Mga Tinig ng mga Kabataan
Ang Paanyaya ng Seminary
Larawang-guhit ni Katelyn Budge
Ang transisyon mula sa middle school patungong high school ay nakakatakot para sa akin. Bukod pa riyan, nagsimula na rin akong mag-seminary. Sa aming stake, may seminary kami sa gabi, kaya pagkatapos ng eskuwela dumidiretso na ako sa seminary. Madalas na napapagod ako sa ganitong iskedyul dahil mas marami na akong homework ngayong nasa high school na ako. Pero kahit wala akong gaanong oras tulad ng dati, nagpapasalamat ako na nagagamit ko ang oras ko sa isang bagay na makabubuti sa akin.
Sa seminary, itinuro sa amin ng aming titser kung paano nanalangin si Enos nang maraming oras, na nakikipag-usap sa Panginoon. Inanyayahan niya kaming magkaroon ng gayon ding pananampalataya at manalangin nang 30 minuto pagkatapos ng seminary sa araw na iyon. Tinanggap ko ang hamon at nanalangin. Sinabi sa amin ng titser ko na manalangin na para bang taimtim naming kinakausap ang Ama sa Langit. Sinikap kong talagang makakonekta sa Kanya at pasalamatan Siya para sa mga pagpapala sa buhay ko. Noong una ay parang napakabagal matapos ng 30 minuto, pero biglang parang bumilis ito sa bandang huli. Ang pagpunta sa seminary, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pag-aaral ng iba pa tungkol sa ebanghelyo ay talagang nagpapalakas sa aking kaugnayan sa Ama sa Langit.
Kahit nakakatakot ang ilang bagay sa buhay—tulad ng pagsisimula ng seminary o pagpasok sa bagong paaralan—natutuhan kong magtiwala sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano. Isa sa mga paborito kong talata sa banal na kasulatan na natutuhan ko sa seminary ay ang Eter 12:6, na nagsasabing, “Ang pananampalataya ay mga bagay na inaasahan at hindi nakikita.” Hindi natin kailangang may makita para manampalataya.
Kapag mahirap o nakalilito ang mga bagay-bagay, manalangin at humingi ng patnubay sa Ama sa Langit para malaman kung ano ang gagawin at magkaroon ng lakas na magpatuloy. Huwag sumuko. Kaya mo iyan!
Cleon F., 14, Ontario, Canada
Mahilig sa paggawa ng pelikula at paglalaro ng mga video game.