Pagkatapos ng Buhay na Ito
Mga Sagot sa Ilang Tanong
Ang plano ng Ama sa Langit ay maaaring magbigay sa atin ng pananaw at kapayapaan tungkol sa kabilang-buhay.
Larawang-guhit ni Thomas Arnaud
Ano ang mangyayari pagkamatay natin?
Ito marahil ang tanong sa lahat ng relihiyon. Ang mga sagot natin sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo ay makapangyarihan. Hindi ang buhay na ito ang katapusan. Dahil nabuhay na mag-uli si Jesucristo, muling sasanib ang ating espiritu sa ating katawan, at lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli balang-araw.
Siyempre, may iba pang mga detalye tungkol sa kabilang-buhay na dumating sa atin sa pamamagitan ng makabagong paghahayag na maaaring sumagot sa iba pang mga tanong natin. Narito ang ilang gayong tanong, pati na ang ilang maikling sagot.
Ano ang hitsura ng mga katawang espiritu?
Ang espiritu ay isang uri ng bagay, pero “mas pino o dalisay” lamang (Doktrina at mga Tipan 131:7). Ang mga katawang espiritu ay mukhang mga adult na katawan ng tao.
Nasaan ang daigdig ng mga espiritu?
Ano ang nangyayari sa daigdig ng mga espiritu?
Bukod sa iba pang mga bagay, ang mga espiritung tumanggap na sa ebanghelyo ay inorganisa para ipangaral ang ebanghelyo sa mga espiritung hindi pa tumatanggap sa ebanghelyo. Maaari iyong tanggapin o tanggihan ng mga espiritung iyon.
Ano ang hitsura ng mga nabuhay na mag-uling katawan?
Ang mga nabuhay na mag-uling katawan ay hindi maaaring mamatay, may laman at buto, at perpekto. Ang mga ito ay maluwalhati at maganda. “Wala nang mas maganda pang tingnan kaysa sa isang nabuhay na mag-uling lalaki o babae.”
Ano ang nangyayari sa kahariang selestiyal?
Ang mga nasa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal ay nagiging katulad ng ating Ama sa Langit at dumaranas ng ganap na kagalakan. Tinatanggap nila ang lahat ng mayroon ang Ama. Nakikilahok sila sa Kanyang gawain at kaluwalhatian. Nabuklod sila sa kasal para sa kawalang-hanggan at ngayo’y nabubuhay sa mga walang-hanggang pamilya, na may sarili nilang mga walang-hanggang espiritung anak.
Paano naman ang mga taong hindi kailanman nakapag-asawa sa buhay na ito?
Ang Ama sa Langit ay lubos na makatarungan at maawain. “Nangako ang Panginoon na sa mga kawalang-hanggan walang pagpapalang ipagkakait sa kanyang mga anak na lalaki at babae na sumusunod sa mga kautusan, tapat sa kanilang mga tipan, at hangad yaong matwid.”
Nabuklod sa templo ang mga magulang ko, pero ngayo’y nagdiborsyo na sila. Kanino ako nakabuklod?
Maaaring kayo ay “isinilang sa tipan” (ibig sabihin, isinilang matapos mabuklod sa templo ang inyong mga magulang), o maaaring nabuklod kayo sa templo sa inyong mga magulang matapos silang mabuklod sa isa’t isa. Sa alinmang sitwasyon, nananatiling mabisa ang inyong mga pagpapala kung pipiliin ng inyong mga magulang na magdiborsyo at kanselahin ang kanilang pagbubuklod.
Ang mga pasiya ng iyong mga magulang ay hindi nakakaapekto sa iyong mga pagpapala. Ang mahalaga ay manatili kayong tapat at hangarin ninyo mismo ang mga pagpapala ng templo. Tungkol sa inyong mga ugnayan sa pamilya, dapat kayong “magtiwala sa Panginoon at humingi ng Kanyang kapanatagan,” batid na “titiyakin ng Ama sa Langit na matatanggap ng bawat tao ang lahat ng pagpapalang ninanais [niya] at naaayon sa [kanyang mga pagpili.”
Ano ang nangyayari sa mga taong nagpapakamatay?
Hindi natin alam kung ano ang nangyayari sa mga taong nagpapakamatay, at hindi natin sila mahuhusgahan (tulad ng lahat ng tao, sa huli). “Sa kabila ng lahat ng pagsisikap ng mga mahal sa buhay, mga lider, at mga propesyonal, ang pagpapakamatay ay hindi palaging mapipigilan. …
“Hindi tama para sa isang tao na kitlin ang sarili niyang buhay. Gayunman, [Diyos] lamang ang may kakayahang humatol sa mga iniisip, ginagawa, at antas ng pananagutan ng tao (tingnan sa 1 Samuel 16:7; Doktrina at mga Tipan 137:9). …
“Ang mga nawalan ng mahal sa buhay dahil sa pagpapakamatay ay makahahanap ng pag-asa at pagpapagaling kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.”