Digital Lamang: Mga Sagot mula sa Isang Apostol
Paano Ako Mamumuhay nang May Positibong Pananaw?
Narito ang tatlong bagay na maaari mong piliing gawin para magkaroon ng positibong pananaw, maging masaya, at magkaroon ng lakas ng loob.
Gusto kong magbahagi ng ilang ideya tungkol sa pamumuhay na may positibong pananaw. Gusto kong magkaroon kayo ng positibong pananaw, maging masaya, magkaroon ng lakas ng loob, at makipagkaisa sa at sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo para maging kaisa ng Tagapagligtas.
Nabubuhay tayo sa panahon na labis ang kawalan ng respeto, pagiging negatibo, galit, at kaguluhan na higit sa anumang panahon sa buhay ko. Maraming tao sa iba’t ibang panig ng mundo ang tila nawawalan ng pag-asa at pinanghihinaan ng loob.
Hangad ko ngayon na maunawaan ninyo kung gaano kahalaga sa inyo ang magkaroon ng positibong pananaw at pati na rin ang makiisa sa ating Tagapagligtas.
Maging Mapagpasalamat
Ang pagkakaroon ng positibong pananaw at pagiging masayahin ay isang desisyong magagawa ng bawat isa sa atin. Ang pag-uugaling ito ay karaniwang nagsisimula sa pagiging magpagpasalamat. Ang pasasalamat ang unang hakbang tungo sa pagiging positibo at masaya.
Napakaraming dapat ipagpasalamat. Nabubuhay tayo sa huling dispensasyon at nasa atin ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na hindi lamang gagabay sa atin ngayon kundi binibigyan din tayo ng maliwanag at maluwalhating hinaharap pagkatapos ng buhay na ito.
Maging Isa
Ang doktrina at kultura ng ebanghelyo ni Jesucristo ay positibo. Ang plano ng kaligayahan ay ang plano ng mapagmahal na Ama sa Langit upang pagpalain ang lahat ng Kanyang mga anak. Walang kinikilalang lahi o kultura sa planong ito kung saan kabilang ang lahat.
Personal kong dalangin na mas lubos nating maibahagi ang ebanghelyo sa lahat ng mga anak ng ating Ama. Dalangin ko rin na magkaisa tayo nang may pagkakaiba-iba at na maging kaisa tayo ng Tagapagligtas.
Gustung-gusto ko ang nagsusumamong panalangin ng Tagapagligtas para sa atin. Nangyari ito sa literal na nalalabing mga oras ng Kanyang mortal na buhay ayon sa nakatala sa Ebanghelyo ayon kay Juan. Ang panalanging iyon para sa mga tagasunod ni Cristo, kabilang tayo, ay pagsamo ng Tagapagligtas sa Kanyang Ama: “upang silang lahat ay maging isa. Gaya mo, Ama, na nasa akin at ako’y sa iyo, sana sila’y manatili sa atin.” Sa sumusunod na talata ay nagpatuloy ang Tagapagligtas, “At ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, upang sila’y maging isa, na gaya naman natin na iisa.” Ang pagiging isa ay ang ipinagdasal ni Cristo bago Siya ipinagkanulo at Ipinako sa Krus.
Isang malaking hamon para sa ating dispensasyon ang itinakda sa simula ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang landas ng kabutihan ay itinatag ng Panginoon sa mga simple ngunit walang-hanggang alituntunin: Dapat nating pahalagahan ang ating mga kapatid gaya ng ating sarili. Dapat nating ipamuhay ang kabutihan at kabanalan. Dapat tayong maging isa. Kung hindi tayo nagkakaisa, hindi tayo sa Kanya.
Para maging isa, maaari tayong matuto mula sa nakaraan at maghanda para sa hinaharap.
Ano ang ilan sa mga paraan na makasusumpong tayo ng kapayapaan sa mundong ito ng pagkakawatak-watak at pakikipagtalo?
-
Maaari tayong mamuhay sa mundo nang hindi nagiging makamundo.
-
Maaari tayong maging determinadong huwag hayaang saklawan ng kasamaan, pagtatalu-talo, at pagkakahati-hati ng mundo ang kasagraduhan ng ating nagkakaisang pagsisikap na sundin at sambahin ang Tagapagligtas sa ating mga tahanan at pamilya.
-
Maaari tayong mamuhay nang may positibong pananaw habang nananatili tayong matatag sa landas ng tipan.
-
Bagama’t hindi natin makokontrol ang iba, maaari nating makamtan ang kapayapaang nagmumula sa personal na kabutihan.
Maaari tayong maging isa sa ating mga kongregasyon saanman tayo nakatira. Alam ni Apostol Pablo na ang mga tungkulin, paglilingkod, at kontribusyon ng mga miyembro ay talagang magkakaiba, ngunit pantay-pantay ang halaga. Inihambing din niya ang mga bahagi ng katawan ng tao sa kongregasyon sa Simbahan. Bawat bahagi ng katawan ay mahalaga sa buong katawan.
Ang ilang miyembro ay nahihirapang madama na sila ay mahalaga at kailangan sa kongregasyon ng mga Banal. Ang punto ni Apostol Pablo ay kapwa kailangan at mahalaga ang bawat miyembro.
Magtuon sa Tagapagligtas
Sa pagtatapos: Kung itutuon ninyo ang inyong buhay sa Tagapagligtas, kayo ay magkakaroon ng positibong papanaw at kagalakan.
Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson:
“Maraming beses sa ating buhay ay hindi nangyayari ang mga bagay-bagay ayon sa plano natin. Bawat isa sa atin ay malamang na nakaranas nang mabalisa, magdalamhati, at masiphayo na halos hindi natin makayanan. Subalit narito tayo para magkaroon ng kagalakan?
“Ang sagot ay isang matunog na oo! …
“… Kayang magsaya ng mga banal sa lahat ng sitwasyon. Maaari tayong magalak kahit hindi maganda ang araw natin, o ang linggo natin, o ang buong taon! …
“Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.”
Nakatuon iyan sa Tagapagligtas!
Pinatototohanan ko na kung determinado tayong mabuhay nang may positibong pananaw, na ang liwanag ng Tagapagligtas ang ating pokus at ang ating gabay, tayo ay lalakad sa landas ng tipan. Kapag minamahal, sinusunod, at sinasamba natin ang Tagapagligtas, magkakaroon tayo ng “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”