2025
Ang Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Masayang Himig
Para sa Lakas ng mga Kabataan Hulyo 2025


Ang Ebanghelyo ni Jesucristo: Isang Masayang Himig

Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay nagbibigay ng layunin at kagalakan sa iyo sa iyong paglalakbay tungo sa buhay na walang hanggan.

Jesucristo

Light of Hope [Liwanag ng Pag-asa], ni Simon Dewey

Habang naglilingkod bilang mission leader sa Japan ilang taon na ang nakararaan, ininterbyu ko ang isang lalaking sumapi sa Simbahan isang taon na ang nakararaan at hangad na makatanggap ng temple recommend.

Sa aming pag-uusap, ipinaliwanag ng bagong miyembrong ito kung gaano siya lubos na nagpapasalamat sa mga pagpapalang natanggap niya sa taon na iyon mula nang mabinyagan siya. Para sa akin, nagpakita siya ng tiwala sa tipan na nagmumula sa kanyang pagkaunawa sa ebanghelyo, na nakaugat nang malalim sa kanyang buhay. Isa siyang nagbalik-loob na disipulo ni Jesucristo na nakaranas ng malaking pagbabago ng puso (tingnan sa Mosias 5:2).

Pagkatapos ng interbyu, sinabi ko sa district president kung gaano ako humanga na natagpuan, at inalagaan ng mga missionary at miyembro sa espirituwal na paraan, ang pambihirang lalaking iyon na may malaking potensyal.

Nagulat ako nang malaman ko na nang magsimulang makipag-usap ang lalaking ito sa mga missionary at magsimba, wala siyang tirahan at halos walang pag-asa ang kanyang sitwasyon. Ang pag-aaral ng ebanghelyo ng kapatid na ito at ang kanyang pagbabalik-loob sa loob ng ilang buwan ay humantong sa kanyang mahimalang pagbabago, na nagtulak sa kanya sa landas ng espirituwal at temporal na pag-asa sa sarili at kagalakan.

Binigyan ng ebanghelyo ang kapatid na ito ng malinaw na larawan ng layunin ng kanyang buhay. Ang malilinaw at mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo ay naghatid sa kanya ng mga sagot sa mahahalagang tanong ng mortalidad. Matatanggap mo rin at ng lahat ng mga anak ng Diyos ang mga pagpapalang iyon sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo.

isang pamilya sa labas ng templo

Ang Layunin ng Buhay

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ipinanumbalik na sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Sa kanyang huling patotoo sa Simbahan, sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023), na noon ay Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Alam natin kung sino ang Diyos; alam natin kung sino ang Tagapagligtas, dahil kay Joseph. …

“… Napakapalad nating malaman ang alam natin tungkol sa ating layunin sa buhay, kung bakit tayo narito, at kung ano ang dapat nating sikaping gawin at isakatuparan sa ating pang-araw-araw na buhay.”

Para sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, kasama sa kaalamang iyan ang pagkaunawa sa “perpektong plano” ng kaligtasan ng Diyos, na kilala rin bilang “dakilang plano ng kaligayahan,” “ang plano ng pagtubos,” at “ang plano ng awa” (Alma 42:8, 11, 15). Ang plano ng Diyos ay “nag-aalis ng kahiwagaan sa buhay at ng kawalang-katiyakan sa ating hinaharap.” Mahalaga at pangunahin sa planong iyon at sa layunin ng buhay “ang doktrina ni Cristo.”

Sa pamamagitan ng ebanghelyo, nalalaman natin na tayo ay mga anak ng Diyos, na isinugo sa lupa upang subukin at ihanda na mabuhay na mag-uli (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:39). Alam natin ang mga kautusan at tinuturuan tayong “makilala ang mabuti sa masama” (2 Nephi 2:5). Alam natin na narito tayo para magmahal at maglingkod at na tinawag tayo ng Tagapagligtas na daigin ang mundo at tulungan ang iba na gawin din ito (tingnan sa Juan 16:33).

Ang tinawag ni Joseph Smith na “ang masayang himig ng Ebanghelyo ng ating Panginoong Jesucristo” ay magpapalakas sa atin sa mahihirap na panahon at magbibigay ng kahulugan at layunin sa atin at sa iba.

Pagsunod at mga Pagpapala

Binigyan tayo ng Diyos ng kalayaang moral upang panagutin tayo sa ating mga pasiya (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:78; tingnan din sa 2 Nephi 2:16). Bilang bahagi ng “pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11), hinahayaan si Satanas na tuksuhin tayong gamitin sa maling paraan ang ating kalayaan.

Sa ating panahon, tinawag ng Panginoong Jesucristo si Propetang Joseph Smith at “nangusap sa kanya mula sa langit, at nagbigay sa kanya ng mga kautusan” (Doktrina at mga Tipan 1:17). Patuloy na inihahayag ng Panginoon ang Kanyang mga utos at kalooban sa Kanyang mga propeta ngayon dahil nais Niyang akayin tayo sa kaligayahan sa buhay na ito at sa kaluwalhatiang selestiyal sa kabilang-buhay.

si Haring Benjamin habang nagtuturo

King Benjamin Preaches to the Nephites [Nangangaral si Haring Benjamin sa mga Nephita], ni Gary L. Kapp

propetang nagtuturo

Teaching True Doctrine [Pagtuturo ng Tunay na Doktrina], ni Michael Malm

si Joseph Smith habang nagtuturo

Joseph Smith Preaching [Si Joseph Smith Habang Nangangaral], ni Sam Lawlor

si Russell M. Nelson habang nagtuturo

Ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay dapat magmula sa ating debosyon at pagmamahal sa Kanya. Ipinahayag ng Panginoong Jesucristo, “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15). Ang pinakamahalagang resulta ng pagpapakita ng ating pagmamahal sa Panginoon sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos ay mga pagpapalang naghahatid ng kaligayahan at kagalakan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:20–21).

Taglay ang malinaw na pananaw tungkol sa ating banal na pinagmulan at tadhana, alam natin na “ang mismong mga bagay na magpapabuti sa [ating] mortalidad sa pinakamainam na matatamo nito ay siya ring magpapabago sa [ating] buhay sa buong kawalang-hanggan sa pinakamainam na matatamo nito!”

mga binatilyo

Kagalakan sa Inyong Paglalakbay

Ang masayang bagong binyag na nakilala ko sa Japan ilang taon na ang nakararaan ay natagpuan ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng kanyang kasigasigan at ng mga missionary at miyembro. Natuklasan niya ang kanyang layunin at pinalawak ang kanyang pananaw tungkol sa dakilang plano ng kaligayahan, na naghatid sa kanya ng mga pagpapala at kagalakan na nagpasigla sa kanya sa temporal at espirituwal.

Itinuro ni Elder Patrick Kearon ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Dahil sa [mapagmahal na] plano ng ating Ama sa Langit para sa bawat isa sa Kanyang mga anak, at dahil sa mapagtubos na buhay at misyon ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, tayo ay maaaring—at dapat—maging pinakamasasayang tao sa buong mundo! Kahit na dumaranas tayo ng mga pagsubok sa buhay sa magulong mundong ito, maaari tayong magkaroon ng kagalakan at kapayapaan ng kalooban dahil sa ating pag-asa kay Cristo at sa ating pag-unawa sa ating lugar sa magandang plano ng kaligayahan.”

Inaalay ko ang aking pasasalamat, at patotoo, sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at sa dakilang plano ng kaligayahan. Inaanyayahan kitang tanggapin ang mga bunga ng ebanghelyo at damhin ang higit na kagalakan sa iyong paglalakbay tungo sa buhay na walang hanggan.