Atensyon, mga Time-Traveler!
Ano ang sasabihin mo sa mas batang bersiyon ng iyong sarili kung magagawa mo ito?
Mga larawang-guhit ni Dave Murray
Isipin kunwari na biglang lumitaw ang isang time machine. Bago ka masyadong matuwa na makakasakay ka sa isang mabalahibong mammoth, heto ang kundisyon: pahihintulutan ka lang nito na mabalikan ang dating bersiyon ng iyong sarili!
Pumasok na sa machine … ikabit ang seatbelt … at vwaaap! Ilang saglit lang at nakatingin ka na sa mas batang bersiyon ng sarili mo. Ano ang sasabihin mo sa sarili mo? Siguro masayang-masaya ang araw ng mas batang bersiyon ng sarili mo, at sasabihin mo sa iyong sarili na magpakasaya sa bawat sandali. O siguro ‘di maganda ang araw mo, at yayakapin mo ang sarili mo para mapanatag ka.
Kung ako iyan, malamang na mamomroblema ang mas batang bersiyon ng sarili ko tungkol sa isang bagay. Talagang mag-aalala ako dahil ayokong nagkakamali! Hindi ako sanay sa mga pagbabago, tulad ng paglipat sa bagong grado o paaralan. At maraming beses akong nakaramdam na parang hindi ako nababagay sa kahit saan.
Mula noon, nag-aral ako ng ilang kasanayan para makayanan ko ang mga ideya at damdaming ito.
Kung maaari akong maglakbay pabalik sa nakaraan, heto ang ekspertong mga payo na ibibigay ko sa mas batang bersiyon ng sarili ko:
-
Lalo na kapag sumusubok ka ng mga bagong bagay, maaaring magkamali ka—at OK lang iyan! Maging mahabagin at mapaghikayat sa iyong sarili. Tulad ng sinabi minsan ni Pangulong Jeffrey R. Holland, “Mga taong di-perpekto ang tanging katulong ng Diyos sa gawain noon pa man. Nakayayamot siguro iyon sa Kanya, pero napagpapasensyahan Niya iyon. Dapat, tayo rin. … Maging mapagpasensya at mapagpatawad.” Ngayon kapag may bagong bagay akong sinusubukan, sinasabi ko sa aking sarili bilang pampalakas ng loob, “Malamang na magkakamali-mali ako. Pero ganyan talaga sa una! Pagkatapos ay maaari akong magpraktis at magpakahusay.”
-
OK lang na malungkot kapag nagbabago ang sitwasyon, lalo na sa pagkakaibigan. Magtiwala na gumaganda ang mga ugnayan habang lumalaki ka. Matututo kang makisalamuha sa mas maraming tao. Matututuhan mong magtakda ng mga hangganan na hindi manatiling nakikipag-ugnayan sa mga taong nagdudulot ng mga negatibong impluwensya sa iyong buhay o nagpapahina sa iyong emosyon at espirituwalidad. At magkakaroon ka ng tunay na mga kaibigan kalaunan. Kapag nanatili kang malapit sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas—na siyang pinakamahalagang pakikipag-ugnayan mo—gagabayan ka Nila tungo sa lubos na nakasisiya at malapit na ugnayan sa hinaharap.
-
Daranas ka ng malulungkot na panahon sa buhay, pero lilipas ang mga ito. Nauunawaan ng Tagapagligtas ang sakit na dulot ng kalungkutan at lalakad Siya na kasama mo sa landas na iyon. Kalaunan makikilala mo ang mga taong nagmamalasakit sa iyo at kapareho mo ng interes. At alam mo ba? Ang iyong mga karanasan ay talagang tumutulong sa iyo na magkaroon ng pambihirang kapangyarihan: pagiging madamayin! Dahil alam mo kung ano ang pakiramdam ng hindi makabilang, napakadali mong napapansin at naibibilang ang iba tulad ng gagawin ng Tagpagligtas.
Sa madaling salita? Ang buhay ay patuloy na gaganda! Tulad ng tiniyak sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson: “Marami tayong maaaring asamin! …
Hindi ko sinasabing magiging madali ang mga araw na darating, ngunit ipinapangako ko na magiging maluwalhati ang bukas para sa mga handa at patuloy na naghahandang maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon.”
Hindi ibig sabihin niyan na walang magiging problema sa proseso ng pag-unlad araw-araw. Iniisip ko ang buhay na parang tatlong dimensyunal na spiral, kung saan tila nahaharap ako sa paulit-ulit na mga problema. Pero sa patuloy kong pagsunod kay Jesucristo, umaangat ang aking espirituwalidad kaysa rati—pasulong at pataas.
Ngayon ay ikaw naman. Ano ang sasabihin mo sa mas batang bersiyon ng iyong sarili? At, bilang karagdagan, ano sa palagay mo ang sasabihin sa iyo ngayon mismo ng sarili mo na mula sa hinaharap?!
Hala. Matindihang pag-iisip ang kailangan diyan. Mabuti pa kaya huminto muna tayo bago sumabog ang utak ng isang tao rito. Masayang paglalakbay sa panahon!