Mga Tanong at mga Sagot
“Nagdiborsyo ang mga magulang ko, at ayaw ng isa sa Simbahan. Paano ko mapapanatili ang Espiritu kapag kasama ko ang magulang na iyon?”
“Sa Doktrina at mga Tipan 11:21, sinabi sa atin ng Panginoon: ‘Huwag hangaring ipahayag ang aking salita, kundi hangarin munang matamo ang aking salita … ; pagkatapos, kung iyong nanaisin, mapapasaiyo ang aking Espiritu.’ Patuloy na hangarin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagtitiyaga, kabaitan, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, panalangin, at pag-aayuno. Gagabayan ka Niya.”
Gabriela A., 16, São Paulo, Brazil
“Ang ilang bagay na nakatulong sa akin ay ang pag-uukol ng oras na magbasa ng mga banal na kasulatan bawat araw, magsalita nang positibo at may pagmamalaki tungkol sa aking mga paniniwala, at maging mabuting halimbawa. Maaari din akong manalangin anumang oras at laging nariyan ang Ama sa Langit para sa akin.”
Ethan W., 17, Washington, USA
“Naranasan ko na ang sitwasyong ito noon, at nagdasal ako na patuloy akong magkaroon ng walang-hanggang pananaw. Manalangin at mag-ayuno upang madama ang Espiritu, at ibibigay sa iyo ng Ama sa Langit ang pinakamainam na sagot para malutas ang sitwasyong ito!”
Isabelle L., 17, São Paulo, Brazil
“Ang pagiging katulad ni Cristo ay isa sa pinakamaiinam na paraan para maanyayahan ang Espiritu at makadama ng kagalakan at kapayapaan. Natuklasan ko na kapag naglilingkod ako at nagiging mas mabait ako sa isang tao, talagang nadarama ko ang Espiritu.”
Maybelle K., 15, Utah, USA
“Nadarama ko ang Espiritu kapag ginagawa ko ang mga bagay na alam kong tama habang kasama ang magulang na iyon, tulad ng pagdarasal sa oras ng pagkain at pagbabasa ng aking mga banal na kasulatan. Kapag nagpapakita ako ng halimbawa ng pagiging missionary, lumalakas ang aking patotoo, na tumutulong sa akin na mahiwatigan ang Espiritu at maglaan ng oras para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo!”
Mara B., 13, Ontario, Canada