Para sa Lakas ng mga Kabataan
Isang Kuwintas na may Pangako
Para sa Lakas ng mga Kabataan Pebrero 2026


Isang Kuwintas na may Pangako

Isang espeyal na regalo mula kay Lolo na nakatulong sa akin na manatiling nakatuon sa templo.

dalagita na kasama ang kanyang lolo, na nakatingin sa isang chandelier

Paglalarawan ni David Comerón

Gustung-gusto ko ang makikislap na bagay. Noon pa man. Gustung-gusto ko ang mga kislap na nagbibigay ng liwanag, at palagay ko iyan ang dahilan kung bakit gustung-gusto ko ang kristal na mga chandelier. Pinakagusto ko ang kristal na mga chandelier sa loob ng templo.

Naaalala ko na mapitagan akong naglalakad sa isang temple open house kasama ang pamilya ko noong siyam na taong gulang pa lang ako. Hinding-hindi ko malilimutan ang pagtayo ko sa ilalim ng mga chandelier sa silid-selestiyal na lubos na namamangha. Manghang-mangha ako sa napakaganda, napakalinis, at napakaputi ng lahat-lahat ng naroon.

Nang lumabas na kami sa templo, sinabi sa akin ng lolo ko na may regalo siya para sa akin. Nanlaki ang mga mata ko nang ilabas ng lolo ko ang isang makinang na kuwintas mula sa kanyang bulsa. Mahabang kuwintas iyon na may maliit at nag-iisang kristal sa dulo—tulad ng mga nasa templo.

“Ginawa ko ito para sa iyo,” sabi ng lolo ko habang isinusuot niya ang kuwintas sa leeg ko. Ang lolo ko ay isang electrician. Nagtitinda siya ng lahat ng uri ng magagandang ilaw. Sinabi niya na ginawa niya ang kuwintas na may ekstrang kristal mula sa kanyang tindahan at gusto niyang isuot ko ito para ipaalala nito sa akin ang templo.

Hiniling niya na mangako ako na pupunta ako sa templo balang-araw, at nagpatotoo siya kung paano pinagpala ng templo ang kanyang buhay at kung paano nito mapagpapala ang buhay ng lahat. Sa tuwing isusuot ko ang kristal na kuwintas iniisip ko ang templo at kung gaano ko kagustong pumasok sa loob nito. Lagi kong naaalala ang pangakong iyon na ginawa ko sa lolo ko.

Noong nasa edad na ako para magsagawa ng mga binyag sa templo, masayang-masaya ako sa bawat pagkakataong makapunta ako. Sa templo, palagi kong nadarama na konektado ako sa aking Ama sa Langit. At hinding-hindi ko malilimutan ang nadama ko matapos matanggap ang aking endowment. Pagkatapos ng sagradong karanasang iyon, pumasok ako sa silid-selestiyal at niyakap ko ang lolo ko sa ilalim ng magandang kristal na chandelier.

Tama ang sinabi ng lolo ko na mapagpapala ng templo ang aming buhay. Patuloy akong pinagpapala nito sa buong buhay ko dahil tinutulungan ako nitong maalala ang layunin ko dito sa lupa.

larawan, korona, at kuwintas