Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Doktrina at mga Tipan 71, 77; 82
Mga Nakatagong Kayamanan
Tingnan nang mas malalim ang nilalaman ng mga banal na kasulatan.
Lilituhin ng Panginoon ang ating mga kaaway sa Kanyang sariling takdang panahon.
Lilituhin ng Panginoon ang ating mga kaaway kalaunan.
Ang ibig sabihin ng “lituhin” ang isang tao ay tarantahin, gulatin, talunin, ipahiya, takutin, o sindakin sila.
Kaya nang sabihin ng Panginoon kay Joseph Smith na “kung sinumang tao ang magtataas ng kanyang tinig laban sa inyo siya ay lilituhin sa aking sariling panahon“ (Doktrina at mga Tipan 71:10; idinagdag ang diin), nangangako Siya na ang mga sumasalungat sa ebanghelyo ay daranasin balang-araw ang masasamang bunga ng kanilang mga pasiya.
Ang ibig sabihin ng “sa aking sariling panahon” ay na may sariling takdang panahon ang Panginoon. Kailangan nating tanggapin na maraming tao ang hindi pananagutin kaagad sa kanilang mga ginawa—at OK lang iyan. Dapat tayong magtiwala sa Panginoon at sa Kanyang takdang panahon.
Dapat tayong manindigan para sa katotohanan, siyempre pa. Pero kapag ginawa natin ito, dapat tayong maging magalang sa mga paniniwala ng iba at sa karapatan nilang piliin na hindi tanggapin ang ebanghelyo.
Huwag mag-alala tungkol sa mga tao na ginawa nang misyon nila na pintasan at siraan ang Simbahan, na handang magsinungaling at gawing mali ang pagkaunawa sa ating paniniwala. Ipaubaya ninyo iyan sa Panginoon. Kanyang lilituhin sila at bibigyan sila ng pagkakataong matuto at magbago—kalaunan.
Tulad natin, ang mga hayop ay mga walang-hanggang nilalang na inaalagaan ng Ama sa Langit.
Ang ating mga kaibigang hayop ay nilikha rin ng Ama sa Langit.
Maaaring mukhang maliit na detalye ito, pero may isang bagay na talagang kahanga-hanga na inihayag sa Doktrina at mga Tipan 77: May kaluluwa rin ang mga hayop!
Ito ay isang bagay na noon pa man ay pinaniniwalaan na ng maraming tao—sa pakiramdam ay totoo ito—kahit hindi ito idinetalye talaga sa Biblia at Aklat ni Mormon. Ngayon ay ipinahayag ito ng Panginoon nang napakalinaw.
Tulad ng mga tao, ang “mga hayop” at “mga bagay na gumagapang” at “mga ibon sa himpapawid” ay nilikha muna sa espirituwal. Ang kanilang mga espiritung katawan, tulad ng sa atin, ay kahawig ng kanilang pisikal na katawan. At sila, tulad natin, ay magtatamasa ng “walang-hanggang kaligayahan”—kaligayahan at kagalakan sa kanilang nabuhay na mag-uling katawan. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 77:2–3.)
Alam natin na nilikha ng Ama sa Langit ang mga hayop, binigyan tayo ng tungkuling pangalagaan ang mga ito, at nais Niyang tratuhin natin ang mga ito nang may kabaitan. Tulad natin, sila ay mga walang-hanggang nilalang na inaalagaan ng Ama sa Langit.
Gamitin sa kabutihan ang mga pagpapalang natanggap ninyo.
Ang ideya na ang may malaking kapangyarihan ay may malaking responsibilidad ay hindi nagmula sa mga superhero. Ganito rin ang ipinahayag ng Tagapagligtas nang sabihin Niya kay Propetang Joseph Smith: “Sa kanya na binigyan ng marami ay marami ang hihingin” (Doktrina at mga Tipan 82:3).
Ang ating mga talento, kaloob, at pagpapala ay nagmumula sa Panginoon. Masamang ideya na balewalain ang mga ito. Kung nabiyayaan kayo ng Panginoon ng matalinong pag-iisip at uhaw sa kaalaman, subalit nag-aaksaya kayo ng panahon sa paaralan at hindi kayo nagsisikap na pataasin ang mga marka ninyo, mali ang paggamit ninyo ng inyong kaloob. Totoo rin ito sa isang taong magaling sa isports na ginagamit ang kanyang lakas para apihin ang iba, o sa isang tao na pinagpalang mahusay na magpatawa at ginagamit ito para manlait ng mga tao (kailangan ng marami sa atin na sikaping huwag gawin iyon).
Nais ng Panginoon na gawin natin ang lahat ng kaya natin—at iyan ay kumpara sa sarili nating mga kakayahan, at hindi sa kakayahan ng iba. Depende kung aling kasanayan ang pinag-uusapan natin, ang inyong “pinakamahusay” ay maaaring mas mahusay o mas malala kaysa sa “pinakamahusay” ng ibang tao. At ayos lang iyan! Magpasalamat para sa inyong mga kalakasan at magpakumbaba tungkol sa inyong mga kahinaan, at hayaang tulungan kayo ng Panginoon na maabot ang inyong potensyal.