2025
Kasama Mo Palagi ang Diyos
Para sa Lakas ng mga Kabataan Hulyo 2025


Kasama Mo Palagi ang Diyos

Kahit hindi ako naniwala sa Diyos noon, minahal at binantayan pa rin Niya ako.

dalagitang nakakita ng banggaan ng mga kotse

Larawang-guhit ni Uran Duo

Kilala Ako ng Diyos Bago Ko Siya Nakilala

Noong walong taong gulang ako, nakilala ng mga missionary ang lola at tita ko sa kalye. Matapos malaman ang tungkol sa ebanghelyo, nabinyagan kaming lahat. Gayunman, noong 2020, kinailangan naming tumigil sa pagsisimba dahil sa COVID. Kalaunan ay tumigil na kaming manalig.

Nitong nakaraang dalawang taon, ni hindi ako naniwala sa Diyos o ni hindi ko alam kung totoo Siya. Isang araw paglabas ko ng paaralan, tatawid sana ako ng kalye para bumili ng meryenda. Pero may tinig na nagsabi sa akin na huwag tumawid ng kalye. Tumigil ako, at dalawang kotse ang nagbanggaan sa harapan ko. Kung tumawid ako ng kalye, nabundol sana ako o napatay ng mga sasakyan. Nalaman ko noon na kilala ako ng Diyos at mahal Niya ako. Kahit hindi ako naniniwala sa Kanya at hindi ako nagsisimba noon, minahal pa rin Niya ako at pinrotektahan.

Sinimulan kong basahing muli ang Aklat ni Mormon at nalaman ko na ito ay salita ng Diyos. Nagsimula rin akong magsimbang muli. Kapag nagsisimba ako, nadarama ko ang kapayapaan, pagmamahal ng Diyos, at tulong Niya. Pakiramdam ko ay lagi ko Siyang kasama, at nagpapasaya iyon sa akin.

Ang paborito kong himno ay “Ako ay Anak ng Diyos” dahil ipinapaalala nito sa akin na mahal at tinutulungan tayo ng Ama sa Langit. Gusto ko rin ang talata sa 2 Nephi 2:27, na nagsasabi kung paano tayo malayang makakapili sa pagitan ng tama at mali.

Kasama Ko ang Diyos sa Gitna ng Aking mga Hamon

Maraming buwan na ang nakararaan, nagsimulang sumama sa aking magsimba ang kapatid kong lalaki, pero makalipas ang ilang panahon ay tumigil siya. Nag-alala siya sa iisipin sa kanya ng kanyang mga kaibigan at ng iba. Akala niya ay nakakahiyang magsimba sa atin, pero sinasabi ko sa kanya na hindi mahalaga ang iniisip ng mga kaibigan. Ang iniisip ng Diyos ang mahalaga.

Hindi nagsisimba ang pamilya ko. Mag-isa akong nagsisimba. Dahil walang bus sa kalye namin papunta sa gusali ng Simbahan, naglalakad ako ng mga 30 minuto para makarating doon. Nag-aalala ang pamilya ko sa iisipin ng ibang tao tungkol sa kanila, pero sinasabi ko na hindi mahalaga iyon dahil alam kong ito ay totoo.

Kapag nag-uusap kami ng mga kaibigan ko, kung minsa’y nagkakape sila. At kapag nakikita ko iyon, kung minsa’y gusto ko ring magkape. Pero naaalala ko na kasama ko ang Diyos. Hawak Niya ang kamay ko at tinutulungan ako. Naririnig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin na huwag gawin iyon, at alam ko na tinutulungan ako ng Diyos na malampasan ang mga hamong ito.

dalagita

Mahirap magsimba nang hindi kasama ang kanyang pamilya, pero alam ni Nara na mahal siya at pinagpapala ng Diyos. Minsan nga ay pinrotektahan pa Niya siya sa isang banggaan ng mga kotse.

Ang Payo Ko sa Iba pang Katulad Ko

Kung papayuhan ko ang isang taong nasa sitwasyon ko, sasabihin ko sa kanya na napakapalad mo, at malakas ang pananampalataya mo. Hindi ka nag-iisa, dahil mabibigyan ka ng magandang payo ng mga miyembro at missionary ng Simbahan. Mahal ka ng Diyos. Ikaw ay Kanyang anak na lalaki o anak na babae, at nais ka Niyang tulungan.

Ang awtor ay naninirahan sa Yerevan, Armenia.