Mag-usap Tayo tungkol sa Pera!
Basahin natin lalo na noong magturo si Jesus tungkol sa pera.
Mga larawang-guhit ni Alyssa Petersen
Bumanggit si Jesus nang ilang beses tungkol sa pera sa mga banal na kasulatan.
Pamilyar ba ang “mga kayamanan sa langit” (Mateo 6:20), ang talinghaga ng mga talento (Mateo 25:14–30), o ang “dalhin ninyo ang buong ikasampung bahagi sa kamalig” (Malakias 3:10)? Pag-aralan natin ang mga ito!
Mga Pangangailangan Bersus Mga Gusto
Alam ni Jesus na marami kang kailangan (halimbawa, pagkain) at gusto (halimbawa, mga game o laro). Itinuro Niya, “Magtipon kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, na doon ang bukbok at ang kalawang ay hindi makapaninira” (Mateo 6:19–21). Karamihan sa nabibili ng pera ay nasisira lamang, kaya maging maingat tungkol sa binibili mo.
Maaari kang maging maingat sa pera kapag inihiwalay mo ang iyong mga pangangailangan sa iyong mga gusto. Isipin mo sa iyong sarili, “Bibilhin ko ba ito dahil kailangan ko ito o dahil gusto ko ito?” Kung hindi ka sigurado, subukang maghintay nang isang buwan; kapag lumipas na ang panahong iyon, itanong mong muli ang mga iyon. Sa paggawa nito, maiiwasan mong bumili ng mga bagay nang pabigla-bigla at sikapin na pahangain ang iba. Sa halip, magiging matalino ang mga desisyon mo kung kailan ka mag-iipon at kung kailan ka gagastos ng pera.
Paggamit ng Pera para Pagpalain ang Iba
Sa talinghaga ng mga talento, inilarawan ni Jesus ang isang panginoon na nagbigay ng iba’t ibang halaga ng pera (tinatawag na “mga talento”) sa tatlong alipin. Nagawang doblehin ng dalawang alipin ang perang ibinigay sa kanila, at ibinaon naman ng isang alipin ang pera niya. Pagbalik ng panginoon, natuwa siya sa dalawang alipin na dinagdagan ang kanilang mga talento at hindi siya natuwa sa aliping hindi iyon ginawa (tingnan sa Mateo 25:14–30).
Tulad ng panginoon sa talinghaga na nagbigay ng mga talento sa kanyang mga alipin, kapag biniyayaan ka ng Diyos ng pera, inaasahan Niya na gagamitin mo ang pera mo para pagpalain ang iyong sarili at ang iba. Kapag inalagaan mo ang iba, tinutupad mo ang utos ni Jesus na “ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili” (Marcos 12:31).
OK lang na bumili ng magagandang bagay, pero dapat mong isipin ang mga pangangailangan mo at ng iba bago ka bumili. Kapag inisip mo ang mga pangangailangan ng iba, tutulungan ka ng Diyos na malaman kung paano gamitin ang pera para pagpalain ang mga tao sa buhay mo.
Mga Pagpapala ng Ikapu
Kung nag-aalala ka na hindi ka magkakaroon ng sapat na pera dahil nagbabayad ka ng ikapu, basahin ang nakaaaliw na mga salitang ito mula sa Diyos: “Dalhin ninyo ang buong ikasampung bahagi sa kamalig … at sa gayo’y subukin ninyo ako ngayon … kung hindi ko bubuksan para sa inyo ang mga bintana ng langit, at ibubuhos ko sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na kalalagyan” (Malakias 3:10). Kung magbabayad ka ng iyong ikapu, pagpapalain ka ng Diyos nang higit pa sa inaakala mo!
Maaaring hindi ka pagpalain sa temporal na mga paraan—maaaring wala kang sapat na pera para bumili ng isang mamahaling polong gusto mo, kaya maaari mong kailanganing ipagpaliban ang agarang kasiyahan. Pero pagpapalain ka ng Panginoon. Sa paglipas ng panahon, mas madadalian kang magbayad ng ikapu, at mas tatatag ang iyong espiritu laban sa mga problema mo sa pera.
Tutulungan Ka ng Diyos
Magtiwala sa mga salita ni Pangulong Russell M. Nelson: “Walang hangganan ang kakayahan ng Tagapagligtas na tulungan kayo” (pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2024 [Liahona, Nob. 2024, 122]). Sa maingat na paggamit ng pera mo para tugunan ang iyong mga pangangailangan, pangalagaan ang iba, at magbayad ng iyong ikapu, matutuklasan mo ang mas malalim na pagmamahal sa Diyos at sa iba at pagpapahalaga sa kung ano ang mayroon ka.