ating pagkadisipulo, na nagdudulot ng higit na kumpiyansa sa harapan ng Diyos. Ang nagdudulot sa akin ng malaking pag-asa at kumpiyansa ay ang isa pang bunga ng pakikipagkasundong inilarawan ni Enos nang sabihin niyang, “At matapos na ako, si Enos, ay marinig ang mga salitang ito, ang aking pananampalataya ay nagsimulang maging matatag sa Panginoon.”
Noong bata pa ako, may malaking taniman ng cherry ang aking lolo sa ina. Nagkaroon ako ng pagkakataong magtrabaho sa taniman, na kadalasan ay sa tag-init na panahon ng pag-ani ng mga cherry. Dahil napakabata ko pa, nalaman ko na ang saklaw lamang ng aking pakikilahok ay ang pag-aabot sa akin ng timba at pagkatapos ay pinapaakyat ako sa puno para pumitas ng mga cherry.
Nagkaroon ng malaking pagbabago sa pag-ani ng mga cherry nang bumili ang aking lolo ng makina na tinatawag na cherry shaker. Ang makinang ito ay kumakapit sa troso ng puno at niyuyugyog ito, kaya nahuhulog ang mga cherry sa mga lambat na gamit upang kolektahin ang mga cherry. Napansin ko na kapag sinimulang yugyugin ng shaker ang puno, halos lahat ng mga cherry ay nahuhulog mula sa puno sa loob ng ilang segundo. Napansin ko rin na hindi mahalaga kung niyugyog ang puno nang 10 segundo o isang buong minuto, talagang hindi babagsak ang ilang cherry. Talagang hindi natitinag ang mga ito.
Ang pagyugyog sa mga cherry mula sa isang puno ay posible dahil sa pag-release ng ethylene. Ang hormone na ito ang nagiging sanhi upang humina ang mga selula sa pagitan ng tangkay ng cherry at ng puno. Samakatwid, ang tangkay ng hinog na cherry ay mas madaling matanggal mula sa puno dahil sa huminang ugnayan.
Sa mga banal na kasulatan, nalaman natin na ang tuod ni Jesse ay metapora para sa Mesiyas na si Jesucristo na ipinropesiyang magmumula sa angkan ni Jesse, ang ama ni Haring David. Tulad ng pagpapahina ng ethylene sa koneksiyon ng tangkay ng hinog na cherry, ang pagsuway, pag-aalinlangan, at takot ay maaaring magpahina sa ating ugnayan sa tuod ni Jesse, o kay Jesucristo, kaya madali tayong manghina at mahiwalay sa Kanya. Gaano man tayo katapat, dapat tayong mag-ingat laban sa paghina ng ating ugnayan kay Jesucristo.
Sa Doktrina at mga Tipan, maging ang matatapat ay binabalaan: “Subalit ang tao ay maaaring mahulog mula sa biyaya at malayo sa buhay na Diyos.” Sabi pa ng Panginoon, “Oo, … maging yaong mga pinabanal [ay] magsipag-ingat din.” Upang maiwasan ang pagkahulog, ipinapayo ng Panginoon, “Samakatwid mag-ingat ang simbahan at manalangin tuwina, nang huwag silang mahulog sa tukso.”
Maaaring iugnay ng isang tao ang madaling paghina sa inilalarawan ng mga banal na kasulatan na nahihinog para sa pagkalipol na may nakaabang na mga bunga para sa mga kilos. Ang parirala ay maaari ding gamitin nang mas malawakan upang ipahiwatig ang kalagayan ng pagkabulok, katiwalian, o pagbaba na nagiging dahilan ng paghina ng isang bagay kung kaya’t madali itong bumagsak o masira.
Ano ang isinasagisag ng pagkahinog na ito? Ang ibig sabihin ba nito ay darating tayo sa puntong hindi na natin makakayang magbago? Hindi, ang ibig sabihin nito sa palagay ko ay darating tayo sa punto kung saan ayaw na nating magbago. Ang lunas sa pagiging hinog para sa pagkalipol ay gawin ang mga bagay na magpapalakas sa ating ugnayan kay Jesucristo. Tulad ng nabanggit, ang pagsisisi ay umakay kay Enos tungo sa punto ng hindi natitinag na pananampalataya. May lakas sa pagsisisi—regular, maagap, at madalas na pagsisisi. Tulad ng itinuro sa atin ni Pangulong Nelson, “Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibidwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi.”
Dagdag pa sa pangangaral ng pagsisisi, itinuro ng propetang si Jacob na ang pagkakaroon ng kamalayan sa impluwensiya ng Diyos sa ating buhay, paghahangad at pagtanggap ng paghahayag, at pakikinig sa Diyos kapag nangungusap Siya ay tumutulong sa atin na huwag matinag. Itinuro din ni Jacob, “Anupa’t aming sinasaliksik ang mga propeta, at marami kaming mga paghahayag at diwa ng propesiya; at taglay ang lahat ng patotoong ito kami ay nagtamo ng pag-asa, at ang aming pananampalataya ay naging matatag.” Ang pakikinig at pagkilos ayon sa mga salita at paanyaya ng mga propeta at apostol ay maaaring pumuspos sa atin ng pag-asa, kumpiyansa, at lakas, na nagbubunga sa atin ng hindi natitinag na pananampalataya.
Nalaman ko na ang hangaring makipagkasundo sa Diyos ay dapat samahan ng hangaring magsisi. Ang pagsisisi at pagdanas ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay humahantong sa hindi natitinag na pananampalataya. Ang hindi natitinag na pananampalataya ay humahantong sa hangaring palaging makipagkasundo sa Diyos. Ito ay isang paikot, o paulit-ulit, na pattern.
Mga kapatid, inaanyayahan ko kayo na makipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Pinatototohanan ko na ang paggawa at pagtupad ng mga tipan ay nagpapatibay sa ating ugnayan sa Tagapagligtas, at sa gayo’y hindi tayo nahihinog para sa pagkalipol. Pinatototohanan ko na ang pakikipagkasundong ito sa Diyos, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ay humahantong sa hindi natitinag na pananampalataya.
Alam ko na mahal tayo ng Ama sa Langit, at isinugo Niya ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo upang maging ating Tagapagligtas, Manunubos, at ang dakilang Tagapagkasundo. Pinatototohanan ko si Jesucristo at ginagawa ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.