Para sa Lakas ng mga Kabataan
Tatlong Magkakapatid, Isang Tagapagligtas
Para sa Lakas ng mga Kabataan Pebrero 2026


Tatlong Magkakapatid, Isang Tagapagligtas

Kilalanin sina Carlos, Set, at Isaac mula sa Mexico—tatlong magkakapatid na ginagawa ang lahat para makalakad na kasama ni Jesucristo.

mga binatilyo

Mga larawang-kuha ni Shirley Brito

Kilalanin si Carlos!

binatilyo

Edad 18. Mahilig sa mga video game at computer programming. Gustong maging race car driver at designer balang-araw.

Alam ni Carlos na ang sakripisyo ay naghahatid ng mga pagpapala.

binatang nagtatrabaho sa computer hardware

“May autism kami ng kapatid kong si Set. Dahil dito talagang nahirapan akong mag-aral sa paaralan. Pagkatapos ay inanyayahan kami ng nanay ko na basahin ang mga banal na kasulatan sa umaga bilang pamilya, at malaki ang naitulong nito sa akin. Tinulungan ako nitong magtagumpay sa paaralan at maging self-reliant.

binatilyong nagluluto

“Sa isa pang pagkakataon, ayaw kong pumunta sa isang youth conference dahil talagang abala ako sa klase sa paaralan. Pero nagpunta ako, at nadama kong biniyayaan akong maging mas mahusay sa klase kaysa inakala kong magagawa ko. Dahil sa mga karanasang ito, ipinagpaliban ko ang pag-aaral ko sa kolehiyo at naghahanda na akong magmisyon. Alam ko na tutulungan akong muli ng sakripisyong iyon.”

Kilalanin si Set!

binatilyo

Edad 17. Mahilig maglaro ng mga video game, gumawa ng cardboard armor, at makipaglaro sa tatlong pusa ng kanilang pamilya.

Sinisikap na maging mabait sa iba, kahit hindi laging mabait sa kanya ang mga tao.

binatang gumagawa ng armor

“May isang lalaki sa paaralan na may ilang problema sa kalusugan. Gayundin, hindi na ganoon kalinaw ang salamin niya sa mata, at minsan ay may nabubunggo siya. Isang araw ay natumba siya, at pinagtawanan siya ng mga tao. Hindi ako tumawa—pinuntahan ko siya at tinulungan ko siyang tumayo. Hindi nagtagal, tumigil siya sa pag-aaral. Nakita ko siya kalaunan sa kanyang birthday party, at naka-wheelchair siya. Sinikap kong tulungan siyang masiyahan sa kanyang party. Kaibigan ko siya.

binatilyong may helmet

“Nagkaroon din ako ng mga kaibigan ngayong taon sa FSY. Noong una, ayaw kong pumunta. Nakapunta na ako noon, at ayaw akong kasama ng ilang tao. Pero sa taong ito walang humatol sa akin—at kabaligtaran ang nangyari dahil pinasalamatan nila ako sa naranasan ko.”

Kilalanin si Isaac!

binatilyo

Edad 14. Mahilig maglaro ng video games, makipaglaro sa kanilang mga pusa, at mag-aral para maging veterinarian balang-araw.

Nagtitiwala si Isaac na tutulungan siya ng Tagapagligtas.

binatilyong nagbabasa ng mga banal na kasulatan

“Minsan, sa bahay ng lola ko ay pumasok ang kapatid at pinsan ko na may napakaliit na pusa na kulay orange. Nasugatan ito at hindi nagtiwala sa sinuman sa amin. Sa huli, nagtiwala ito sa akin. Inalagaan ko ito at pinakain. Nang oras na para umalis, hinayaan ako ng mga magulang ko na iuwi ito. Palagay ko tinulungan ako ng Espiritu Santo at ni Jesucristo.

binatilyong hinahaplos ang pusa

“Sa isa pang pagkakataon, parang mas mababa ako kaysa sa lahat. Binasa ko ang mga banal na kasulatan, at nadaanan ko ang Alma 7:11: ‘At siya ay hahayo, magdaranas ng lahat ng uri ng pasakit at hirap at tukso.’ Talagang dinanas ni Jesucristo ang lahat ng ating pasakit, at lagi Siyang nariyan para tulungan tayo, maging sa pinakamaliliit na bagay.”

Si Jesucristo Bilang Mabuting Pastol

Paglakad na Kasama ng Tagapagligtas

Sina Carlos, Set, at Isaac ay hindi lamang magkapatid—magkakaibigan sila. At ang bawat isa sa kanila ay nakaasa sa kanilang pinakadakilang Kaibigan at Tagapagligtas na si Jesucristo.

Isaac: “Alam ko na si Jesucristo ay buhay. Dinanas Niya ang lahat ng ating mga pasakit. Hindi palaging madali ang buhay, pero OK lang iyan. Makagagawa Siya ng mga himala.”

Set: “Dahil sa Kanya, ang ating buhay ay magagabayan tungo sa tamang lugar. Kung hahayaan nating gabayan Niya tayo, magiging maayos ang lahat.”

Carlos: “May kapangyarihan ang Ama sa Langit at si Jesucristo na tulungan tayo. Kung sinusunod natin Sila, tutulungan Nila tayo sa mga bagay na pinagdaraanan natin sa ating buhay.”